Mga Problema sa Isports Ngayon
Mga Problema sa Isports Ngayon
ANG mga tao’y nangangatuwiran na ang isports ay mahalaga sapagkat ito’y lumilinang ng mabuting pagkatao. Sinasabi nilang ang mga laro ay nagtataguyod ng pagpapahalaga sa pagpapagal, pagiging isport, at sa katuwaan ng paglalaro. Subalit sa marami ngayon, ang gayong mga katuwiran ay maaaring magtinging hungkag, mapagpaimbabaw pa nga.
Ang pagdiriin sa pananalo ay isang partikular na problema. Tinatawag ito ng magasing Seventeen na “hindi kaaya-ayang aspekto ng isports.” Bakit? Sapagkat, ayon sa magasin, “nadaraig ng pananalo ang pagkabahala sa katapatan, gawain sa eskuwela, kalusugan, kaligayahan, at karamihan ng iba pang mahalagang aspekto sa buhay. Ang pananalo ang nagiging pinakamahalagang bagay.”
Ang karanasan ni Kathy Ormsby, isang sikat na mananakbong mag-aaral sa kolehiyo sa E.U., ay ginamit upang ipakita ang malungkot na mga resulta ng labis na pagdiriin sa tagumpay sa palakasan. Noong Hunyo 4, 1986, ilang linggo pagkaraang makapagtala siya ng isang pambansang rekord ng mga babaing nag-aaral sa kolehiyo sa 10,000-metrong takbuhan, si Kathy ay pumaling paalis sa takbuhan samantalang nakikilahok sa kampeonato ng NCAA (National Collegiate Athletic Association), tumakbo siya sa kalapit na tulay, at lumundag sa pagtatangkang magpakamatay. Siya’y nakaligtas, subalit siya’y nalumpo mula sa baywang pababa.
Sinabi ni Scott Pengelly, isang sikologo na gumagamot sa mga manlalaro, na si Kathy ay hindi natatangi. Pagkaraan ng pagtatangka ni Kathy na magpatiwakal, si Pengelly ay nag-ulat: “Tumanggap ako ng mga tawag sa telepono na nagsasabi, ‘Ang nadarama ko ay gaya ng nadarama ni Kathy.’” Isa pang manlalaro, si Mary Wazeter ng Georgetown University, na nakapagtala ng isang pambansang rekord para sa kalahating-marathon, ay nagtangka ring magpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon mula sa isang tulay at nalumpo habang buhay.
Ang panggigipit na manalo, mamuhay ayon sa mga inaasahan, ay maaaring maging napakatindi, at ang mga resultang kabiguan ay maaaring maging mapangwasak. Kung si Donnie Moore, isang magaling na tagahagis ng bola (pitcher) sa koponan sa baseball na California Angels, ay makapagbibigay lamang ng isa pang strike sa kalabang koponan, ang kanilang koponan ay maaari sanang nakasali sa 1986 World Series ng baseball. Subalit ang tagapalo ng bola sa koponan ng Boston ay naka-home run, at ang koponan ng Boston ay nagwagi sa laro at nakasali sa kampeonato ng American League. Si Donnie, na ayon sa kaniyang mga kaibigan ay laging sumasagi sa isip ang kaniyang pagkatalo, ay nagbaril at napatay ang sarili.
Sobrang Kompetisyon
Isang nauugnay na problema sa isports ngayon ay ang sobrang kompetisyon. Hindi isang pagpapakalabis na sabihing ang mga naglalaban ay maaaring baguhin tungo sa mga halimaw. Nang siya pa ang kampeon sa heavyweight ng boksing, si Larry
Holmes ay nagsabi na kailangan niyang magbago pagpasok niya sa ring. “Ang boksingero ay kailangang may dalawang pagkatao, isa na ‘mabuti’ sa labas ng ring at isang ‘masama’ sa loob ng ring.” Ang mga manlalaro ay nagiging sobrang agresibo upang manalo sa pagsisikap na hadlangan ang iba na may katulad na talino na manalo.“Dapat ay mayroon kang matinding diwa ng kompetisyon,” minsa’y nasabi ng isang dating coach sa football, “at wala nang gumagatong diyan na gaya ng poot.” Kahit na ang dating presidente ng E.U. na si Ronald Reagan ay iniulat na nagsabi sa isang koponan ng football sa kolehiyo: “Madarama ninyo ang malinis na pagkapoot sa inyong kalaban. Ito’y malinis na pagkapoot yamang ang pagkapoot ay wala namang tunay na kahulugan na gaya lamang ng pagsusuot ng uniporme ng isang manlalaro.” Subalit mabuti nga ba ang magkaroon ng pagkapoot sa isang kalaban?
Ganito ang nasabi ni Bob Cousy, dating sikat na manlalaro ng basketball para sa Boston Celtics, tungkol sa kaniyang atas na guwardiyahan si Dick Barnett, isang mataas umiskor na manlalaro para sa Los Angeles Lakers. “Nauupo ako sa aking silid mula umaga hanggang gabi,” sabi ni Cousy. “Wala akong ginawa kundi isipin si Barnett, pinag-iisipan ko kung paano ko siya lalabanan at pinatitindi ko ang pagkapoot sa kaniya. Pagdating ko sa basketball court, matindi na ang galit ko anupa’t kung babatiin ako ni Barnett ng ‘kumusta’ malamang na masipa ko siya sa ngipin.”
Ang totoo, kadalasang sinasadya ng mga manlalaro na pinsalain ang kalaban upang hindi na ito makapaglaro, at sila ay ginagantimpalaan sa paggawa niyaon. Si Ira Berkow, isang manunulat tungkol sa isports sa pahayagan, ay nagsabi na ang isang manlalaro sa football na makapagpatumba ng isang manlalaro ng kalaban anupa’t ito’y hindi na makapaglalaro ay “niyayapos at ginigitgit [ng mga kasama] dahil sa mahusay na trabaho. Kung siya ay nakagawa ng sapat na nakapipinsalang pambubugbog, . . . siya ay ginagantimpalaan sa pagtatapos ng panahon ng mga laro ng football ng mataas na suweldo o, para sa mga hindi pa sikat na manlalaro, dagdag na trabaho. Kaya ipinagmamalaki ng mga manlalaro ang mga bansag sa kanila na para bang ito’y literal na isinasabit sa kanilang mga damit na parang tsapa, gaya ng Malupit na Joe Greene, Jack (ang Mamamatay-tao) Tatum,” at iba pa.—The New York Times, Disyembre 12, 1989.
Si Fred Heron, isang defensive tackle para sa koponan ng football ng St. Louis, ay nagsabi: “Sabi sa amin ng mga coach na ang quarterback ng [Browns ng Cleveland] ay may mahinang leeg dahil sa dati nang pinsala. Iminungkahi nila na, kung magkaroon ako ng pagkakataon, dapat kong sikapin na pahintuin siya sa paglalaro sa pamamagitan ng pagpinsala sa kaniya. Kaya noong panahon ng laro nilusutan ko ang hanay ng mga manlalaro at nilampasan ko ang sentro at bantay, at naroon siyang nakatayo. Sinikap kong saktan pa ang kaniyang pinsala sa leeg sa pagsunggab ko sa kaniyang ulo sa pamamagitan ng aking braso, at nabitawan niya ang bola. Pinuri ako ng aking mga kasama. Subalit minamasdan ko ang quarterback sa lupa na namimilipit sa sakit. Bigla kong naisip, ‘Ako ba’y naging isang uri ng hayop? Ito’y isang laro, subalit sinisikap kong pinsalain ang isang tao.’ ” Gayunman, sinabi ni Heron: “Ako ay binigyan ng masigabong palakpakan at sigawan ng maraming manonood.”
Ang mga pinsala bunga ng sobrang kompetisyon ay ipinagdadalamhati ng marami na siyang pangunahing problema sa isports ngayon. Nakalulungkot nga, angaw-angaw sa mga pinsalang ito ay nagsasangkot sa mga bata na maaga sa buhay ay ipinakilala sa laro na may matinding kompetisyon. Sang-ayon sa U.S. Consumer Product Safety Commission, taun-taon apat na milyong bata ang ginagamot sa emergency room ng mga ospital dahil sa mga pinsalang nakukuha sa isports at tinatayang walong milyon pa ang ginagamot ng mga manggagamot ng pamilya.
Maraming bata ngayon ang pinahihirapan ng sobra ang gamit na mga pinsala, na bihirang makita noon. Noong una kapag ang mga bata ay naglalaro para lamang sa katuwaan, sila’y umuuwi ng bahay kapag sila’y nasaktan o sila’y hindi maglalarong muli hanggang mawala ang pananakit. Subalit sa sobrang kompetisyon, organisadong isports, ang mga bata ay kadalasang patuloy na naglalaro, pinipinsala ang dati nang masakit o makirot na mga bahagi ng katawan. Ayon sa dating sikat na tagahagis ng bola ng baseball na si Robin Roberts, ang mga adulto ang pangunahing sanhi ng problema. “Masyado nilang ginigipit—sa sikolohikal at pisikal na paraan—ang mga bata bago pa man sila maging handa rito.”
Salapi at Pandaraya
Ang isa pang problema sa isports ay na ang salapi ang naging pangunahing pagkabahala. Ang kasakiman sa halip na ang pagiging isport at patas na laro ang waring nangingibabaw sa isports ngayon. “Nakalulungkot
iulat, ang kawalang-malay sa isports ay ganap na naglaho sa mga taon ng 1980,” hinagpis ng kolumnista sa The Denver Post na si Jay Mariotti. “Ang isports ay mayabang na pumasok sa mga taon ng ’90 bilang isang dambuhalang puwersa sa ating kultura, isang hindi kapani-paniwala’t napakalaki, multi-trilyon-zilyong-dolyar na industriya (sa katunayan, $63.1 bilyon, ika-22 pinakamalaking industriya sa Amerika) na kung minsan ay mas mainam na inilalarawan bilang isang raket.”Noong nakaraang taon 162 malalaking liga ng mga manlalaro ng baseball sa Estados Unidos—mahigit na 1 sa 5 sa kanila—ang kumita ng isang milyong dolyar bawat isa, mahigit na tatlong milyong dolyar ang pinakamataas na suweldo. Ngayon, pagkalipas ng isang taon, mahigit na 120 manlalaro ang babayaran ng mahigit na dalawang milyong dolyar bawat isa, pati na ang 32 na kikita ng mahigit tatlong milyong dolyar bawat isa, at isa ang tatanggap ng mahigit na limang milyong dolyar, mula sa 1992 hanggang sa 1995! Ang paghahangad sa salapi at pagkalalaking sahod ay naging pangkaraniwan din sa iba pang isports.
Kahit na sa isports sa kolehiyo, ang pagdiriin ay kadalasan sa salapi. Ang mga coach ng koponan na nananalo ay ginagantimpalaan nang husto, kumikita ng hanggang isang milyong dolyar isang taon at mga bayad mula sa mga negosyo dahil sa pagsang-ayon o pagrerekomenda ng kanilang mga produkto at paglilingkod sa publiko. Ang mga paaralan na ang mga koponan ng football ay naging kuwalipikado para sa kampeonatong mga laro pagkatapos ng laro ng piling mga koponan ng football sa Estados Unidos ay tumatanggap ng milyun-milyong dolyar—55 milyon kamakailan lamang. “Ang mga koponan ng football at basketball ay kailangang kumita ng salapi,” sabi ng presidente ng kolehiyo na si John Slaughter, “at kailangan silang manalo upang kumita ng salapi.” Ito’y nagbubunga ng isang masamang siklo kung saan ang pagwawagi ay nagiging pinakamahalagang bagay—na may kapaha-pahamak na mga resulta.
Yamang ang trabaho ng propesyonal na mga manlalaro ng bola ay depende sa pagwawagi, kadalasang ginagawa nila ang halos lahat ng bagay upang manalo. “Hindi na ito isport,” sabi ng dating sikat sa basketball na si Rusty Staub. “Isa itong masama, pisikal na negosyo.” Ang pandaraya ay palasak. “Kung hindi ka nandaraya, hindi ka nagsisikap manalo,” paliwanag ng baseball outfielder na si Chili Davis. “Ginagawa mo ang lahat ng magagawa mo nang hindi ka nahuhuli,” sabi ng infielder ng New York Mets’ na si Howard Johnson.
Kaya nasisira ang magandang asal, at ito ay isang malaking problema din sa isports sa kolehiyo. “Ang
ilang coach at mga patnugot sa palakasan ay nandaraya,” inamin ni Harold L. Enarson, dating presidente ng Ohio State University, “samantalang sadyang hindi iniintindi ng mga presidente at mga tagapangasiwa.” Kamakailan lamang, 21 unibersidad sa Estados Unidos ang pinarusahan ng National Collegiate Athletic Association dahil sa mga paglabag, at 28 iba pang unibersidad ang iniimbestigahan.Hindi kataka-taka na ang mga pamantayan ng mga batang manlalaro ay nasira, na isa pang malaking problema sa isports ngayon. Ang paggamit ng droga upang pagbutihin ang paglalaro ay karaniwan, subalit ang pagkuha ng edukasyon ay kadalasang hindi pinagbubuti. Pinatutunayan ng isang malaking pag-aaral na ang mga manlalaro sa mga kampus na may malalaking programa sa palakasan ay gumugugol ng higit na panahon sa paglalaro ng kanilang isports kaysa pag-aaral at pagdalo sa mga klase. Natuklasan din ng isang pananaliksik na itinataguyod ng gobyerno na wala pang 1 sa 5 manlalaro ang nagtapos sa sangkatlo ng mga kolehiyo at mga unibersidad sa Amerika na may malalaking programa sa basketball para sa mga lalaki.
Sa wakas ang ilang manlalarong estudyante ay nagtagumpay pa nga sa propesyonal na isports at kumikita ng malaki at kadalasa’y nagiging kilala. Hindi nila kayang pangasiwaan ang kanilang pananalapi at makatotohanang harapin ang buhay. Si Travis Williams na namatay nitong nakaraang Pebrero na walang tirahan sa edad na 45 ay isa lamang halimbawa. Noong 1967, samantalang naglalaro sa koponan ng football na Green Bay Packers, siya ay nakapagtala ng isang rekord hanggang ngayon sa propesyonal football sa E.U., ang pagbabalik ng katamtamang 37.6 metrong kickoffs. Minsa’y nasabi niya na samantalang siya’y nasa kolehiyo “hindi niya kailangang pumasok sa klase. Basta magpraktis at maglaro lamang siya ng football.”
Mga Problema na Nauugnay sa mga Manonood
Ang mga tao ngayon ay gumugugol ng mas maraming panahon sa panonood ng isports kaysa paglalaro nito, at nagbunga ng malalaking problema. Sa isang bagay, ang pagtungo sa mga laro ay karaniwang naglalantad sa iyo sa mahalay at marahas pa nga na paggawi ng ibang manonood. Ang mga away ay karaniwan sa mainit na mga laro, at daan-daan ang nasugatan at ang iba ay nasawi samantalang nanonood.
Subalit ngayon ang karamihan ng mga manonood
ay wala naman sa mga laro; pinanonood nila ito sa telebisyon. Sa Estados Unidos, isang 24-oras na channel ay nagtatalaga ng higit na panahon sa araw-araw na balita tungkol sa isports kaysa panahong ginugugol ng malalaking network sa araw-araw na balita! Subalit ang panonood ba ng isports sa sariling tahanan ay hindi lumilikha ng problema?Tiyak na lumilikha ito ng problema. “Sa loob ng mga taon ay kilala ng mister ko ang bawat propesyonal na tauhan sa isport,” sabi ng isang babae, “at hindi siya nag-iisa. Iilan lamang sa mga kaibigan niya ang hindi nanonood ng isports nang palagian. Ang pinakamalaking kasalanang kaugnay ng gawaing ito,” sabi ng babaing ito, “ay ang impluwensiya nito sa mga bata.” Susog pa niya: “Ipinaghihinanakit ko na ginagamit ng mister ko ang kaniyang personal na panahon sa panonood ng isports nang hindi man lamang isinasaalang-alang ako o ang mga bata.”
Isang nabubukod na reklamo? Hindi nga. Sa mga sambahayan sa buong daigdig, may mga miyembro ng pamilya na gumugugol ng napakaraming panahon sa panonood ng isports sa telebisyon sa kapabayaan ng iba pang miyembro ng pamilya. Binanggit ng isang maybahay na taga-Brazil ang mapanganib na mga kahihinatnan: “Ang pag-ibig at tiwala sa pagitan ng asawang lalaki at babae ay maaaring unti-unting manghina, isinasapanganib ang pag-aasawa.”
Ang mga mahilig sa isports ay kadalasang di-timbang sa iba pang paraan. Karaniwan nang iniidolo nila ang mga manlalaro, na nakikita ng mga manlalaro mismo bilang isang problema. “Pagpasok ko sa aming bayan, ang mga tao ay nakatayo at nakatingala sa akin na parang umaasa ng pagpapala mula sa Papa,” sabi ng sikat na Alemang manlalaro ng tenis na si Boris Becker. “Kapag tinititigan ko ang mga mata ng aking mga tagahanga . . . akala ko ako’y nakatingin sa mga napakalaking halimaw. Ang kanilang mga mata ay nakatitig at walang buhay ang mga ito.”
Walang alinlangan dito, ang isports ay maaaring maging isang batubalaning lakas na lumilikha ng katuwaan at matinding katapatan. Ang mga tao’y nahahalina hindi lamang sa pagtutulungan ng mga manlalaro at sa kahanga-hangang mga kasanayan kundi sa kawalang katiyakan rin ng kalalabasan ng laro. Gusto nilang malaman kung sino ang mananalo. Higit pa riyan, ang isports ay nagbibigay ng dibersiyon sa angaw-angaw sa kanila na naiinip sa buhay.
Gayunman, ang isports ba ay nagdudulot ng kaligayahan sa mga tao? Nagbibigay ba ito ng tunay na pakinabang? At paano mo maiiwasan ang mga problema na nauugnay rito?
[Kahon sa pahina 9]
Ang Isports Bilang Isang Relihiyon
Ang taga-Canadang si Tom Sinclair-Faulkner ay nangatuwiran na ang ice “hockey ay higit pa sa isang laro sa Canada: ito ay parang relihiyon sa marami.” Ito ang karaniwang saloobin na ipinakikita ng maraming mahilig sa isports, saanman sila nakatira.
Halimbawa, ang isports sa Estados Unidos ay binansagang “isang tinatanggap na sekular na relihiyon.” Binanggit ng sikologo sa isports na si David Cox na “maraming kaugnayan sa pagitan ng isports at ng relihiyon gaya ng pagpapakahulugan dito ng diksiyunaryo.” “Itinuturing ng ibang tao ang mga manlalaro na para bang mga diyos o mga santo,” susog pa ni Mr. Cox.
Ang mga panatiko sa isports ay gumagawa ng malalaking sakripisyo, inilalaan ang panahon at salapi sa kanilang isport, kadalasan sa kapinsalaan ng kanilang pamilya. Ang mga tagahanga ay magtatalaga ng di-mabilang na oras sa panonood ng mga laro sa telebisyon. May pagmamalaking magsusuot sila ng kulay ng kanilang koponan at ipakikita sa madla ang mga imblema ng isports. Sila’y masiglang mag-aawitan at maghihihiyaw na magpapakilala sa kanila bilang mga debotado ng kanilang isport.
Maraming manlalaro ang nagdarasal na pagpalain ng Diyos bago ang laro at lumuluhod sa panalangin ng pasasalamat pagkatapos makaiskor ng isang goal. Sa laro ng World Cup noong 1986, isang magaling na manlalaro ng soccer ng Argentina ang nagsabing ang kaniyang goal ay dahil sa tulong ng Diyos. At tulad ng ibang relihiyonista, ang mga panatiko sa isports ay binansagan pa ngang “dogmatikong mga pundamentalista.” Ang pagkapanatikong ito ay humantong sa madugo, kung minsan ay nakamamatay, na mga labanan sa gitna ng magkaribal na mga tagahanga.
Kahawig ng huwad na relihiyon, ang “sekular na relihiyon” ng isports ay naglalaan ng “mga santo,” mga tradisyon, relikya, at mga ritwal sa masugid na mga tagahanga nito subalit hindi ito nagbibigay ng tunay o nagtatagal na kabuluhan sa kanilang buhay.
[Larawan sa pahina 7]
Ang mga manlalaro ay karaniwang pinipinsala upang huwag makapaglaro
[Larawan sa pahina 8]
Ang panonood ng isports sa TV ay maaaring pagmulan ng pag-aaway ng pamilya