Ang Pangarap na Bahay na Itinatayo ng Daiku San
Ang Pangarap na Bahay na Itinatayo ng Daiku San
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Hapón
MARAMING bisita sa Hapón ang nahahalina sa magagandang tradisyunal na mga bahay na nakikita nila rito. Ang dahilis na bubong, ang paitaas na mga sulambî, ang nakapaligid na hardin, at ang mga beranda ay pawang nakadaragdag ng kanilang ganda. Gayunman, ang kawili-wiling bagay ay na ang isang bahay na ganito ang uri ay karaniwang idinisenyo, itinayo, at pinalamutian sa ilalim ng direksiyon ng isa lamang tao. Siya ay tinatawag na Daiku san, o maestro karpintero.
Si Mr. Kato ay isang Daiku san na may 40 taong karanasan. Siya at ang kaniyang tripulante ng mga artisano ay nagtatayo ng itinuturing ng maraming Haponés na kanilang pangarap na bahay. Pakinggan natin habang sinasabi niya sa atin ang tungkol sa pambihirang istilo ng bahay at kung paano niya itinatayo ito.
Klasikong Disenyo
“Ang diwa ng klasikong bahay Haponés,” sabi sa amin ng Daiku san, “ay maaaring buurin sa dalawa lamang salita: wabi at sabi.” Kabilang sa iba pang bagay, ang kapuwa mga salita ay may kahulugan na “repinado at maganda ang pagkasimple.” “Pino,” “tahimik,” at “delikado” ang iba pang mga salitang tutulong sa atin na maunawaan ang arkitekturang Haponés at ang pang-akit nito.
Dahil sa madalas na bagyo at lindol sa Hapón at ang mataas na kaumiduhan sa tag-araw, paliwanag ng Daiku san, ang kahoy ang pinipiling materyal para sa bahay ng pamilya dahil sa ito’y sumusunod. Ang luwad, kawayan, at papel ay kabilang din sa pangunahing mga materyales na ginagamit. Upang magandang tingnan, ang bahay at hardin ay magkasamang idinidisenyo.
Ano kaya ang magiging hitsura ng pangarap na bahay at hardin? Paano ito itatayo? Iminumungkahi ng Daiku san na kami’y sumakay patungo sa isa pang lugar na pagtatayuan ng gusali kung saan ipakikita niya sa amin kung paano itinatayo ng Daiku san ang isang pangarap na bahay.
Mula sa Lupa Pataas
“Ang mga bahay na itinayo isang daan taon na ang nakalipas ay hindi nakaangkla sa lupa,” sabi sa amin ng Daiku san habang naglalakad kami sa palibot ng lugar ng pagtatayuan ng bahay. “Nakapatong ito sa salansan ng pahigang mga biga na sinusuhayan ng maiikling poste na nakapatong sa mga bato.” Ang bagay na ang marami sa mga gusaling ito ay nakatayo pa ay nagpapatunay sa kasanayan ng Daiku san. “Sa ngayon,” sabi sa amin, “ang mga tuntungan at pundasyon ay sa semento. Subalit ang mga simulain sa pagtatayo ay gayon pa rin.” Kapit din ito sa mga dingding, na lubhang kakaiba sa ideya at pagtatayo ng mga bahay na istilong-Kanluranin.
Ang panloob ng mga dingding ng isang bahay na Haponés ay nilayon upang maging parang partisyon sa halip na matibay na mga halang. “Sa sala-salang biniyak ng kawayan na gaya nito,” sabi ng Daiku san, itinuturo ang isang ginagawang dingding, “dalawa hanggang limang suson ng luwad ang ipapahid. Ang lapot ng bawat suson ay iba, at bawat suson ay dapat na patuyuin bago ipahid ang susunod na suson. Dahil dito, kumukuha ng tatlong buwan, sa katamtaman, upang matapos ang isang bahay.” (Mangyari pa, upang itayo ang isang pangarap na bahay ay kukuha ng higit na panahon.) Ang mga dingding, na tinapos sa pamamagitan ng isang pahid ng pinong luwad o buhangin sa natural na kulay ng lupa na gustung-gusto ng mga Haponés, ay makahihinga at hindi papawisan gaya ng karaniwang nangyayari sa mga kongkretong dingding sa isang mamasa-masang klima.
Pagkatapos, tinatawag ng Daiku san ang aming pansin sa sahig. Ang beranda, pasilyo, at mga sahig sa kusina ay matigas na kahoy. Karamihan ng iba
pang silid ay may latag ng mahigpit na nilalang banig na damo na tinatawag na tatami. Ang pambihirang sapin na ito sa sahig ay mainit sa taglamig, malamig sa tag-araw, at matibay gayunma’y malambot upuan o higaan. Ang bawat banig ay halos isang metro por dos metro at limang centimetro ang kapal. Ang mga silid ay nakikilala sa bilang ng mga banig na nakakaya nito, kaya ito’y tinatawag na silid na walo-, anim-, o apat-at-kalahating-banig, depende sa laki.Isang Pinakaiingatang Sekreto ng Pamilya
Ang kasanayan ng Daiku san ay makikita sa dalubhasang paggamit niya ng pagdurugtong. Ipinakikita sa amin ng aming giya ang mga manwal na mahigit na 70 taóng gulang, ipinamana sa kaniya ng kaniyang tatay. Ito’y naglalaman ng pahina at pahinang masalimuot, kaakit-akit na mga pagdurugtong. Mula sa sinaunang panahon iingatan ng isang maestro karpintero ang kaniyang mga pamamaraan ng pagdurugtong na kaniyang sekreto, ipapasa lamang ito sa kaniyang anak na lalaki o sa kaniyang kahalili. Bagaman hindi naman kailangan, ang buong bahay ay maaaring itayo nang walang ginagamit na isa mang pako.
“Ang ilan sa mga pamamaraang ito sa pagdurugtong ay kahawig niyaong ginagamit ng mga karpintero saan man. Halimbawa, may dugtong na dovetail, rabbet, butt, at scarf,” paliwanag ng Daiku san. Kung anong pagdurugtong ang ginagamit ay depende sa banat at tindi sa bahaging iyon ng gusali. Makakayanan din ng tamang mga dugtong ang mga pagyanig ng lindol, hinahayaan ang bahay na kumilos na kasama ng pagyanig ng lindol.
Ang Putong ng Kaluwalhatian
Marahil ang pinakanatatanging bahagi ng tradisyunal na bahay Haponés ay ang bubong. Ito’y waring malaki at tila mabigat kung ihahambing sa iba pang bahagi ng bahay. Subalit sinasabi sa amin ng Daiku san na ang bubong ay aktuwal na tagapagtatag laban sa mga elemento, kinukuha ang lakas nito mula sa matibay, buong-troso na mga biga ng bubong. Bagaman ang mga bubong ay maraming istilo, karaniwang ito’y kabalyete o hipped o ang kombinasyon ng dalawa. Ipinakikita sa amin ng Daiku san ang ilan sa mga tisa ng bubong na yari sa hinurnong luwad. Minsan pa, ang kulay ng lupa ay nangingibabaw, maliban sa popular na kumikinang na asul.
“Ang bahagyang paitaas na mga kanto at nakayungyong na mga biga ay mahalagang detalye para sa ginhawa ng mga maninirahan,” sabi ng Daiku san. “Hinahayaan ka nito na iwang nakabukas ang dumadausos na pintong salamin na mula sahig-hanggang-kisame sa beranda sa maumidong panahon ng tag-ulan. Gayunman ito’y nakalagay sa tamang anggulo upang huwag pumasok ang mainit na araw sa tag-araw.”
Ang aming inspeksiyon sa lugar na pagtatayuan ng gusali ay natapos na.
Ngayon kami ay inaanyayahan ng aming giya na masdan ang isang bahay na isang taon at kalahati niyang itinayo.Isang Tunay na Pangarap na Bahay
Sa sandaling lumapit dito ang aming sinasakyan at makita ang magandang linya nito, nalalaman namin na ito ay isang bahay na hindi maaasiwa ang sinuman. Ang pinto sa harap ay yari sa sala-salang kahoy, na pinagdugtong at may salamin. Ito’y madaling buksan na padausos, at kami’y pumasok sa magandang pasukan. Pagkatapos hubarin ang aming mga sapatos, pumasok kami sa loob ng bahay. Ang mga sahig na kahoy sa bulwagan ay matatag na matatag sa ilalim ng aming mga paa.
Kami’y huminto upang masdan ang nakalantad na mga haligi. Ang mga ito’y napakakinis anupa’t ito’y madulas na parang seda kung hipuin at kumikinang na parang binarnisan. “Walang barnis na inilagay sa alinmang gawang-kahoy sa bahay,” sabi sa amin ng Daiku san, na para bang nababasa ang aming isip. “Ito’y kinatam nang pinung-pino.”
Sa sala na istilong-Haponés, minasdan namin ang mga detalye ng silid. Ang trabisanyo, o bintanilya, sa ibabaw ng dumadausos na pinto, o mga panel, ay masalimuot na ukit ng mga bulaklak ng cherry. Sa paligid ng silid ay mga dumadausos na panel na yari sa papel na binanat sa mga kuwadrong kahoy. Ang mga dumadausos na pinto na nakaharap sa beranda ay sala-sala at natatakpan ng manipis, puting papel na shoji. Yaong (tinatawag na fusuma) na bumubukas patungo sa pasilyo o sa iba pang silid ay natatakpan ng mas makapal na papel. Ang bawat panel na ito, na nagsisilbing tagapaghiwalay ng mga silid, ay napalalamutian ng iba’t ibang disenyo. “Ang maliliit na silid na ito ay maaaring gawing isang malaking silid sa pamamagitan ng pag-alis sa dumadausos na mga panel na ito,” paliwanag ng Daiku san. Napakapraktikal!
Ang tanging solidong dingding ang kinalalagyan ng tokonoma, o alkoba ng larawan, at ang katabi nitong kantong istante. “Ito ang magandang dako ng bahay,” sabi ng Daiku san, “at ang pinakamagandang kahoy at paggawa.” Ngayon, isang kaakit-akit na kaligrapyang balumbon ay nakabitin doon.
Ipinakita sa amin ang iba pang bahagi ng bahay. Ang masarap na amoy ng sedro, sipre, pino, at ng tatami ay nangingibabaw sa bawat silid. Ang magandang kasimplihan at kisig ay makikita sa lahat ng bagay sa bahay.
Papalabas, ang hardin ay naghihintay na aming tingnan. Bagaman hindi kalakihan, ito ay tahimik at maaliwalas. Mayroon itong lawa na punô ng matitingkad ang kulay na mga karpa at isang magandang talon ng tubig. Kami’y umuwi na nakadarama ng kasiyahan, namamangha sa kasanayan at kahusayan na ipinakikita kapag nagtatayo ng bahay ang Daiku san.