Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Umuunting Suporta ng mga Tao Para sa Simbahang Kastila
Sa Espanya ang gobyerno ay patuloy na nagbibigay ng pinansiyal na suporta sa Iglesya Katolika. Ayon sa pahayagan sa Madrid na El País, noong nakaraang taon ang simbahan ay tumanggap ng 15,000,000,000 pesetas ($140,000,000, U.S.). Bahagi ng pondo ay galing sa mga nagbabayad ng buwis, na minamarkahan ang isang kahon sa kanilang mga porma sa buwis na nagtatalaga ng bahagi ng kanilang buwis bilang kontribusyon sa Iglesya Katolika. Gayunman, binanggit ng El País na ang bilang ng mga nagbabayad ng buwis na kusang gumagawa ng gayong kontribusyon ay umunti. Noong 1989 38 porsiyento lamang ng mga nagbabayad ng buwis ang nagpahiwatig na nais nilang ibigay ang mga pondong iyon sa simbahan. Ito ay isang bansa na sinasabing halos 100 porsiyentong Katoliko.
Mga Batang Inabuso
Sa ilang bahagi ng Timog Aprika, ang pisikal na pag-abuso sa mga bata ay dumarami. Isang nakagagambalang bilang ng inabusong mga bata ay napakabata at walang kayang humingi ng tulong. Sang-ayon sa Cape Times, isang pahayagan sa Cape Town, isinisiwalat ng isang surbey kamakailan sa 350 mga batang naospital dahil sa pag-abuso na “60 porsiyento ay seksuwal na inabuso at 40 porsiyento ay pisikal na inabuso.” Binanggit ng Cape Times na “mga 90% ng mga biktima ng seksuwal na pag-abuso ay mga babae na ang katamtamang edad ay anim na taon, samantalang 60% ng mga pasyenteng pisikal na inabuso ay mga lalaking ang katamtamang edad ay lima-at-kalahating-taon.” Sa Red Cross Children’s Hospital, “sangkapat ng lahat ng pisikal na inabusong mga bata (ng lahat ng lahi) na ginamot sa nakalipas na dalawang taon ay wala pang isang taóng gulang.”
Mas Nakapipinsala Kaysa Cocaine
Noong 1990, ang pahayagan sa Brazil na Jornal da Tarde ay nagsabi, 58 mga kabataan sa estado ng Minas Gerais ang namatay dahil sa labis na pag-inom ng sirup para sa ubo. Bunga nito, “ipinagbawal ng pamahalaan ng Brazil ang pagbebenta at ang pag-aangkat ng apat na sirup para sa ubo,” sabi ng magasing Veja. Idinagdag pa ng Veja na ayon sa isang dalubhasa, “ang sirup para sa ubo na may zipeprol ay maaaring maging mas matapang na droga kaysa marijuana o mas matapang pa nga sa cocaine sapagkat ito’y maaring pagmulan ng di-mababagong pinsala sa mas madaling panahon.” Ang patuloy na paggamit ng zipeprol ay maaaring makasira sa sistema ng panunaw, maging sanhi ng panlulumo sa sistema ng palahingahan, gawing paralisado ang pantog, at pahintuin ang gawain ng puso.
“Pamantasan ng Buhay”
Si John Major ay naglingkod bilang tsanselor ng Exchequer ng Britaniya bago naging punong ministro noong Nobyembre 1990. Huminto siya sa pag-aaral sa gulang na 16, at ayon sa kaniyang pag-amin, ang kaniyang edukasyon ay galing sa “pamantasan ng buhay.” “Marami akong nakikilalang tao na nagkaroon ng maraming akademikong kuwalipikasyon,” aniya, “at . . . sila’y ganap na walang silbi, karamihan sa kanila. Wala silang sentido komun. Kailangan na ito’y kombinasyon ng talino at sentido komun kung talagang nais ng mga taong magtagumpay at kadalasang ang sentido komun ay mas mahalaga.” Bagaman marami ang eksepsiyon sa kaniyang mga obserbasyon, ang The Times ng London ay nag-ulat na ang dating prinsipal na si John Rae ay sumasang-ayon: “Ang akademikong mga kuwalipikasyon ay nangangahulugan lamang na ang tao ay kuwalipikado sa partikular na paksang iyon, wala na. Ang ilang akademiko, lalo na sa mga pamantasan, ay walang kaugnayan sa tunay na daigdig. . . . Nakikita ko na ang mga taong walang mga kuwalipikasyon ay kadalasang mas may kakayahan.”
Hindi Natatakot sa AIDS
Ang pederal na mga opisyal sa Centers for Disease Control sa Atlanta, Georgia, E.U.A., ay nagpahayag ng pagtataka at pagkadismaya sa pagiging aktibo sa sekso ng mga tinedyer na babae sa Estados Unidos sa kabila ng banta ng AIDS. Ang The Medical Post, isang pahayagan sa Canada, ay nag-uulat na “ang mga 15-anyos, halimbawa, ay limang ulit na malamang na maging aktibo sa sekso ngayon kaysa mga kaedad nila isang salinlahi ang nakalipas.” Ang bilang ng mga dalagita sa pagitan ng edad na 15 hanggang 19 anyos na umaming nakipagtalik bago ang kasal ay halos dumoble. Ito ay totoo lalo na sa kaso ng mga babaing 15-anyos. Sang-ayon sa The Medical Post, “sinisisi ng mga dalubhasa sa kalusugan ang dumaraming bilang sa pagdiriin ng popular na kultura sa seksuwalidad at sa kabiguan ng mga kampaniya sa edukasyon sa sekso noong 1980’s.”
Isang Plastik na “Stradivarius”?
Sang-ayon kay Mrs. Judy Grahame, ang marketing direktor ng London Philharmonic, “dumarating ang punto sa karera ng isang propesyonal na biyolinista kung saan kailangan niyang magbayad ng mga £60,000 [$110,000, U.S.] para sa isang instrumento.” Subalit ngayon, pagkaraan ng 20 taon ng pananaliksik, isang 81-anyos na Ingles ang
nakagawa ng tinatawag niyang “isang plastik na biyolin . . . na kasinghusay ng isang Stradivarius.” Gawa sa graphite fiber at dagta ng epoxy, ito ay mat black. Sinasabi ng imbentor na sa pamamagitan ng pamamaraang maramihang produksiyon at injection molding, kukuha ng wala pang limang oras upang gumawa ng isang instrumento na mabibili nang tingian sa kaunting halaga na £150 ($270, U.S.). “Kung ang bagong biyolin ay kasinghusay na gaya ng sinasabi nito,” susog ni Mrs. Grahame, “babaguhin nito ang daigdig ng musika.” Itinataguyod ng maraming patente, may mga plano na palawakin ang saklaw nito upang mapabilang ang viola, cello, at ang doble bajo, ulat ng The Daily Telegraph ng London.Digmaan at ang Industriya ng Laruan
Napasigla ng pagsaklaw ng balita sa telebisyon tungkol sa digmaan sa Persian Gulf, ang benta ng mga laruang pandigma ay tatlong ulit at apat na ulit pa ngang lumakas sa Hapón. Ang The Daily Yomiuri ay nagsasabi na “ang napakaraming oras ng pagsaklaw ng media sa digmaan sa Gulpo ay nagtaboy sa mga bata at mga adultong pusong-bata sa mga tindahan ng laruan para sa plastik na mga modelo ng mga eruplano at mga tangke na ginamit ng mga hukbong alyado laban sa Iraq.” Ang pinakapopular na mga laruang pandigma ay ang mga modelo ng umiiwas-sa-radar na stealth bomber, ang F-15 Eagle fighter, ang M-1 Abrams na tangke, at ang Apache helikopter. Ang ilan sa negosyo ng laruan ay natatakot na ang paglakas ng benta ay magbibigay sa industriya ng “negatibong larawan na pagpapasigla ng digmaan.”
Nanganganib na mga Hayop
Ang Komite sa Kapaligiran ng Konseho sa Estado sa Tsina ay nagsiwalat kamakailan na “dahilan sa walang ingat na pangangaso, ang bilang ng mga hayop-gubat ay paunti nang paunti sa Tsina, at maraming pambihirang mga hayop ang nanganganib na malipol.” Pagkatapos suriin ang ilang restauran, palengke, daungan, at pribadong mga negosyo sa lalawigan ng Kwangtung, natuklasan ng isang pangkat ng mga inspektor na ang pambihirang mga hayop ay patuloy na pinapatay at ipinagbibili roon. Sang-ayon sa magasing China Today, “iniulat ng kawanihan ng panggugubat sa lalawigan na 1,286 na pambihirang mga hayop, pati na ang dambuhalang bubuli, pangolin, dambuhalang salamandra, unggoy at civeta, ang pinatay, ipinagbili o ipinuslit sa 11 lungsod ng lalawigan.” Binabanggit ng China Environmental News na ‘hindi lubusang nauunawaan ng ibang tao, pati na ng ilang opisyal, ang kahalagahan ng pangangalaga sa mga hayop-gubat. Sa kanilang palagay, ang lahat ay maaaring mangaso ng mga hayop-gubat sapagkat ang mga ito ay hindi pag-aari ng sinuman.’
Basura sa Kalawakan
Ang mga siyentipiko ay nababahala sa dumaraming gawang-taong mga basura na umoorbita sa lupa. Ang banggaan sa pagitan ng isang sasakyang pangkalawakan at ng basurang iyon ay maaaring magbunga ng kamatayan para sa mga astronut o kaya’y isapanganib ang mga misyon sa kalawakan. Tinataya ng mga mananaliksik na mga 7,000 bagay na mas malaki pa sa isang bola ng tenis at halos 3.5 milyong mas maliliit na bagay ang lumulutang sa kalawakan. “Kahit na ang tapyas ng pintura ay maaaring makapinsala habang ito ay humahagis sa kalawakan sa bilis na hanggang 60,000kph,” sabi ng The German Tribune sa isang salin ng isang artikulo na lumitaw sa pahayagan sa Munich na Süddeutsche Zeitung. Parami nang paraming mga piraso ng gawang-taong mga basura ang umoorbita sa lupa at nagkakabungguan sa isa’t isa na maaaring pagmulan ng “isang bilog ng kosmikong alabok na pumapalibot sa Lupa na parang mga bilog ng Saturn.”
Pagdi-date sa India
Ang pagdi-date ay nagiging popular sa India, at tinatanggap na ito ng ilan bilang isang katotohanan ng buhay. Binabanggit ng magasing India Today na noong nakalipas na dekada, ang makita ang lalaki’t babae na naglalakad na magkahawak-kamay ay “parang pagkakita ng isang pambihirang ibon. Ngayon, ito’y karaniwan na lamang na gaya ng mga maya.” Ang lalaki’t babae na nagdi-date ay makikita sa mga dalampasigang bayan, sa mga parke, sa mga sinehan, at sa mga dakong kainan. Nagiging karaniwan na ang pagpapakita sa publiko ng mga kapahayagan ng pag-ibig. Ipinalalagay ng iba ang pagbabagong ito sa lipunan ng India sa panggigipit ng kasama sa mga paaralan at sa mga kolehiyo at ang pagdami ng mga pelikula at mga programa sa telebisyon na nagbabadya ng sekso.
Katolikong mga Mangkukulam
Ang pangkukulam ay nagiging bahagi ng pang-araw-araw na buhay ng maraming Mexicano. Ang Siete Días, isang lingguhang magasing, ay nag-uulat na ang mga tao ay humihingi ng tulong sa mga mangkukulam upang lutasin ang maraming problema, gaya ng mga sakit ng ulo, sipon, at mga problemang nauugnay sa trabaho at pag-ibig. Ang timog at gitnang mga estado ng Veracruz, Oaxaca, Morelos, at Michoacán ay kilala sa kanilang mga mangkukulam. Binabanggit ng Siete Días na “ang pangkukulam sa Mexico ay noon pang panahon ng mga Aztec. Sa pagdating ng mga Kastila, ang mga mangkukulam at mga manggagamot ay isinama sa kanilang mga tradisyong Europeo, gaya ng Katolisismo.” Tinatanggap ng isang kilalang mangkukulam sa La Petaca ang kaniyang mga kliyente sa isang silid na “punô ng mga estatuwa ng Birhen ng Guadalupe at ni Jesus, mga larawan ni John Paul II, at nakasinding mga kandila.”