Ang World Council of Churches—Pagtutulungan o Kaguluhan?
Ang World Council of Churches—Pagtutulungan o Kaguluhan?
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Australia
ANG asamblea ay nagsimula noong Pebrero 7, 1991, sa magandang bakuran ng Australian National University sa Canberra, Australia, ang kabisera ng bansa. Tinatayang 4,000 karaniwang tao at 316 mga lider ng relihiyon mula sa mahigit na isang daang bansa ang dumalo. Ang naunang anim na mga asamblea ng WCC (World Council of Churches) ay ginanap sa iba’t ibang bansa sa loob ng 35 taon, simula noong 1948 sa Amsterdam, Netherlands.
Ano ba ang WCC? Hindi ito isang nakatataas na relihiyon. Isa itong samahan ng mga relihiyon, isang porum para sa pagpapalitan ng mga opinyon. Ang opisyal na talumpati ng pagtanggap para sa ikapitong asamblea ay ibinigay ng punong ministro ng Australia, si Robert J. Hawke—kahit na siya ay isang agnostiko. Ang paksang napili para sa dalawang-linggong asambleang ito ay sa isang anyo ng panalangin: “Halika Espiritu Santo—Baguhin Mo ang Buong Nilalang!”
Gayunman, inilihis ng di-inaasahang mga pangyayari sa eksena ng daigdig ang saloobin at mga inaasahan ng mga delegado mula sa pagbabago ng banal na espiritu sa pulitika at ang moralidad ng digmaan sa Persian Gulf. Ang maagang paglayo na ito mula sa espirituwal na talakayan ay nagpangyari kay Sir Paul Reeves, isang arsobispong Anglicano at dating gobernador-heneral ng New Zealand, na magpahayag ng kaniyang pagkalito: “Sa mga asambleang gaya nito, wari bang tayo’y nag-aaway tungkol sa kapangyarihan, na walang kaugnayan sa Banal na Espiritu.” Sinikap ng arsobispo ng Canberra na bigyang-matuwid ang pagtatalo: “Ang pagkakaisa ay kaloob ng Banal na Espiritu. Ang malusog na pagkakaiba ay kaloob din ng Banal na Espiritu.”
Si David Gill, panlahat na kalihim ng Australian Council of Churches, ay nagpahayag din ng pagkabahala na ang katapatan ng WCC ay nanganganib mismo, binabanggit na ang organisasyon ay nagiging higit at higit na sunud-sunuran sa mga pangkat na cause-oriented na naghahanap ng isang pagkakataon upang ipahayag ang kanilang partikular na mga pagkabahala.
Ordinasyon ng mga Babae—Higit Pang Pagsasalungatan
Ang papel ng mga babae sa kapanahong relihiyon ay nasa agenda rin, subalit ang mga babae ay malungkot. Itinuturing ito ng karamihan sa kanila na dominado ng mga lalaki. Si Lois Wilson ng Canada ay binuod ito ng ganito: “Ang pulitika ng WCC ay moral na bulok na abot langit at sa palagay ko hindi ito ang nasa isip ni Jesus.” Ano ang dahilan ng kabiguang ito? Ganito ang sabi ng pahayagang Canberra Times: “Maraming pag-iyak ang nangyari sa silid-hugasan ng mga babae sapagkat ang mga babae ay tinakot upang hadlangan sila sa pagtanggap ng nominasyon sa sentral komite ng konseho. Isang babae ang sinabihan na siya ay ititiwalag sa kaniyang relihiyon sa isang pagsisikap na pahinain ang loob niya sa pagtanggap ng nominasyon.”
Ano ang Nangyari sa Espirituwal na Paksa?
Ang iba ay nabahala na hindi naidiin nang sapat ng asamblea ang Biblikal o teolohikal na gawain nito. Hindi ito kataka-taka, sapagkat ang pangunahing mga bagay sa agenda ay pulitikal. Sa katunayan, sa nailimbag ng mga report sa asamblea, nasumpungan ng tagabasa ang isa lamang maikling pagbanggit sa Bibliya.
Ang relihiyosong magasing National Outlook ay nagsabi na “ipinababanaag [ni David Gill] ang pag-iisip ng iba na dumalo sa mga pagtitipon ng WCC kamakailan, at na, gaya ng sabi ng isang indibiduwal kamakailan, ay nagtungo roon taglay ang matinding pag-asa subalit ang mga inaasahan ay hindi natupad.”
Sa kabaligtaran, nang makatagpo ng espirituwal na nagugutom at nauuhaw si Kristo Jesus, sila’y hindi nagsiuwi na “ang kanilang inaasahan ay hindi natupad.” Sila’y nagsiuwing nagiginhawahan: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayong nagpapagal at nabibigatang lubha, at kayo’y pagiginhawahin ko. Pasanin ninyo ang aking pamatok at kayo’y maging mga alagad ko, sapagkat ako’y maamo at mapagpakumbabang puso, at masusumpungan ninyo ang kaginhawahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat malambot ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.”—Mateo 11:28-30.