“Mga Sakit na Kaugnay ng Pagkain”—Tugon ng Aming mga Mambabasa
“Mga Sakit na Kaugnay ng Pagkain”—Tugon ng Aming mga Mambabasa
ANG mga artikulo sa Gumising! sa paksang “Mga Sakit na Kaugnay ng Pagkain—Ano ang Maaaring Gawin?” (Disyembre 22, 1990) ay tinugon ng napakaraming sulat. Ang mga mambabasa mula sa palibot ng daigdig ay sumulat upang pasalamatan kami sa pagsaklaw sa sensitibo at kadalasa’y masakit na paksa. Ang mga artikulo ay nakaantig sa marami na malaon nang nagpupunyagi sa mga sakit na kaugnay ng pagkain.
Halimbawa, isang babae ang sumulat: “Mahal na Ginoo o Ginang: Ang Watchtower Bible and Tract Society ay karapat-dapat sa papuri para sa mga artikulo nito tungkol sa mga sakit na kaugnay ng pagkain. Narikonosi na may anorexia sa gulang na 9, ako’y nakipagpunyagi rito sa loob ng 34 na taon. Palibhasa’y nabasa ko na ang halos lahat ng makukuhang literatura tungkol sa mga sakit na kaugnay ng pagkain at nalantad sa iba’t ibang terapi, totoong masasabi ko na ang paglalahad sa Gumising! ang pinakamahusay na nabasa ko. Walang literatura o sinumang tagapayo ang nagharap ng espirituwal na pangmalas na malawak ang saklaw na gaya ng artikulo sa Gumising! Sa unang pagkakataon, minamalas ko ang anorexia na gaya ng pangmalas dito ng Diyos.”
Ikinakapit na ng marami ang payo ng artikulo. Isang babae ang sumulat: “Nang mabasa ko ang artikulong, ‘Sino ang Nagkakaroon ng mga Sakit na Kaugnay ng Pagkain?’ ako’y nagtakang mabasa ang paglalarawan ng aking katangian. Ang bawat puntong binanggit sa artikulong ‘Pagtatagumpay sa Labanan!’ ay nakatulong nang husto sa akin. Naituwid ko ang aking mga palagay. Nakagiginhawang malaman na ang iba, kahit na mga Kristiyano, ay may ganito ring problema. Akala ko ako lamang ang may ganitong problema.”
Isang 25-anyos na babae ang sumulat: “Ako’y pinahihirapan ng bulimia mula noong ako’y 13 anyos. Ginugol ko ang buong taon ng 1989 at ilang bahagi ng ’88 sa matindi, nakapanlulupaypay na panlulumo. Makalawang binalak ko pa ngang magpakamatay. Talagang maitutulad ko ang aking sarili sa nakaaantig-damdaming mga artikulong ito at ikinakapit ko na ang ilang mungkahi at mahusay na payo. Ang mga artikulo ay nagbigay sa akin ng higit na pansin at patnubay. Tiyak na isa itong labas na talagang PAKAIINGATAN ko at madalas na sasangguniin!”
“Paulit-ulit kong binabasa ang magasin,” sulat ng isang dalaga na sampung taon nang nakikipaglaban sa mga sakit na kaugnay ng pagkain. “Ngayon ko pa lamang inamin na mayroon akong problema. Ang malaman na nais ni Jehovang tumulong at hindi siya nasisiraan ng loob kung tayo ay bumabalik sa dati ay isang malaking kaaliwan.”
“Para bang binabasa ko ang akin mismong mga damdamin!” sulat ng isang dalagita. “Ang artikulong ito ay nakatulong sa akin na magtapat at makipag-usap sa aking nanay, at ngayon mas kaya ko nang pangasiwaan ang aking mga damdamin tungkol sa aking sarili.” Isang 16-anyos na babae ang sumulat: “Ako’y gumagaling buhat sa sakit na anorexia nervosa. Ako’y nananalangin kay Jehova na sana’y may makaunawa sa aking karamdaman. Ipinakita sa akin ng Gumising! na matutulungan ako ng mga taong nasa paligid ko. Nariyan ang pamilya ko, ang maraming Saksi ni Jehova na mga kaibigan ko, at lalo na si Jehova. Harinawang ang labas na Disyembre 22 ng Gumising! ay makatulong sa iba kung paanong nakatulong ito sa akin at sa aking pamilya.”
Isang 20-anyos na babae na nasa buong-panahong ministeryo ay sumulat: “Sa loob ng mahabang
panahon, sinikap kong supilin ang aking sakit na may kaugnayan sa pagkain sa ganang sarili ko. Nadama ko pa nga noong minsan na isang kamangmangang idalangin ang bagay na ito. Naiyak ako sa kagalakan na malaman na talagang itinuturing ni Jehova ang bagay na iyon na napakahalaga.”“Ito ay ekselente! Talaga!” sulat ng isa pang babae. Sabi pa niya: “Naligtasan ko ang maraming trauma noong aking kabataan, ang dalawang pinakagrabe ay ang seksuwal na pag-abuso at pag-abuso may kaugnayan sa Satanikong mga ritwal. Wastong inilalarawan ng unang dalawang parapo sa ilalim ng subtitulong ‘Mga Damdamin ng Kakulangan’ ang problema. Tunay ngang isang pagsasanay-muli sa isipan na matutong maibigan ang sarili, at hindi ito magagawa nang mag-isa, gaya ng nabanggit.”
Marami ang nakadama na para bang ang mga artikulo ay dumating bilang isang sagot sa kanilang mga panalangin. “Ang mga artikulong ito ay hindi nagkataong isinulat lamang sapagkat talagang sinasagot ni Jehova ang mga panalangin!” sabi ng isang mambabasa. Susog pa niya: “Kahit na nakikipaglaban ako sa ‘Labanan ng mga Tambok’ sa kalakhang bahagi ng buhay ko, nang mabasa ko ang artikulo ay saka ko lamang natalos na ako’y may malubhang sakit na kaugnay ng pagkain (bulimia).” Sabi ng isang 19-anyos na nakikipagpunyagi sa sakit na bulimia sa loob ng anim na taon: “Naghahanda nga akong sumulat sa inyo maaga sa buwang ito upang malaman kung may magagawa kayong mahusay ang pagkakasulat na artikulo tungkol sa paksang ito. Tuwang-tuwa ako na ginawa ninyo itong detalyado at hindi lamang basta itinago ang usapin na gaya ng ginagawa ng karamihang tao.”
Isang liham ang kababasahan ng ganito: “Nanalangin ako at matiyagang naghintay sa mga artikulo tungkol sa mga sakit na kaugnay ng pagkain. Hihiling sana ako ng impormasyon kung hindi lamang ako nahihiya tungkol dito. Ang pakikiramay na ipinakita ninyo sa akin bilang isang indibiduwal sa mga artikulo ay nagpalakas ng aking pananampalataya na pagtagumpayan ang problemang ito minsan magpakailanman.” Isang babaing nasa high school ang sumulat: “Nagkaroon ako ng anorexia nervosa at bulimia at sa gayo’y nagdusa ako kapuwa sa mental at pisikal na paraan. Humingi ako ng tulong kay Jehova sa panalangin, at lumabas ang mga artikulong ito. Hindi ko mapigil ang maiyak sa galak.”
Para sa marami, ang pagbabasa ng mga artikulo ay isang emosyonal na karanasan. “Nang buksan ko ito,” sulat ng isang dalaga, “ang pabalat ay para bang lumukso sa akin. Halos natakot akong hipuin ito. Inilagay ko ito sa ibabaw ng kama sa tabi ko at basta pinagmasdan ito sa loob ng ilang minuto. Wala akong magawa kundi pasalamatan si Jehova sa mga artikulo. Talagang nakikita ko na mahal ako ni Jehova. Tinulungan ako ng mga artikulo na muling pahalagahan na ang aking katawan ay isang mahalagang regalo at dapat ko itong tratuhin sa gayong paraan.”
“Nang mabasa ko ang mga artikulo,” sulat ng isang babae, “at kahit na habang minamakinilya ko ang sulat na ito, hindi ko mapigil ang luha sa aking mga pisngi. Ako’y gumaling na sa pagiging bulimic at inaasam-asam ko ang isang artikulo buhat sa Samahan tungkol sa paksang ito. Ang matutuhang tanggapin ko ang aking sarili—naniniwala na ako’y may halaga at mahalaga sa paningin ni Jehova at ang hindi pagpapahintulot na maapektuhan ang pangmalas ko sa aking sarili ng paraan ng pag-iisip ng ibang tao—ang isa sa pinakamahirap na bagay na kailangang gawin ko. May mga araw na mas madali ang pagtanggap ko sa aking sarili kaysa ibang araw, at pinagsisikapan ko pa rin ito.”
“Ang aking mga mata’y nangingilid sa luha na hinawakan ko ang magasing ito sa aking dibdib,” sulat ng 21-anyos na babae. “Sa loob halos ng siyam na taon, ako’y nakikipagpunyagi sa lahat ng tatlong sakit na kaugnay ng pagkain na binanggit. Sa tuwina’y takot na takot akong sabihin ito sa sinuman. Ngayon, bunga ng praktikal na payong ibinigay, inaakala kong malulutas ko ang problemang ito sa tulong ng Diyos. Ito nga ang malaon ko nang idinadalangin.”
Sa wakas, isang hinirang na Kristiyanong matanda ang sumulat: “Nasumpungan kong ang mga artikulong ito ay malaking tulong. Anong pagkahala-halaga nga na maingat nating pag-aralan at unawain ang impormasyong ito bilang hinirang na matatanda upang matulungan ang iba, kapuwa sa loob at sa labas ng kongregasyon!”
Ang mga siniping ito ay galing sa ilan lamang mga liham ng pagpapahalaga na natanggap namin. Inaasahan at idinadalangin namin na ang mga artikulo ay patuloy na tutulong sa mga tao sa buong daigdig na mapagtagumpayan ang nakababalisang mga sakit na ito.