Mga Pamilya—Maging Malapít sa Isa’t Isa Bago Maging Huli ang Lahat
Mga Pamilya—Maging Malapít sa Isa’t Isa Bago Maging Huli ang Lahat
“Ang pamilya ang pinakamatandang institusyon ng tao. Sa maraming paraan ito ang pinakamahalaga. Ito ang pinakapangunahing bahagi ng lipunan. Ang buong mga kabihasnan ay nakaligtas o dili kaya’y naglaho, depende sa kung ang pamilya ay malakas o mahina.”—The World Book Encyclopedia (Edisyong 1973).
ANG yunit ng pamilya ay parang isang payong ng proteksiyon para sa mga anak. Sa maraming dako ngayon, ang payong na iyon ay punô ng kahinaan; sa iba pang lugar, ito’y nagwakas na at nasa karimlan. Ang tradisyunal na pamilya ay kadalasang iniiwasan bilang makaluma. Karaniwang inilalarawan ng mga komedya sa telebisyon ang mga tatay bilang mga gago, ang mga nanay na mas matalino kaysa mga tatay, ngunit ang mga bata ang higit na nakaaalam.
Palasak ang pagtataksil sa asawa. Sa ilang industriyalisadong bansa, isa sa bawat dalawang unang pag-aasawa ay nagwawakas sa diborsiyo. Habang dumarami ang diborsiyo, dumarami rin ang mga pamilya ng nagsosolong magulang. Parami nang parami, ang dalawang tao ay nagsasama nang hindi kasal. Sinisikap ng mga homoseksuwal na gawing marangal ang kanilang kaugnayan sa pamamagitan ng mga panata sa kasal. Ang sekso, normal at di-normal, ang pangunahing atraksiyon sa mga pelikula at mga video. Itinuturing ng mga paaralan ang kalinisang-asal bilang di-praktikal at namimigay ng mga condom upang gawing ligtas ang pakikiapid—na hindi naman ginagawang ligtas nito. Ang mga sakit na ikinakalat ng pagsisiping at ang pagbubuntis ng mga tinedyer ay biglang dumami. Ang mga sanggol ang mga biktima—kung sila ay hindi ipalalaglag. Sa pagkamatay ng tradisyunal na pamilya, ang mga bata ang pangunahin nang lugi.
Noong nakalipas na mga taon, ang nanalo ng gantimpalang Nobel na si Alexis Carrel, sa kaniyang aklat na Man, the Unknown, ay nagbigay ng babalang ito: “Ang makabagong lipunan ay nakagawa ng maselang na pagkakamali sa pamamagitan ng lubusang paghahalili ng paaralan sa pagsasanay sa pamilya. Iniiwan ng mga ina ang kanilang mga anak sa kindergarten [mas maaga pa ngayon, sa day care at preschool] upang maasikaso ang kanilang mga karera, ang kanilang sosyal na mga ambisyon, ang kanilang seksuwal na mga kasiyahan, ang kanilang hilig sa panitikan o sa sining, o basta magmadyong, manood ng sine, at aksayahin ang kanilang panahon sa abalang katamaran. Kaya, sila ang may pananagutan sa paglaho ng pangkat ng pamilya kung saan ang bata ay nakikisama sa mga adulto at natututo nang malaki buhat sa kanila. . . . Upang maabot ang kaniyang ganap na lakas, ang indibiduwal ay nangangailangan ng may pasubaling pagkabukod at ng pansin ng natatakdaang sosyal na pangkat na binubuo ng pamilya.”—Pahina 176.
Kamakailan lamang, ang komedyanteng si Steve Allen ay nagkomento tungkol sa pagsalakay ng telebisyon sa pamilya, sa walang tigil na paggamit ng telebisyon ng malalaswang salita at seksuwal na imoralidad. Sabi niya: “Tayo ay dinadala ng daloy ng malalaswang salita at seksuwal na imoralidad sa pinakamababang antas. Ang mismong mga salita na ipinagbabawal ng mga magulang sa kanilang mga anak ay pinasisigla ngayon hindi lamang ng kahit-ano-puwede na mga negosyante ng cable television, kundi ng dating matataas-simulaing mga network. Ang mga programa sa telebisyon na naglalarawan sa mga bata at sa iba pa na gumagamit ng bulgar na salita ay nagdiriin lamang ng pagbagsak ng sambahayang Amerikano.”
Anong pamana ang iniiwan ng lipunan ngayon sa mga anak nito? Basahin mo ang mga pahayagan, manood ka ng telebisyon, pansinin mo ang mga video, pakinggan mo ang balita sa gabi, makinig ka sa musikang rap, tingnan ang mga halimbawa ng adulto sa lahat ng dako sa paligid mo. Ang mga bata ay tinambakan ng mental at emosyonal na walang kuwentang pagkain. “Kung nais mong sirain ang isang bansa,” sabi ng dating Britanong kalihim ng
edukasyon na si Sir Keith Joseph, “pasamain mo ang pananalita nito.” At idinagdag pa niya: “Ang paraan upang sirain ang isang lipunan ay pasamain ang mga bata.” Ang “pasamain,” ayon sa Webster’s, ay nangangahulugang “ilayo sa kagalingan o sa kahusayan.” Iyan ay ginagawa taglay ang paghihiganti ngayon. Marami ang sinasabi tungkol sa delingkuwensiya ng mga kabataan; higit pa ang dapat sabihin tungkol sa delingkuwensiya ng mga adulto.Tayo ay Laging Dadalawin Nito
Si Geneva B. Johnson, presidente at punong ehekutibong opisyal ng Family Service America, ay nagsabi sa isang lektyur na ipinahayag maaga sa taóng ito: “Ang pamilya ay malubha, marahil nakamamatay, ang sakit.” Tinatawag itong isang “nakatatakot na larawan ng marami sa ating mga anak,” pagkatapos ay nagbabala siya: “Ang pagkukusa ng bansa na pabayaan ang napakarami sa ating mga anak na walang sapat na matirhan, walang gaanong pagkain, hindi gaanong nagagamot, at mahinang edukasyon sa isang mayamang lipunan ay laging dadalaw sa atin.” Tayo ay madalas nang dinadalaw nito. Mababasa mo ito sa mga pahayagan, maririnig mo ito sa mga balita, at makikita mo ito sa iyong set ng telebisyon. Narito ang ilang halimbawa:
Binunot ni Judonne ang isang baril at binaril si Jermaine nang tatlong beses sa dibdib. Patay si Jermaine; siya ay 15 anyos. Si Judonne ay 14. Sila’y matalik na magkaibigan. Nag-away sila tungkol sa isang babae.
Isang daan katao ang nagtipon sa libing ng 16-anyos na si Michael Hilliard. Siya ay binaril sa likod ng ulo habang siya ay lumalakad palayo mula sa isang pagtatalo sa isang laro ng basketball.
Sa Brooklyn, New York, sinunog ng tatlong tinedyer ang mag-asawang walang tirahan. Nang hindi umubra ang pamahid na alkohol, sinubukan nilang gamitin ang gasolina. Ito’y nagliyab.
Itinulak ng isang limang-taóng-gulang sa Florida ang isang batang nagsisimulang humakbang-hakbang sa kamatayan nito mula sa ikalimang-palapag na hagdan.
Isang sampung-taóng-gulang sa Texas ang kumuha ng baril at binaril ang kaniyang kalaro at isiniksik ang katawan nito sa ilalim ng bahay.
Sinaksak ng isang 15-anyos sa Georgia ang kaniyang prinsipal samantalang siya’y dinidisiplina.
Sa Lungsod ng New York, isang gang na nasa mga huling taon ng pagkatinedyer at maagang 20’s, na armado ng mga bat, tubo, palakol, patalim, at isang pansibak ng karne, ang “nagwala” malapit sa isang gusali kung saan tumutuloy ang mga lalaking walang tirahan, sinusugatan ang marami at isa ang nalaslas ang lalamunan. Ang motibo? Sabi ng isang imbestigador: “Nagkaroon sila ng katuwaan sa pagsalakay sa mga walang tirahan.”
Sa Detroit, Michigan, isang 11-anyos na lalaki ang nakisama sa isang 15-anyos sa paghalay sa isang 2-anyos na batang babae. Sinasabing iniwan nila ang kanilang biktima sa isang Tambakan ng basura.
Sa Cleveland, Ohio, hinalay ng apat na lalaki na ang mga edad ay anim hanggang siyam na taon ang isang siyam-na-taóng-gulang na babae sa isang mababang paaralan. Nagkokomento tungkol dito, ang kolumnistang si Brent Larkin, sumusulat sa Plain Dealer ng Cleveland, ay nagsabi: “Ang insidenteng ito ay malaki ang ipinakikita sa kung ano ang nangyayari sa bansang ito, kung paanong ang ating mga sistema ng pagpapahalaga ay patungo sa napakababang kalagayan.”
Sinisi ni Dr. Leslie Fisher, isang propesor ng sikolohiya sa Cleveland State University, ang telebisyon. Tinawag niya itong “isang malaking makina sa sekso,” at “pinanonood ito ng mga batang 8 at 9 na taóng gulang.” Sinisi rin niya ang mga magulang sa paghina ng sambahayang Amerikano: “Sina nanay at tatay ay napakaabala sa kanilang sariling mga problema at wala na silang panahon upang alagaan ang kanilang mga anak.”
Kung Ano ang Inihasik, Siyang Aanihin
Ang iba’t ibang elemento sa lipunan, lalo na ang media, mga enterteyner, at ang industriya ng enterteynment—mga elementong nakikinabang sa pagbubuyo sa pinakamasama sa sangkatauhan—ay iniluluwa ang sekso at karahasan at kasamaan at sa gayo’y malaki ang pananagutan sa pagsama ng mga kabataan at ng pamilya. Kaya ang tuntunin ay: Maghasik ka ng bulok, aani ka ng bulok. Ang basurang ipinasok mo, ang basurang lalabas. Pinagbabayaran ng isa ang masamang mga resulta na karapat-dapat sa kaniya—at ang mga resulta ay katakut-takot.
Ang lipunan ba ay nagpapalaki ng isang salinlahing walang budhi? Ang katanungang iyan ay ibinangon pagkatapos ng magulong “pagwawala” sa Central Park sa New York kung saan isang 28-anyos na babae ang binugbog at hinalay at iniwang patay ng isang gumagala-galang gang ng mga tinedyer. Sinabi ng pulisya na sila’y “mayayabang at walang habag” at nang sila’y madakip sila’y “nagbiro, nag-rap at umawit.” Nagbigay sila ng mga dahilan sa pagbugbog at paghalay sa babae: “Nakatutuwa ito,” “Nababagot kami,” “Pampalipas-oras ito.” Tinawag sila ng magasing Time na “psychic amputees” (mga taong naputol ang ilang espirituwalidad) mga taong “nawalan, marahil hindi nagkaroon, ng budhi.”
Ang U.S.News & World Report ay nagpapayo: “Ang bansang ito ay dapat kumilos upang maiwasan ang isa pang salinlahi ng mga bata na walang budhi.” Itinampok ni Dr. Ken Magid, isang kilalang sikologo, at ni Carole McKelvey ang mismong panganib na iyon sa kanilang eksplosibong aklat na High Rish: Children Without a Conscience. Mga case history at patotoo mula sa maraming sikologo at saykayatris ay nagbibigay ng napakaraming alalay sa pangangatuwiran ni Magid: Ang pangunahing dahilan ay ang kawalan ng matibay na buklod sa pagitan ng magulang at anak sa pagsilang at sa mga panahong sila’y madaling hubugin na mga taon na kasunod nito.
Tunay, ang mga pamilya ay dapat na maging malapít sa isa’t isa sa panahong ang mga bata’y madaling hubugin bago maging huli ang lahat!