Paglaki sa Isang Lungsod sa Aprika
Paglaki sa Isang Lungsod sa Aprika
Ang bilis ng paglaki ng populasyon sa mga bansa sa sub-Saharan Aprika ay kabilang sa pinakamataas sa daigdig. Doon ang bawat babae, sa katamtaman, ay nanganganak ng mahigit na anim na mga anak. Ang karalitaan, humihirap na kapaligiran, at ang kakulangan ng likas na yaman ay nakadaragdag lamang sa kahirapan. Narito ang ulat mismo ng isang tagaroon kung ano nga ba ang buhay sa bahaging iyon ng daigdig.
AKO’Y lumaki rito, sa isang malaking lungsod sa Kanlurang Aprika. Pito kaming mga bata sa pamilya, subalit ang dalawa ay namatay na maaga. Ang aming tahanan ay isang inuupahang silid at sala. Si Nanay at si Tatay ay natutulog sa silid-tulugan, at kaming mga anak ay natutulog sa banig sa sahig sa sala, ang mga lalaki sa isang panig ng silid at ang mga babae sa kabilang panig.
Gaya ng karamihan ng tao sa aming pook, wala kaming gaanong salapi, at madalas ay wala kami ng mga bagay na kailangan namin. Kung minsan wala pa nga kaming sapat na pagkain. Sa umaga, kadalasa’y wala kaming kinakain kundi ininit na tirang kanin. Kung minsan kulang pa nga ang tirang kanin. Di-gaya ng iba na nangangatuwiran na ang asawang lalaki, bilang siyang naghahanap-buhay, ay dapat na magkaroon ng pinakamalaking bahagi, susunod ang asawang babae at ang matira ang mapupunta sa mga bata, ang aming mga magulang ay hindi na kakain at hahayaang pagsaluhan naming mga bata ang kaunting pagkain na mayroon. Pinahahalagahan ko ang kanilang sakripisyo.
Pag-aaral
Ang ilang tao sa Aprika ay naniniwala na ang mga batang lalaki lamang ang dapat na mag-aral. Inaakala nilang hindi na dapat papag-aralin ang mga babae sapagkat sila’y nag-aasawa at ang kanilang mga asawa naman ang mangangalaga sa kanila. Hindi gayon ang palagay ng aking mga magulang. Lahat kaming lima ay pinapag-aral. Subalit ito’y isang pinansiyal na pabigat sa aking mga magulang. Ang mga bagay na gaya ng lapis at papel ay hindi gaanong problema, subalit ang mga aklat-aralin ay mahal, gayundin ang sapilitang mga uniporme sa paaralan.
Nang magsimula akong mag-aral, wala akong sapatos. Noon lamang ikalawang taon ko sa high school, nang ako ay 14, saka ako nabilhan ng aking mga magulang ng sapatos. Nais kong malaman mo, hindi ito nangangahulugan na wala akong sapatos. Ang tanging sapatos na mayroon ako ay sapatos na pansimba, at hindi ako pinapayagang isuot ito sa paaralan o sa anumang iba pang lugar. Kailangan kong magtapak. Kung minsan ay nakabibili ang tatay ko ng mga tiket sa bus, subalit kung hindi siya makabili, kailangan naming maglakad paroo’t parito sa paaralan. Ito ay halos tatlong kilometro papunta at tatlong kilometro pauwi.
Araw ng Paglalaba at Pag-iigib ng Tubig
Nilalabhan namin ang aming damit sa isang sapa. Natatandaan kong nagtutungo roon kasama ni nanay, na nagdadala ng timba, isang baretang sabon, at mga damit. Sa sapa, pupunuin niya ang timba ng tubig, ilalagay ang mga damit, at sasabunin ito. Pagkatapos ay papaluin niya ang mga damit sa makinis na mga bato at babanlawan ito sa sapa. Pagkaraan ay ilalatag niya ito sa ibang bato upang patuyuin sapagkat napakabigat na iuwi ito kung basa. Bata pa ako noon, kaya ako ang inaatasan na magbantay sa natutuyong damit upang walang magnakaw nito. Si nanay ang gumagawa ng karamihan ng mga gawain.
Iilan lamang ang may tubig sa gripo sa kanilang
mga bahay, kaya ang isa sa mga gawain ko ay mag-igib ng tubig mula sa isang gripo sa labas, tinatawag na standpipe. Ang problema ay na kapag tag-araw, marami sa mga standpipe ang nakasara upang magtipid ng tubig. Noong minsan, isang buong araw kaming walang tubig na mainom. Wala ni isang patak! Kung minsan kailangan kong maglakad ng ilang kilometro sa paghahanap ng isang timbang tubig. Sa pagpapasan ng tubig sa ulo ko sa gayon kalayong distansiya ay nalugas ang buhok ko kung saan nakapatong ang timba. Nakalbo ako sa gulang ng sampu! Nagagalak akong sabihin na ang buhok ko ay muling lumago.Mga Anak Bilang Seguridad
Ginugunita ang nakaraan, masasabi kong ang aming kalagayan sa buhay ay katamtaman, marahil ay higit pa sa katamtaman sa aming lugar sa Aprika. Marami akong nakikilalang ibang pamilya na ang pamantayan ng pamumuhay ay masahol pa sa amin. Marami sa aking mga kaibigan ay kailangang magtinda sa palengke bago at pagkatapos ng klase upang kumita ng salapi para sa kanilang pamilya. Ang iba naman ay hindi makabili ng makakain sa umaga bago pumasok, at sila’y umaalis ng bahay na gutom at papasok sa paaralan maghapon nang walang pagkain. Natatandaan kong maraming beses na isa sa mga batang ito ay lalapit at magmamakaawa sa akin habang kinakain ko ang aking tinapay sa paaralan. Kaya puputol ako ng isang piraso upang ibigay ko sa kaniya.
Sa kabila ng gayong kahirapan at mga problema, gusto pa rin ng karamihan na magkaroon ng malalaking pamilya. “Ang isang anak ay hindi isang anak,” sabi rito ng maraming tao. “Ang dalawang anak ay isa, ang apat na anak ay dalawa.” Iyan ay dahilan sa ang dami ng namamatay na sanggol doon ay isa sa pinakamataas sa daigdig. Nalalaman ng mga magulang na bagaman ang ilan sa kanilang mga anak ay mamamatay, ang iba ay mabubuhay, lalakí, magtatrabaho, at mag-uuwi ng pera. Pagdating ng panahong iyon sila ay nasa katayuan na arugain ang kanilang mga magulang na tumanda na. Sa isang bansa na walang mga pakinabang ng social-security, iyan ay mahalaga.—Gaya ng inilahad ni Donald Vincent.