Enerhiya Buhat sa Pusod ng Bundok
Enerhiya Buhat sa Pusod ng Bundok
“ANG paglalakbay sa araw na magugunita mo habang-buhay.” Ganiyan inilarawan sa mga brosyur sa paglalakbay ang aking pagdalaw sa timog-kanluran ng South Island ng New Zealand. At totoo ito. Ang paglalakbay mula sa Manapouri tungo sa Doubtful Sound, sa ibayo ng tubig at mga bundok, ay nagdala sa akin sa pambihirang mga tanawin at kahanga-hangang mga nagawa ng inhinyerya. Ito’y tulad ng pagkasaksi sa isang ikawalong kahanga-hangang tanawin sa daigdig—isang istasyon ng haydropawer sa pusod ng bundok.
Ipinaalaala rin sa akin ng aking paglalakbay ang tungkol sa pinakamatandang mga maninirahan sa New Zealand, ang Maori, at ang kanilang sinaunang mga alamat at mga wika. Ayon sa dalawang ulat ng Maori, ang “Manapouri” ay maaaring mangahulugan ng ‘lawa ng kalungkutan o mga luha’ o ‘lawa ng pusong may lumbay.’ Para sa akin ito rin ang pangalan ng bayan na panggagalingan ko sa di-malilimot na araw na iyon.
Isang Di-inaasahang Tanawin
Habang ang aming bangka ay tumatakbong matulin sa tahimik na lawa, napakagandang hugis-U na mga libis at nagtataasang mga bundok ang bumungad
sa tanawin. Mapalad kami sa pagkakaroon ng maganda’t maaliwalas na araw, yamang ang rehiyong ito ay tumatanggap ng hanggang 7,500 milimetro ng ulan sa isang taon! Kaya ito ay isang paraiso ng litratista, na may mga punungkahoy at saganang pananim na tumutubo sa tabi ng ilog hanggang sa mga gilid ng bundok. Ang ingay ng aming bangka ang tanging katibayan ng anumang pagpasok ng tao sa rehiyon sa aming 75-minutong paglalakbay sa ibayo ng lawa. Subalit isang paglalakbay tungo sa ano?Sa isang di-inaasahang tanawin—sa West Arm, sa gawing dulo ng lawa, sa kalagitnaan, naroon ang switchyard ng isang istasyon ng haydroelektrik pawer. Ano kaya ang nag-udyok sa sinuman na magtayo ng isang istasyon ng kuryente dito, napakalayo sa tirahan ng mga tao? Tanging ang pambihirang set ng heograpiko at heologong mga kalagayan lamang ang maaaring magbigay sa sinumang inhinyero o agrimensor ng inspirasyong ito.
Ang ideyang iyon ay dumating noong 1904 nang mapansin ni P. J. Hay, isang agrimensor, ang potensiyal ng kalipunang ito ng tubig. Ang ibabaw nito ay mahigit 180 metro sa ibabaw ng taas ng tubig, at may lalim na halos 450 metro, ang ilalim nito ay halos 260 metro sa ilalim ng taas ng dagat! Gayunman, hiwalay ito sa dagat ng halos 10 kilometro lamang ng malawak ng lupain ng bundok. Subalit kukuha pa ng 60 taon bago magkatotoo ang ideyang ito. Ano ang nagpasimula nito? Isang Australianong korporasyon na nagtutunaw ng mga metal na nasa New Zealand ay nangangailangan ng kuryente para sa tunawán nito sa Tiwai Point, malapit sa Invercargill, mga isang daan animnapung kilometro ang layo sa pagitan ng dalawang dako. Subalit paano makagagawa ng kuryente?
Ang Pangitain na Nagkatotoo
Ang plano, na naisip ng kompaniya ng inhinyerya ng Bechtel na basa-E.U., ay gumawa ng tunel sa loob ng bundok na tinatawag na Leaning Peak at magtayo ng istasyong lilikha ng kuryente doon mismo sa ibaba sa dulo ng Lawa Manapouri. Kaya, ang tubig nito ay maaaring magbaba ng mga shaft at magpaandar ng pitong turbin na lilikha ng elektrisidad. Ang lakas ng kuryente ay ihahatid sa pambansang grid sa pamamagitan ng switchyard sa dulo ng lawa. (Tingnan ang larawan, pahina 17.) Subalit paano makatatakas ang lahat ng tubig? Ang mga minero ay kailangang humukay ng isang tunel na magdadala sa tubig palayo sa planta ng kuryente na may diyametrong 9 na metro na aabot ng mga sampung kilometro sa ilalim ng mga bundok. Pangyayarihin nito ang tubig na lumabas tungo sa Deep Cove sa Doubtful Sound, isa sa pinakamagandang ilog na pasukan (fiord) sa New Zealand. Ang tunel na iyon lamang ay kinailangang alisan ng pitong daan at animnapung libong metro cubiko ng bato.
Isip-isipin lamang ang pagkarami-raming bato na kailangang alisin mula sa bundok para lamang sa mga shaft ng tubig at sa silid ng turbin. Ang silid na ito lamang, o bulwagan ng makina, ay 111 metro ang haba, 39 na metro ang taas, at 18 metro ang lapad. Sa haba ang isang Amerikanong laruan ng football o laruan ng soccer ay magkakasiya rito. Subalit kinailangan muna ang isang tunel upang marating at mahukay ang bulwagan ng makina, kung saan ilalagay ang mga turbin at mga genereytor. Ito sa ganang sarili ay isang pambihirang hamon!
Ang tunel na ito na may daanan, na mahigit
dalawang kilometro ang haba at may di-nagbabagong dahilig ng isang metro sa bawat sampung metro, ay umiikid pababa sa bulwagan ng makina. Habang pumapasok kami sa bundok sa aming bus ng turista, natitigilan kaming mag-isip na kami’y pababa sa kaloob-looban ng bundok.Nang sa wakas ay lumabas kami ng bus at pumasok kami sa bulwagan ng turbin, para itong galing sa science fiction—isang pagkalaki-laking katedral ng siyensiya sa kalaliman ng bundok! Subalit isang tanong ang palaisipan sa akin, Paano nila nadala sa dakong ito ang lahat ng mabibigat na makinarya para sa masalimuot na proyektong ito? Ang tanging daan ay alin sa dagat o sa lawa. Walang mga lansangan. Napagpasiyahang mas madaling dalhin ang karamihan ng makinarya sa pamamagitan ng dagat. Iyan ay nag-iiwan ng hanay ng mga bundok na humahadlang sa daan patungo
sa lugar ng istasyon ng kuryente. Ang lunas? Gumawa ng daan.Ang Pinakamatarik na Haywey ng Estado sa New Zealand
Ang gawain ay nagsimula noong 1963 sa kawing na daan mula sa Deep Cove hanggang sa West Arm, “isa sa pinakamahirap na pakikipagsapalaran sa paggawa ng daan sa buong daigdig,” ayon sa isang babasahin. Bakit gayon? “Ang ulan, niyebe, mga ilog ng putik at mga sala-salabid na pananim ang nagpatagal sa panahon ng pagtatapos nito mula sa 12 hanggang sa 24 na buwan.” Mga 23 kilometro ang haba, ito sa wakas ay nagkahalaga ng NZ$1.57 sa bawat centimetro—isang napakamahal na daan! May mga dahilig na 1 sa 5, ito ay naging ang pinakamatarik na haywey sa New Zealand. Gayunman, ito ang mahalagang kawing sa pagkilos ng 87,000 tonelada ng mga materyales mula sa taas ng dagat, sa ibabaw ng Wilmot Pass (670 m) tungo sa taas ng lawa. Ang isang karga lamang ay tumitimbang ng 290 tonelada at nangailangan ng isang 140-wheel na sasakyan na hinihila ng isang buldoser at tagapatag ng lupa at itinulak ng isa pang buldoser! Subalit ang trabaho ay natapos.
Mga Epekto sa Ekolohiya
Paano naaapektuhan ng pagkalaki-laking proyektong ito ang ekolohiya roon? Yamang ang kalakhang bahagi ng istasyon ng kuryente ay nasa ilalim ng lupa, hindi ito gaanong nakikita maliban sa switchyard at sa mga linya ng transmisyon na bumabagtas sa mga bundok. Sa kalakihan ng rehiyon, kahit na ang mga tore at kable ng kuryente ay nagmukhang maliit. Subalit may isa pang tanong na dapat sagutin.
Kung ang Lawa ng Manapouri ay inaalisan ng tubig mula sa likuran, papaano napananatili ang taas nito? Ang isang malahagang salik ay ang mataas na taunang patak ng ulan sa rehiyon. Ang kabayanan ng Manapouri ay tumatanggap ng 1,250 milimetrong katamtamang taunang patak ng ulan, samantalang ang istasyon ng kuryente sa West Arm ay tumatanggap ng 3,750 milimetro. Gayundin, ang mahigpit na mga tuntunin ay sinusunod sa pagkontrol sa taas ng lawa upang ito hangga’t maaari’y manatili sa natural na marka nito. Yamang ang Lawa ng Manapouri ay nasa itaas na dulo ng isang sistema ng tubig na nagsasangkot sa Lawa ng Te Anau at ng mga ilog na Itaas at Ibabang Waiau (tingnan ang mapa), mga dam na pangkontrol ay ginagamit upang panatilihin ang taas na kinakailangan para sa istasyon ng kuryente. Kung ang tubig ay napakarami para pangasiwaan ng mga genereytor, ang mga dam ay binubuksan upang ilabas ang labis na tubig.
Sino ang Nakikinabang?
Ang pag-iinstala ng pinakamalaking istasyon ng haydropawer sa New Zealand ay naging isang halimbawa ng internasyonal na pagtutulungan. Ang mga turbin ay gawa sa Scotland, ang mga genereytor ay gawa sa Alemanya, at ang mga transpormer ay gawa sa Italya. Ang unang mga genereytor ay isinerbisyo noong 1969. Noong Setyembre 1971 lahat ng pitong genereytor ay umaandar. Sino ang nakikinabang sa lahat ng nalikhang kuryenteng ito? Karamihan nito ay nagtutungo sa mga gawaing tunawán sa Tiwai Point, at ang natitira ay napupunta sa pambansang grid ng New Zealand. Ang pag-andar ng istasyon ng kuryente sa Manapouri at ang patuloy na suplay ng kuryente ay mahalaga sa pagpapatakbo ng tunawán. Ang pagkaputol ng kuryente ng mahigit sa dalawang oras ay maaaring magbunga ng pagsasara ng tunawán ng ilang buwan. Kaya ang istasyon ng kuryente sa Manapouri at ang mga tao sa tunawán ay nagtutulungan upang matiyak ang pananatili nito.
Sumakay kami ng bus sa ibabaw ng Wilmot Pass at bumaba patungo sa Doubtful Sound. Doon ay nakita namin ang mga alulod ng tubig mula sa istasyon ng kuryente sa Manapouri na bumubuhos sa tahimik na ilog na pasukan. Ang ilog na pasukang ito, o fiord, ay may kakaibang tampok. “Ang ibabaw ng fiord ay tubig tabang na nasa ibabaw ng tubig alat. Sa fiord ang tubig tabang ay nananatiling isang hiwalay na suson—isang ilog na marahang umaagos sa ibabaw ng nakakulong na dagat na ito.”—Manapouri to Doubtful Sound, nina Barry Brailsford at Derek Mitchell.
Isa pang bangka ang nagsakay sa amin para sa isang tahimik na paglalayag sa kabahaan ng ilog na pasukan. Sa isang lugar ay pinatay ng kapitan ang mga makina, at nakinig kami sa marilag na katahimikan ng basal na paraisong iyon. Anong laking kaibhan sa nagngangalit na kuryente ng haydroelektrik na istasyon ng Manapouri mga ilang kilometro lamang ang layo, nakatago sa pusod ng bundok.—Isinulat.
[Dayagram/Mga larawan sa pahina 17]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Plano ng planta ng kuryente
Lawa ng Manapouri
Lift shaft
Intake-gate shaft
Mga pasukan at mga tabing
Alulod ng tunel patungo sa Deep Cove
Emergency na labasan
Outdoor station
Power-cable shaft
Daan sa tunel
Kahang bakal ng transpormer
Bulwagan ng makina
Service tunnel
[Mga larawan]
Switchyard
Bulwagan ng makina
Istasyon ng kuryente sa Manapouri
[Larawan sa pahina 15]
Doubtful Sound, New Zealand
[Larawan sa pahina 16]
Ang daang tunel sa loob ng bundok at pababa sa bulwagan ng makina