Ano ang Nangyayari sa United Nations?
Ano ang Nangyayari sa United Nations?
MAY nangyayari sa United Nations. Nakagugulat na mga pangyayari ang nagaganap na makaaapekto sa iyong hinaharap. Ang mga lider ng daigdig ay punô ng pag-asa tungkol dito. Isaalang-alang ang kanilang mga sinabi:
“Apatnapu’t-limang taon pagkasilang nito, pagkatapos na malumpo sa loob ng mahabang panahon, ang [United Nations] ay umuunlad sa ating mismong mga paningin, at ngayo’y lumilitaw bilang isang tunay na hukom, na nagpapahayag ng batas at nagsisikap na ipatupad ito.”—Presidente François Mitterrand ng Pransiya sa ika-45 sesyon ng UN General Assembly, Setyembre 24, 1990.
Sa miting ding iyon, sinabi ng dating Sobyet na Minister ng Suliraning Panlabas na si Eduard Shevardnadze na “hindi maiiwasan ng isa na masiyahan sa walang katulad na pagkakaisa ng [UN] Security Council . . . Ang mga posisyon na kinuha ng mga miyembro ng organisasyon [ng United Nations] ay nagbigay sa Security Council ng awtoridad na kumilos hanggang sa magagawa nito kung ito ang hinihiling ng kapakanan ng kapayapaang pandaigdig.”
Pagkaraan ng ilang araw, si Pangulong George Bush ng Estados Unidos ay nagtalumpati sa UN General Assembly. Ang mga pagbabagong nakita niya ay gumanyak sa kaniya na magsabi: “Mula noong 1945 tayo ay hindi pa nakakita ng tunay na posibilidad na gamitin ang United Nations tulad sa pagkakadisenyo nito—bilang isang sentro para sa sama-samang seguridad ng mga bansa.” Sinabi niya ito sapagkat “ang United Nations ay kumilos na may makasaysayang pagkakaisa at determinasyon” sa krisis sa Persian Gulf. “Sa kauna-unahang pagkakataon, ang UN Security Council ay nagsimulang kumilos na gaya ng pagkakadisenyo rito.” Sinabi rin niya: “Ang United Nations ay maaaring tumulong sa pagdadala ng isang bagong panahon” kung ‘iiwan ng mga miyembro nito ang katakut-takot na mga sandata nito.’ Sa paggawa nito, makukompleto nila ang “makasaysayang pagkilos tungo sa isang bagong kaayusan ng daigdig at sa isang mahabang panahon ng kapayapaan.”
Ganito rin ang inaasam-asam ni Mr. Guido de Marco, presidente ng General Assembly ng United Nations. Masiglang ipinahayag niya: “Ang pasimula ng isang bagong sistema batay sa pagkakaibigan at pagtutulungan sa pagitan ng malalaking kapangyarihan ay natatanaw na. . . . Ang mga pangyayaring ito ay muling nagbigay-lakas sa United Nations Organisation.” Sinabi niya na “ang papel ng General Assembly bilang sentro ng internasyonal na talakayan at pagtatalo, ay muling napatunayan sa isang kahanga-hangang paraan.” Dahil dito, sabi pa niya: “Ang daigdig ay hindi na nabubuhay sa salagimsim ng posibleng Armagedon na pinangyari ng ideolohikal na kompetisyon.”
Ano ang “mga pangyayaring ito” na mabilis na nagdala sa United Nations sa malaon-nang-inaasahang posisyon ng prestihiyo at impluwensiya? Ano ang nagpangyari ng gayong optimismo na nag-udyok sa mga lider ng daigdig na magsalita na punô ng pag-asa tungkol sa “isang bagong kaayusan ng daigdig at sa isang mahabang panahon ng kapayapaan” na malaya sa panganib ng isang nuklear na Armagedon?
Ano ang Nagpangyari ng Pagbabago?
“Ang pagwawakas ng cold war [sa Europa],” sagot ng Panlahat-na-Kalihim ng UN na si Javier Pérez de Cuéllar sa kaniyang report noong 1990 tungkol sa gawain ng United Nations. Sa loob ng mga dekada ang maigting na kalagayan ay “naghasik ng talamak na paghihinala at takot at humati sa
daigdig sa dalawang panig.” Binanggit niya na ang “ideya ng seguridad [na] nagsimulang lumitaw ay siyang ipinaliliwanag ng United Nations sa buong panahong iyon.”Oo, wari ngang sa wakas ang mga bansa ay natututo, sabi ng panlahat-na-kalihim, na “ang labis na pag-iisip sa militar na seguridad ay nagbubunga ng pagpaparami ng mga armas, . . . pumipigil sa pulitikal na talakayan, . . . at pinasisidhi ang diwa ng kawalan ng kaseguruhan sa lahat ng bansa.” At ano ang naibunga ng bagong saloobing ito?
Ang diwa ng masiglang pagtutulungan at pagtitiwala sa isa’t isa ay nagsimulang lumitaw sa mga summit miting ng mga superpower. Habang umuunlad ang diwang ito, hindi na nila nadarama ang pangangailangan para sa gayunding dami ng lubhang nasasandatahang mga hukbong militar upang magsilbing mga panghadlang sa estratihikong mga lugar sa Europa. Bumagsak ang Pader ng Berlin. Ang Alemanya ay pinagkaisa. Maraming bansa sa Silangang Europa ang nagtatag ng bagong mga pamahalaan, binibigyan ng kalayaan ang mga mamamayan nila na kailanma’y hindi nila natamasa noon. Ang saradong mga hangganan ay binuksan sa turismo, kultural na pagpapalitan, komersiyo, at kalakalan. At sa sukdulan nito, pinupuri ng Unyong Sobyet at ng Estados Unidos ang United Nations at ipinahahayag ang pangangailangan na gamitin ito bilang isang kumikilos na puwersa sa paghahanap ng daigdig ng kapayapaan at katiwasayan.
Pagpapanatili ng Makatotohanang Pangmalas
Nagulat ka ba sa biglang mga pagbabagong ito? Nagsimula ka bang mag-isip na, sa wakas, ang kapayapaan at katiwasayan ay natatanaw na at na ang United Nations ay gaganap ng pangunahing bahagi sa pagkakamit ng gayong mga layunin? Dahil sa nangyari, ang optimismo ay mauunawaan. Gayunman, ang karunungan at kasaysayan ay nag-uutos na panatilihin natin ang makatotohanang pangmalas ng posibilidad na ito.
Pansinin ang sinabi ni Mr. Pérez de Cuéllar sa kaniyang report: “Dalawang beses sa siglong ito, pagkatapos ng dalawang mapangwasak na mga digmaan, ang mga posibilidad na pagsasagawa ng isang pangglobong mapayapang kaayusan ay hindi ganap na natupad.” Halos gayunding mga salita ang ginamit ni Presidente Bush sa kaniyang talumpati sa isang magkasamang sesyon ng Kongreso ng E.U. noong Marso 6, 1991. “Dalawang beses sa siglong ito, ang buong daigdig ay matinding giniyagis ng digmaan. Dalawang beses sa siglong ito, mula sa mga kakilabutan ng digmaan ay lumitaw ang pag-asa para sa nagtatagal na kapayapaan. Dalawang beses din, na ang mga pag-asang iyon ay naging isang malayong pangarap, hindi abot ng tao.”
Ang Kalihim ng Estado ng E.U. na si James Baker ay mas espisipiko nang siya’y nagpapahayag sa UN Security Council. Sa panawagan para sa isang resolusyon ng UN sa paggamit ng hukbo sa Persian Gulf, ipinagunita niya sa kaniyang mga kasama na ang “pagsamo [ng Ethiopia noong 1936] sa Liga ng mga Bansa ay hindi pinakinggan. Ang mga pagsisikap ng Liga na alisin ang sanhi ng pananalakay ay nabigo at sumunod ang internasyonal na kaguluhan at digmaan.” Pagkatapos si Mr. Baker ay nakiusap: “Huwag nating hayaang mangyari sa United Nations ang nangyari sa Liga ng mga Bansa.”
Ano ba ang Liga ng mga Bansa? Bakit ba ito inorganisa? Bakit ito nabigo? Ang mga sagot sa mga tanong na ito ay magpapangyari sa atin na pahalagahan ang mga pagbabagong nangyayari sa United Nations.