Mula sa Masasakting Tao Tungo sa Aktibong Tagapuri ng Diyos
Mula sa Masasakting Tao Tungo sa Aktibong Tagapuri ng Diyos
DALAWANG Saksi ni Jehova na nakikibahagi sa bahay-bahay na ministeryo noong Pebrero 1984 ang nakipag-usap sa isang babae sa nayon ng Corcovada, Añasco, Puerto Rico. Nakarinig sila ng ingay sa loob ng bahay at tinanong nila ang babae kung mayroon bang maysakit.
“Oo,” sagot ng babae, “ang asawa ko. Siya ay 14 na taon nang maysakit at hindi siya kailanman lumalabas ng silid maliban na lamang upang maligo at kumain.”
Tinanong ng dalawang Saksi kung maaari ba nilang kausapin ang asawang lalaki. Sinabi ng kaniyang maybahay na ayaw ng lalaking makipag-usap sa kaninuman, subalit kung gusto ng mga Saksing pumasok, maaari silang pumasok.
“Pumasok kami sa silid,” sabi ng isa sa mga Saksi, “at nasumpungan namin ang lalaki na nakahiga sa kama. Pagkakita sa kaniyang kalagayan, nahabag kami sa kaniya. Napakahina niya anupa’t siya’y nanginginig. Sinabi namin sa kaniya ang tungkol sa Kaharian ng Diyos at ang pag-asa na mabuhay sa isang daigdig na wala nang sakit o ng kamatayan man. Tumulo ang mga luha sa kaniyang mukha. Tinanong ko siya kung nais niyang mabuhay sa bagong sanlibutang iyon kung saan wala nang magkakasakit.”—Apocalipsis 21:3, 4.
“Oo,” sagot niya. “Nagsabi kaming kami’y babalik at mag-aaral ng Bibliya na kasama niya. Sa kaniyang pagsang-ayon kami ay bumalik, at ang pag-aaral ay ginagawa namin samantalang siya’y nakahiga sa kama.
“Pagkaraan ng ilang pagdalaw, iminungkahi ko sa kaniya na maupo siya sa kama upang maging mas madali para sa kaniya na mag-aral. Nagsikap siya, bagaman sa simula nauupo lamang siya nang sandali sapagkat nahihilo siya. Pagkaraan ng ilan pang pag-aaral, habang lumalakas siya, iminungkahi ko na kami’y mag-aral sa sala. Sumang-ayon naman siya, at linggu-linggo’y tutulungan namin siyang lumakad palabas sa sala.
“Ang lalaki ay gumawa ng mahusay na pagsulong sa kaniyang pag-aaral, bagaman malabo ang kaniyang paningin at ang kaniyang mga kamay ay nanginginig nang husto anupa’t mahirap para sa kaniya na hawakan ang isang lente. Sinabi niya sa amin na sa loob ng 14 na taon siya ay masasaktin, hindi siya makapagpatingin sa isang doktor sapagkat hindi siya makaalis ng bahay. Kaya gumawa kami ng kaayusan na dalhin siya sa isang doktor.
“Isang matagumpay na operasyon ang isinagawa sa kaniyang mga mata, at hindi nagtagal siya ay nagbabasa na ng Bibliya nang walang lente. Kahit ang kaniyang mga kamay ay hindi na nanginginig. Sinimulan niyang regular na maglakad-lakad sa bahay, at sa wakas siya ay mahihiga lamang kapag matutulog sa gabi. Hindi nagtagal pagkatapos niyan ay nagsimula siyang dumalo sa aming mga pulong Kristiyano sa Kingdom Hall.
“Nang maglaon ang pag-ibig sa Diyos na Jehova at sa Kaniyang mga pangako ay nag-udyok sa dating masasakting tao na ito na magsalita sa iba tungkol sa mga bagay na kaniyang natutuhan. Di-nagtagal, sumama siya sa amin sa bahay-bahay na ministeryo, na lubhang ipinagtaka ng kaniyang mga kapitbahay at mga kaibigan. Ang kaniyang kalusugan ay bumuti na lubha anupa’t siya’y nagsimula pa ngang magtrabaho sa kaniyang bukid.”
Noong Nobyembre 1988 ang karanasang ito ay inilahad sa isang pansirkitong asamblea ng mga Saksi ni Jehova, at ang lalaki, si Pedro Martínez, ay nasa plataporma. Sa wakas, noong Nobyembre 1989, sinagisagan niya ang kaniyang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig.