Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Judio at mga Kristiyano Ako’y napakilos na magpahayag ng aking pagpapahalaga sa mga serye ng artikulo tungkol sa mga Judio at mga Kristiyano. (Hunyo 22, 1991) Bilang isang ministrong Kristiyano, masasabi kong nahihirapan akong ipakipag-usap ang bagay na ito sa mga Judio. Ipinakita ng artikulo na hindi natin hinihiling na talikdan nila ang kanilang pamanang Judio kundi suriin lamang nila si Jesus at ang Mesianikong mga hula sa liwanag ng katotohanan, hindi sa pamamagitan ng pilipit na mga tradisyon at huwad ng mga doktrina.
J. L., Estados Unidos
Ang artikulo ay maaaring magbigay ng impresyon na ang mga krimen ng Sangkakristiyanuhan ay dapat ituring na mas masahol kaysa nagawa ng mga Judio. Hindi ba’t ang mga Judio ang nagpako sa Anak ng Diyos sa tulos?
N. L., Alemanya
Ang pagpatay kay Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos, ang pinakamalaking krimen sa kasaysayan ng tao. Gayumpaman, walang katibayan na hinahatulan ng Diyos ang indibiduwal na mga inapo ng mga nagsagawa ng krimeng iyon. Sa kabaligtaran, “Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang taong natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kalugud-lugod sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Bagaman walang isang nasyonalidad ang hinatulan sa harap ng Diyos, dapat panagutan ng Sangkakristiyanuhan ang rekord nito ng pagbububo ng dugo, pag-uusig, at relihiyosong hindi pagpaparaya.—ED.
Pagsalakay ng Gang Talagang pinahahalagahan ko ang inyong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Maipagtatanggol ang Aking Sarili sa Pagsalakay ng Gang?” (Hulyo 22, 1991) Tamang-tama ang dating nito noong panahong ako’y napoproblema kung paano ko pakikitunguhan ang kalagayang ito. Mula ngayon magiging maingat na ako sa aking pananamit, pag-aayos, at paggawi. Maraming-maraming salamat sa tulong ninyo.
J. H., Hapón
Ang Dakilang Impostór Salamat sa paglalathala ninyo sa artikulong “Mula sa mga Panga—Ang Dakilang Impostór.” (Hunyo 22, 1991) Ang anak kong babae ay laging masakit ang ulo at ginamot na sa iba’t ibang paraan, subalit hindi malaman ang dahilan. Dinala ko ang artikulo sa isang dentista; kinunan niya ng X rays ang aking anak at nasumpungan niya ang problema. Siya ngayon ay tumatanggap ng tamang paggamot. Hindi pa ako isa sa mga Saksi ni Jehova, subalit ako’y nasisiyahan sa pagbabasa ng Gumising!
S. M. S., Brazil
Ako’y isang dentista, at ang artikulong ito ay magiging isang malaking tulong sa maraming tao. Kakaunti ang nakaaalam na umiiral ang sakit na ito, at kahit na kaming mga dentista kung minsan ay hindi gaanong pinapansin ito. Tama nga kayo na tanging ang ating Maylikha ang may lunas sa lahat ng sakit!
E. F. G., Alemanya
Pagtatanggol-sa-Sarili Sa pagbabasa sa artikulong “Pagtatanggol-sa-Sarili—Hanggang Saan ang Magagawa ng Isang Kristiyano?” (Hulyo 8, 1991), ang isa ay magkakaroon ng impresyon na ang martial arts ay nagtataguyod ng pagiging handa para sa laban at pagsalakay. Hindi ito ang kalagayan. Karamihan ng martial arts ay nagkikintal ng pagsupil sa katawan, disiplina-sa-sarili, at ng diwa ng pagkamakatarungan sa isang mas mataas na antas kaysa ibang isports.
T. M., Alemanya
Maaaring totoo na ang martial arts ay may ilang halaga sa mga kalahok. Gayumpaman, tinuturuan nito ang isa kung paano sasaktan ang kapuwa tao, at hindi ito kasuwato ng mga simulain sa Bibliya na masusumpungan sa Isaias 2:4 at Mateo 26:52.—ED.