Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
“TMJ Syndrome” Salamat sa artikulong “Mula sa mga Panga—Ang Dakilang Impostor.” (Hunyo 22, 1991) Hindi pa natatagalan, ako ay pinahirapan ng problemang ito. Magigising ako sa gabi, natataranta ako sapagkat ang aking panga ay nagdikit! Mali ang rikonosi ng iba’t ibang doktor sa aking karamdaman hanggang sa kinunsulta ko ang isang dalubhasa sa ngipin. Agad niyang natuklasan na ito ay dahil sa hindi magkalapat na ngipin. Ang mga mungkahing ibinigay sa artikulo ay praktikal, kapaki-pakinabang, at maaaring magbigay ng kagyat na ginhawa.
S. F., Italya
Masasamang Kinaugalian Salamat sa tulong na nasumpungan ko sa artikulong “Paghadlang sa Pagbabalik ng Masasamang Kinaugalian” (Abril 8, 1991) sa pagtatagumpay laban sa pagkasugapa sa TV. Ang kabanata 36 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas [lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.] ay nakatulong sumandali, subalit muli akong bumabalik sa matagal na panonood ng TV. Ang inyong artikulo ay nakatulong sa akin na halinhan ang masamang ugali ng mabuting ugali, yaon ay, ang pagbabasa ng espirituwal na pagkain na lumalabas sa Gumising!
A. G., Estados Unidos
Mga Anak ng Nagdiborsiyo Taos-pusong pasasalamat para sa serye ng “Tulong para sa mga Anak ng Nagdiborsiyo.” (Abril 22, 1991) Nang ako’y tatlong taóng gulang, diniborsiyo ng aking ama ang nanay ko. Kami ng kapatid kong babae ay pinalaki ni nanay na ibigin si Jehova. Subalit noong panahon ng pagtitinedyer, ito’y gaya ng inilarawan ninyo. Nadama ko na “lahat ng mga kaugnayan ay hindi maaasahan, balang araw ay mahahayag ang pagtataksil at kawalang katapatan.” Takot akong magmahal at mahalin, at kahit na sa mga kapuwa Kristiyano, pinananatili ko ang lahat ng kaugnayan na pahapyaw lamang. Ang matutong gumawa para sa ibang tao at ang paglilingkod bilang isang buong-panahong ebanghelisador ay nakatulong sa akin na madaig ang mga hilig na ito sa ilang lawak. Gayunman, ang artikulo ay nakatulong sa akin na maunawaan ang ilan sa aking malalim na mga damdamin sa unang pagkakataon.
M. H., Hapón
Ang mga artikulo ay nagpangyari sa aming mag-asawa na makonsensiya. Ang una kong asawa ay natiwalag sa kongregasyong Kristiyano dahil sa di-katapatan. Kami ng mga anak kong lalaki ay pumisan sa aking mga magulang, mga 3,200 kilometro ang layo. Ang mga batang lalaki ay hindi gaanong nakikipagkita sa kanilang ama. Pagkatapos kong mag-asawang-muli, patuloy na hindi namin hinimok ang anumang pakikipagkita, iniisip naming ang ama nila ay isang masamang impluwensiya. Tama ba ang ginawa naming disisyon?
C. W., Estados Unidos
Hindi pinuputol ng diborsiyo o ng pagtitiwalag ang ugnayang magulang-anak; kailangan pa rin ng mga anak ang ama’t ina. Gayumpaman, ang bawat kalagayan ay naiiba. Maaaring takdaang lubha ng layo o hindi pag-iintindi ng isang dating-asawa ang pagkikita ng magulang-anak. Sa kabilang dako, maaaring iutos ng mga hukuman ang kaayusan sa pagdalaw, at ang isang Kristiyano ay walang magagawa kundi ang makipagtulungan. Kung saan walang iniuutos na mga kaayusan sa pagdalaw, nasa magulang na nangangalaga sa anak na magpasiya kung ang pakikisama sa dating-asawa ay magiging isang malubhang pisikal o espirituwal na panganib.—ED.
Salamat sa katotohanan sa inyong mga artikulo tungkol sa diborsiyo. Ang aking mga magulang ay nagdiborsiyo nang ako ay halos 20 anyos, at dumaan ako sa yugto kung saan kinasuklaman ko ang mismong institusyon ng pag-aasawa. Minalas ko ito bilang isang silo o isang bilangguan! Salamat sa inyong mga aklat at mga magasin na nagpapaliwanag tungkol sa Bibliya, aktuwal na inaasam-asam ko ang pag-aasawa balang araw, taglay ang tunay na potensiyal nito.
L. T., Estados Unidos
Colosseum Nasumpungan ko ang artikulong “Ang Colosseum—Sinaunang Sentro ng ‘Libangan’ ng Roma” (Abril 8, 1991) na kawili-wili. Bilang isang mananalaysay, inaakala kong ang paraan ninyo ng paghiwalay sa katotohanan buhat sa alamat ay nagbibigay-inspirasyon.
N. H., Estados Unidos