Ang Kayarian ng Isang Kabibi
Ang Kayarian ng Isang Kabibi
NAPANSIN mo ba kung gaano kadaling putulin sa dalawa ang isang piraso ng yeso (chalk)? Ngunit ngayon, subukin mong putulin sa dalawa ang kabibi ng pulang abalone. Malamang na kakailanganin mo ang isang martilyo upang basagin ito. Gayunman ang kabibi ng abalone ay yari sa parehong materyales na gaya ng yeso—kalsiyum karbonato. Iba nga lang ang pagkakahalo sa kabibi. Sa katunayan, ibang-iba ito anupa’t 40 ulit na mas matibay ito kaysa yeso.
Paano ginagawa ng abalone ang kahanga-hangang gawa na ito? Natuklasan ng mga siyentipiko sa University of Washington sa Seattle, E.U.A., ang ilan sa mga sekreto ng mga susong ito sa dagat. Ginagamit ng abalone ang iisa nitong tulad-pinggang kabibi bilang isang pananggalang laban sa daigdig sa labas ng kabibi. Upang maging matibay, ang kabibi ay gumagawa ng mga suson. Ang panlabas na suson ay maligasgas at magaspang. Subalit ang panloob na suson, na tinatawag na nakar, ay kumikinang sa kagandahan, at dito nakasalalay ang lakas ng kabibi.
Napag-alaman ng mga siyentipiko sa Washington na ang panloob na suson na ito ay “may laminated, laryo-at-argamasang kayarian,” sabi ng Science News. Halos isang micron lamang ang lapad (isang ikaisang milyon ng isang metro), ang maliliit na laryong ito ay idinidikit ng isang argamasang gawa mismo ng abalone, isang makapit na pandikit na pinag-aaralan pa ng mga siyentipiko. Sinasabi ng mga siyentipiko na tinatanggap ng mga suson ng pagkaliliit na “laryo” ang mga salpok sa pamamagitan ng pagpapadulas sa katabing mga suson. Samantala, ikinakabit ng organikong mga suson ng argamasa ang nangyayaring mga bitak sa pamamagitan ng pantanging “mga litid.” Lahat-lahat, ang kabibi ay maaaring magkaroon ng kasindami ng limang mekanismo upang labanan ang pagkakaputol!
Ang mga siyentipiko ay hangang-hanga sa matibay na kabibi ng abalone anupa’t sinisikap nilang gumawa ng katulad na pamamaraan sa paggawa ng matibay na mga seramiks. Kung sila’y magtatagumpay, walang alinlangan na sila’y tatanggap ng saganang papuri. Anong laking kalungkutan na ang Dakilang Disenyador, na ang mga gawa ay sinisikap nilang gayahin, ay bihirang binibigyan ng papuri sa kaniyang walang katulad na katalinuhan!—Job 37:14.