Anong Panggagamot sa mga May Taning Na ang Buhay?
Anong Panggagamot sa mga May Taning Na ang Buhay?
KAMAKAILAN ang paraan ng pakikitungo ng mga tao sa kamatayan at pag-aagaw-buhay ay nagbabago sa maraming panig ng daigdig.
Noo’y tinatanggap ng mga manggagamot ang kamatayan bilang di-maiiwasang wakas ng kanilang pagtulong sa ilang pasyente—isang wakas na dapat pagaanin, at kadalasang isinasagawa sa tahanan.
Kamakailan lamang, dahil sa pagdiriin sa teknolohiya at pagpapagaling, itinuring ng mga doktor ang kamatayan bilang isang kabiguan o isang pagkatalo. Kaya ang pangunahing tunguhin ng mga manggagamot ay hadlangan ang kamatayan anuman ang mangyari. Dahil sa pagbabagong ito sa mga tunguhin ng panggagamot ay nagkaroon ng isang bagong teknolohiya upang panatilihing buháy ang tao nang mas matagal kaysa rati.
Ang teknolohiya sa medisina ay nagdala ng hindi maikakailang mga pagsulong sa maraming lupain; gayumpaman, ito ay naging dahilan ng ilang grabeng mga pangamba. Isang doktor ay nagkomento: “Naiwala ng karamihan ng mga manggagamot ang mahalagang katangian na dati-rati’y isang matalik na bahagi ng medisina, at na makatao. Ang makinarya, kasanayan at katiyakan ay nag-alis mula sa puso ng damdamin, pagkahabag, simpatiya at pagkabahala sa indibiduwal. Ang medisina ngayon ay isang siyensiya na walang damdamin; ang kaaya-ayang katangian nito ay sa ibang panahon. Ang nag-aagaw-buhay na tao ay walang gaanong nakukuhang kaaliwan buhat sa paggagamot na umaasa nang husto sa makinarya upang gamutin ang pasyente na hindi pinapansin ang emosyonal na mga pangangailangan nito.”
Iyan ay isa lamang opinyon ng isang tao, at tiyak na hindi ito isang pansansinukob na pagsasakdal sa
medikal na propesyon. Gayunman, marahil ay nakita mo nang maraming tao ang nagkaroon ng takot na panatilihing buháy sa pamamagitan ng mga makina.Unti-unti isa pang pangmalas ang narinig. Ito’y nagsasabi na sa ilang kaso ang mga tao ay dapat na hayaang mamatay nang natural, taglay ang dangal, at hindi ipinaiilalim sa pakikialam ng walang-pusong teknolohiya. Isinisiwalat ng isang surbey na isinagawa para sa magasing Time na mahigit na tatlong-kapat niyaong mga tinanong ay nakadama na ang isang doktor ay dapat na payagang alisin ang sumusustini-buhay na paggamot para sa isang pasyenteng may taning na ang buhay. Ganito ang narating na konklusyon ng pag-aaral: “Minsang maitalaga na di-maiiwasan, nais ng [mga tao] na mamatay na may dangal, hindi nakatali sa isang serye ng mga makina sa isang intensive-care unit na parang isang ispesimen sa ilalim ng salamin sa isang laboratoryo.” Sang-ayon ka ba? Ano ang pangmalas mo tungkol sa paksang ito?
Mungkahing Lunas
Depende sa kultura o sosyal na pinagmulan na isa, maraming iba’t ibang paraan ng paglapit sa paksang kamatayan at pag-aagaw-buhay. Gayunman, ang mga tao sa maraming bansa ay nagpapakita ng higit na interes sa problema ng mga wala nang lunas. Sa nakalipas na ilang taon, ang mga dalubhasa sa etika, mga doktor, at ang madla sa pangkalahatan ay nagtaguyod ng mga pagsisikap na baguhin ang pangangalaga o paggamot sa mga kapus-palad na iyon.
Kabilang sa maraming hakbang na ginagalugad upang tukuyin ang isyung ito, ang isa na pinakakaraniwang ipinatutupad sa ilang ospital ay ang patakaran na “Do Not Resuscitate” (Huwag Papagmalaying-tao Muli), o DNR. Alam mo ba kung ano ang kasangkot dito? Pagkatapos ng matagal na pakikipag-usap sa pamilya ng pasyente, at marahil sa pasyente rin, ang espisipikong patiunang mga plano ay isinasagawa, at ang mga ito’y itinatala sa tsart ng pasyente. Itinutuon nito ang pansin sa kung anong mga limitasyon ang ipatutupad sa mga pagsisikap na muling-buhayin, o papagmalaying-tao muli, ang pasyenteng wala nang lunas sakali mang lumalâ ang kaniyang kalagayan.
Kinikilala ng halos lahat na ang mahalagang konsiderasyon sa gayong mahihirap na pasiya ay dapat na “Ano ang gusto ng pasyente?” Gayunman, ang gumagawa ritong isang maselang na problema ay na kadalasan ang pasyente ay walang malay o kaya’y walang kakayahang gumawa ng personal na pasiya. Ito ang pinagmulan ng isang dokumento na matatawag na isang huling habilin o testamento ukol sa buhay kung saan ang may lagda ay humihiling na siya ay hayaang mamatay sa halip na panatilihing buháy sa artipisyal na paraan. Ito’y dinisenyo upang hayaang espisipikong tukuyin ng mga tao nang patiuna kung anong paggamot ang nais nila sa huling araw ng buhay nila. Halimbawa, ang gayong dokumento ay maaaring kabasahan ng ganito:
“Kung ako’y magkaroon ng wala nang lunas o
hindi na masasalungat na kalagayan na magiging dahilan ng aking kamatayan sa loob ng maikling panahon, nais ko na ang aking buhay ay huwag nang pahabain pa sa pagsasagawa ng sumusustini-buhay na mga pamamaraan. Kung ang aking kalagayan ay may taning na at hindi na ako makagawa ng mga pasiya tungkol sa medikal na paggamot sa akin, aking inuutusan ang manggagamot na tumitingin sa akin na pigilin o alisin ang mga pamamaraan na magpapatagal lamang sa kamatayan at hindi naman makagiginhawa o makaaalis ng kirot.” Maaari pa ngang banggitin ng gayong mga dokumento ang espisipikong paggamot na gusto o hindi gusto ng isa na may taning na ang buhay.Ang gayong mga testamento ukol sa buhay, bagaman hindi legal na may bisa sa ilalim ng lahat ng kalagayan, ay kinikilala sa maraming dako. Tinatayang limang milyon katao sa Estados Unidos ang gumawa ng medikal na mga testamento ukol sa buhay. Itinuturing ng maraming awtoridad sa bansang iyon na ito ang pinakamabuting paraan upang matiyak na ang kahilingan ng isa ay igagalang at susundin.
Anong Uri ng Paggamot o Pangangalaga?
Kumusta naman ang tungkol sa aktuwal na pangangalaga sa may taning na ang buhay? Marahil ang pinakamahalagang pagbabago ay ang ideya na tinatawag na hospice o hospisyo, na higit at higit na kinikilala sa buong daigdig. Ano nga ba ang “hospisyo?”
Sa halip na mangahulugan ng isang dako o isang gusali, ang hospisyo sa diwang ito ay tumutukoy sa isang pilosopya o programa ng pangangalaga para sa may taning na ang buhay. Hango ito sa isang salitang Pranses noong Edad Medya para sa isang dako ng kapahingahan para sa mga peregrino. Ang hospisyo ay nagtutuon ng pansin sa isang pangkatang pamamaraan (mga doktor, narses, at boluntaryo) na nagtatrabaho upang tiyakin na ang isang pasyenteng may taning na ang buhay ay napananatiling komportable at malaya sa kirot, lalong mabuti sa mismong tahanan ng pasyente.
Bagaman ang ibang mga hospisyo ay nasa loob ng mga ospital, marami ay nagsasarili. Ang karamihan ay tinutulungan ng pamayanan, gaya ng dumadalaw ng mga narses, mga nutrisyunista, mga ministro, at mga manghihilot (chiropractor). Sa halip na gamitin ang dakilang mga hakbang sa medisina, ang pangangalagang hospisyo ay nagdiriin sa dakilang kahabagan. Sa halip ng agresibong paggamot sa sakit ng pasyente, itinutuon nito ang pansin sa agresibong paggamot sa paghihirap ng pasyente. Ganito ang pagkakasabi rito ng isang doktor: “Ang hospisyo ay hindi nangangahulugan ng kaunting pangangalaga o walang pangangalaga o murang pangangalaga. Ito’y isang ganap na kakaibang uri ng pangangalaga.”
Ano ang reaksiyon mo sa ideyang ito? Ang pamamaraan bang ito ay wari bang isa na inaakala mong dapat na ipakipag-usap sa kaninuman sa iyong mahal sa buhay na maaaring narikonosing may taning na ang buhay, at marahil sa manggagamot na kasangkot?
Bagaman ang pangangalagang hospisyo ay maaaring hindi pa makukuha sa inyong lugar ngayon, malamang na ito ay makuha sa hinaharap, yamang ang kilusang hospisyo ay lumalaganap sa buong daigdig. Dati-rati’y minamalas ito bilang isang pagsisikap na laban sa tatag na kaayusan ng medikal na pangangalaga, ang pangangalagang hospisyo ay unti-unting pumasok sa kasalukuyang gawain ng medisina, at ngayo’y itinuturing na isang tinatanggap na mapagpipilian para sa may taning na ang buhay. Sa pamamagitan ng mga pamamaraan nito, lalo na ang wastong paggamit ng mga pamatay-kirot, ang hospisyo ay nakatulong sa ilang kapansin-pansing mga pagsulong sa pangangalaga sa kalusugan.
Sa isang liham sa New England Journal of Medicine, inilarawan ni Dr. Gloria Werth ang kamatayan ng kaniyang kapatid na babae sa isang hospisyo: “Ang panggagamot, pagkain, o likido ay hindi kailanman ipinilit sa aking kapatid. Siya ay malayang kumain, uminom, . . . o uminom ng gamot kung kailan niya gusto . . . Subalit ang pinakamabuting bagay tungkol sa hospisyo ay na ang aming mga alaala tungkol sa kamatayan ni Virginia ay nagbibigay katiyakan at maligaya. Gaano kadalas nga masasabi ito pagkamatay sa isang intensive-care unit?”
[Blurb sa pahina 5]
“Ang medisina ngayon ay isang siyensiya na walang damdamin; ang kaaya-ayang katangian nito ay sa ibang panahon. Ang nag-aagaw-buhay na tao ay walang gaanong nakukuhang kaaliwan buhat sa paggagamot na umaasa nang husto sa makinarya”
[Blurb sa pahina 6]
Itinutuon ng mga hospisyo ang pansin sa agresibong paggamot sa paghihirap ng pasyente sa halip na agresibong paggamot sa sakit mismo