Makukuha ang Pinakamahusay na Tulong!
Makukuha ang Pinakamahusay na Tulong!
PARA sa Kristiyano ang pagpili at lawak ng pangangalaga sa may taning na ang buhay ay maaaring magbangon ng mahirap na mga katanungan. Halimbawa:
Labag ba sa Kasulatan na gawin ang lahat ng magagawang paraan upang iligtas ang buhay? At kung moral na tinatanggap na hayaan ang isa ay mamatay nang natural, nang walang dakilang pakikialam upang pahabain ang buhay, kumusta naman ang tungkol sa euthanasia o may habag na pagpatay—isang kusa, positibong pagkilos upang wakasan ang paghihirap ng pasyente sa pamamagitan ng aktuwal na pagpapaikli o pagwawakas ng kaniyang buhay?
Sa ngayon at sa panahong ito, ito ay mahahalagang tanong. Gayunman, tayo’y may tulong sa pagsagot dito.
Isang kinasihang manunulat ay angkop na nagsabi: “Ang Diyos ay ating ampunan at kalakasan, handang saklolo sa kabagabagan.” (Awit 46:1) Totoo rin iyan sa atin sa pagsasaalang-alang ng kasalukuyang bagay. Ang Diyos na Jehova ang pinagmumulan ng pinakamatalino, pinakasubok na tulong. Nasaksihan niya ang buhay ng bilyun-bilyong tao. Alam niya—nang higit kaysa kaninumang doktor, dalubhasa sa etika, o abugado—kung ano ang pinakamabuti. Kaya tingnan natin kung anong tulong ang ibinibigay niya sa atin.—Awit 25:4, 5; Hebreo 4:16.
Isang Tamang Pangmalas sa Buhay
Makabubuting alamin natin na ang pilosopya ng pagliligtas sa buhay anuman ang mangyari ay hindi natatangi sa mga dalubhasa sa medikal na teknolohiya. Ito ay likas na produkto ng modernong sekular na pilosopya. Bakit gayon? Bueno, kung ang kasalukuyang buhay ay siya nang lahat sa buhay, kung gayon wari bang ang ating personal na buhay ay dapat na ingatan sa ilalim ng lahat ng kalagayan at anuman ang mangyari. Subalit ang sekular na pilosopyang ito sa ilang kaso ay nagbunga ng teknikal na mga kalagayan ng pagkabalisa—ang walang malay na mga tao ay pinananatiling “buháy” sa mga makina sa loob ng mga taon.
Sa kabilang panig naman, mayroong naniniwala sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao. Sang-ayon sa kanilang pilosopya, ang buhay na ito ay isa lamang istasyon sa landas patungo sa isang bagay na mas mabuti. Si Plato, isa sa mga pinagmulan ng pilosopyang ito, ay nagsabi:
“Ang kamatayan ay alin sa isang kalagayan ng hindi pag-iral at ganap na pagkawalang malay, o, gaya ng sinasabi ng mga tao, may pagbabago at paglipat ng kaluluwa mula sa daigdig na ito tungo sa ibang daigdig. . . . Kung ang kamatayan ay paglalakbay sa ibang dako, . . . anong kabutihan nga, Oh aking mga kaibigan at mga hukom, ang hihigit pa rito?”
Maaaring ituring ng isang tao na may gayong paniwala ang kamatayan bilang isang kaibigan, na dapat tanggapin at marahil ay pagmadaliin pa nga. Gayunman, itinuturo ng Bibliya na ang buhay ay banal kay Jehova. “Sapagkat nasa iyo ang bukal ng buhay,” sulat ng kinasihang salmista. (Awit 36:9) Kung gayon, dapat bang sumang-ayon ang isang tunay na Kristiyano na makibahagi sa may habag na pagpatay?
Inaakala ng iba na may binabanggit ang Kasulatan sa paksang ito nang si Haring Saul, na matinding nasugatan, ay nakiusap sa kaniyang tagapagdala ng armas na patayin siya. Minalas nila ito bilang isang uri ng may habag na pagpatay, isang kusang pagkilos upang madaliin ang kamatayan ng isa na nag-aagaw-buhay. Nang maglaon isang Amalekita ang nagsabi na sinunod niya ang kahilingan ni Saul na siya’y patayin. Subalit inaakala ba ng Amalekitang iyon na nakagawa siya ng mabuti sa pagwawakas sa paghihirap ni Saul? Hindi. Ipinag-utos ni David, ang pinahiran ni Jehova, na ang Amalekitang ito ay patayin dahil sa kaniyang pagkakasala sa dugo. (1 Samuel 31:3, 4; 2 Samuel 1:2-16) Kung gayon, hindi binibigyang-matuwid ng pangyayaring ito sa Bibliya ang pakikibahagi ng isang Kristiyano sa may habag na pagpatay. a
Gayunman, nangangahulugan ba ito na dapat gawin ng isang Kristiyano ang lahat ng maaaring gawin sa teknolohikal na paraan upang pahabain ang buhay na nagwawakas? Dapat bang patagalin hangga’t maaari ang kamatayan? Ang Kasulatan ay nagtuturo na ang kamatayan ay, hindi isang kaibigan ng tao, kundi isang kaaway. (1 Corinto 15:26) Isa pa, ang mga patay ay hindi naghihirap o dumaranas ng lubos na kaligayahan, kundi sila ay nasa isang katayuan na parang natutulog. (Job 3:11, 13; Eclesiastes 9:5, 10; Juan 11:11-14; Gawa 7:60) Ang hinaharap na pag-asa ukol sa buhay para sa mga patay ay lubusang nasasalig sa kapangyarihan ng Diyos na buhayin silang muli sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. (Juan 6:39, 40) Kaya makikita natin na tayo’y binigyan ng Diyos ng nakatutulong na kaalamang ito: Ang kamatayan ay isang bagay na hindi dapat hangarin, ni mayroon man obligasyon na gawin ang lahat ng magagawa upang patagalin ang kamatayan.
Mga Panuntunang Kristiyano
Anong mga panuntunan ang maaaring ikapit ng Kristiyano sa isang kalagayan kung saan ang isang mahal sa buhay ay may taning na ang buhay?
Una, kailangang kilalanin natin na ang bawat kalagayan na may kinalaman sa may taning na ang buhay ay kakaiba, kalunus-lunos na kakaiba, at walang pansansinukob na mga tuntunin. Higit pa riyan, dapat na maingat na isaalang-alang ng Kristiyano ang mga batas ng bansa sa gayong mga kaso. (Mateo 22:21) Isaisip din, na walang maibiging Kristiyano ang magtataguyod ng medikal na pagpapabaya.
Tanging kapag ang kalagayan ay maliwanag na wala nang lunas saka lamang hihilingin na ang umaalalay-buhay na teknolohiya ay ihinto. Sa gayong mga kalagayan ay walang maka-Kasulatang dahilan na igiit ang medikal na teknolohiya na magpapatagal lamang sa kamatayan.
Kadalasan nang ito ay napakahirap na mga kalagayan at maaaring magsangkot ng mahihirap na disisyon. Halimbawa, paano malalaman ng isa na ang kalagayan ay wala nang lunas? Bagaman walang sinuman ang nakatitiyak, kailangang maging makatuwiran at ng maingat na payo. Isang medikal na artikulo na nagpapayo sa mga doktor ay nagkokomento:
“Kung may pagtatalo tungkol sa diyagnosis o prognosis o kapuwa, ang sumusustini-buhay na pamamaraan ay dapat na ipagpatuloy hanggang marating ang makatuwirang kasunduan. Gayunman, ang paggigiit sa katiyakan na higit pa sa makatuwirang punto ay maaaring humadlang sa paggamit ng manggagamot ng mapagpipiliang paggamot sa wala nang lunas na mga kaso. Ang bihirang report tungkol sa isang pasyente na may gayunding kalagayan na nakaligtas ay hindi isang
mahalagang dahilan upang ipagpatuloy ang agresibong paggamot. Hindi nahihigitan ng gayong bale walang estadistikal na mga posibilidad ang makatuwirang mga inaasahang kalalabasan na siyang papatnubay sa mga pasiya sa paggamot.”Sa gayong mahigpit na kalagayan, ang Kristiyano, pasyente man o kamag-anak, ay makatuwirang umasa ng ilang tulong buhat sa kaniyang manggagamot. Ang medikal na artikulong ito ay naghihinuha: “Sa anumang kaso, hindi makatuwiran na basta na lamang magbigay ng maraming medikal na mga katotohanan at mga mapagpipilian at iwan ang pasyente na walang anumang patnubay sa mapagpipiliang mga hakbang ng pagkilos at hindi pagkilos.”
Ang lokal na matatandang Kristiyano, palibhasa’y maygulang na mga ministro, ay maaaring maging malaking tulong. Mangyari pa, ang pasyente at ang kaniyang pamilya ay dapat na gumawa ng kanila mismong timbang na pasiya sa napakaemosyonal na kalagayang ito.
Sa wakas, pag-isipan ang mga puntong ito. Gustung-gusto ng mga Kristiyanong manatiling buháy upang sila’y masiyahan sa paglilingkod sa Diyos. Gayunman, batid nila na sa kasalukuyang sistema, lahat tayo ay namamatay; sa diwang ito lahat tayo ay may taning na ang buhay. Tanging sa pamamagitan lamang ng tumutubos na dugo ni Jesu-Kristo na tayo ay may anumang pag-asa na baligtarin ang kalagayang iyan.—Efeso 1:7.
Masakit man ito, kung sakaling mamatay ang isang mahal sa buhay, tayo ay hindi iniiwang maghirap at magdalamhati “na gaya ng iba na walang pag-asa.” (1 Tesalonica 4:13) Bagkus, mayroon tayong kaaliwan na ginawa natin ang pinakamabuting magagawa natin para sa ating maysakit na mahal sa buhay at na ang anumang medikal na tulong na ginawa natin ang pinakamabuting pansamantalang tulong. Gayunman, mayroon tayong nakapagpapaligayang pangako buhat sa Isa na magpapalaya sa atin mula sa lahat ng problemang iyon kapag ‘ang kahuli-hulihang kaaway, ang kamatayan, ay lilipulin.’—1 Corinto 15:26.
Oo, sa wakas ang pinakamahusay na tulong para sa nag-aagaw-buhay ay darating buhat sa Diyos na nagbigay ng buhay sa unang mga tao at nangangako ng isang pagkabuhay-muli para roon sa sasampalataya sa kaniya at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo.—Juan 3:16; 5:28, 29.
[Talababa]
a Para sa karagdagang mga komento tungkol sa tinatawag na may habag na pagpatay, tingnan ang Gumising! ng Agosto 8, 1978, pahina 8-12, at ng Setyembre 22, 1974, pahina 27-8.
[Larawan sa pahina 8]
Itinataguyod ba ng kamatayan ni Saul ang euthanasia o may habag na pagpatay?