Ang Isda na Inaayawan ng Lahat
Ang Isda na Inaayawan ng Lahat
ANG pating ba ang paborito mong isda? Malamang na hindi. Sa karamihan ng tao, ang pating ay hindi paborito, bagaman sa iba ito ay nagbibigay ng kanilang paboritong pagkain, ng kanilang paboritong balat, o marahil ng kanilang paboritong nilikha upang patayin bilang isport. Higit at higit na mga pating ang pinapatay sa gayong mga dahilan. Binabanggit ng U.S.News & World Report na ang taunang huli ng pating doon lamang sa Gulpo ng Mexico, sa Caribbean, at sa East Coast ng E.U. ay tumaas ng mahigit na 1,000 porsiyento sa nakalipas na sampung taon!
Kung wala kang narinig na sigaw na nananawagan para sa proteksiyon ng mga pating, ito ay hindi kataka-taka. Tutal, ipinalalagay ng marami ang pating bilang isang panganib, isang walang awang makinang kumakain na walang nasa isip kundi ang pagnanais nitong kanin ang mga tao. Subalit bagaman nangyayari ang mga pagsalakay ng pating, bibihira lamang ito kaysa gustong ipapaniwala sa iyo ng mga nagrarasyon ng nakatatakot na mga pelikula.
Sang-ayon sa U.S.News & World Report, “wala pang 100 pagsalakay ng mga pating ang iniuulat sa buong daigdig sa bawat taon, at kaunti lamang ang nakamamatay.” Isa pa, hindi lahat ng pating ay uring sumasalakay. Ang mga uri ay iba-iba sa haba na mula 10 centimetro hanggang 18 metro, at sa timbang mula sa 28 gramo hanggang sa 14,000 kilo! Halos 90 porsiyento ng 300 uri (kabilang na ang pinakamalalaki) ay hindi banta sa mga tao.
At ang mga pating ay mahalaga. Tulad ng mga vacuum cleaner sa ilalim ng dagat, sila ay gumaganap ng mahalagang papel sa paglilinis sa mga karagatan, kinakain ang patay na mga nilikha at mga dumi. Buong pananabik na pinag-aaralan ng mga siyentipiko ang kanilang sistema ng depensa yamang ang mga pating ay waring walang kanser o malulubhang impeksiyon. At, ang mga pating ay may kahinaan din. Sila ay mabagal magparami (nagsisilang lamang ng dalawang sanggol, o pups, sa isang taon), kaya hindi sila mabilis na nakapagpaparami na simbilis ng pagpatay sa kanila.
Nakatutuwa naman, ang mga pating ay nakakasumpong ng ilang kaibigan sa wakas. Ang U.S. National Marine Fisheries ay nakagawa ng isang 100-pahinang plano upang pangalagaan ang isda, nananawagan para sa mga limitasyon sa kung gaano karaming pating ang maaaring kunin ng mga tao. Mangyari pa, wala pang nagmumungkahi ng limitasyon sa kung gaano karaming tao ang maaaring kunin ng mga pating; subalit ang Maylikha kapuwa sa tao at sa pating ay nangangako ng isang panahon kapag ang Kaniyang mga anak na tao ay wala nang katatakutan dito sa lupa.—Isaias 11:6-9.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
N. Orabona/H. Armstrong Roberts