Ang Pinsalang Nagagawa ng Galit
Ang Pinsalang Nagagawa ng Galit
IKAW ba’y mahilig magalit, madaling magsiklab sa galit sa kaunting pampagalit? Kumukulo ba ang dugo mo at ikaw ba’y nananatiling galit sa loob ng ilang araw, nagkikimkim ng galit kailanma’t ikaw ay minamaliit? Kung gayon, malamang na higit pa ang ginagawa mo kaysa ilayo yaong mga nasa paligid mo; maaaring pinapatay mo ang iyong sarili dahil sa galit.
Talaga bang nakamamatay ang galit? Ayon sa isang report kamakailan buhat sa The New York Times News Service, hindi malayong mangyari. Halimbawa, iginigiit ng ulat na ang “matagal nang galit ay lubhang nakapipinsala sa katawan anupa’t ito’y karanggo ng, o nakahihigit pa nga, sa paninigarilyo, sobrang taba at ng regular na pagkain ng mga pagkaing mayaman sa taba ng hayop bilang isang mapanganib na salik sa maagang kamatayan.”
Bilang katibayan, binabanggit ng report ang ilang siyentipikong pag-aaral. Sa isang pag-aaral, ilang 25-anyos na mga mag-aaral sa unibersidad ay binigyan ng pagsubok sa personalidad upang sukatin ang antas ng galit na nadarama nila sa iba’t ibang kalagayan sa araw-araw. Sinuring muli ng mga mananaliksik ang mga estudyanteng ito pagkalipas ng 25 taon. Yaong mga hindi gaanong magagalitin ay kakaunti lamang ang namatay. Mga 4 na porsiyento lamang sa kanila ang namatay sa gulang na 50. Subalit karamihan ng mga magagalitin ay hindi nagtagal—20 porsiyento ang namatay! Nasumpungan ng isa pang pag-aaral na yaong magagaliting kabataan ay mayroong mas mataas na antas ng nakapipinsalang kolesterol sa dakong huli ng buhay, mas nanganganib na magkaroon ng sakit sa puso.
Kumusta naman yaong kumukulo ang dugo dahil sa kinikimkim na galit sa halip na humanap ng positibong mga paraan sa paglutas sa kanilang mga problema? Sinurbey ni Dr. Mara Julius, isang epidemiologo sa University of Michigan, ang isang grupo ng mga babae sa mahigit na 18-taon. Natuklasan niya na yaong nagpakita ng mga tanda ng matagal, kinimkim na galit ay tatlong ulit na mas marami ang namamatay kaysa roon sa hindi nagkikimkim ng gayong galit. Hinuha niya: “Para sa maraming babae, ang palaging pagkimkim ng galit ay waring nagiging mas malakas na salik ng maagang kamatayan kaysa paninigarilyo.”
Libu-libong taon bago ang anumang gayong siyentipikong pag-aaral, ang Bibliya ay nagbabala laban sa galit. “Huwag lubugan ng araw ang inyong galit,” sabi ng isang talata. (Efeso 4:26) “Maglikat ka ng pagkagalit at bayaan mo ang poot,” payo pa ng isa. (Awit 37:8) Kapansin-pansin pa nga, iniuugnay ng Bibliya ang ating emosyonal na kalagayan sa ating pisikal na kalusugan nang sabihin nito: “Ang pusong matiwasay ang buhay ng katawan.”—Kawikaan 14:30.
[Larawan sa pahina 14]
Nakikita ng may-ari ng punerarya ang isang galit na tao at may kagalakang inaasahan ang isang “parokyano”