Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagkalugas ng Buhok Matagal ko nang hinintay ang artikulong “Alopecia—Pananahimik Dahil sa Pagkalugas ng Buhok.” (Abril 22, 1991) Ako’y pinahihirapan ng alopecia universalis ng ilang taon na, at maraming doktor na akong napuntahan subalit wala ring malinaw na resulta. Sinikap kong pag-aralan ang higit pa tungkol sa alopecia ngunit wala ring gaanong tagumpay. Ang artikulo ay nakatulong sa akin na tanggapin ang aking kalagayan nang may kahinahunan, habang hinihintay ang panahon kapag wala nang magsasabing: “Ako’y may sakit.”—Isaias 33:24.
R. C., Italya
Mga Nightclub Ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano ang Masama Tungkol sa mga Nightclub?” (Pebrero 8, 1991) ay tamang-tama sa akin. Ang buhay ko ay nagsimulang sumamâ nang magsimula akong magtungo sa nightclub sa gulang na 15. Ito ay katuwaan lamang sa simula. Nakipagsayawan ako sa mga kaibigan ko sa paaralan. Ang mga inuming hindi nakalalasing ay isinisilbi sa isang soda bar. Hindi alam ng aking mga magulang na Kristiyano na ako’y nagtutungo sa nightclub—lihim akong nagdaraan sa aking bintana upang sumama sa kanila sa nightclub. Bueno, ang “hindi nakapipinsalang” pagsasayaw ay humantong sa pag-inom, pagkatapos sa mga droga, at pagkatapos ay sa homoseksuwalidad. Sa wakas ay naalis ko ang aking sarili sa daigdig ng nightclub, subalit ngayon ay pinagbabayaran ko ang pamumuhay ko na dalawa ang pamantayan. Nais ko lamang ibahagi ang aking karanasan sa pag-asang marahil may isa na maingat na mag-iisip muna tungkol sa mga nightclub.
L. E., Estados Unidos
Rap o Rock? Ako’y natutuwa na inyong binigyang pansin ang problema ng kalaswaan sa popular na musika sa inyong artikulong “Kalaswaan na Isinasamusika.” (Marso 8, 1991) Gayunman, mali kayo nang uriin ninyo ang pangkat na “2 Live Crew” bilang isang pangkat ng rock. Sa katunayan, sila ay isang pangkat ng rap, na tinutula, sa halip na kantahin, ang mga liriko.
D. L., Estados Unidos
Salamat sa pagpapaliwanag. Mangyari pa, maaaring ituring ng iba ang rap na isa lamang anyo ng musikang rock. Magkagayon man, ang mga Kristiyano ay dapat na maging maingat sa kanilang pagpili ng musika, anuman ang tawag dito.—ED.
Pagtigil sa Ospital Salamat sa maikli subalit malaman, matinong impormasyon sa seryeng “Mga Ospital—Paano Mo Pakikitunguhan?” (Marso 8, 1991) Nais ko pang idagdag na sa kalagayang hindi naman emergency, pagkatapos maisagawa ang wastong rikonosi, dapat mong alamin ang pinakamaraming malalaman mo tungkol sa iyong karamdaman at mga paggamot. Tanging kung ikaw ay may lubos na kabatiran tungkol sa iyong karamdaman saka ka makagagawa ng matinong pasiya. Ang aklatan sa inyong lugar o ang aklatan sa ospital ay kadalasang naglalaman ng maraming nakatutulong na impormasyon.
E. D., Estados Unidos
Narcolepsy Ako’y sumusulat upang ipahayag ang aking pasasalamat sa artikulong “ ‘Narcolepsy’—Ang Sakit sa Pagtulog.” (Abril 8, 1991) Wala kayong kaalam-alam kung gaano kahalaga sa akin na makitang ang sakit na ito ay kinikilala sa isang internasyonal na magasin! Ako’y nagkaroon ng narcolepsy sa gulang na 15, at taglay ko pa rin ito sa gulang na 77!
M. S., Inglatera
Ako’y humahanga sa kawastuan ng paglalahad ng manunulat at sa simpatiya niya sa pakikitungo sa paksang ito. Sana’y maasahan natin ang lahat ng babasahin na magkaroon ng gayong paraan ng pagsulat. Nakagawa kayo ng kabaitan sa mga pinahihirapan nito, lalo na yaong hindi nauunawaan ang kanilang karam- daman.
P. J. H. S., Honorary Secretary,
Narcolepsy Association [U.K.]
“Color Blindness” Sa loob ng mahabang panahon, hinintay ko ang isang artikulo na gaya ng isang pinamagatang “ ‘Color Blindness’—Isang Di-karaniwang Depekto.” (Pebrero 22, 1991) Bilang isa na pinahihirapan ng color blindness, lagi akong pinagmumulan ng tawanan at pag-uusyoso kapag sinasabi kong ang aking dugo ay berde o na ang bahaghari ay may dalawang kulay lamang. Subalit dahil sa inyong artikulo, ako ay higit na mauunawaan. Ako’y nagtitiwala kay Jehova na balang araw ay aking makikita ang lahat ng kulay ng bahaghari.
I. F. O., Brazil