Kapaki-pakinabang ba ang Maging Tapat?
Kapaki-pakinabang ba ang Maging Tapat?
PALIBHASA’Y nakikita ang napakaraming kawalang-katapatan sa mga adulto, karaniwang ginagaya ng mga kabataan ang kanilang halimbawa. Kaya, anong laking ginhawa—at kapuri-puri rin—kapag ang isa ay tapat! Ipinakita ng Sports Illustrated ang gayong halimbawa ng katapatan sa pamamagitan ng komento na: “Narito ang isang kuwento upang ibalik ang pananalig ng isa.”
Iniulat ng magasin ang tungkol sa isang laro ng baseball ng mga kabataan sa Florida, sa Estados Unidos. Nasalo ng tao sa unang base ang bolang gumulong sa lupa at sinikap na tayain ang tumatakbo mula sa unang base patungo sa ikalawang base. Ang umpire, si Laura Benson, ay nagpasiya na ang tumatakbo ay out, subalit sinabi sa kaniya ng tao sa unang base: “Ma’am, hindi ko po nataya ang tumatakbo.” Kaya pinayagan ni Benson ang tumatakbo na manatili sa ikalawang base.
Noong panahon ng laro pagkalipas ng dalawang linggo, ang kabataan ring ito ay nasangkot sa katulad na laro. Si Benson muli ang umpire. Sa pagkakataong ito inakala niya na hindi nataya ng bata ang tumatakbong manlalaro, at sinabi niya na ang tumatakbo ay pahintulutan sa base. Bagaman ang batang lalaki ay walang sinabi habang siya ay bumabalik sa kaniyang puwesto, napansin niya na may mali sa paraan ng pagtingin sa kaniya ng batang lalaki. Kaya’t si Benson ay nagpunta sa bata at nagtanong: “Nataya mo ba ang tumatakbo?”
“Opo,” sabi niya.
Nang baligtarin ni Benson ang kaniyang pasiya at sinabing ang tumatakbo ay out, ang mga coach sa kalabang koponan ay nagprotesta. Subalit ipinaliwanag ni Benson kung ano ang nangyari dalawang linggo na ang nakaraan at nagsabi: “Kung ang isang bata ay gayon katapat, ibibigay ko ang paborableng pasiya sa kaniya.”
Yaong mga di-tapat ay waring sumasagana sa daigdig ngayon. Ito’y gaya ng minsa’y sinabi ng isang salmista sa Bibliya: “Ang mga ito ang masama, na laging tiwasay. Pinalago nila ang kanilang kayamanan.” (Awit 73:12) Gayunman, sa totoo, sa dakong huli ang katapatan ay nagdudulot ng pinakamahusay na pakinabang. Nagdudulot ito sa isa ng paggalang ng kapuwa-tao. Subalit mas mahalaga, nagkakamit ito ng pagsang-ayon ng Diyos ng Jehova, na maaaring magbigay sa isa ng gantimpalang buhay na walang-hanggan.