Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Mas Maraming Sugapa sa Asia
Sa maraming bansa sa Asia, ang pagkasugapa sa heroin ay biglang dumami. Halimbawa, noong 1980, wala pang 50 kilalang sugapa sa heroin sa Sri Lanka. Ngayon mayroon nang halos 40,000. Sa gayunding haba ng panahon, ang bilang ng mga sugapa sa Pakistan ay tumaas tungo sa 1.8 milyon mula sa ilang libo lamang. Ang magasing Asiaweek ay nagsasabi na “hindi napahupa ng mas mahigpit na mga parusa ang daluyong ng kalakalan ng droga. Ang Sri Lanka ang may pinakamahigpit na parusa para sa pagtataglay ng ipinagbabawal na gamot: ang pagtataglay ng dalawang gramo ng heroin o cocaine ay nagdadala ng hatol na kamatayan o habang-buhay na pagkabilanggo.” Ang pinansiyal na pakinabang sa negosyo ng droga ay isang napakalakas na pangganyak sa mga magsasaka na lumipat mula sa pagtatanim ng ibang pananim tungo sa pagtatanim ng poppies na ginagawang heroin. Ganito ang sabi ni Dr. Ravi Pereira ng National Dangerous Drugs Control Board ng Colombo: “Kung walang asukal bukas—ano ngayon. Subalit kung walang heroin, magwawala ang mga tao. Magbabayad sila kahit magkano magkaroon lamang nito.”
Kolera sa Timog Amerika
Tinataya ng mga awtoridad ng kalusugan sa Peru na isang katamtamang dalawang libong tao ang nahawaan ng kolera araw-araw sa bansang iyon. Noong Marso 1991, iniulat ng Visión, isang magasin sa Latin-Amerika, na ang epidemya ng kolera sa Peru ay sumawi ng mga 200 katao at nakahawa sa mahigit na 40,000—lahat ay sa loob lamang ng dalawang-buwan. Sang-ayon sa Ministri ng Kalusugan ng Peru, ang bilang ng mga namatay ay maaaring mga sampung libo. Si Carlos Ferreira, presidente ng Epidemiology Society ng Argentina, ay nagsabi na ang bilang ng mga kaso sa Peru ay mas marami pa kaysa kabuuang bilang ng mga kasong iniulat sa buong daigdig noong 1990. Sa kalapit na mga bansa ng Bolivia, Brazil, Chile, Colombia, at Ecuador, at kahit na sa malayong hilaga na gaya ng Mexico, ang mga gobyerno ay nagsasaayos ng pangontrang mga hakbang laban sa sakit. Sabi pa ni Mr. Ferreira: “Ang kolera ay nasa Timog Amerika at ito’y mananatili rito sa loob ng matagal na panahon.”
Nalulugi ang Industriya ng Lobo
Ang panonood sa libu-libong matitingkad ang kulay na mga lobo na unti-unti tumataas sa himpapawid at naglalaho sa paningin ay maaaring maging isang nakasisiyang karanasan para sa marami, subalit isa ito na hindi na karaniwang makikita sa Estados Unidos. Simula nang masumpungan ang isang lobo sa tiyan ng isang patay na balyena na tinangay ng alon sa pampang sa New Jersey noong 1985 at isa pa ang nasumpungan sa isang patay na pagong sa dagat, maingay na hinihingi ng mga bata sa buong bansa na ipagbawal ang mga lobo, naniniwala silang libu-libong mga hayop ang napatay dahil sa pagkain ng ligaw na lobo. Ang mga mambabatas ay nakinig sa panawagan ng mga bata, at ipinagbawal na o hinigpitan ng ilang estado at ng mga lungsod ang mga pagpapalipad ng lobo. Samantalang ang sinasabing mga kamatayan ng mga hayop ay pinagtatalunan pa ng industriya ng lobo, ang mga nagtitinda ng lobo ay sinasabing nalulugi ng $6 milyon sa benta sa isang taon.
Kamatayan ng Dolphin
Ipinakikita ng isang pag-aaral kamakailan na “isang dumaraming bilang ng 65 uri ng cetaceans (mga mamal sa dagat) sa daigdig ay nanganganib na malipol,” sabi ng Perspectives, isang balita na inilathala ng International Institute for Environment and Development. Iginigiit ng mga mananaliksik na mahigit na 500,000 mga dolphin ang pinapatay taun-taon. Ayon sa Environmental Investigation Agency, na nagsagawa ng pag-aaral, ang pinakamasamang manlalabag ay ang Hapón, Mexico, Peru, Timog Korea, Sri Lanka, at Taiwan, “na ang Hapón ang may pinakamaraming napapatay na mahigit 100,000 cetacean taun-taon.” Ang pangunahing sanhi ng kamatayan ay ang mga lambat. Gayunman, ang mga dolphin ay “binabaril, sinasaksak, pinapana, kinakalawit, binibingwit, nilulunod, isinasadsad, kinukuryente, sinasalapang, binobomba at pinagpuputul-putol.”
Ipinagbawal ang mga Anunsiyo ng Sigarilyo
Iniiwasan ng mga kompaniya ng tabako sa Pransiya ang isang batas na laban sa mga anunsiyo ng sigarilyo sa paggamit ng kanilang mga tatak na pangalan at mga logo upang ianunsiyo ang mga produkto na hindi tabako. Walang pagbabagong iniuugnay ng mga anunsiyong iyon ang paninigarilyo sa mga tanawin na naglalarawan ng abentura, isports, at kasiyahan. Ang pamahalaang Pranses ay nagpasa ng isang bagong batas na magbabawal sa lahat ng anyo ng pag-aanunsiyo ng sigarilyo sa Enero 1, 1993. Ipagbabawal ng bagong batas ang lahat ng anyo ng di-tuwirang publisidad, gayundin ang pag-iisponsor sa mga laro sa isports ng mga kompaniya ng tabako. Sinisipi ng mga opisyal ng gobyerno ang
estadistika na nagpapakitang ang paninigarilyo ay nagiging dahilan ng mahigit na 60,000 maagang kamatayan taun-taon sa Pransiya. Sa buong daigdig, halos tatlong milyon katao ang namamatay sa bawat taon mula sa mga sakit na nauugnay sa paninigarilyo.AIDS sa Argentina
Sang-ayon sa pahayagang Clarín ng Argentina, sa bawat 500 katao sa Buenos Aires, may isa na nahawaan ng AIDS. Si Dr. Emilio Hass, presidente ng First Argentine Immunogenetics Center, ay nagsabi na sa “susunod na taon ang katumbasang ito ay darami tungo sa 4 na nahawaang mga indibiduwal sa bawat 1,000 mamamayan.” Isiniwalat ng isang pinagmumulan ng balita sa medisina na marami ang nagkakaloob ng kanilang dugo upang tumanggap ng isang libreng pagsubok sa dugo at malaman kung sila ba ay nahawaan ng AIDS o hindi. Isinusog pa ni Dr. Hass na sa isang malaking ospital sa Buenos Aires, 36,000 bag ng dugo ang sinubok, at isiniwalat na sa bawat 1,000 bag, 2 ang nahawaan ng virus ng AIDS. Iniulat ni Hass na ang bilang ng mga biktima ng AIDS sa Buenos Aires ay “dumudoble tuwing ika-13 buwan.”
Alkohol at Trabaho
Tinataya ng isang nangungunang unyon ng mga manggagawa sa Alemanya na “isa sa pitong empleado sa Pederal na Republika ay may problema sa alkohol,” ulat ng Süddeutsche Zeitung. Ito’y nagkakahalaga sa lipunang Aleman sa pagitan ng 50 bilyon at 120 bilyong marks ng Aleman sa bawat taon. Sa katamtaman, ang mga Aleman ay apat na beses na mas maraming ininom na inuming nakalalasing noong 1990 kaysa noong 1950. Isang miyembro ng lupon ng unyon ng manggagawa ay nagsabi na ang alkohol ay naging parang droga “na nagpapangyari sa mga tao na walang pakiramdam upang makayanan ang kanilang trabaho at ang kapaligiran sa trabaho.”
Ano ba ang Genesis?
Isang relihiyosong babasahin ay nagsagawa ng isang surbey sa gitna ng tinedyer na mga estudyanteng Italyano. Ang mga resulta ay “nakahihiya,” sabi ng pahayagang Italyano na La Repubblica. Isiniwalat ng surbey na 56 sa 100 estudyante ay hindi man lamang nakabasa ng isang talata sa Kasulatan mula noong una nilang Komunyon. Gayundin, 83.4 porsiyento ng mga estudyante ang hindi “maipaliwanag ang kaibhan sa pagitan ng matanda at bagong tipan,” at inamin ng 75 porsiyento na wala man lamang silang Bibliya sa kanilang tahanan. Ayon sa La Repubblica, nakilala ng 36 sa 100 estudyante ang salitang “Genesis” bilang pangalan ng isang pangkat ng rock na Ingles subalit hindi bilang ang kauna-unahang aklat ng Bibliya.
Mga Baril na Walang Silbi
Dahil sa patuloy na banta ng krimen, marami sa Roma ay bumabaling sa iba’t ibang paraan ng pagtatanggol-sa-sarili. Sang-ayon sa La Repubblica, ang mga tao ay gumagamit ng sinanay na mga asong sumasalakay, martial arts, kemikal na mga isprey, balisong, pana, at mga baston na espada upang salantain ang mga sumasalakay. Mahigit na 15,000 katao, mga lalaki at babae, ang humingi ng pahintulot sa pulisya na magdala ng mga sandata. Binanggit ng La Repubblica na sang-ayon kay Gianfranco Rodolico, delegado ng Roma sa Italian Union of Marksmen (samahan ng Italyanong mga mamamaril), walang silbi para sa karaniwang tao na magdala ng baril. Sabi niya: “Hindi ka maaaring maglakad sa tuwina na may hawak na baril. Kung may sasalakay sa akin, tiyak kong hindi ko ito mabubunot.”
Mga Taong Kumakain ng Pating
Ang mga pating ay nanganganib, lalo na sa mga baybayin ng Australia, Hapón, Timog Aprika, at Estados Unidos. Ang bilang ng mga pating sa mga dakong ito ay umuunti dahil sa popularidad ng karne ng pating sa mga hapag kainan. Ayon sa magasing Time, ang komersiyal na panghuhuli ng pating sa E.U. ay tumalon mula sa wala pang 500 tonelada noong 1980 tungo sa 7,144 tonelada noong 1989.” Ang palikpik ng pating ay ginagamit sa sopas na itinuturing na isang napakasarap na pagkain sa Asia. Ang ilang restauran ay sumisingil ng hanggang $50 (U.S.) para sa isang tasa ng malapot na sopas. Binabanggit ng Time na sa pagkuha ng mga palikpik, “malupit na hinuhuli ng mga mangingisda ang mga pating, inaalis ang mga palikpik nito at inihahagis ang pininsalang nilalang sa karagatan upang mamatay.”
“Ang Bagà ng Sangkatauhan”
Isang bagong internasyonal na organisasyong kilala bilang Parlamento Amazónico ang itinatag kamakailan sa Timog Amerika. Ang mga miyembro ay mga opisyal ng gobyerno at mga siyentipiko buhat sa Bolivia, Brazil, Colombia, Ecuador, Guyana, Peru, Suriname, at Venezuela. Ang layunin ng organisasyong ito ay himukin ang higit pang pagpapaunlad sa rehiyon ng Amazon, na sumasaklaw ng mga 7,000,000 kilometro kudrado at siyang tahanan ng mahigit na 150 milyong katao sa walong bansa. Iniulat ng pahayagan sa Argentina na La Nación na binanggit ng Parlamento Amazónico ang rehiyon ng Amazon bilang “ang bagà ng sangkatauhan.” Tungkol sa 400,00 kilometro kudrado ng kagubatan na nawasak nitong nakalipas na mga taon, binanggit ng mga tagapagsalita para sa organisasyon na “bagaman ito ay isang mahusay na negosyo, ang pera ay magiging walang silbi kung ang planeta ay hindi na matirhan ng tao, na maaaring mangyari sa malapit na hinaharap kung ang pagkawasak na ito ay hindi mapahinto.”