Kumpil—Isa ba Itong Kahilingang Kristiyano?
Ang Pangmalas ng Bibliya
Kumpil—Isa ba Itong Kahilingang Kristiyano?
“Ang kumpil ang sakramento na nagkakaloob sa nabautismuhang Kristiyano ng ganap na kasakdalan sa buhay Kristiyano, ginagawa siyang espirituwal na tao, isang sundalo, at isang saksi ni Kristo.”—The Catholic Encyclopedia for School and Home.
TINATANGGIHAN ng karamihan ng mga Protestante ang ideya na ang kumpil ay isang sakramento. Gayunman, ang ika-13 siglong teologong Katoliko na si Thomas Aquinas ay sumulat na “ang kumpil ay pangwakas na pagsasakdal sa sakramento ng bautismo.” Sa paano man, ang mga tanong ay bumabangon: Isinagawa ba ng sinaunang mga Kristiyano ang kumpil? Ang seremonya bang iyon ay isang kahilingang Kristiyano sa ngayon?
“Ganap na walang ipinakikita ang Ebanghelyo na si Jesus Mismo ang nagtatag ng Sakramento ng Kumpil,” sabi ng New Catholic Encyclopedia. Kaya bakit itinaguyod ng mga guro ng simbahan nang maglaon ang ideya na kasunod ng bautismo, ang ikalawang seremonya, na maaaring kabilang ang paghirang sa pamamagitan ng langis at ang pagpapatong ng kamay, ay kinakailangan upang gawin ang tao na isang ganap na miyembro ng simbahan?
Paano Nagsimula ang Kumpil?
Ang binyag o bautismo ng mga sanggol ang isa sa pangunahing salik na umakay sa pangangailangan ng isa pang sakramento. “Natatalos ang mga problemang dala ng pagbabautismo sa mga sanggol,” sabi ng aklat na Christianity, “ipinagunita ng mga simbahan . . . sa mga nabautismuhan kung ano ang kahulugan nito sa ‘pagkukumpil’ sa kanila sa dakong huli ng buhay.” Talaga bang ipinagugunita sa kanila ng kumpil ang kahulugan ng bautismo, o pinalalabo ba nito ang katotohanan tungkol sa bautismo?
Ang totoo ay na ang bautismo sa sanggol ay hindi itinataguyod sa Kasulatan. Ang pagwiwisik ng tubig sa isang sanggol, halimbawa, ay hindi nagpapalaya sa sanggol mula sa orihinal na kasalanan; tanging ang pananampalataya sa haing pantubos ni Kristo Jesus ang makagagawa niyan. (Juan 3:16, 36; 1 Juan 1:7) Ang bautismo sa tubig ay isang panlabas na sagisag na ang isa na binabautismuhan ay nakagawa na ng ganap na pag-aalay sa pamamagitan ni Jesus na gawin ang kalooban ng Diyos na Jehova. Ang bautismo sa tubig ay para sa mga alagad—‘mga mananampalataya’—hindi para sa mga sanggol.—Mateo 28:19, 20; Gawa 8:12.
“Saan nagtatapos ang Bautismo at saan naman nagsisimula ang Kumpil?” tanong ng New Catholic Encyclopedia. Sagot nito: “Marahil ay hindi natin dapat sikaping makilala nang husto, sapagkat tayo’y nakikitungo saGawa 2:41, 42.
iisang seremonya sa sinaunang Simbahan.” Oo, noong unang siglo, ang “iisang seremonya” na gumagawa sa isa na maging miyembro ng kongregasyong Kristiyano ay ang bautismo.—Ang seremonya ba ng kumpil, kasama ang seremonya nito na pagpapatong ng kamay, ay kailangan bago ang isa ay tumanggap ng banal na espiritu? Hindi. Sa sinaunang kongregasyong Kristiyano, ang pagpapatong ng kamay kasunod ng bautismo ay karaniwan nang upang gumawa ng pantanging mga paghirang o magbigay ng makahimalang mga kaloob ng espiritu. Ang mga kaloob na ito ay lumipas din sa pagkamatay ng mga apostol. (1 Corinto 13:1, 8-10) At ang pagpapatong ng kamay ay kadalasang iniuugnay, hindi sa bautismo sa tubig, kundi sa espisipikong atas na gagawin may kaugnayan sa Kristiyanong misyonerong gawain. (Gawa 6:1-6; 13:1-3) Kaya, ang ideya na ipinagpapatuloy ng kumpil ang apostolikong pagpapatong ng kamay at ito ay, gaya ng sinasabi ng Basics of the Faith: A Catholic Catechism, isang “sakramento na bumabago sa isang tao sa lubusang paraan anupa’t ito ay maaari lamang tanggapin minsan,” ay napatunayang hindi totoo sa ilalim ng masusing pagsusuri.
Ang apostol Pablo ay nagbabala tungkol sa paglihis sa pangunahing katotohanan sa Bibliya: “Darating ang panahon, na hindi sila masisiyahan sa magaling na aral, ang mga tao ay magiging masugid sa pinakabagong bagay . . . at pagkatapos, sa halip na makinig sa katotohanan, sila ay babaling sa mga katha.” (2 Timoteo 4:3, 4, The Jerusalem Bible) Gayunman, yaong naniniwala sa seremonya ng kumpil ay bumabanggit ng dalawang halimbawa sa Kasulatan bilang patotoo.
Isang Saligan sa Kasulatan?
Ang ulat na masusumpungan sa Gawa 8:14-17 ay kadalasang ginagamit bilang isang saligan para sa kumpil. Gayunman, ang pagpapatong na ito ng mga kamay upang tumanggap ng banal na espiritu ay isang natatanging okasyon. Bakit gayon? Ang mga Samaritano ay hindi mga proselitang Judio. Kaya, sila ang naging kauna-unahang di-Israelita na naparagdag sa kongregasyong Kristiyano. Nang ang alagad na si Felipe ay mangaral sa Samaria, maraming Samaritano ang “nagpabautismo, mga lalaki at mga babae,” subalit hindi sila agad tumanggap ng banal na espiritu. (Gawa 8:12) Bakit?
Tandaan, kay Pedro ipinagkatiwala ni Kristo Jesus “ang mga susi ng kaharian”—ang pribilehiyo na unang iharap ang pagkakataon para sa pagpasok sa “kaharian ng mga langit” para sa iba’t ibang grupo ng mga kumberte. (Mateo 16:19) Kaya noon lamang sina Pedro at Juan ay magtungo sa Samaria at ipatong ang kanilang mga kamay sa unang di-Judiong mga alagad na ito na ang banal na espiritu ay ibinuhos sa kanila bilang katibayan ng kanilang pagiging hinaharap na mga miyembro sa “kaharian ng mga langit.”
Nakikita ng iba sa Gawa 19:1-6 ang katibayan na ang sinaunang mga Kristiyano ay may ibang seremonya kasunod ng bautismo. Gayunman, sa kasong ito, maliwanag na ang dahilan kung bakit pinigil ang banal na espiritu sa ilang alagad sa lungsod ng Efeso ay dahilan sa ang mga bagong mananampalatayang ito ay nabautismuhan “sa bautismo ni Juan,” na wala nang bisa. (Tingnan din ang Gawa 18:24-26.) Nang ito’y ipaliwanag sa kanila, agad silang “nagpabautismo sa pangalan ng Panginoong Jesus.” At sa pagkakataong ito, “ipinatong [ni apostol Pablo] ang kaniyang mga kamay sa kanila” upang sila’y tumanggap ng ilang makahimalang mga kaloob ng banal na espiritu ng Diyos bukod pa sa pagiging espirituwal na mga anak ng Diyos.—Roma 8:15, 16.
Tungkol sa mga ulat na ito, ang New Dictionary of Theology ay nagsasabi: “Walang tuwirang patuloy ng pagsasagawa nito ang matutunton sa mga pangyayaring ito, at, kahit na kung ito ay nagbibigay ng ilang pamarisan, hindi matiyak kung baga ito ay dapat malasin bilang pamantayan para sa pagsisimula ng Kristiyano na gaya ng bautismo sa tubig. . . . Maraming halimbawa sa Ang mga Gawa ng mga Apostol tungkol sa paggamit ng bautismo sa tubig nang walang kasunod na pagpapatong ng mga kamay (kaya ang mga halimbawang ito ay lumilitaw na mga eksepsiyon).” Oo, may di-karaniwang mga kilos upang matugunan ang di-karaniwang mga kalagayan.
“Ang seremonyang tinatawag na ‘kumpil,’” hinuha ng New Dictionary of Theology, “ay naging isang ‘seremonya sa paghahanap ng isang teolohiya.’” Ito, sa katunayan, ay hindi maka-Kasulatang seremonya, bunga ng maling mga turo, at tiyak na hindi isang kahilingan para sa mga Kristiyano.