Isa sa Pantanging Sining ng Madagascar
Isa sa Pantanging Sining ng Madagascar
ANG magagandang displey ng mga plorera, palayok, at kawali na yari sa luwad ay nakatawag ng aming pansin habang kami ay namamasyal sa palengke ng Antsirabe sa aming tahanang isla ng Madagascar. Bagaman ang lahat ng palayok ay kayumanggi, ito ay may malalaking batik na itim na para bang sinunog. Ang pag-uusyoso ang nag-udyok sa amin na magtanong sa batang lalaki na nagtitinda nito kung tama ba ang hula namin.
“Opo,” aniya, “ito po’y kailangang lutuin sa apoy upang maging ganito. Subalit wala po kami ng moderno, masalimuot na mga pugon sa mga lungsod. Ginagamit po namin ang tradisyunal na mga paraan na itinuro sa amin ng aming tatay.”
Bagaman mabait na sinagot ng batang lalaki ang iba pa naming mga tanong, ang kaniyang mga salita ay lalo lamang pumukaw ng aming pagnanais na aktuwal na makita ang paggawa ng mga palayok na iyon. Kaya kami’y
nagtungo sa liblib na dako sa bansa kung saan ang mga taganayon ay mga dalubhasa sa paggawa ng palayok na luwad. Ang lahat ay mababait at mapagpatuloy. Natutuwa’t ang mga tao sa lungsod ay interesado sa kanilang mga gawain, buong pagkukusang ipinakita nila sa amin ang kanilang mga sekreto.Una sa lahat, napag-alaman namin na ang luwad na ginagamit nila ay hindi ordinaryong luwad. Ang ordinaryong luwad, sabi nila, ay madaling mabasag kapag iniinit. Kaya gumagamit sila ng luwad na tinatawag na tanimanga, (literal, “lupang-asul”), na masusumpungan lamang sa lalawigan at sa mga pampang ng ilog o sapa. Sinamahan kami ng isang batang lalaki sa pampang ng isang sapa at humukay siya sa lupa. Halos 30 centimetro sa ilalim ng lupa, lumitaw ang ilang mamasa-masa, kulay abong lupa—ang tanimanga! Gayunman, kabaligtaran ng pangalan nito, sa ibang lugar ang tanimanga ay itim o manilaw-nilaw. Gayumpaman, ito ay laging kabaligtaran ng karaniwang mamula-mulang lupa ng gitnang bahagi ng islang ito.
Saka sinabi sa amin ng isang lalaki na upang makagawa ng ilang plorera o palayok, inihahalo niya ang isang supot ng tanimanga sa sangkatlo ng isang supot ng malambot na buhangin, na masusumpungan din sa mga pampang ng ilog. Saka niya dinaragdagan ng tubig upang palambutin ang halo. Gaano karami ang idinaragdag niya? Ang eksaktong sukat ay hindi sinusunod. Ayon sa karanasan, ang magpapalayok ay humihinto sa pagdaragdag ng tubig kapag nadarama niyang ang halo ay tama na ang lapot—hindi masyadong matigas ni masyadong malambot.
Susunod, ang halong ito ng luwad, buhangin, at tubig ay inilalagay sa isang malinis na banig na walang bato at dayami. Saka ito tinatapakan ng magpapalayok sa loob ng mahabang panahon. Tinitiyak nito na ang luwad ay nahahalong mainam sa buhangin, na siyang sekreto ng matibay na mga plorera o palayok. Inilalarawan ng ilang salita sa wikang Malagasy ang mahalagang hakbang na ito ng paggawa ng palayok: hitsahina, disahina, tehafina, volavolaina, totoina. Gayunman ito’y pawang tumutukoy sa iisang proseso—ang pagtapak sa halo ng luwad. Kapag natitiyak na ng mga magpapalayok na tama na ang halo, sinisimulan nila ang paggawa ng palayok.
Una’y hinahati nila ang halo at ginagawa itong mga bola na sinlaki ng iyong kamao. Para sa ilalim ng palayok, kumukuha sila ng isang bola at idiniriin ito sa ilalim ng molde—karaniwang isang luma at sirang palayok na luwad—upang hubugin ito. Pagkatapos alisin ang molde, gumagamit sila ng isa pang bola ng luwad upang iporma ang bibig, o bunganga, ng palayok. Sa prosesong ito, ang mga magpapalayok ay nag-iingat na ang halo ay huwag maging napakatuyo, sapagkat ito’y madaling mabasag.
Ang mga palayok ngayon ay pinatutuyo sa araw sa maghapon. Kapag natuyo na ito sa maghapon saka lamang ito handa na para sa pangwakas na hakbang: pagpapatuyo sa apoy. Subalit ito man ay ginagawa nang hakbang-hakbang. Lahat ng palayok at mga plorera ay nilalagyan ng dayami at tuyong dahon at inilalagay na patagilid sa lupa. Ang dayami at tuyong dahon sa loob ng palayok ay sinisigahan at hinahayaang masunog sa loob ng mga 10 o 15 minuto. Pinatitigas at pinatitibay nito ang luwad.
Pagkatapos ng unang pagsunog, ang mga palayok ay inilalagay sa ibang lugar na natatabunan ng dayami at tuyong dahon. Gayunman, sa pagkakataong ito ang mga palayok ay inaayos na magkakatapat ang bibig. Saka inilalagay ng magpapalayok ang dayami at tuyong dahon sa ibabaw at palibot ng palayok hanggang sa ito’y matabunan. Saka nila pinalilibutan ang lugar na ito ng mga kimpal ng lupa upang dumoon ang apoy at upang huwag gumulong ang mga palayok. Ang dayami at tuyong dahon ay muling liliyaban at hahayaang masunog sa loob ng hindi kukulanging 30 minuto o hanggang sa mamatay ang apoy sa ganang sarili. Pagkatapos ang mga palayok ay pinalalamig, saka ito inilalabas mula sa mga abo at handa na itong gamitin.
Maingat na sinusuri ang mga palayok, nauunawaan na namin ngayon ang itim na mga batik sa palayok. Ito ang mga bahagi na tuwirang nalantad sa apoy. Ang iba pang bahagi ng palayok ay ang karaniwang kulay ng sunog na luwad—kulay kahel na kayumanggi.
Ang sining na ito na paggawa ng palayok ay ipinasa mula sa isang salinlahi tungo sa isang salinlahi. May nakilala kaming isang lalaki na nagtatrabaho sa isang malaking pagawaan ng tela sa bayan subalit kumikita pa rin ng ekstrang pera sa paggawa at pagbibili ng palayok. Natutuhan niya ang sining buhat sa kaniyang ama, na, natutuhan naman ito buhat sa kaniyang ama. At nakatitiyak kami na hindi rin kakaligtaan ng binata ang pagkakataong ituro ito sa kaniyang mga anak.