Kung Bakit Bumangon ang Pangangailangan sa Isang Liga
Kung Bakit Bumangon ang Pangangailangan sa Isang Liga
ANG Digmaang Pandaigdig I ay isang apat-na-taóng holocaust ng kamatayan at pagkawasak, na ang katulad nito ay hindi pa nakita noon. Nahahati sa dalawang magkalabang mga alyansa, lahat ng malalaking kapangyarihan ng daigdig, at ang iba pa, ay nagtungo sa digmaan, bawat isa’y nagtitiwalang magtatagumpay, pinasisigla ng mga mabuhay ng nailigaw na mga mamamayan na nag-aakalang ang digmaan ay isang maluwalhating abentura.
Subalit pagkalipas ng ilang buwan, napakasakit na natutuhan ng daigdig ang katakut-takot na halaga ng digmaan. At nang ito’y matapos, ang madugong pagpaslang, ang walang-awang pag-aaksaya ng buhay at mga bagay, ay nag-iwan sa daigdig na sumusuray-suray sa ilalim ng napakalaking pagkakautang dahil sa digmaan. Kailangang may gagawin upang hadlangan ang muling pagsiklab ng labanang iyon. Bakit hindi gumawa ng isang kaayusan na sa pamamagitan nito maaaring malutas ng mga bansa ang kanilang mga alitan nang mapayapa sa halip na sa pamamagitan ng militar? Isang bagong ideya? Hindi naman.
Kung Bakit Nabigo ang Dating mga Pagsisikap
Bago ang Digmaang Pandaigdig I, isang hukuman ang itinatag upang sikaping lutasin nang mapayapa ang mga alitan. Ito ang Permanenteng Hukuman ng Arbitrasyon sa The Hague sa Netherlands. Noong maagang 1900’s, maraming tao ang umaasa na ito ay magiging isang sentro kung saan ang pamamagitan ay hahalili sa digmaan. Subalit ano ba ang nangyari sa mga Komperensiya sa Kapayapaan sa Hague noong 1899 at 1907 na humantong sa pagtatatag ng hukumang ito, na kilala sa tawag na Hague Court?
Sa kapuwa mga miting na ito ang mga bansang kinakatawan ay ayaw sumang-ayon na pasakop sa sapilitang arbitrasyon, ni pumayag man sila na takdaan o bawasan ang kanilang talaksan ng mga armamento. Sa katunayan, tinanggihan nila ang anumang mungkahi para sa disarmamento at hinadlangan ang anumang plano na oobliga sa kanila na lutasin ang kanilang mga di-pagkakaunawaan sa pamamagitan ng pag-aayos na magkasundo.
Kaya, nang ang Hague Court sa wakas ay kumilos, tiniyak ng mga bansa na hindi nito tatakdaan ang kanilang ganap na kalayaan. Papaano? Sa pamamagitan ng isang payak na paraan: Ginawa nilang hindi sapilitan ang pagdadala ng kaso sa mga hukom. At ang mga bansang dinadala ang kanilang mga hidwaan sa hukumang ito ay hindi obligadong sundin ang anumang disisyon nito.
Gayunman, ang maingat na pagsasanggalang sa pambansang soberanya ay nagsasapanganib sa kapayapaan at katiwasayan ng daigdig. Kaya ang
pagpapaligsahan sa armas ay nagpatuloy hanggang sa wakas ay walang-ingat na inihagis nito ang sangkatauhan sa sunud-sunod na putok na nagwasak sa kapayapaan ng daigdig noong tag-araw ng 1914.Balintuna nga na samantalang ang huling mga minuto ng kapayapaan ay lumilipas, ang Serbia, sa kaniyang tugon sa ultimatum ng Austria, ay nagpahayag ng kaniyang pagkukusang “tanggapin ang isang mapayapang kasunduan, sa pagpapadala ng problemang ito . . . sa disisyon ng International Tribunal ng Hague.” Subalit yamang ang paggamit sa Hague Court ay hindi sapilitan, inakala ng Austria na maaaring hindi tanggapin ang potensiyal na “mapayapang kasunduan” na ito. Kaya ang digmaan ay ipinahayag upang panatilihin ang kapayapaan—at mahigit na 20 milyong sibilyan at militar na mga bangkay ang ibinayad dito!
Ang Panawagan ng Klero para sa Liga
Noong Mayo 1919, ang obispong Episcopal na si Chauncey M. Brewster ay nagpahayag sa isang kombensiyon ng mga diyosesis sa Estados Unidos na “ang pag-asa ng daigdig sa isang matuwid at nagtatagal na kapayapaan ay nakasalalay sa rekonstitusyon ng batas ng mga bansa sa isang bagong awtoridad. . . . Ang internasyonal na batas ay dapat bigyan ng awtoridad na mas mabisa kaysa mga konklusyon ng Komperensiya sa Hague [na nagtatag sa Hague Court]. Samakatuwid, ang pakikipagtulungan ng mga bansa ay dapat na nasa isang samahan na may mga katangian ng isang tipan o liga.”
Gayundin ang palagay ng Romano Katolikong kardinal Mercier ng Belgium. “Sa akin ay para bang,” sabi niya sa isang panayam noong Marso 1919, “ang pangunahing tungkulin ng mga Gobyerno sa hinaharap na salinlahi ay gawing imposible ang pag-ulit ng mga krimen kung saan ang daigdig ay dumaranas pa ng hirap.” Tinawag niya ang mga tagapag-areglo ng kasunduan sa kapayapaan sa Versailles na “muling mga tagapagtayo ng bagong daigdig” at hinimok niya ang pagtatatag ng isang liga ng mga bansa upang makamit ang tunguhing ito. Siya’y umaasang ang ligang ito ay magiging isang sakdal na tagapag-ingat ng kapayapaan.
Ang unang pahina ng The New York Times ng Enero 2, 1919, ay may ganitong paulong-balita: “Ang Papa ay Umaasa sa Pagtatatag ng Liga ng mga Bansa.” Ang unang parapo nito ay nagpahayag: “Sa isang mensahe ng Bagong Taon sa Amerika, . . . si Papa Benedicto ay nagpahayag ng pag-asa na ang Komperensiya sa Kapayapaan ay maaaring magbunga ng isang bagong kaayusang pandaigdig, na may Liga ng mga Bansa.” Hindi ginamit ng papa ang aktuwal na pariralang “bagong kaayusang pandaigdig” sa kaniyang mensahe. Gayunman, ang pag-asang ipinahayag niya para sa Liga ay masyadong mabulaklak anupa’t ang Associated Press o ang Vatican Press Office ay maliwanag na nag-akalang ang parirala ay hindi angkop.
Isaalang-alang ang mga pag-asang ito sa konteksto ng kanilang panahon. Kailangan ng naliligalig na sangkatauhan ang wakas ng digmaan. Napakaraming digmaan sa loob ng napakaraming dantaon ay nagdulot ng katakut-takot na kawalan at pinsala. At ngayon ang pinakamalaking digmaan sa kanilang lahat ay natapos na sa wakas. Sa isang daigdig na matinding naghahangad ng pag-asa, ang mga salita ng papa ay bumulalas: “Harinawang magkaroon ng Liga ng mga Bansa na, sa pag-aalis sa sapilitang pagpapasundalo, ay babawas sa mga armamento; na, sa pagtatatag ng internasyonal na mga hukuman, ay aalis o lulutas sa mga alitan, na, inilalagay ang kapayapaan sa isang pundasyon ng matatag na bato, ay gagarantiya sa lahat ng kalayaan at pantay-pantay na karapatan.” Kung gagawin ng Liga ng mga Bansa ang lahat ng iyan, ito nga ay lilikha ng isang “bagong kaayusang pandaigdig.”
Kung Bakit Ito Nabigo
Sa teoriya ang mga layunin at pamamaraan ng Liga ay tila napakaganda, napakapraktikal, at maisasagawa. Ang Tipan ng Liga ng mga Bansa ay bumabanggit na ang layunin nito ay upang “magtaguyod ng internasyonal na pagtutulungan at upang magkaroon ng internasyonal na kapayapaan at katiwasayan.” Ang pagkakaroon ng kapayapaan at katiwasayan ay depende sa pagtutulungan ng mga bansa sa isa’t isa at sa kanilang “pagtanggap ng mga obligasyon na huwag makikipagdigma.”
Kaya, kung bumangon ang isang malubhang alitan, ang mga miyembrong bansa na kasangkot sa alitan, na nangakong pananatilihin ang kapayapaan, ay kailangang isumite ang kanilang kaso “sa arbitrasyon o ayusin ito sa hukuman o sa pagsisiyasat ng Konseho” ng Liga. Karagdagan pa, isinama
ng Liga ng mga Bansa ang Permanenteng Hukuman ng Arbitrasyon, sa The Hague, sa sistema nito ng pagpapanatili ng kapayapaan. Inakala nila, tiyak na aalisin nito ang panganib ng isa pang malaking digmaan. Subalit hindi nito naalis ang panganib.Ayon sa ilang mananalaysay, ang isang dahilan kung bakit ang Liga ay hindi nagtagumpay bilang isang tagapanatili ng kapayapaan ay ang kabiguan ng marami sa “mga miyembro nito na kilalanin ang halaga na kailangang ibayad para sa kapayapaan.” Ang pagtatakda ng mga armamento ay isang mahalagang bahagi ng kabayarang ito. Subalit ayaw magbayad ng mga bansa ng gayong halaga. Kaya inuulit ng kasaysayan ang kaniyang sarili—sa sukdulang antas. Ang mga bansa ay minsan pang nagpaligsahan sa pagtitipon ng armas. Hindi makumbinsi ng Liga ang mga bansa na makipagtulungan sa pagpapahinto sa paligsahan sa armas. Ang lahat ng pagsamo at argumento ay hindi pinakinggan. Nakalimutan ng mga bansa ang dakilang leksiyon ng 1914: Ang pagkalaki-laking mga arsenal ay waring lumilikha ng lubhang kasiya-siyang diwa ng kahigitan sa militar.
Ang pagkilala sa halaga ng “sama-samang seguridad” ay isa pang mahalagang bahagi ng halaga ng kapayapaan. Ang isang pagsalakay sa isang bansa ay dapat malasin bilang isang pagsalakay sa lahat [ng bansa]. Subalit ano bang talaga ang nangyayari kapag ang isa sa kanila ay sumalakay sa halip na makipag-ayos? Sa halip na gumawang magkakasama upang ihinto ang alitan, hinati ng mga bansa ang kanilang sarili sa iba’t ibang alyansa, naghahanap ng proteksiyon ng isa’t isa. Iyan din ang panlilinlang na humigop sa kanila sa alimpuyo ng 1914!
Ang Liga ay pinanghina rin sa pagtanggi ng Estados Unidos na sumali sa Liga. Inaakala ng marami na ito “ang isang dakilang kapangyarihan na may kayamanan na gagawa ritong mabisa” at na ang pagsali ng Amerika sa Liga ay maaari sanang nagbigay rito ng antas ng pagkasansinukob na napakahalaga sa tagumpay nito.
Ngunit may mga iba pang dahilan kung bakit nabigo ang Liga. Isaalang-alang ang negatibong sugnay sa simula ng Tipan nito: “Ang Sinumang Miyembro ng Liga ay maaaring umalis sa Liga, pagkaraan ng dalawang taong pahiwatig sa layon nitong umalis.” (Artikulo 1(3)) Ang karapatang ito na pumili, gaano man kahusay ang layon nito, ay hindi nagbigay sa Liga ng katatagan, at tinangay naman nito ang pasiya ng mga bansa na matapat na manatili rito.
Ang kalayaang ito na magbitiw ay naglagay sa buhay ng Liga sa awa ng mga miyembro nito, na maaaring tumigil kailanman nila ibigin. Ang indibiduwal na mga miyembrong bansa ay naging mas mahalaga kaysa ang buong Liga mismo. Kaya, noong Mayo 1941, 17 bansa ang wala na sa Liga. Sinisira ng malalaking kanyon ng Digmaang Pandaigdig II ang pag-asa para sa isang “bagong kaayusang pandaigdig” at nagpangyari sa Liga na bumagsak.
Dapat na mayroong mas mabuting paraan!
[Blurb sa pahina 7]
Hindi nahadlangan ng Liga ng mga Bansa ang Digmaan Pandaigdig II
[Larawan sa pahina 7]
Ang Cassino, Italya, na binobomba, Marso 15, 1944
[Credit Line]
U.S. Army