Baha-bahaging Sambahayan ng Relihiyon
Baha-bahaging Sambahayan ng Relihiyon
Sa lahat ng relihiyon ng daigdig, ang Romano Katolisismo, Islam, at Hinduismo ang pinakamalalaki. Ang Romano Katoliko ay nag-aangkin ng 985 milyon miyembro, o 18.8 porsiyento ng kabuuang bilang ng populasyon ng daigdig na 5.24 bilyon, samantalang 912 milyon (17.4 porsiyento) naman ang nag-aangking Muslim, at 686 milyon (13.1 porsiyento) ay mga Hindu—mahigit na doble ng bilang ng 320 milyong Budista.
“Ang Kristiyanismo ang pinakamaraming miyembro sa lahat ng mga relihiyon,” sabi ng Asiaweek. “Subalit ito ay lubhang nahahati sa makasaysayang magkalabang sekta—ang Protestante at Katoliko sa Hilagang Ireland ang pinakakilalang natitirang halimbawa—anupa’t mahirap para sa maraming tao na isipin itong lahat bilang isang relihiyon. . . . Ang mga Muslim ay hindi gaanong nababahagi sa mga sekta na gaya ng mga Kristiyano, subalit ang Sunni at Shia ang dalawang kilalang pangkat na may kasaysayan na hindi laging magkasundo.” Ang pinakamalaking grupo ng mga Muslim ay ang mga Sunni.
Karagdagan pa, marami sa populasyon ng daigdig ay nagsasabing wala silang relihiyon. Isang malaking bahagi ng populasyong ito ay nasa Tsina, Silangang Europa, at sa Unyong Sobyet. Yaong mga walang relihiyon ay may bilang na 896 milyon, at ang mga ateista ay binubuo ng karagdagang 236 milyon.