Isang Araw sa Buhay Ko sa Mataong Hong Kong
Isang Araw sa Buhay Ko sa Mataong Hong Kong
Ang Hong Kong ay isa sa pinakamataong dako sa daigdig. Sa 5.8 milyong taong nakatira sa 1,070 kilometro kudrado ng lupa nito, mayroon itong 5,592 katao sa bawat kilometro kudrado. Yamang 10 porsiyento lamang ng lupa ang okupado, iyan ay kumakatawan ng katamtamang 54,000 katao sa bawat kilometro kudrado! Gayunman, ang mga tao roon ay wari bang sanay na sa magulong buhay sa isang mataong lungsod, taglay ang makipot nitong mga tirahan, maingay na trapiko, at polusyon.
NAGISING ako sa nakatutulig na tunog ng aking orasang de alarma noong alas–7:30 n.u., bumangon ako mula sa aking higaang sopa, at mabilis na nagbihis. Kasama ko sa maliit na apartment ang aking mga magulang at tatlong nakababatang mga kapatid na babae, na pawang nagtatrabaho. Kaya, laging may pila sa banyo, at ang aming panahon ay limitado. Pagkatapos ng mabilis na almusal, sinusunggaban ko ang aking bisikleta na sasakyan ko hanggang sa istasyon ng tren. Nagsimula na ang araw-araw na pahirap. Ako ay naging isa sa maraming tao na patungo sa trabaho sa nagmamadaling Hong Kong.
Dinadala ako ng aking tren sa siksikang mga paupahang-bahay at sa mataong pagkatataas na mga gusali. Pagkatapos ay sumasakay ako sa isang bus na tatawid sa panganlungan ng mga bapor. Nagdaraan kami sa isang tunel, na buhul-buhol sa trapik. Anong laking ginhawa na lumabas sa Isla ng Hong Kong na kinaroroonan ng aking opisina sa gitna ng pinansiyal na distrito. Ang buong paglalakbay ay maaaring kumuha ng mula isang oras hanggang isang oras at kalahati, depende sa trapik. Sa wakas ay narating ko rin ang aming tanggapan ng alas–9:30. Subalit walang panahon para magrelaks—ang telepono ay nagsimulang tumunog. Ang una kong kliyente sa araw na iyon. At iyan ang nangyayari sa akin sa maghapon—sunud-sunod na tawag sa telepono, halos hindi natitigil ang tawag sa telepono. Pagkatapos ay isang maikling pahinga sa trabaho para sa pananghalian.
Ngayon ang problema ay ang paghanap ng isang upuan sa isa sa maraming restauran sa dakong iyon. Para bang ang lahat ay kumakain nang sabay-sabay sa iisang lugar at kadalasang sa iisang mesa! Minsan pa ay kasama ko sa aking mesa ang ganap na mga estranghero. Ganiyan ang buhay sa mataong Hong Kong. Pagkatapos ng aking madali subalit masustansiyang pagkaing Intsik, babalik na ako sa opisina.
Ang aking trabaho ay dapat na natatapos ng alas–5:30, subalit bihirang mangyari iyon. Gaya ng inaasahan, kapag sa wakas ay natapos na ako sa aking trabaho at titingin ako sa orasan, ito ay alas–6:15 na. Kung minsan ay pasado alas siyete na bago ako umuwi. At pagkatapos ay ang paglalakbay pauwi ng bahay.
Una muna’y sa bus, pagkatapos sa tren. Sa wakas ito ay humihinto sa aking istasyon, at pupuntahan ko ang aking bisikleta. Habang ako’y nagbibisikleta
pauwi ng bahay, ginugunita ko kung paanong ang aming maliit na bayan ay lumaki tungo sa isang nagmamadali, nagpuputok na modernong lungsod. Ang mababang mga bahay sa nayon ay napalitan ng pagkatataas na mga gusali, mula 20 hanggang 30 palapag ang taas. Kinuha ng malalaki, malalapad na haywey ang malaking bahagi ng lupa, at ang pagkalaki-laking mga overpass ay laging punô ng nagdaraang maingay na mga sasakyan. Ang dating banayad na paraan ng pamumuhay ay naglaho na magpakailanman.Ang tahanan ay maliit lang—wala pang 28 metro kudrado para sa aming anim at wala akong sariling silid. Iyan ang dahilan kung bakit ako natutulog sa isang sopa sa sala. Sa paano man ang aking mga magulang ay mayroong kanilang sariling silid, at ang tatlong kong mga kapatid na babae ay natutulog sa patung-patong na kama sa kanilang munting silid. Ang pagkakaroon ng sariling silid ay isang luho sa amin.
Bagaman maliit, di-hamak na mas mabuti ito kaysa bahay namin noon, nang lahat kami ay nakatira sa isang silid sa isang pabahay ng gobyerno. Subalit iyon man ay mas mabuti na kung ihahambing sa kalagayan ng libu-libo na nakatira sa distrito ng Mong Kok at nangungupahan sa “mga hawlang apartment,” tatlong magkasalansan at sumusukat na 1.8 metro ang haba at 0.8 metro ang lalim at 0.8 metro ang taas. Mayroong silang lugar para sa isang kutson at ilang personal na pag-aari. Walang lugar para sa muwebles.
Pagdating ng alas nuebe ang lahat ay nasa bahay na, at kami’y nauupo para sa aming hapunan. Pagkatapos ng hapunan may magbubukas ng TV. Winawakasan niyan ang pag-asa ko para sa ilang tahimik na pagbabasa at pag-aaral. Naghihintay ako hanggang ang lahat ay makatulog mga bandang alas-11, at saka ko lamang masasarili ang silid at saka lamang ako magkakaroon ng kapayapaan at katahimikan para sa pagtutuon ng isip. Bandang hatinggabi ako man ay handa nang matulog.
Ako’y nagtatrabaho na mula nang ako’y matapos sa pag-aaral mga 12 taon na ang nakalipas. Balang araw nais kong mag-asawa, subalit kailangan kong magtrabaho nang puspusan upang may ikabuhay anupa’t wala akong gaanong panahon upang makilala nang husto ang isang babae. At ang paghahanap ng isang lugar na matitirhan ay masahol pa sa pag-akyat sa langit, gaya ng sabi namin. Bagaman natutuhan naming makibagay, ang uring ito ng abalang buhay sa lungsod ay wari bang hindi natural sa akin. Gayunman batid kong ako’y nasa mas mabuting katayuan kaysa angaw-angaw at marahil sa bilyun-bilyon sa ibang bahagi ng daigdig na nabubuhay nang walang desenteng mga tahanan, kuryente, tubig, o sapat na sanitasyon. Tunay na tayo’y nangangailangan ng isang mas mabuting sistema, isang mas mabuting daigdig, isang mas mabuting buhay.—Gaya ng inilahad ni Kin Keung.