‘Hindi na Sila Gumagawa Nito na Gaya ng Dati’—O Gumagawa Pa Rin Sila?
‘Hindi na Sila Gumagawa Nito na Gaya ng Dati’—O Gumagawa Pa Rin Sila?
“Hindi gumagana ang sistema ng computer sa kotse,” daing ng may-ari ng isang magara, bagong kotse pagbalik niya mula sa dealer service department. “Talagang hindi na sila gumagawa nito na gaya ng dati!” Ang kaniyang asawa ay tumango bilang pagsang-ayon, sabi pa niya: “Hindi ko nga makilala ang ating kotse sa iba pang kotse. Pare-pareho silang lahat.”
AKO’Y isang tagapagsauli sa dating kalagayan at kolektor ng lumang mga kotse, kaya madalas kong marinig ang gayong mga reklamo mula sa mga may-ari ng bagong-kotse. Napamahal na sa marami sa kanila ang isang modelo ng kotse na pag-aari nila noon, kahit na ang kotseng gamit nila ngayon ay karaniwang mas maaasahan, mas ligtas, at mas madaling paandarin. Maaari kayang ang kanilang pagmamahal sa paboritong lumang kotse ay nagmumula sa matatamis na alaala ng mabubuting panahon, sa halip na ang aktuwal na pagtakbo ng kotse?
Pagkolekta ng Lumang mga Kotse
Sa kaso ko, ang pagpapahalaga sa lumang mga kotse—ang pagsasauli sa dating kalagayan at pag-iingat nito—ay buhat sa pagkakita rito bilang mga bagay ng sining at kapahayagan ng naiibigan ng tao at teknolohiya buhat sa mga panahon at mga bansa kung saan ito ginawa.
Kung masumpungan ng maraming kolektor ang parehong kanais-nais na modelo at nagkataong ito ay kaunti lamang, kung gayon ang halaga ng kotse ay tumataas. Halimbawa, noong Nobyembre 19, 1987, sa isang subasta sa London, Inglatera, isang pambihirang
1931 Bugatti Royale na sports coupe ay nabili sa halagang $9,900,000, U.S.!Gayunman, sa karamihan ng pagkakataon ang mga kaibigan at mga kapitbahay ay karaniwang nalilito habang ang pinakahuling bagay na totoong mahalaga ay inuuwi ng kolektor. Nagtataka sila kung ang kinakalawang, punô ng insektong labí ay mas mabuti pang pinabayaan na lamang kung saan ito nasumpungan. Gayunman, nakikita na ng kolektor sa kaniyang isipan ang kotse na naisauli na sa dati nitong kagandahan. Kaya siya’y ngumingiti at sinasabi sa kaniyang sarili: ‘Hindi na sila gumagawa nito na gaya ng dati.’
Totoo ba Ito?
Oo, totoo ito. ‘Hindi na sila gumagawa ng mga kotse na gaya ng dati.’ Sa ilang paraan matutuwa tayo sa bagay na iyon at sa ibang paraan naman ay malulungkot tayo. Tingnan natin ang ilang modelo. Halimbawa, ang isang Rolls-Royce ay inanunsiyo bilang ang “Pinakamagaling na Kotse sa Daigdig” at “ang pinakaligtas na mabilis na kotse sa daigdig.” Ito ay maaaring bumilis mula sa 0 hanggang sa 97 kilometro sa bawat oras sa loob halos na 24 na segundo at may sukdulang tulin na halos 130 kilometro sa bawat oras. Hindi masama para sa isang makina ng kotse na tumitimbang ng dalawa at kalahating tonelada! Subalit papaano mo mapahihinto ito? May kawastuang ipinagmamalaki ng maygawa nito na sa pamamagitan ng isang pantanging idinisenyong servomekanismo na nakakabit sa gearbox, ang kotse ay may “mas matinding lakas sa paghinto.” Subalit bagaman ang isang naisauli sa dating kalagayan na Rolls-Royce ay kaya pa rin ang orihinal nitong pagtakbo, hindi na ito magiging angkop sa mga kalagayan sa pagmamaneho ngayon.
Bagaman isang kredito sa maygawa nito, ang Rolls-Royce na iyon ay hindi nagkaroon ng pakinabang ng 60 taon pa ng natipong karunungan at karanasan sa awtomotib. Kaya, wala itong haydrolik at antilock power brakes, sealed-beam headlights, internal crash pads, patungan ng ulo, at marami pang ibang pagbabago na nagpapabuti sa pagtakbo at kaligtasan—ng mga bagay na ipinagwawalang-bahala natin ngayon o itinuturing bilang pinakabagong teknolohiya.
Ang Pinakabagong Teknolohiya?
Ang lahat ba ng mga aparato na nakikita natin ngayon sa mga kotse ay talagang bagong mga pagsulong? Hindi. Ang maraming mapagpipilian
at mga aksesorya sa iyong kotse ay mga ilang taon nang ginawa. Maaaring nabili mo ang 1936 Packard na kotse na may sumusunod na tampok: chassis lubricator, na patuloy na naglalangis sa tsasis; ride control, na nagpapangyari sa tsuper na baguhin ang mga shock absorber upang makatugma ang mga kalagayan sa daan; tagapagpalamig ng langis ng makina, na naghahatid sa langis sa isang pantanging sisidlan kung saan dumadaloy ang nagpapalamig sa makina, sa gayo’y pinananatili ang temperatura ng langis.Ang mga modelo ng ’60’s, gaya ng 1966 Ford Mustang, ay nakakita ng sarisari at maraming opsiyonal na kagamitan na hindi kailanman nakukuha noon. Ang mga kotseng maramihan ang pagkakagawa ay maaaring pididuhin na may iba’t ibang laki ng makina, sa maraming iba’t ibang kulay, at walang katapusang listahan ng mga aksesorya sa pagtakbo at sa ginhawa. Sa maraming kaso, ang gayunding kotse ay maaaring makuha bilang isang sedan, isang convertible, o isang fastback. Kahit na kung daan-daang libo ng isang partikular na modelo ang ginawa, kung ikaw ay pipili, makapipidido ka ng isa na nasasangkapan sa paraang nais mo.
Pawang Magkakamukha Ito!
Ang mga kotse ngayon ay magkakamukha sa iba’t ibang kadahilanan. Ang mga disenyo sa kasalukuyan ay waring naiimpluwensiyahan ng teknolohiya at ekonomiya. Ang resultang disenyo ng katawan ay produkto na lubhang naimpluwensiyahan ng wind-tunnel na mga pagsubok kung saan sinusukat ng mga inhinyero ang salik ng paglaban ng katawan ng kotse sa hangin. Ang mas mababang salik ng paglaban ay nagbubunga ng mas mababang konsumo ng gasolina at nakatutulong sa higit na katatagan sa daan.
Samakatuwid, ang pangwakas na disenyo ng katawan ay lubhang naiimpluwensiyahan ng pisikal na batas na nauugnay sa daan at sa paglaban sa hangin, inertia, at katumbasan ng timbang-sa-laki. Idagdag pa rito ang ilang mga kahilingan sa kaligtasan at sarisaring pangangailangan ng pasahero, at ang resulta‘y maraming kotse na magkakamukha. Ngunit, mangyari pa, ang ideya ng publiko sa kung ano ang moderno ay maaaring magbago, at ang mga tagagawa ay kailangan ding magbago.
Kaya, masasabi natin, taglay ang iba’t ibang damdamin, ‘Hindi na sila gumagawa nito na gaya ng dati.’—Isinulat.
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
1929 na Rolls-Royce P1 Faux Cabriolet
[Credit Line]
Rolls Royce Heritage Trust
1936 Packard Model 1401
1966 Mustang GT Fastback
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Rolls Royce Heritage Trust