Isang Bagay na Bago sa Internasyonal na Pagtatayo
Isang Bagay na Bago sa Internasyonal na Pagtatayo
MARAMI ang namamangha sa mga proyekto ng pagtatayo na gaya ng mga piramide sa Ehipto at ng Great Wall sa Tsina. Ang makabagong pagkatataas na mga gusali na 400 metro ang taas ay nakasisindak din. Ngunit, may isa pang programa sa pagtatayo ng gusali na kahanga-hanga rin.
Mga boluntaryo ang nagtatayo ng maraming malalaking proyekto sa buong daigdig. Karamihan sa mga boluntaryong ito ay mula sa mga bansa kung saan itinatayo ang mga gusali. Subalit yamang ang karagdagang tulong ay kadalasang kailangan, ang mga manggagawa mula sa ibang mga bansa ay gumugol ng milyun-milyong dolyar ng sarili nilang salapi upang ibayad sa kanilang pasahe tungo sa malalayong lugar kung saan may proyekto ng pagtatayo. Isinakripisyo ng marami sa mga boluntaryong ito ang kanilang bakasyon upang magtrabaho; ang iba ay humingi ng bakasyon sa kanilang pinapasukan at isinakripisyo ang kanilang malaking suweldo.
Ang pambihirang pagtutulungang ito ay isang internasyonal na programa ng mga boluntaryo sa pagtatayo na pinagtutugma mula sa punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Sa pasimula pa lang ng programang ito ng pagtatayo noong Nobyembre 1985, mahigit na 3,000 katao ang nagbayad ng kanilang sariling pasahe patungo sa mahigit na 30 dako ng gawain sa Hilaga at Timog Amerika, Australia, Aprika, Europa, at sa iba’t ibang kapuluan.
Sa kasalukuyan, mga 600 internasyonal na mga boluntaryo ang gumagawa sa halos 25 bansa. Mahigit na 400 sa kanila ay nasa matagalang atas na tumatagal ng isang taon o mahigit pa, at sila’y tinatawag na “Internasyonal na mga Lingkod.” Ang iba naman ay sa panandaliang mga atas ng dalawang linggo hanggang tatlong buwan.
Bakit ang lahat ng mga manggagawang ito ay nagboboluntaryo ng kanilang mga kasanayan at lakas nang walang bayad? Ano ang itinuturing nilang gayon kahalaga anupa’t gagawin nila ang personal na mga sakripisyong ito?
Upang Tuparin ang Hula ng Bibliya
Ang dahilan ng kamangha-manghang pagtugong ito sa programa ng internasyonal na pagtatayo ay matatagpuan sa sagot sa isang katanungan. Mahigit na 1,900 taon na ang nakalipas, ang mga apostol ni Jesu-Kristo ay nagtanong sa kaniya: “Ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” Pagkatapos ilarawan ang mga bagay na gaya ng malawakang mga digmaan, kakapusan sa pagkain, mga salot, at mga lindol, sinabi ni Jesus: “At ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”—Mateo 24:3, 14.
Ang boluntaryong mga manggagawa ay kumbinsido na ngayon na ang panahon ng katuparan ng hula ni Jesus. Kaya sila ay maligaya na gawin ang anumang magagawa nila upang itaguyod ang paghahayag ng Kaharian bago dumating ang wakas ng sistemang ito. Ang internasyonal na programang ito sa pagtatayo ay itinatag upang pagtugmain
ang mga pagsisikap ng mga taong iyon na magtayo ng mga pasilidad na maglilimbag at na mamamahagi ng mensahe ng Kaharian.Pagpapalawak sa Gawaing Pangkaharian
Noong nakaraang taon 678,509,507 mga magasing Bantayan at Gumising!, na nagtatampok sa Kaharian ng Diyos bilang ang tanging pag-asa ng sangkatauhan, ay inilimbag sa mga palimbagan na pinatatakbo ng mga Saksi ni Jehova. Iyan ay mahigit na dalawang milyong magasin—tulad ng binabasa mo ngayon—na lumalabas sa mga palimbagan araw-araw! Karagdagan pa, sampu-sampung milyong Bibliya, mga aklat, mga bukleta, at mga brosyur ang inilalathala at ipinamamahagi sa bawat taon.
Ang pinakamalaking mga palimbagan ay nasa internasyonal na punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, at yaong malapit sa Wallkill, New York. Gayunman, noong mga taon ng 1950 at 1960 maraming palimbagan ang itinayo rin sa labas ng Estados Unidos. Kaya, noong 1970 Ang Bantayan at Gumising! ay inililimbag sa mga palimbagan na pinatatakbo ng mga Saksi ni Jehova sa Alemanya, Timog Aprika, Canada, Inglatera, Switzerland, Denmark, Sweden, Finland, at Pransiya.
Pagkatapos, noong 1972 at 1973, ang mga magasin ay sinimulan na ring ilimbag sa mga palimbagan ng mga Saksi ni Jehova sa anim pang mga bansa: Hapón, Brazil, Australia, Ghana, Nigeria, at sa Pilipinas. Nang sumunod na mga taon, habang lumalawak ang gawaing Pangkaharian, pinasimulan ang pagtatayo ng bagong mga tanggapang sangay na may mas malaking mga palimbagan. Upang ipakita ang mabilis na paglago ng gawain, pansinin na ang mga gusali ng sangay na may bagong mga palimbagan para sa Ang Bantayan at Gumising! ay inialay sa sumusunod na mga petsa:
Gresya, Enero 16, 1979; Sweden, Disyembre 23, 1980; Brazil, Marso 21, 1981; Canada, Oktubre 10, 1981; Italya, Abril 24, 1982; Republika ng Korea, Mayo 8, 1982; Hapón, Mayo 15, 1982; Australia, Marso 19, 1983; Denmark, Mayo 21, 1983; Espanya, Oktubre 9, 1983; Netherlands, Oktubre 29, 1983; Alemanya, Abril 21, 1984; India, Enero 20, 1985; at Timog Aprika, Marso 21, 1987.
Isa pa, nagkaroon din ng mga pag-aalay ng bagong mga tanggapang sangay o pagdaragdag ng mga gusali sa dati nang mga gusali sa Côte d’Ivoire, Pebrero 27, 1982; Tahiti, Abril 15, 1983; Inglatera, Oktubre 2, 1983; Finland, Mayo 5, 1984; Norway, Mayo 19, 1984; Martinique, Agosto 22, 1984; Peru, Enero 27, 1985; Mexico, Abril 13, 1985; Venezuela, Abril 21, 1985; at Pransiya, Mayo 4, 1985.
Bagaman ang ilan sa gawaing pagtatayo sa ilang mga sangay ay ginawa ng suwelduhang mga propesyonal na hindi mga Saksi, ang mga Saksi ni Jehova sa pangkalahatan ang gumawa ng mga gusali. Libu-libo ang nagboluntaryo, bagaman ang marami sa kanila ay walang kasanayan sa gawaing pagtatayo.
Habang patuloy na lumalago ang pangangaral ng Kaharian ng mga Saksi ni Jehova, ang pagpapalaki sa mga pasilidad ay kinakailangan. Papaano maitatayo ang mga ito nang may kahusayan?
Sinasapatan ng Bagong Programa ang Pangangailangan
Upang organisahin at tulungan ang pambihirang paglago ng gawaing ito ng internasyonal na pagtatayo, ang espesyal na programa sa pagboboluntaryo ay naisip at nabuo. “Sa panahon ng pagtatayo ng proyekto, ang partikular na kasanayan ay kinakailangan sa partikular na panahon,” paliwanag ng isang tagapangasiwa ng programa. “Hindi mo kailangan ang taga-atip kapag ibinubuhos ang pundasyon. Kaya ang tanggapan ng internasyonal na mga manggagawa ay itinatag sa Brooklyn, New York, upang pagtugmain ang mga bagay-bagay.”
Kaya, habang dumarating ang kahilingan para sa mga manggagawa, ang tanggapan sa Brooklyn ay nagsisilbing “tagatugma” sa mga manggagawa sa kailangang gawain. Pinagtutugma nito ang pangangailangan ng proyekto sa pagtatayo sa buong daigdig ng angkop na mga manggagawa para sa mga pangangailangang iyon ng pagtatayo. Halimbawa, samantalang ang mga karagdagang bagong tirahan sa sangay ng Mexico ay malapit nang matapos noong 1988, isang panawagan ang ginawa sa Brooklyn para sa bihasang mga tagapaglatag ng karpet. Sa loob lamang ng ilang minuto, nakita ng tanggapan ang apat na may karanasang tagalatag ng karpet na natutuwang magboluntaryo. Nang ang karagdagang gusali sa sangay ay inialay noong Enero 1989, ang mga karpet ay nailatag na at napakaganda.
Pagiging Kuwalipikado Upang Maglingkod
Upang makabahagi sa programa ng internasyonal na pagboboluntaryo, ang manggagawa ay kailangan munang maging kuwalipikado. Ang bawat boluntaryo ay kinakailangang maging isang nag-alay, bautismadong Saksi ni Jehova. Sa Estados Unidos, ang prospektibong boluntaryo ay kailangan munang maglingkuran sa isa sa mga pasilidad ng mga Saksi ni Jehova sa New York. Ito ay naglalaan ng pagkakataon upang masukat ang kaniyang pag-uugali sa trabaho at ang kaniyang kakayahan. Pagkatapos ay maaari siyang anyayahang magsumite ng isang aplikasyon para sa programa. Ang mga asawang babae ng prospektibong mga boluntaryo, bagaman karaniwang hindi inaanyayahang maglingkod na kasama ng kani-kanilang asawa sa New York, ay maaari ring maging kuwalipikado sa programa at maaari nilang punan ang isang aplikasyon.
Ang mga Saksi ni Jehova sa ibang bansa ay maaari ring mag-aplay upang sumali sa programa sa pamamagitan ng paghiling ng isang aplikasyon sa kanilang sariling sangay. Ang aplikasyong ito ay ipinadadala sa tanggapan sa punong tanggapan sa Brooklyn na siyang nangangasiwa sa internasyonal na mga lingkod at sa iba pang internasyonal na boluntaryong mga manggagawa. Ang aplikante ay saka pahihiwatigan kung kailan kinakailangan ang kaniyang kasanayan sa trabaho.
Tulong ng mga Asawang Babae
Bagaman ang mga asawang babae ng mga manggagawa sa konstruksiyon ay karaniwang walang kasanayan sa pagtatayo, marami sa kanila ang sinanay na magtali ng alambre sa pampatibay na bakal, upang maglatag at mag-grout ng baldosa, sinanay din silang magliha at magpinta. Ang iba naman ay nangangalaga sa kinakailangang mga gawaing-bahay. Silang lahat ay nakatulong sa mabuting paraan sa mga gawain sa mga dako ng pagtatayo sa buong daigdig.
Isang asawang babae na sumama sa kaniyang asawa sa pagtatayo ng bagong sangay sa Puerto Rico ay sumulat kamakailan sa tanggapan sa Brooklyn: “Dumating kami noong Enero 1, 1991, para sa aming isang-buwang atas. Ako’y gumawang kasama ng grupo na nagtatali ng mga pampatibay na bakal para gawing mga banig na bakal. Ito ang pinakamahirap na trabahong naranasan ko. Pangunahin na, ito ay ang pagbabaluktot at pagtatali ng mga baras na bakal, na ginagamit ang plais at isang ikid ng alambre—maghapon!
“Noong unang mga araw ay panay ang bagsak ng aking hard hat, at lagi kong natatali ang napakalaking guwantes sa banig na bakal. Ngunit sa wakas ay naitugma ko naman ito. Ang aking mga paltos ay nalunasan ng lima o anim na Band-Aid. Ako’y natuto ng pagsukat mula sa mga plano ng gusali, gumuhit ng mga linya na ginagamit ang may kulay na mga tisa, at maglatag ng bakal sa bawat banig na bakal. Tunay na isang kalugud-lugod na gawain. Karamihan ng gawaing ginagawa ko araw-araw ay kailangang ulit-ulitin—paglilinis,
pagluluto, paglalaba, at iba pa. Ngunit ang mga banig na bakal na iyon ay magiging mga dingding na mananatili hanggang ang gusali ng sangay ay nakatayo. Iyon lang ay pagpapala na!”Nagpapasalamat sa Pribilehiyong Gumawa
Isang tagapangasiwa ng internasyonal na gawaing ito ng pagtatayo ay nagsabi: “Ito ang pinakapambihirang bagay na maiisip mo. Ginagamit ng mga tao ang kanilang mga bakasyon upang magtungo sa malalayong lugar ng pagtatayo, na nagbabayad ng kanilang sariling pasahe. Doon sila ay maaaring gumawa nang puspusan at sa loob ng mas mahahabang oras kaysa nagawa nila sa buong taon. At kapag sila ay nakauwi na, sumusulat sila upang pasalamatan kami sa pribilehiyong iyon!”
Bilang halimbawa, isang sulat kamakailan ang nagsabi: “Kami ay sumulat upang pasalamatan kayo sa napakalaking pribilehiyo na tinamasa namin sa paggawa sa loob ng tatlong buwan sa sangay sa Pilipinas. Sa katapusan ng bawat araw ng paggawa, kami ay pagod, gaya ng inaasahan, ngunit kami naman ay napatibay sa espirituwal dahil sa aming mainam na pagsasamahan. Nasiyahan kaming makilala ang marami sa iba pang boluntaryong naroroon, at hangang-hanga kami sa mga Saksi roon na kasama namin sa gawain. Tunay na sila ay napamahal sa amin, isang karugtong ng aming pamilya.”
Isang mag-asawa na pumunta sa Ecuador ang sumulat: “Natuto kaming mamuhay nang walang junk na pagkain, maligo sa kaunting tubig lamang, at mag-ahit at mag-shower ng malamig na tubig. Wala kaming ideya na ang aming pag-iisip ay naimpluwensiyahan ng mga anunsiyo. Ibinigay namin ang lahat ng aming makakaya sa gawain, ngunit kami ang tumanggap ng higit na pakinabang kaysa naibigay naming tulong. Ang ating mga kapatid sa Ecuador ay mahirap sa materyal, ayon sa mga pamantayan sa E.U., ngunit ang kanilang espirituwalidad at pagpapahalaga sa gawaing pangangaral ay katangi-tangi. Hindi namin mailarawan kung ano ang aming nadarama sa pribilehiyong ito.”
“Tilt-Up” na Pagtatayo
Ang pambihirang katangian ng internasyonal na gawaing pagtatayo ay ang paggamit ng pamamaraang tilt-up. Ang pamamaraang ito ay binubuo ng paghulma ng malalaki, pinagtibay ng bakal na kongkretong mga panel na dingding doon mismo sa dako ng pagtatayo. Ang mga ito ay maaaring maging hanggang ikatlong palapag ang taas at tumitimbang ng mga 20 tonelada. Ang mga panel ay binubuo sa sahig ng gusali o sa kalapit na hulmahan.
Anim o walong panel ang maaaring pagpatung-patungin. Kapag ang mga panel ay matigas na—karaniwang pagkalipas ng pitong araw—isang crane ang ginagamit upang itaas ito sa paglalagyan nito. Ang mga panel ngayon ay ginagamit kapuwa sa panlabas at panloob na mga dingding, gayundin sa matataas na gusali. Daan-daang mga panel na ito, halimbawa, ang ginamit sa 11-palapag na tirahan sa sangay sa Pilipinas. Ang makinis na kongkretong mga panel ay kailangan na lamang pintahan.
Ang paraang ito ng pagtatayo ay hindi lamang nakapagtitipid ng panahon kundi mabisang ginagamit nito ang hindi gaanong bihasang mga manggagawa. Ganito ang sabi ng isang publikasyong pangkalakal, ang Concrete, tungkol sa pagtatayo ng bagong palimbagan ng mga Saksi ni Jehova sa Inglatera: “Ang tilt-up na pagtatayo ay lalo nang angkop sa kanilang pangangailangan sapagkat ang paraang ito ng pagtatayo ay simple . . . Ang natitipid na panahon at salapi ang siyang pangunahing bentaha ng sistemang ito.”
Ganito pa ang sabi ng magasin tungkol sa tilt-up na pagtatayo: “Ang kakayahang magtayo ng malalapad na dingding (mga dingding na makakayanan ang bigat ng isang biga ng bubong o ang ikalawang palapag at iba pa) sa loob ng maikling panahon, pati na ang paggamit ng lokal na mga manggagawa na hindi nangangailangan ng napakaraming panahon ng pangangasiwa, ang dahilan kung bakit mabilis at matipid ang pamamaraang ito.” Kaya, anong pagkaangkup-angkop nga na gamitin ng bagong programa sa pagtatayo ang simple, mabisang paraang ito ng pagtatayo!
Mga Tanggapan sa Inhinyerya
Ang pangangasiwa sa internasyonal na programang ito ng pagtatayo ay inilalaan mula sa malaking tanggapan sa inhinyerya sa punong tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York. Doon, mahigit na isang daang mga inhinyero,
tagapagdisenyo ng gusaling itatayo, at mga tagaguhit ng plano—pawang mga miyembro sa punong tanggapan—ang gumagawa ng mga plano ng gusaling itatayo. Upang tulungan ang dumaming gawain, ang pangrehiyon na mga tanggapan sa inhinyerya ay itinatag kamakailan sa Hapón, Australia, at Europa.Noong 1987, ang CAD (Computer Aided Design) ay unang ginamit upang ihanda ang mga drowing. Ang isang tipikal na CAD station ay binubuo ng ilang pirasong kagamitan. Kapag ginamit na sama-sama, maaari itong maghanda ng mga drowing sa isang computer sa halip na iguhit ng kamay sa isang drafting board. Sa kasalukuyan, mahigit na 65 CAD station ang ginagamit sa Brooklyn at sa mga sangay.
Yamang ang mga drowing ay maaaring itago sa memorya ng computer, ang mga disenyo mula sa naunang mga proyekto ay maaaring gamitin sa kasalukuyang mga drowing. Nakatutulong ito sa mabilis na paggawa at gayundin sa paggawa ng disenyo at pagtatayo ayon sa pamantayan.
Bagong mga Proyekto ng Pagtatayo
Habang lumalaki ang Tanggapan ng Inhinyerya sa Brooklyn, lumalaki rin ang ideya ng pag-oorganisa
ng mga boluntaryo para sa gawain. Masasabing ang programa ay nagsimula noong 1985 nang ang mga manggagawa mula sa ibang bansa ay tumugon upang tumulong sa pagtatayo ng bagong sangay sa Panama. Nasundan pa ito nang mangailangan ng tulong ang Peru nang ito’y magdagdag ng malaking gusali sa sangay nito. At ang programa ay talagang sinimulang balangkasin sa pagtatayo ng mga sangay sa Costa Rica at Nigeria. Hindi nagtagal ang pangunahing mga tauhan ay ipinadala upang tumulong sa mga proyekto sa buong daigdig.Ang internasyonal na mga lingkod at iba pang mga boluntaryo ay nakatulong na sa pagtatayo ng maraming bagong sangay gayundin ng karagdagang mga gusali sa dating mga gusali, kabilang ang karamihan na natapos mula noong 1986. Sa nakalipas na limang taon o higit pa, ang mga proyekto sa Panama, Costa Rica, Chile, Mexico, New Zealand, Haiti, Liberia, Austria, Ecuador, Papua New Guinea, Guyana, Ghana, Hawaii, Portugal, Hong Kong, Cyprus, Peru, El Salvador, Mauritius, Hapón, Honduras, Guatemala, Nigeria, Argentina, Australia, New Caledonia, Fiji, Pilipinas, at Gresya ay natapos at naialay.
Marami rito ay pagkalaki-laking mga proyekto sa pagtatayo. Sa katunayan, sa Nigeria isang maliit na bayan ang itinayo sa 57 ektaryang lupa. Isang 140-metro ang haba, 70-metro ang luwang na palimbagan ang itinayo, gayundin ang mga tirahan upang tirhan ng mahigit na 400 katao, isang tanggapan, isang garahe, at iba pang gusali. Ang mga materyales lamang sa pagtatayo na galing sa Estados Unidos ay sapat na upang punuin ang 347 freight container, na kung pagdudugtung-dugtungin ay aabot ng 3.5 kilometro!
Kung minsan, may pagsalansang ng mga klero sa mga proyekto ng pagtatayo. Sa Gresya ay isinaayos ng mga klero ang 40 bus na punô ng mga tagaprotesta noong Marso 1989, subalit sinuportahan ng pulisya ang legal na karapatan ng mga Saksi na magtayo ng kanilang sangay, at ang protesta ay nabigo. Ang bagong sangay, na may isang malaki, bagong palimbagan at 22 tirahang mga gusali upang tirhan ng mahigit na 170 katao, ay nayari at inialay nitong tagsibol.
Sa Pransiya ay tinutulan ng Obispo ng Evreux, si Jacques Gaillot, ang mga plano para sa isang malaking bagong sangay ng mga Saksi ni Jehova sa Louviers. Sinabi niya na ang pangmadlang ministeryo ng mga Saksi ay hindi “gumagalang sa dignidad ng tao.” Gayunman, ang iba ay hindi sang-ayon sa obispo. Naniniwala sila na ang mga Saksi ni Jehova ay dapat magkaroon ng karapatan
na palawakin ang kanilang mga pasilidad sa dakong iyon, gaya ng ginagawa nila sa maraming dako sa buong daigdig.Sa kasalukuyan, ang internasyonal na boluntaryo sa pagtatayo ay gumagawa sa mga proyekto ng sangay sa Colombia, Puerto Rico, Zambia, Brazil, Inglatera, Canada, Dominican Republic, Ecuador, Poland, Guadeloupe, Thailand, Leeward Islands, Bahamas, Western Samoa, Tahiti, Solomon Islands, Venezuela, Republika ng Korea, Timog Aprika, at Alemanya. Ang ibang mga proyekto ay ginuguhit pa ang mga plano, kabilang sa bagong mga sangay o mga karagdagang gusali ay yaong sa Pransiya, Espanya, Mexico, Sri Lanka, Taiwan, at Suriname.
Inaasahan ang Pangangailangan
Nang pahintulutan ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ang 50-porsiyento paglaki ng sangay sa Alemanya noong 1988, inaakala ng ilang tagamasid na ang karagdagan ay napakalaki. Subalit noong 1989 at 1990 ang gawaing pangangaral ng mga Saksi ni Jehova ay naging legal o ipinahintulot sa Poland, Hungary, Silangang Alemanya, at Romania. At noong Marso 27, nang taóng ito, ang mga Saksi ni Jehova ay kinilala sa Unyong Sobyet bilang isang relihiyosong organisasyon.
Mahigit na 250,000 katao sa mga bansa sa Silangang Europa ang dumalo sa mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova noong nakaraang tag-araw at sila’y sabik na sabik na tumanggap ng literatura sa Bibliya. “Sa loob lamang ng dalawang buwan,” sabi ng 1991 Britannica Book of the Year, “ang tanggapang sangay ng Samahang Watchtower sa Kanlurang Alemanya ay nagpadala ng 275 tonelada ng mga literaturang salig-Bibliya, pati na ng 115,000 Bibliya, sa Silangang Alemanya lamang.” Kaya maliwanag ngayon na kailangan ng sangay sa Alemanya ang lahat ng ipinahintulot na pagpapalaki, at kailangan ito kaagad!
Paghahanda Para sa mga Pangangailangan sa Hinaharap
Gaya ng maiisip mo, upang ipangaral ‘ang mabuting balitang ito ng Kaharian sa buong tinatahanang lupa bago dumating ang wakas’ bilang katuparan ng hula ni Jesus ay nangangailangan ng puspusang pagsisikap. (Mateo 24:14) At ang tunay na mga Kristiyano sa buong daigdig ay puspusang nagsisikap. Ginagawa nila ang lahat ng kanilang magagawa sa organisadong paraan upang maihatid ang mensahe ng Kaharian sa lahat ng mga bansa.
Upang gawin ito, pinalalawak ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang kakayahang maglathala ng mga literatura sa Bibliya sa kanilang punong tanggapan sa Brooklyn, New York. Ang pagtatayo ng isang 30-palapag na gusali, sa 90 Sands Street, upang tirhan ng isang libo pang mga miyembro ng kanilang mga manggagawa sa punong tanggapan ay isinasagawa na ngayon at nakaiskedyul na matapos sa 1993.
Gayunman, ang pinakamalaking proyekto ng pagtatayo ay isinasagawa ngayon mga 110 kilometro ang layo mula sa New York City malapit sa Patterson, New York. “Kapag natapos ito [ng mga Saksi ni Jehova], sa bandang 1996,” ang The New York Times ng Abril 7, 1991, ay nag-ulat, “naitayo nila ang 6 na mga tirahang apartment na 2 hanggang 5 palapag ang taas na may 624 na mga apartment, garahe para sa 450 kotse, 144-na-silid na otel, at isang pagkalaki-laking kusina at silid kainan upang maglingkod sa 1,600 katao sa isang upuan, isang gusaling tanggapan, isang gusali para sa mga silid-aralan at ilang gusali kung saan magtatrabaho ang mga service personnel.” Daan-daang mga boluntaryo ang gumagawang walang bayad upang itayo ang pagkalaki-laking Pangkahariang sentrong ito sa pagtuturo.
Tunay, isang kamangha-manghang programa ng pagtatayo ang nagaganap sa lahat ng sulok ng mundo—pawang pinagtutugma at ginagawa ng boluntaryong mga manggagawa. Isa nga itong bagay na bago sa internasyonal na pagtatayo!
[Larawan sa pahina 21]
Ang pagtatali ng pampatibay na bakal ay bahagi ng gawain sa konstruksiyon
[Mga larawan sa pahina 23]
Sa tilt-up na pagtatayo, ang kongkretong mga panel ay maaaring hulmahin nang patung-patong.
Kapag ang mga panel ay matigas na, ito ay itinataas sa paglalagyan nito
[Mga larawan sa pahina 24]
Ang bagong mga gusali ng sangay sa Poland ay nirerepaso sa Brooklyn.
Ang mga plano ay inihahanda sa isang computer
[Mga larawan sa pahina 25]
Mga gusali ng sangay na binabalak para sa Puerto Rico, Zambia, at Leewards Islands
[Larawan sa pahina 27]
Boluntaryong mga manggagawa sa proyekto ng pagtatayo sa isang bansa sa Europa