Isang Kalugud-lugod na Bukál ng Kalusugan
Isang Kalugud-lugod na Bukál ng Kalusugan
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Czechoslovakia
DAAN-DAANG taon na ang nakalipas, ang tinatawag na Banal na Romanong Emperador Charles IV at yaong mga kasama niya ay pagod at hilahod na sa paglakad pauwi pagkatapos ng isang hindi matagumpay na pangangaso. Walang anu-ano, isang malaking barakong usa ang lumundag sa harap nila. Maingay na hinabol ito ng mga aso, at ang mga mangangaso, na nakalimutan ang kanilang kapaguran, ay masiglang sumunod. Sa wakas sila ay inakay ng barakong usa sa dulo ng isang matarik na dalisdis at saka buong tapang na lumundag sa libis sa ibaba.
Kinuha ng mga mangangaso at ng kanilang mga aso ang mas mahaba at mas ligtas na ruta pababa, at nang marating nila ang ibaba ng dalisdis, wala na barakong usa. Gayumpaman, ang mga mangangaso ay nakasumpong ng ibang bagay—ang kumikinang na tubig ng isang mainit na bukál na bumubukal mula sa lupa. May kataimtiman, ipinahayag ni Charles IV na siya ay magtatayo ng isang bukál ng kalusugan na nagtataglay ng kaniyang pangalan sa dakong iyon. At ayon sa alamat, gayon natatag ang Karlovy Vary sa gawing kanluran ng Bohemia, Czechoslovakia.
Mainit na Bukál
Saan nanggaling ang mainit na bukál na iyon? Ayon sa heolohikal na pananaliksik kamakailan, ang ilan sa mga tubig-ulan na bumabagsak sa kalapit na mga dalisdis ng bundok ay tumatagas sa lupa at nagdaraan sa di-mabilang na biták sa granito. Habang ang tubig ay palalim nang palalim sa ilalim ng lupa, tumatagos ito sa mga mineral sa mga bato.
Sa wakas, sa lalim na halos isa at kalahating kilometro, ang ngayo’y mayaman-sa-mineral, naging karbón na tubig ay iniinit ng mainit na mga bato. Ang puwersa mula sa singaw ng tubig at carbon dioxide galing sa mas malalim pang dako sa ilalim ng lupa ang nagtutulak sa mineral na tubig paitaas. Sa ibabaw ng lupa, ito ang nagiging kilalang mainit na mga bukál.
Lahat-lahat ay may 12 bukál, na ang temperatura ay mula 41 hanggang 72 digris Celsius. Ang bawat bukál ay naiiba sa iba sa nilalamang mineral. Kaya, ang nakapagpapagaling na katangian ng bawat isa sa mga ito ay ipinalalagay na iba. Tinatayang sama-samang dinadala ng tubig ang halos 18,000 kilo ng mineral sa ibabaw ng lupa sa bawat araw.
Ang Bukál ay Nakapagpapagaling
Ang mga tao ay nagkakalipumpon sa mga bukál sa pag-asang gumaling sa lahat ng uri ng karamdaman, mula sa mga ulser, bato sa apdo, alerdyi sa pagkain, at diabetes hanggang sa sobra ang taba at pananakit ng mga kasu-kasuan. Ang mga bukál ay sinasabing nagdulot ng ginhawa sa
mga pasyente na bagong opera sa tiyan o sa bituka o pinahihirapan ng mga sakit na gaya ng nakahahawang hepatitis.Ang mga paraan ng paggamot ay masalimuot, subalit ang kanilang saligan ay ang pag-inom ng tubig. Ang inumin ay kinukuha sa angkop na tubig-bukál tatlong beses isang araw mga kalahating oras bago kumain. Maaaring kasama rin sa paggamot ang paligo sa mineral na tubig, carbonic and oxygen baths, masahe lalo na sa mga kamay at paa, mud baths, at iba pang pamamaraan. Ang mahigpit na diyeta at ehersisyo ng katawan ay maaaring kasama rin sa rehimen.
Pinipili ng mga manggagamot at ng mga unyon sa Czechoslovakia ang mga pasyenteng magtutungo sa mga bukál ng kalusugan para sa paggamot. Kaya maraming tao ang gustong magtungo roon anupa’t may kakulangan ng lugar. Kamakailan ay inayos ang maraming spa houses, at nagtayo ng ilang bago. Gayunman, kulang pa rin ng mga tuluyan para sa lahat ng gustong gumamit sa mga pasilidad. Kaya, makabubuting maagang isaayos ng mga bisita ang mga tuluyan.
Paglibot sa Bayan
Ang bayan ng Karlovy Vary ay may kalugud-lugod, tahimik na kapaligiran na malaon nang tinatamasa ng mga bisita. Ang puting patsada ng mga bahay na itinayo sa makahoy na mga tabi ng buról ay tunay na kaaya-ayang pagmasdan, parang mga suson ng cake sa isang eskaparate.
Sa pampang ng ilog, maaaring makita ang mga batang lalaki na naghahagis ng mga piraso ng tinapay sa mga isdang trout sa Ilog Teplá. Ang karaniwang tanawin sa mga tindahan ay yaong mga parokyanong pumipila at naghihintay upang bumili ng bantog na spa wafers. Ang mga kristal ng Czech ay kumikinang sa mga eskaparate. Ang mga babasaging kristal na Moser sa Karlovy Vary ay nagluluwas ng mga basong kristal sa buong daigdig.
Habang ang mga bisita sa Karlovy Vary ay dumaraan sa mga eskina ng mga punong kastanyas, rhododendrons, at puting mga lilac, ang awit ng mga ibon ay maririnig mula sa mga kagubatan sa mga buról. Dito namamasyal ang makatang Aleman na si Johann Wolfgang von Goethe taglay ang kaniyang kuwaderno. Ipinakita niya ang mga tanawing ito kay Ludwig van Beethoven, ang kilalang kompositor, na dito ginawa ang kaniyang ikawalong simponiya.
Oo, sapol noong ika-17 siglo, ang kilalang mga tao sa daigdig ng musika ay lumakad sa mga lansangan ng bayan. Bukod kay Beethoven, kabilang sa iba pang bisita sina Carl Maria von Weber, Niccolò Paganini, Frédéric Chopin, Franz Liszt, at Johannes Brahms. Dito nabighaning nakinig ang siyam-na-taóng-gulang na si Robert Schumann sa isang konsiyerto ni Ignaz Moscheles, isang karanasang hinding-hindi niya malilimot.
Si Emperador Francis Joseph I ng Austria ang nag-utos na ang Imperial Baths ay itayo para sa kaniya at sa kaniyang pamilya mahigit nang isang daang taon ang nakalipas. Ngayon ang mga pasyente ay nasisiyahan sa mga paggamot na paligo dito sa tansong mga banyera, samantalang ang ginamit ng emperador ay yari sa ginto.
Mabuting Kalusugan Para sa Lahat
Ang masasamang ugali ng sibilisasyon, kalakip na ang polusyon ng kapaligiran, pagsisiksikan ng tao, pag-abuso sa alkohol, paninigarilyo, imoralidad, at ang laging nakaupong istilo-ng-buhay ay naging sanhi ng maraming sakit sa ika-20 siglo. Marami ang nagtutungo sa mga bukál na gaya niyaong sa Karlovy Vary para sa ginhawa. Gayunman, nakalulungkot sabihin na ang ilan na nagtutungo roon upang patulong ay hindi inihihinto ang kanilang paninigarilyo o imoral na mga istilo-ng-buhay kahit na samantalang sila’y naririto. Ito ay maaaring makapanlumo sa kanilang kapuwa mga bisita.
Mayroon pang problema. Ang rehiyon sa paligid ng Karlovy Vary ay pinagpala ng likas na mineral na yaman, gaya ng karbón at koalin. Gayunman, ang mga industriya na nilikha upang kunin ang mga mineral na mga yamang ito ay dinumhan ang magandang kapaligirang ito.
Gayumpaman, marami ang waring narerepreskuhan at nagiginhawahan sa kanilang pisikal na mga karamdaman sa pamamagitan ng pagdalaw sa Karlovy Vary. Ang likas na mga paglalaang ito sa pagpapagaling ay isang pagpapala buhat sa Maylikha, at marahil ang mga ito’y patuloy na tutulong sa mga maninirahan sa lupa hanggang sa araw na “walang mamamayan ang magsasabing: ‘Ako’y may sakit.’ ”—Isaias 33:24.