Ang Walang Malay na mga Biktima ng Pag-abuso sa Bata
Ang Walang Malay na mga Biktima ng Pag-abuso sa Bata
“MALAPIT na akong mag-40 anyos ngayon,” sabi ni Eilene. a “At kahit na ang problema ko ay mahigit na 30 taóng gulang na, lagi pa rin itong nagbabalik sa aking alaala. Dahil sa problema ko ako’y nagagalit, nakokonsensiya, at may mga problema ako sa aking pag-aasawa! Ang mga tao ay nagsisikap na makiramay, subalit hindi nila maunawaan.” Ano ang problema ni Eilene? Siya ay isang biktima ng seksuwal na pag-abuso sa pagkabata, at para sa kaniya ang mga epekto nito ay nagtatagal.
Si Eilene ay tiyak na hindi nag-iisa. Ipinakikita ng mga surbey na napakaraming babae—at lalaki—ay dumanas ng gayong masamang pagtrato. b Kaya nga, malayo sa pagiging isang pambihirang akto ng lisyang paggawi, ang seksuwal na pag-abuso sa mga bata ay laganap, isa na nangyayari sa lahat ng pangkat sa lipunan, kabuhayan, relihiyon, at lahi.
Mabuti na lamang, ang karamihan ng mga lalaki at mga babae ay hindi mag-iisip man lang ng masamang pagtrato sa bata sa ganitong paraan. Subalit isang mapanganib na minoridad ang mayroong di-matinong hilig ng pag-iisip at damdamin. At kabaligtaran ng mga karaniwang tao, ang ilang mang-aabuso sa bata ay maliwanag na mga di-normal na tao na may hilig na pumaslang na nagkukubli sa mga palaruan. Ang karamihan ay mga taong sa tingin mo’y normal. Sinasapatan nila ang kanilang masamang hilig sa kahalayan sa pagbibiktima sa walang muwang, nagtitiwala, walang laban na mga bata—karaniwan na ang kanila mismong mga anak na babae. c Sa paningin ng madla, maaaring tratuhin nila ang mga bata nang may kabaitan, magiliw. Sa pribadong buhay, kanilang ipinaiilalim ang mga bata sa mga pagbabanta, karahasan, at nakahihiya, napakasamang mga anyo ng seksuwal na pagsalakay.
Sabihin pa, mahirap unawain na ang gayong mga kakilabutan ay maaaring mangyari sa napakaraming tila kagalang-galang na mga tahanan. Gayunman, kahit na noong panahon ng Bibliya ang mga bata ay ginamit “para sa panandaliang pagbibigay-kasiyahan sa . . . pagkahumaling sa laman.” (The International Critical Commentary; ihambing ang Joel 3:3.) Inihula ng Bibliya: “Ngunit alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na mga panahon na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili . . . walang katutubong pagmamahal . . . walang pagpipigil-sa-sarili, mababangis, di-maibigin sa kabutihan.” Kaya, hindi natin dapat ipagtaka na ang pag-abuso sa bata ay palasak na nangyayari sa ngayon.—2 Timoteo 3:1, 3, 13.
Ang pag-abuso sa mga bata ay maaaring hindi mag-iwan ng pisikal na mga pilat. At hindi lahat ng adulto na naging biktima noong sila’y bata ay kakikitaan ng pamimighati. Subalit gaya ng sabi ng isang sinaunang kawikaan: “Maging sa pagtawa man ang puso ay maaaring nasasaktan.” (Kawikaan 14:13) Oo, maraming biktima ay may malalim na mga pilat sa damdamin—lihim na mga sugat na nagnanaknak sa loob. Bakit, kung gayon, nagdudulot ng gayong pinsala sa ilan ang pag-abuso sa bata? Bakit hindi laging napagagaling ng paglipas lamang ng panahon ang mga sugat nito? Ang laki ng namimighating suliranin ay humihiling na ating ituon ang ating pansin dito. Oo, malamang na ang sumusunod na artikulo ay baka hindi kaaya-ayang basahin—lalo na kung ikaw ay naging isang biktima ng pag-abuso sa bata. Subalit tinitiyak ko sa iyo na may pag-asa, na ikaw ay makababawi.
[Mga talababa]
a Lahat ng mga pangalan ay binago.
b Sapagkat ang mga kahulugan ng seksuwal na pag-abuso at ang mga pamamaraan ng surbey at iba’t iba, halos imposibleng makuha ang eksaktong estadistika.
c Karamihan ng mga biktima ay inabuso ng kanilang likas na mga ama o ng kanilang mga amaín. Ang pang-aabuso ay maaaring ginawa rin ng mas makatatandang kapatid, mga tiyo, lolo, matatandang kakilala, at mga estranghero. Yamang ang karamihan ng mga biktima ay babae, sila ang aming tutukuyin dito. Gayunman, sa pangkalahatan, ang impormasyong ilalahad dito ay kumakapit sa kapuwa lalaki at babae.