Kapag Labis Na ang Abubot
Kapag Labis Na ang Abubot
TINGNAN mo ang paligid ng iyong bahay. Ito ba’y punô ng mga abubot? Mahihiya ka ba kung sisilipin ng isang kaibigan ang loob ng iyong closet? Nahihirapan ka bang hanapin ang isang bagay dahil sa ito’y natabunan ng isang tambak na natipong mga bagay-bagay? Kung gayon, hindi ka nag-iisa.
“Ako man ay ‘palatago,’” sabi ni Ralph. Susog pa ni Leon: “Natatambakan ako ng mga damit, diaryo, aklat na natipon ko sa loob ng mahigit 15 taon.” “Ang pag-iisip lamang tungkol sa paglilinis nito ay nakakapagod na bago ko pa man simulan ito,” hinagpis ng isa pang biktima ng mga abubot.
Ang ibang mga bata ay lumalaki sa isang kapaligiran ng mga abubot. Sabi ng isang taong lumaki sa gayong kapaligiran: “Kung natatandaan ko pa, lagi kong binabalaan ang mga tao kung ano ang aasahan sa unang pagkakataon na magpunta sila sa aming bahay. Sinasabi ko sa kanila na ayos lang na ilipat nila ang ilang bagay upang mayroon silang maupuan.” Kahit na ang mga adulto ay maaaring mag-alinlangang anyayahan ang sinuman na hindi miyembro ng pamilya na dumalaw sapagkat ang bahay ay hindi presentable.
Kadalasan ay hindi natatalos ng mga tao kung gaano karami na ang naipon nilang abubot hanggang sa sila ay maglipát. Kung ang isa ay walang regular na programa ng pagsupil sa mga abubot, ang paglipat ay mas kumukunsumo ng panahon—at magastos.
Subalit para sa marami, ang pagliligpit ng mga abubot ay higit pa sa basta pagtatapon ng mga bagay. Dapat munang mapagtagumpayan ang ilang balakid.
Bakit Hindi Nila Basta Itapon Ito?
Sa loob ng ilang panahon, ipinalagay ng sikologong si Lynda W. Warren at ng clinical social worker na si Jonnae C. Ostrom na ang lahat ng mapag-ipon ng mga abubot ay matatandang tao, na nakaligtas sa Depresyon (matinding kalagayan ng ekonomiya) noong 1930’s. Akala nila, ang pagtitinggal ay “isang pambihira at hindi nakapipinsalang kakatuwaan.” Gayunman, pagkatapos pag-aralan ang bagay na ito, sila’y nag-ulat: “Nagulat kami na matuklasan ang isang mas batang salinlahi ng mga ‘pack rat,’ na ipinanganak mga ilang taon pagkatapos ng 1930’s. . . . Naniniwala kami ngayon na ang gayong gawi ay karaniwan at na, lalo na kung sukdulan, ito ay maaaring lumikha ng mga problema para sa mga ‘pack rat’ o sa mga malapit sa kanila.” a
Ano ang sukdulang resulta nito? “Nakita ni Ostrom ang paghihiwalay ng mga mag-asawa dahil sa mga kalat,” ulat ng magasing Health. Ang ibang tao ay bumabaling sa propesyonal na mga tagapayo upang humingi ng tulong. Sa katunayan, tinatawag ng magasing Health ang pagpapayo may kaugnayan sa personal na pag-oorganisa ng mga bagay na “isang lumalakas na negosyo kung saan ang mga gumagawa nito ay maaaring sumingil ng hanggang $1,000 [U.S.] isang araw upang gawin kung ano ang laging iniuutos sa atin ng ating mga nanay na gawin natin: linisin ang ating mga silid.”
Malamang na hindi naman gayon kagrabe ang problema mo sa mga abubot. Gayunman, baka nahihirapan kang pagtagumpayan ang sumusunod na apat na sagabal na nasa pagitan ng mga bagay na pinag-uusapan at ng basurahan:
◻ Posibleng gamit sa hinaharap. (“Mas mabuting itago ito kaysa magsisi sa dakong huli.”)
◻ Sentimental na damdamin. (“Bigay ito sa akin ni tiya Mary.”)
◻ Potensiyal na halaga. (“Maaaring magmahal ito balang araw.”)
◻ Walang sira o pinsala. (“Mapakikinabangan pa ito.”)
Ang resulta? Sabi ng Psychology Today: “Ang mga abubot ay patuloy na dumarami, gayundin ang problemang ginagawa nito.”
Kaya paano mo masusugpo ang pagtambak ng mga abubot?
Kung Saan Magsisimula
Nang tanungin kung ano ang madarama niya sakaling isang bagyo ang humampas at wasakin ang lahat maliban sa ilang pag-aari, sabi ng isang babae: “Ang madarama ko ay ginhawa—mawawala na ang kalat nang hindi na ako mababalisa sa pagbubukod sa mga bagay na itatapon at iingatan.” Ipinakikita lamang nito na ang pagbubukod at pagtatapon ay maaaring maging isang hamon.
“Ang mga mahilig magtinggal ay may dalawang problema,” sabi ng konsultant na si Daralee Schulman. “Ang abubot na nasa loob na ng bahay at ang mga abubot na darating pa.” Sa halip na maglinis, iminumungkahi niya ang paggugol ng mga 15 minuto isang araw sa pag-aayos ng isang lugar sa isang panahon. Ito ang mas mabisang paraan ng pakikitungo sa mga abubot sa loob ng bahay. Ngunit kumusta naman “ang mga abubot na darating pa”?
Bago bumili ng anumang bagay para sa iyong bahay, tanungin ang iyong sarili: ‘Talaga bang kailangan ko ito? Saan ko ilalagay ito? Gagamitin ko ba ito?’ Sinasabi ni Daralee Schulman na sa pagtatanong ng mga katanungang iyon, “75 porsiyento ng mga bagay na dadalhin mo sa bahay, ay hindi mo na dadalhin.”
Sa punong tanggapan at sa mga sangay ng Samahang Watch Tower, ang mga nakatira ay inaasahang iingatang walang mga abubot ang kanilang mga kuwarto at tatakdaan ang bilang ng mga palamuti sa bawat muwebles o istante sa dalawa o tatlong piraso. Pinadadali nito ang paglilinis at mas kaaya-aya sa paningin. Ang mga papel, magasin,
aklat, bag, mga instrumento sa musika, gamit sa isports, damit, pinggan, at iba pang bagay ay hindi basta iiwang nakakalat. Sa katunayan, dapat ay walang anumang maiiwan sa sahig maliban sa muwebles. Tiyak na ito ay isang huwaran para sa sinuman na nagnanais magkaroon ng kapaligirang walang kalat.Wala sa Paningin—At nasa Loob ng Closet
“Kapag ako’y napabatiran ng isang araw, aayusin ko ang aking apartment,” sabi ni Joan, “ngunit ang mga closet ay laging napakagulo.” Ginagamit ng iba ang closet bilang tapunan ng mga bagay na nais nilang iligpit, basta inililipat ang abubot sa isang lugar na hindi makikita. Ang problema ay lalo lamang lumalala habang parami nang parami ang inilalagay sa isang lugar na hindi nagbabago ang laki.
Ang closet mo ba ay kailangang bawasan ng mga abubot? Ang magasing Good Housekeeping ay nagmumungkahi: “Ang mga sistema ng pag-aayos ng closet ay makukuha sa iba’t ibang materyales at mga aksesorya na maiaangkop sa anumang lugar. Gamitin ang isa upang malutas mo ang problema ng imbakan sa inyong bahay.” Kaya huwag mong gawing taguan ng mga kalat ang iyong closet. Panatilihin mo itong walang kalat at maayos.
Isang Timbang na Pangmalas ng mga Pag-aari
“Ang mga pag-aari ko ay isang larawan ko, bahagi ito ng kung sino ako,” sabi ng isang babae. “Ang alahas ko ay isang kaaliwan sa akin,” susog pa ng isa. “Mahilig ako sa mga singsing at mga kuwintas.” Gayunman isang babae naman ang mataray na nagsasabi: “Ako ito—ito ang pagkatao ko at hindi mo itatapon ito!”
Kabaligtaran nito, sinabi ni Jesus: “Ang buhay ng tao ay hindi natatamo ng mga bagay na tinatangkilik niya, kahit na mayroon siya ng higit kaysa kinakailangan niya.”—Lucas 12:15, The Jerusalem Bible.
Kaya hinihimok ng Bibliya ang timbang na pangmalas sa mga pag-aari. Itinataguyod din nito ang kaayusan, ginagawa itong isang kahilingan para sa mga naglilingkod bilang hinirang na matatanda sa kongregasyon.—1 Timoteo 3:2.
Bakit hindi simulang ikapit ang ilan sa nabanggit na mga mungkahi sa isang lugar sa inyong bahay na punô ng mga abubot? Sa pamamagitan ng araw-araw na pagsisikap at isang timbang na pangmalas ng iyong mga pag-aari, ang mga abubot ay maaaring masupil.
[Mga talababa]
a Ang isang “pack rat” ay isang tao na ipon nang ipon ng di kinakailangang mga bagay. Ipinangalan sa kaniya ang isang daga na mabalahibo ang buntot (kilala rin bilang dagang kahoy) na may malalaking pisngi kung saan itinitinggal niya ang pagkain at iba pang bagay. Samantalang ang isang kolektor ay nagdadalubhasa sa isa o ilang organisadong kategorya ng mga bagay, ang isang pack rat ay magtitinggal ng lahat ng klaseng bagay ngunit bihira namang gamitin ito.
[Kahon/Larawan sa pahina 22, 23]
Pagbubukod at Pagtatapon
Ang sumusunod ay ilang nakatutulong na mga mungkahi tungkol sa espisipikong mga bagay na madaling maging abubot sa inyong bahay kung hindi ka maingat.
Babasahin: Nahihirapan ka bang itapon ang mga lumang magasin o diaryo? Nakatatawag-pansin ba sa iyo ang isang titulo, anupa’t nasasabi mo tuloy sa iyong sarili: ‘Babasahin ko ito balang araw’? Sa halip na itago ang buong magasin o diaryo, gupitin mo ang artikulo na mukhang kawili-wili at ilagay ito sa isang “Babasahin” na folder. Kung ito ay hindi mababasa sa loob ng makatuwirang haba ng panahon—marahil mga ilang linggo—itapon mo ito.
Pananamit: Ang iyo bang mga damit ay parami nang parami sa bawat taon, gayunma’y hindi mo naman isinusuot ang kalahati ng mga damit mo? Sabi ng iba: “Babagay ito sa akin—pagka nabawasan ako ng sampung libra.” Ito ang nagpapangyari sa iyo na ingatan ang anumang bagay at lahat ng bagay sa loob ng closet. Upang maiwasan ang mga abubot na damit na iyon, kung ito’y hindi isinusuot sa loob ng isang taon, ilagay mo ito sa isang “Di-mapagpasiyang” kahon. Pagkatapos, kung hindi pa rin ito maisuot pagkatapos ng maikling panahon, ipamigay mo ito o itapon ito.
Sulat: Itapon ang mga sulat sa bawat araw. Ang personal na mga sulat at iba pang sulat na nais mong itago ay dapat na isalansan sa isang espisipikong lugar. Maaari kang kumuha ng isang folder para sa salansan mo sa bawat buwan at itapon ang mga laman nito pagkalipas ng isang taon upang magkaroon ng lugar ang bagong mga sulat sa buwan na iyon. Ang simulain ay, isalansan, huwag italaksan. Kung ikaw ay tumanggap ng maraming sulat na mga anunsiyo, magpasiya agad kung kakailanganin mo ito. Kung hindi, itapon ito. Kung hindi ka pa makapagpasiya, ilagay mo ito sa isang “Di-mapagpasiyahan” na kahon sa loob ng isang linggo. Kung hindi mo pa mapagpasiyahan, itapon ito.