Mas Mahalaga Kaysa Salapi
Mas Mahalaga Kaysa Salapi
“Ang ating sistema ng pangganyak hanggang sa ngayon ay halos lubusang nasasalig sa mga gantimpalang salapi.”—Psychology Today.
SINA Nancy at Howard ay maraming plano pagkatapos nilang makasal noong 1989. Nais nila ng isang bahay, magkaroon ng anak, bagong mga kotse, at isang eksotikong bakasyon. Mayroon silang kita upang makayanan ito. Subalit walang anu-ano sila kapuwa ay nawalan ng trabaho. Ang perang naipon nila para sa ihuhulog sa bahay ay kailangang gamitin para sa upa.
Nininerbiyos sa hinaharap, kailangang ipagpaliban nila ang lahat ng kanilang plano—pati na ang pagsisimula ng isang pamilya. “Limang taon mula ngayon,” sabi ni Nancy, “sa palagay ko’y hindi pa rin kami makababalik sa dati naming kalagayan. Wala nang lahat iyon, at hindi ko alam kung babalik pa ito.”
Anong inam na inilalarawan nito ang mapangwasak na epekto ng pagkawala ng trabaho! Subalit inilalantad din nito ang guniguning kapangyarihan ng salapi. Kung ano ang narito ngayon ay maaaring mawala bukas. Gaya ng makatotohanang babalaKawikaan 23:5, Today’s English Version.
ng Bibliya: “Ang iyong salapi ay maaaring mawala sa isang saglit, parang nagkapakpak at lumipad na gaya ng isang agila.”—Ang pagtanggap sa pansamantalang katangian ng salapi ay mas madaling sabihin kaysa gawin. “Ang salapi ang pansansinukob na panukat,” sabi ng Psychology Today tungkol sa karaniwang mga saloobin sa salapi. “Sinusukat natin ang mga bagay sa pamamagitan ng salapi, kadalasang tinutuos pa nga sa isipan kaysa nota.” Ang labis-labis na paghahangad sa salapi ay humantong pa nga sa talamak na pagkabalisa, panlulumo, at iba pang karamdaman na nakatatawang isinama sa ilalim ng pangalang sakit ng mayaman.
Ang Kahalagahan ng Karunungan
Subalit mayroon pang mas mahalaga kaysa salapi. Ipinakikilala ito ng Bibliya sa Eclesiastes 7:12: “Ang karunungan ay pananggalang na gaya ng salapi na pananggalang.” Pagkatapos ay idinagdag pa ng talata ang katotohanan tungkol sa karunungan na ipinakikitang ito’y nakahihigit sa salapi: “Iniingatan ng karunungan ang buhay ng mga nagtataglay niyaon.”
Kasali sa karunungan ang kakayahang magsagawa ng matinong pagpapasiya kapag napaharap sa humahamong mga kalagayan. Kapag tayo ay napaharap sa pagkawala ng trabaho, dapat sabihin sa atin ng matinong pagpapasiya na ang tunay na halaga ng buhay ay hindi nasusukat sa piso at sentimos. Ang matinong pagpapasiya ay tutulong din sa atin na panatilihing nasa wastong ayos ang ating mga prayoridad, binibigyan ito ng tamang pansin.
Ano ang Iyong mga Prayoridad?
Ano ang inuuna mo sa buhay? Ang iyo bang trabaho ay mas mahalaga kaysa iyong pag-aasawa? Ang iyo bang tahanan ay mas mahalaga kaysa iyong mga anak? Ang salapi ba ang mas mahalaga kaysa iyong kalusugan? Araw-araw tayo’y gumagawa ng mga pasiya salig sa ating sistema ng pangganyak, sa ating mga prayoridad. Kapag napaharap sa mga suliranin sa pananalapi, ang mga prayoridad na iyon ang magdidikta sa ating landas ng pagkilos. Saan nakasentro ang iyong mga prayoridad?
Sabi ni Jesu-Kristo: “Maligaya yaong palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Pansinin na ipinakita ni Jesus na ang espirituwalidad ay isang pangangailangan, isang prayoridad, hindi lamang isang katangian na dapat hangarin kapag ang lahat ng iba pang bagay sa buhay ng isa ay matatag na.
Isang hamon na unahin ang espirituwal na pangangailangan samantalang nasa ilalim ng panggigipit na paglaanan ang materyal na pangangailangan ng pamilya. Gayunman, yaong gumagawa ng gayon, gaya ng sabi ni Jesus, ay maligaya. Bagaman nababahala kung paano pagkakasiyahin ang kinikita, sila ay malaya sa “katakut-takot na hirap ng isipan” na nararanasan ng isa kapag inuuna ang salapi. (1 Timoteo 6:10, Phillips) Sila rin ay nakasusumpong ng kaaliwan sa mga salita ni David na nakaulat sa Awit 37:25: “Ako’y naging bata, at ngayo’y matanda na, gayunma’y hindi ko nakitang pinabayaan ang sinumang matuwid, ni ang kaniyang supling man ay nagpapalimos ng tinapay.”
Sapatan ang Iyong Espirituwal na Pangangailangan
Likas sa tao ang espirituwal na pangangailangan. Siya’y nangangailangan ng higit pa kaysa pagkain, pananamit, at tirahan. Ang espirituwalidad ay nakahihigit pa, sinasagot ang mga tanong na gaya ng, ‘Bakit ako naririto?’ at, ‘Saan patungo ang daigdig na ito—at ang aking buhay?’
Ang pagkatakot sa isang “apocalipsis ng ekonomiya” ay nag-udyok sa marami na makilala ang kanilang espirituwal na pangangailangan. Ang Newsweek ay nag-uulat: “Ang benta ng mga aklat tungkol sa mga hula—yaong nagbibigay-kahulugan sa kasalukuyang mga pangyayari bilang mga tanda ng katapusan ng sanlibutan ayon sa Bibliya—ay umabot sa 50 hanggang 70 porsiyento kaysa nakaraang taon.” Gayunman, upang masapatan ang espirituwal na pangangailangang iyon, dapat hanapin ng isa ang tumpak na kaalaman, hindi ang basta kuru-kuro ng tao.
Inaanyayahan ka naming suriin ang Salita ng Diyos, ang Banal na Bibliya. Ito’y naglalaman ng praktikal na karunungan upang tulungan kang mapagtagumpayan ang mga kabalisahan sa buhay. Higit pa riyan, ang Bibliya ay maaaring magbigay sa iyo ng tumpak na kaalaman tungkol sa kahulugan ng “mapanganib na panahong mahirap pakitunguhan” sa ngayon. (2 Timoteo 3:1) Sa pagsulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito, maaaring isaayos ang isang libreng pag-aaral sa Bibliya. Ngayon higit kailanman ang panahon upang hanapin ang praktikal na karunungan sa kasalukuyan—at tumpak na kaalaman sa hinaharap—mula sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.
[Larawan sa pahina 9]
Ang espirituwal na mga pamantayan ay dapat mahalagahin