Hinahatulan ba ng Diyos ang Pag-inom ng Alak?
Ang Pangmalas ng Bibliya
Hinahatulan ba ng Diyos ang Pag-inom ng Alak?
‘KALIMUTAN mo ang cocaine, heroin, LSD, at marijuana—ang alak pa rin ang pinakamalaking problema ng kailangang labanan ng lipunan. Ang alak ang nagiging dahilan ng higit na mga kamatayan at pagkawasak ng lipunan kaysa paggamit ng lahat ng iba pang droga na pinagsama.’ Ang mga sentimiyentong ito ay ipinahayag sa ika-31 kombensiyon na isinasagawa tuwing ikatlong taon ng World’s Woman’s Christian Temperance Union sa Canada ng nakalipas na dalawang taon.
Nakikita ng mga delegadong iyon sa dumaraming gamit ng alak sa buong daigdig ang nakapangingilabot na kabayaran sa kalusugan at buhay ng tao, gayundin sa milyun-milyong dolyar na gugugulin taun-taon ng pambansang mga pamahalaan upang labanan ang alkoholismo. Kumbinsido na hinahatulan ng Diyos ang gamit nito, maraming tao na may mabuting intensiyon ay nagpapaliwanag na gawing labag sa batas ang lahat ng nakalalasing na inumin. Ngunit itinataguyod ba ng Bibliya ang pangmalas na ito?
Ang Gamit ng Alak sa Bibliya
Matagal nang panahon ay ipinangako ng Diyos sa kaniyang masunuring bayan: “Ang iyong mga kamalig ay saganang mapupunô, at aapawan ng bagong alak ang iyong mga alilisan.” (Kawikaan 3:10) Oo, siya ang Isa na nagbigay sa atin ng namumungang puno ng ubas, naglalaan pa nga ng mumunting organismo ng lebadura (yeast) na bumabalot sa ubas habang ito ay malapit na sa panahon ng paggawa ng alak.
Ang proseso ng paggawa ng mahusay na alak ay ipinaliliwanag sa bahagi ng propeta ng Diyos na si Isaias. Patiunang nakikita ang mga pagpapalang darating sa bagong sanlibutan ng katuwiran, si Isaias ay sumulat: “Si Jehova ng mga hukbo ay tiyak na gagawa para sa lahat ng mga bayan . . . ng isang kapistahan ng mga alak na laon . . . ng mga alak na laon, na totoong salá.” (Isaias 25:6) Nalalaman ng may karanasang mga gumagawa ng alak na ang alak “na laon,” matagal na hindi ginagalaw sa panahon ng permentasyon, ay unti-unting tumitining, lalong pinagbubuti ang bango at lasa.
Kasiyahan at mga Pakinabang sa Kalusugan?
Binalangkas ng Diyos kapuwa ang kasiyahan at mga pakinabang sa kalusugan na nakukuha sa alak. Ang propeta niyang si Jotham ay bumanggit tungkol sa “bagong alak na nagpapagalak sa Diyos at sa tao.” (Hukom 9:13) Si Haring Solomon ay sumulat tungkol sa ‘pagpapasaya sa kaniyang laman sa pamamagitan ng alak.’ (Eclesiastes 2:3) At sa bantog na ulat ng kasalan sa Cana, ginawa ni Jesus, sa kaniyang unang himala, ang isang tapayan ng tubig na “pinakamasarap na alak,” sa kasiyahan ng mga panauhin sa kasalan.—Juan 2:6, 7, 10, The New English Bible.
Ang pagkilala ni Jesus sa pangmedisinang gamit ng alak ay maliwanag sa kaniyang ilustrasyon ng mabuting Samaritano. Tinatalian ang mga sugat ng isang lalaking nasugatan, binuhusan ng mabuting Samaritano ng “langis at alak” ang mga sugat. (Lucas 10:30-34) Ang mungkahi ni apostol Pablo kay Timoteo na ‘gumamit ng kaunting alak dahil sa kaniyang sikmura at sa kaniyang madalas na pagkakasakit’ ay kasuwato ng pagkilala ngayon sa halaga ng alak sa pagkain at medisina.—1 Timoteo 5:23.
Si Dr. Salvatore P. Lucia, isang dating propesor sa University of California School of Medicine, ay bumanggit sa kaniyang aklat na Wine and Your Well-Being na ang “alak [ay] hindi lamang ang pinakamatandang inuming de alkohol kundi ang pinakamahalagang sangkap na pangmedisina na patuloy na ginamit sa buong kasaysayan ng tao.” At ang mananaliksik na nutrisyunistang si Janet McDonald ay nagsabi na ang alak na iniinom nang katamtaman ay waring mabisa bilang isang banayad na trangkilayser, isang pampagana, at isang tulong sa panunaw at sa pagtanggap ng katawan sa mga mineral sa pagkaing kinain.
Kailangan ang Pagiging Katamtaman at Pagpipigil-sa-Sarili
Gayunman, sa kabila ng paborableng mga pagbanggit na iyon sa alak at sa inuming de alkohol kapuwa sa Bibliya at sa sekular na medisina, ang pag-abuso sa alkohol ay umani ng katakut-takot na kaabahan sa marami sa sangkatauhan. Dapat bang isisi sa Diyos ang lahat ng trahedya na bunga ng maling gamit ng alkohol? Sa kabaligtaran, sa kaniyang Salita, ang Bibliya, siya ay nagbigay ng mauunawaang mga tuntuning sumasaklaw sa paggamit at pagmamalabis sa alak.
Isaalang-alang, halimbawa, ang sumusunod na maririing babala laban sa pag-abuso sa kaloob na ito: “Huwag kang mapasama sa mga malalakas uminom ng alak, sa mga matakaw na mangangain ng karne.” Tiyak na hindi ito nangangahulugan na tanging ang mga kumakain lamang ng gulay ang nakalulugod sa Diyos, ni hinahatulan man ng teksto yaong mga umiinom ng kaunting alak o katamtamang kumakain ng karne. Bagkus, ang Bibliya ay nagbababala laban sa pagmamalabis kapuwa sa pagkain at sa pag-inom. Ito ay maliwanag gaya ng binabanggit ng isa pang kawikaan: “Sinong may lungkot? Sino ang di mapalagay? Sinong may pakikipagtalo? Sinong may pagkabahala? Sino ang may sugat na walang kadahilanan? Sino ang may malabong mata? Silang naghihintay sa alak.”—Kawikaan 23:20, 29, 30.
Ang mga manunulat ng Bibliya na sina Pedro at Pablo ay nagpayo ng pagiging katamtaman sa pamamagitan ng pagpapayo sa sinaunang mga Kristiyano na iwasan ang “pagmamalabis sa alak” at huwag “magpakalasing sa alak.” Ang payong ito ay dapat dibdibin, gaya ng babala ng apostol: ‘Ang mga manlalasing ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.’ Sa ibang salita, ang laging nagmamalabis sa mga inuming de alkohol ay walang pagsang-ayon ng Diyos at hindi tatanggap ng buhay na walang-hanggan.—1 Pedro 4:3; Efeso 5:18; 1 Corinto 6:9, 10.
Kaya, kung ang mga indibiduwal ay walang pagpipigil-sa-sarili sa pag-inom ng alak, sila ay dapat na umiwas dito nang lubusan. (Ihambing ang Mateo 5:29, 30.) Bukod sa pagkasira ng katawan, ang higit at higit na pagdepende sa alak ay maaaring pagmulan ng grabeng espirituwal na pinsala. Kaya, ang Diyos ay may katalinuhang nagbababala sa atin laban sa pagmamalabis sa mga inuming de alkohol.
Salungat sa palagay ng nagbabawal, ang Bibliya ay hindi humihiling, o nagpapahiwatig pa nga, ng ganap na pag-iwas sa alak o sa mga inuming de alkohol para sa lahat ng tao. (Deuteronomio 14:26) Ang salmista ay nagsasabi tungkol kay Jehova: “Kaniyang pinatutubo ang luntiang damo para sa mga hayop, at ang gugulayin sa paglilingkod sa tao, upang siya’y maglabas ng pagkain sa lupa, at ng alak na nagpapasaya sa puso ng mortal na tao.” Oo, ibinigay ng Diyos ang alak sa isang mabuti at marangal na layunin, kapag iniinom nang katamtaman.—Awit 104:14, 15.
[Picture Credit Line sa pahina 26]
L’ Absinthe ni Edgar Degas, 1877—E.R.L./Sipa Icono