Populasyon ng Daigdig—Kumusta ang Kinabukasan?
Populasyon ng Daigdig—Kumusta ang Kinabukasan?
SIRA-SIRANG pabahay, maruming mga kalagayan, kakulangan ng pagkain at ng malinis na tubig, sakit, malnutrisyon—ito at ang marami pang ibang kahirapan ang araw-araw na katotohanan sa buhay ng kalakhang bahagi ng populasyon ng daigdig. Gayunman, gaya ng nakita na natin, sa paano man natitiis ito ng karamihan ng mga taong namumuhay sa ilalim ng mga kalagayang iyon at nagpapatuloy sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Gayon man, kumusta naman ang kinabukasan? Kailangan bang patuloy na pagtiisan ng mga tao ang gayong malupit na mga katotohanan ng buhay magpakailanman? Upang palubhain pa ang mga bagay-bagay, kumusta ang wakas at lumbay na inihuhula ng mga siyentipiko sa kapaligiran at ng iba bilang resulta ng patuloy na paglaki ng populasyon? Sinasabi nila sa atin na dinudumhan natin ang ating sariling tirahan sa pamamagitan ng pagpaparumi sa hangin, tubig, at lupa na inaasahan natin. Binabanggit din nila ang pag-init ng ibabaw ng lupa (greenhouse effect)—pagbubuga ng mga gas, gaya ng carbon dioxide, methane, chlorofluorocarbons (mga sangkap na gamit sa repridyereytor at sa paggawa ng foam), na magbubunga ng pag-init sa atmospera at binabago ang pangglobong huwaran ng lagay ng panahon, na may kaakibat na kakila-kilabot ng mga kahihinatnan. Ito ba ay magdadala sa wakas sa kamatayan ng kabihasnan na nakikilala natin? Ating suriing mainam ang ilan sa mahahalagang salik.
Napakarami Bang Tao?
Una sa lahat, ang populasyon ba ng daigdig ay patuloy na lalago magpakailanman? Mayroon bang pahiwatig kung hanggang saan ang mararating nito? Mangyari pa, isang katotohanan na ang populasyon ng daigdig ay lumalaki sa kabila ng mga pagsisikap sa pagpaplano ng pamilya. Ang taunang pagdami ay halos 90 milyon ngayon (katumbas ng isa pang Mexico taun-taon). Lumilitaw na para bang walang kagyat na pag-asang ihinto ito. Gayunman, tumatanaw sa unahan, karamihan ng mga demograpo ay sumasang-ayon na ang populasyon ay sa wakas hihinto rin sa paglago. Ang tanong na bumabangon sa kanilang isipan ay sa anong antas at kailan.
Ayon sa mga hula ng UN Population Fund, ang populasyon ng daigdig ay maaaring umabot ng 14 na bilyon bago hihinto sa paglago. Gayunman, ang tantiya ng iba ay na ito ay maaaring umabot sa pinakamataas na bilang sa pagitan ng 10 bilyon at 11 bilyon. Anuman ang kaso, ang mahalagang tanong ay: Magkakaroon ba ng napakaraming tao? Makakaya ba ng lupa ang mula dalawa hanggang tatlong ulit ng kasalukuyang populasyon?
Mula sa estadistikal na punto de vista, ang 14 na bilyong tao sa buong daigdig sa katamtaman ay nangangahulugan ng 104 katao sa bawat kilometro kudrado. Gaya ng nakita na natin, ang dami ng tao na naninirahan sa Hong Kong ay 5,592 katao sa bawat kilometro kudrado. Sa kasalukuyan, ang dami ng tao na naninirahan sa bawat kilometro kudrado sa Netherlands ay 430, samantalang sa Hapón ay 327, at ito ay mga bansa na nagtatamasa ng mataas-sa-katamtaman na mga pamantayan ng pamumuhay. Maliwanag, kahit na kung ang populasyon ng daigdig ay lumaki sa lawak na inihula nito, ang dami ng tao ay hindi problema.
Magkakaroon ba ng Sapat na Pagkain?
Kumusta naman ang tungkol sa panustos na pagkain? Kaya ba ng lupa na gumawa ng sapat na pagkain upang pakanin ang 10 bilyon o ang 14 na bilyong tao? Maliwanag, ang kasalukuyang produksiyon ng pagkain ng daigdig ay hindi sapat upang tustusan ang gayon karaming populasyon. Sa katunayan, madalas nating naririnig ang tungkol sa mga taggutom, malnutrisyon, at pagkakagutom. Nangangahulugan ba ito na tayo’y hindi nakagagawa ng sapat na pagkain upang tustusan ang populasyon ngayon, ano pa kaya ang dalawa o tatlong ulit ang dami?
Iyan ay isang tanong na mahirap sagutin sapagkat ito’y depende sa kung ano ang kahulugan ng “sapat.” Samantalang ang daan-daang milyong mga tao sa pinakamahihirap na bansa sa daigdig ay hindi makakuha ng sapat na pagkain upang panatilihin kahit na ang pinakakaunti, nakalulusog na pagkain, ang mga tao sa mayaman, industrialisadong mga bansa ay nagdurusa dahil sa mga resulta ng sobrang masustansiyang pagkain—atake serebral, ilang uri ng kanser, sakit sa puso, at iba pa. Paano nito naaapektuhan ang kalagayan ng pagkain? Sa isang tantiya, nangangailangan ng limang kilong butil upang makagawa ng isang kilong bistik. Bunga nito, ang sangkapat ng mga maninirahan sa daigdig na kumakain-ng-karne ay nakakukunsumo ng halos kalahati ng produksiyong butil ng daigdig.
Kung ang pag-uusapa’y ang kabuuang dami ng produksiyon ng pagkain, pansinin kung ano ang sinasabi ng aklat na Bread for the World: “Kung ang kasalukuyang produksiyon ng pagkain ng daigdig ay hahatiing pantay-pantay sa lahat ng tao sa daigdig, na may kaunting tapon, ang lahat ay magkakaroon ng sapat. Halos sapat, marahil, subalit sapat.” Ang pangungusap na iyan ay sinabi noong 1975, mahigit na 15 taon na ang nakalipas. Ano ang kalagayan ngayon? Sang-ayon sa World Resources Institute, “sa nakalipas na dalawang dekada, ang kabuuang produksiyon ng pagkain ng daigdig ay dumami, nahigitan ang pangangailangan. Bunga nito, sa nakalipas na mga taon, ang halaga ng pangunahing mga pagkain sa internasyonal na mga pamilihan ay bumaba sa tunay na mga termino.” Ipinakikita ng iba pang pag-aaral na ang mga presyo ng pangunahing bilihin na gaya ng bigas, mais, soybeans, at iba pang butil ay bumaba ng kalahati o higit pa noong panahong iyon.
Ang kahulugan ng lahat ng ito ay na ang problema tungkol sa pagkain ay hindi gaano sa dami ng produksiyon ng pagkain kundi sa antas at sa mga kaugalian ng pagkunsumo. Ang bagong henetikong teknolohiya ay nakasumpong ng mga paraan upang makagawa ng iba’t ibang klase ng bigas, trigo, at iba pang butil na maaaring doblehin ang kasalukuyang produksiyon. Gayunman, karamihan ng mga pagdadalubhasa sa larangang ito ay nakatuon sa mabilíng ani, gaya ng tabako at kamatis,
upang bigyan-kasiyahan ang gana ng mayayaman sa halip na punan ang mga tiyan ng mahihirap.Kumusta Naman ang Kapaligiran?
Higit at higit, natatalos niyaong nagbibigay ng maingat na pansin sa paksa na ang paglaki ng populasyon ay isa lamang sa mga salik na nagiging banta sa kapakanan ng sangkatauhan sa hinaharap. Halimbawa, sa kanilang aklat na The Population Explosion, si Paul at si Anne Ehrlich ay nagmungkahi na ang epekto ng gawain ng tao sa kapaligiran ay maaaring ipahayag ng payak na pormula: Epekto = populasyon × antas ng kasaganaan × kasalukuyang epekto ng mga teknolohiya sa kapaligiran.
Sa pamantayang ito, ang mga awtor ay nangangatuwiran na ang mga bansang gaya ng Estados Unidos ay sobra ang populasyon, hindi dahilan sa napakarami nitong tao, kundi sapagkat ang antas ng kasaganaan nila ay depende sa mabilis na pagkunsumo ng likas na yaman at mga teknolohiya na sumisingil nang malaki sa kapaligiran.
Waring pinatutunayan ito ng iba pang pag-aaral. Ang The New York Times ay sumisipi sa ekonomistang si Daniel Hamermesh na nagsasabing ‘ang mga bagay na ibinubuga sa hangin na umiinit sa kapaligiran ay mas nauugnay sa antas ng gawaing pang-ekonomiya kaysa ang bilang ng mga nagbubuga. Ang katamtamang Amerikano ay gumagawa ng 19 na beses na dami ng carbon dioxide gaya ng karaniwang maninirahan sa India. At posibleng sabihin na, halimbawa, mas mabilis na masusunog ng masigla sa kabuhayan na Brazil na may mabagal na paglaki ng populasyon ang tropikal na kagubatan nito kaysa naghihirap na Brazil na may mabilis lumaking populasyon.’
Gumagawa ng halos gayunding punto, si Alan Durning ng Worldwatch Institute ay nagsasabi: “Ang pinakamayamang bilyong tao sa daigdig ay nakagawa ng isang anyo ng sibilisasyon na masakim at bulagsak anupa’t ang planeta ay nanganganib. Ang istilo ng buhay ng nangungunang pangkat
na ito—ang mga tsuper ng kotse, manganganin ng karne, manginginom ng soda, at mga taong pinipili ang mga panindang isang gamit-tapon—ay walang katulad na ekoholikal na banta maliban na lamang marahil sa paglaki ng populasyon.” Binabanggit niya na ang “pinakamayaman ng ikalimang bahagi” ng sangkatauhan ay gumagawa ng halos siyam na ikasampu ng mga chlorofluorocarbon at mahigit na kalahati ng iba pang mga gas na umiinit sa ibabaw ng lupa na nagbabanta sa kapaligiran.Ang Tunay na Isyu
Mula sa natalakay na, maliwanag na ang pagsisi lamang sa paglaki ng populasyon sa mga kasawiang nakakaharap ng sangkatauhan ngayon ay hindi nakikita ang tunay na punto. Ang isyung nakakaharap natin ay hindi na tayo’y nauubusan ng lugar o na hindi kaya ng lupa na gumawa ng sapat na nakalulusog na pagkain para sa lahat o na ang likas na yaman ay malapit nang maubos. Ito ay mga sintomas lamang. Ang tunay na isyu ay na parami nang paraming tao ang naghahangad ng pataas nang pataas na antas ng materyal na gamit nang hindi isinasaalang-alang ang kahihinatnan ng kanilang mga kilos. Ang walang-kasiyahang pagnanasang ito para sa higit pa ay pinagbabayaran natin ng malaki sa ating kapaligiran anupa’t ang kapasidad ng lupa ay mabilis na nahihigitan. Sa ibang salita, ang pangunahing problema ay hindi gaano sa dami kundi sa kalikasan ng tao.
Ganito ang pagkakasabi rito ng manunulat na si Alan Durning: “Sa isang delikadong daigdig ng nabubuhay na bagay, ang sukdulang kapalaran ng tao ay maaaring depende sa kung malilinang ba natin ang mas malalim na diwa ng pagpipigil-sa-sarili, na itinatag sa malaganap na etika ng pagtatakda ng gamit at paghanap ng di-materyal na pagyaman.” Ang punto ay nasaklaw, subalit ang tanong ay tapat itanong, Posible kayang kusang linangin ng mga tao sa lahat ng dako ang pagpipigil-sa-sarili, takdaan ang gamit, at itaguyod ang di-materyal na pagpapayaman? Mahirap mangyari. Kung titingnan natin ang pagpapalayaw-sa-sarili at hedonistikong istilo ng buhay na palasak sa ngayon, ang kabaligtaran ang malamang na mangyari. Karamihan ng mga tao ngayon ay waring nabubuhay sa sawikaing: “Tayo’y magsikain at magsiinom, sapagkat bukas tayo’y mamamatay.”—1 Corinto 15:32.
Kahit na kung sapat na dami ng tao ay magising sa mga katotohanan at magsimulang baguhin ang kanilang paraan ng pamumuhay, hindi pa rin natin mababaligtad ang takbo ng mga pangyayari sa malapit na hinaharap. Pansinin ang maraming pangkat ng aktibistang pangkapaligiran at ang mapagpipiliang mga istilo-ng-buhay na lumitaw sa nakalipas na mga taon. Ang ilan sa mga ito ay maaaring nagtagumpay sa pagiging mga ulong balita, subalit nagkaroon ba ito ng anumang tunay na epekto sa mga paraan ng tinatawag na kasalukuyang lipunan? Hindi. Ano ang problema? Ito’y dahil sa ang buong sistema—komersiyal, kultural, at pulitikal—ay iniuugnay sa pagtataguyod sa ideya ng likas na pagkalumilipas ng isang bagay at ang pagbili ng mga bagay na isang gamit-tapon. Sa kontekstong ito ay hindi maaaring magkaroon ng pagbabago kung hindi ito lubusang itatayong-muli mula sa pundasyon nito. At iyan ay nangangailangan ng malawakang muling pagtuturo.
Mayroon Bang Maaliwalas na Kinabukasan?
Ang kalagayan ay maaaring ihalintulad sa isang pamilya na nakatira sa isang bahay na kompleto sa gamit na inilaan ng isang tagapagtaguyod. Upang ipadama sa kanila na ang bahay ay kanila, sila ay binibigyan ng pahintulot na gamitin ang lahat ng mga pasilidad sa loob ng bahay sa kanilang kasiyahan. Ano ang mangyayari kung sisirain ng pamilya ang muwebles, baklasin ang sahig, basagin ang
mga bintana, barahan ang mga tubo, kargahan ng labis ang mga sirkito ng kuryente—sa maikli, pagbantaang lubusang wasakin ang bahay? Basta ba lamang titingnan ito ng may-ari at walang gagawin? Malamang na hindi. Tiyak na siya ay kikilos upang paalisin ang mapanirang mga nangungupahan sa kaniyang pag-aari at pagkatapos ay isasauli ito sa wasto nitong kalagayan. Walang makapagsasabi na ang gayong pagkilos ay hindi binibigyan-matuwid.Datapuwat, kumusta naman ang sambahayan ng tao? Hindi ba’t tayo’y tulad ng mga nangungupahan na nakatira sa isang bahay na kompleto sa gamit na inilaan ng Maylikha, ang Diyos na Jehova? Oo, tayo nga’y gayon, sapagkat gaya ng pagkakasabi rito ng salmista: “Ang lupa ay kay Jehova at ang buong narito, ang mabungang lupa at silang nagsisitahan dito.” (Awit 24:1; 50:12) Tayo’y hindi lamang tinustusan ng Diyos ng lahat ng pangangailangan na gumagawang posible para mabuhay—liwanag, hangin, tubig, at pagkain—kundi pinaglaanan din niya sila nang sagana at sarisari upang gawing kasiya-siya ang buhay. Gayunman, bilang mga mangungupahan, paano ba kumilos ang sangkatauhan? Nakalulungkot naman, sila’y hindi kumilos nang mahusay. Literal na ipinapahamak natin ang magandang tahanang ito na tinitirhan natin. Ano kaya ang gagawin ng mag-ari, ang Diyos na Jehova, rito?
“Ipapahamak ang mga nagpapahamak sa lupa”—iyan ang gagawin ng Diyos! (Apocalipsis 11:18) At paano niya gagawin ito? Ang Bibliya ay sumasagot: “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin at wawasakin niyon ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.”—Daniel 2:44.
Ano ang maaasahan natin sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos na mamamalagi magpakailanman? Sa mga salita ni propeta Isaias, tayo’y binibigyan ng sulyap sa kung ano ang darating:
“Sila nga’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan; sila nga’y mag-uubasan at magsisikain ng bunga niyaon. Sila’y hindi magtatayo at iba ang tatahan; sila’y hindi magtatanim at iba ang kakain. Sapagkat kung paano ang mga kaarawan ng punungkahoy ay magiging gayon ang mga kaarawan ng aking bayan; at ang aking pinili ay makikinabang na lubusan sa gawa ng kanilang sariling mga kamay. Sila’y hindi gagawa ng walang kabuluhan, o manganganak man para sa kasakunaan; sapagkat sila ang lahi ng mga pinagpala ni Jehova, at ang kanilang mga anak na kasama nila.”—Isaias 65:21-23.
Anong pagkaali-aliwalas na kinabukasan nga para sa sangkatauhan! Sa bagong sanlibutang iyon na gagawin ng Diyos, ang sangkatauhan ay hindi na sasalutin ng mga problema ng pabahay, pagkain, tubig, kalusugan, at kapabayaan. Sa wakas, pupunuin ng masunuring sangkatauhan, sa ilalim ng patnubay ng Diyos, ang lupa at susupilin ito, nang walang anumang banta ng labis na populasyon.—Genesis 1:28.
[Kahon sa pahina 13]
Bakit Kadalasang Mahal ang Pagkain?
Bagaman ang tunay na halaga ng pagkain ay bumabagsak, ang karaniwang karanasan ay na ang presyo ng pagkain ay tumataas. Bakit? Isang payak na dahilan ay ang urbanisasyon. Upang pakanin ang maraming tao sa palaki nang palaking mga lungsod sa daigdig, ang pagkain ay kailangang ihatid sa pagkalayu-layong mga lugar. Sa Estados Unidos, halimbawa, “ang karaniwang pagkain ay naglalakbay ng 2,100 kilometro mula sa bukid tungo sa pinggan,” sabi ng isang pag-aaral ng Worldwatch. Kailangang bayaran ng mamimili hindi lamang ang pagkain kundi gayundin ang natatagong halaga ng pagproseso, pag-iimpake, at paghahatid nito.
[Dayagram sa pahina 10]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Sinisilo ng atmospera ng lupa ang init ng araw. Subalit ang init na nalilikha—dala ng infrared na radyasyon—ay hindi agad makatakas dahil sa “greenhouse gases,” sa gayo’y nakadaragdag sa init ng ibabaw ng lupa
“Greenhouse gases”
Tumatakas na radyasyon
Nasilong infrared na radyasyon
[Mga larawan sa pahina 12]
Nangangailangan ng limang kilong butil upang makagawa ng isang kilong bistik. Bunga nito, ang sangkapat ng populasyon ng daigdig na kumakain ng karne ay nakakukunsumo ng halos kalahati ng produksiyong butil ng daigdig