Talaga Bang Napakasama ng Pagsusugal?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Talaga Bang Napakasama ng Pagsusugal?
ANG 12-anyos na si Andrew at ang diyes-anyos na si Julian ay sa wakas wala na sa paningin ng kanilang mga magulang. Ang pamilya nila ay naglalakbay sakay ng isang bapor, at ang mga batang lalaki ay naakit sa iba’t ibang makina sa pagsusugal sa bapor. Napansin ang kanilang pagkausyoso, isang manlalaro ang nagbigay sa bawat isa sa kanila ng isang barya upang masubukan nila mismo na maglaro sa mga makina. Ang problema? Pinagbawalan sila ng kanilang mga magulang na lumapit sa mga makinang iyon.
Gayumpaman, sina Andrew at Julian ay nagpasiyang makipagsapalaran. Bagaman naaalaala nila ang babala ng kanilang mga magulang, sila’y nagsugal—at nadoble ang kanilang pera! Pagkatapos ay naglaro silang muli. Sa pagkakataong ito sila ay nagulat sa dami ng kanilang napanalunan! ‘Paano nga ito magiging lubhang mapanganib?’ naisip nila. ‘Napakadaling magkapera! Talaga bang napakasama ng pagsusugal?’
Gaya ng maraming kabataan sa mga bansa kung saan karaniwan ang pagsusugal, sina Andrew at Julian ay walang nakikitang masama rito. Madali itong maunawaan kung isasaalang-alang natin ang halimbawang ipinakita ng ilang adulto may kinalaman dito. Maraming adulto ay hindi lamang nagsusugal kundi ipinagmamatuwid pa ang kanilang bisyo. Halimbawa, sasabihin nila na ang pagsusugal ay aktuwal na nakabubuti pa nga, binabanggit ang pinansiyal na mga impormasyon buhat sa mga loterya na tumutulong sa karapat-dapat na mga layunin. (Subalit ito’y walang pinagkaiba sa pangangatuwiran na ang isang donasyon sa kawanggawa na galing sa isang negosyante ng droga ay nagbibigay-matuwid sa kalakalan ng droga!) Gayunman sinasabi ng iba na ang pagsusugal ay hindi nakapipinsalang katuwaan at libangan, na nakadaragdag ng katuwaan sa buhay.
Sa paano man, sa Britaniya at sa Ireland, gaya sa ibang mga bansa, libu-libong mga kabataan ang naging mga sugarol. At ang pag-asang magkamal ng maraming pera sa kaunting pagsisikap ay maaaring makaakit sa iyo.
Pagsusugal—Ang Natatagong mga Panganib
Gayumpaman, ang pagsusugal ay naghaharap ng ilang tunay na mga panganib sa mga kabataan. Ang mga report ay bumabanggit ng mga “gambling junkies” at “ang kakilabutan na maaaring idulot ng pagsusugal, kapag ang hindi nakasasamáng laro ay nagiging di-mapigil na pagsusugal na maaaring bumago sa isang tao tungo sa isang zombie.” Sang-ayon sa The Buzz (isang dokumentaryo sa Britanong telebisyon), ang pagsusugal sa gitna ng mga bata “ay maaaring humantong sa pagbubulakbol, karahasan, pangingikil at pagnanakaw, di-mapigil na pagsusugal at prostitusyon at, sa sukdulang mga kaso, pagpapatiwakal o tangkang pagpapatiwakal.” Na ang pagsusugal ay talagang may gayong potensiyal sa ikapapahamak ay pinatutunayan ng tunay-sa-buhay na mga karanasan.
“Nagsimula akong magsugal nang ako’y mga 11 taóng gulang,” sabi ni Adrian. “Sumasama ako sa aking tiyo at pinsan sa karera ng mga asong greyhound. Sa simula ako ay masuwerte at madalas
manalo.” Ang epekto kay Adrian? “Hindi ako nag-aatubiling gumawa ng kuwento—magsinungaling—sa aking tatay upang makakuha ng pera,” sabi niya, “at bago pa ako magbinata, hindi ako nababahalang magnakaw sa kahon ng pera sa tindahan ng tatay ko upang tustusan ang aking bisyo ng pagsusugal.”Itinatawag-pansin ni Adrian ang isa pang di kanais-nais na epekto. “Madali kang maging batugan,” sabi niya, “sapagkat ang perang kinikita mo sa tapat na trabaho ay maaaring magtinging maliit na halaga kung ihahambing sa kung ano ang inaakala mong mapananalunan mo.”—Ihambing ang Kawikaan 13:4; Eclesiastes 2:24.
Si Robert (hindi niya tunay na pangalan) ay nagsimulang magsugal sa gulang na 12 anyos. Binabanggit niya ang isa pang panganib: “Maaari kang maging masyadong mapamahiin.” Paliwanag niya: “Ang aking ama ay may mga makina sa pagsusugal sa aming tindahan. Alam na alam ko kung paano ito gumagana, gayunman ay mapamahiing ginawa ko ang mga bagay upang manalo, gaya ng pagpindot sa suwits sa isang paraan o ng pag-iiwan ng mga perang napanalunan sa nilalabasan ng pera sa loob ng ilang panahon. Ang ibang mga tao ay aktuwal na kinakausap ang mga makina.” Oo, maraming sugarol ang walang malay na naging mapamahiing mga mananamba sa diyos ng mabuting kapalaran—isang gawain na hinahatulan ng Diyos.—Isaias 65:11.
Di-mapigil na Pagsusugal
Ang isa pang tusong panganib ay ang hilig na ang pagsusugal ay talagang hahanap-hanapin. “Mahigit na 2,000 bata na wala pang 16 anyos ang dinadala ng kanilang mga magulang sa Gamblers Anonymous taun-taon, at ang kasalukuyang dami ng mga reperal . . . sa Britaniya ay ipinalalagay na ganggakalingkingan lamang.” (The Buzz) Gaano sila kasugapa? Sabi ng isang report: “Minsang magumon, kailangan nilang magsugal sila man ay nananalo o natatalo.”
Natatandaan ni Robert ang pagkakita sa isang babaing nagsusugal ng £90 ($140, U.S.) araw-araw. Isang batang sugarol ang masyadong desperadong magkapera upang masapatan ang kaniyang pagnanais sa mga fruit machine, gaya ng karaniwang tawag sa mga slot machine sa Britaniya, anupa’t sinikap niyang patayin ang nanay niya! Si Paddy, na nagsimulang magsugal sa napakaagang gulang, ay hindi rin mapigil ang kaniyang bisyong pagsusugal. “Ako’y pinalaki sa isang pamilyang nagsusugal,” gunita niya. “Ako’y magsusugal sa anumang bagay at sa lahat ng bagay. Nang ako’y lumaki at nag-asawa, ginamit ko ang pera sa pagsusugal sa halip na gamitin ito para sa pagkain ng aking asawa at mga anak, at ito sa wakas ay nagdala sa akin sa punto na ako’y nagbalak magpatiwakal.”
Ang Pang-akit ng mga Slot Machine
Anumang anyo ng pagsusugal ay maaaring magbunga ng katakut-takot na resulta, subalit ang isa sa pinakamalaking panganib para sa mga kabataan
ngayon ay ang slot machine. Ito ay “kasalukuyang itinuturing bilang ang pinakamalaking problema may kinalaman sa mga kabataang sugarol,” sabi ng Journal of Gambling Behavior, Tagsibol 1989. Ang mga makinang ito, mainam na inilalarawan na one-armed bandits, ay “tuso at nakahihikayat na mga makina,” sabi ng The Buzz. “Mientras madalas kang maglaro, lalo namang gusto mong maglaro.”Mayroon bang anumang katinuan sa paglalaro ng isang laro, gaano man ito kaakit-akit, kung saan mas malamang kang matalo kaysa manalo? Ganito inilalarawan ng Young People Now ang iyong mga tsansang manalo: “Huwag mong bigyan ang taong walang muwang ng pagkakataong manalo ng anuman, sabi ng kasabihan. Ang mga slot machine ay hindi tumitiyak ng iyong panalo . . . [Kung] maglalagay ka ng £10 sa isang makina sa kainaman ay kukunin nito ang £7.00 at ibabalik sa iyo ang £3.00.”
Hindi kataka-taka na si Mark Griffiths, mananaliksik sa mga epekto ng pagsusugal sa mga kabataan, ay nagsasabi: “Ang tanging paraan upang kumita ng pera mula sa isang slot machine ay ang pagmamay-ari ng isang makina at ibang tao ang maglalaro.” Makatuwiran ba na ikaw ay masangkot sa gayong walang saysay na gawain?
Gayumpaman, ang mga makinang ito ay matalinong idinisenyo upang ikaw ay magumon sa paglalaro. Papaano? Sa pagpapakita ng tatlong linya ng mga sagisag ng prutas sa halip ng basta nagwaging linya! Ang Young People Now ay nagpapaliwanag: “Ang mga linya sa itaas at sa ilalim ng payout na mga linya ay ipinakikita upang bigyan ang mga manlalaro ng ilusyon na ‘muntik na silang manalo’ kaya’t hinihimok silang sumubok muli.” Ang tinatawag na muntik-muntikan, dalawang sagisag ng panalo at ang ikatlo ay talo, ay karaniwang nakikita ng isang sugarol bilang “malapit nang manalo” kaya’t siya ay nahihimok na sumubok muli—at muli, at muli.
Datapuwat ito’y karaniwan sa negosyo ng pagsusugal. Ang mga tagagawa ay nagdidisenyo ng mga makina at mga laro sa pagsusugal na gayon upang magbigay ng ilusyon na sa halip na natalo, ikaw ay muntik-muntikan! Muntik ka nang manalo! Kinukondisyon ka nito na patuloy na maglaro dahil sa kasiglahan na nararanasan mo palibhasa’y muntik ka nang “manalo.” Idagdag mo pa rito ang kumikislap na mga ilaw at nakahihipnotismong mga tunog, at nagkakaroon ka ng ideya ng malakas na panggigipit sa isipan na ginagamit upang hikayatin kang maglaro—patuloy na maglaro—at patuloy na matalo.
Paggawa ng Tamang Pasiya
Kung gayon, ang pinakamabuting paraan upang iwasang maging di-mapigil na sugarol ay iwasan ang pagsusugal sa simula pa. Iwasan ito sa lahat ng anyo nito, pati na ang pagtaya sa maliit na halaga. Maraming habang-buhay na bisyo ng pagsusugal ay nagsimula sa pagsusugal lamang ng mga barya. At kung makaharap mo ang pagkakataong magsugal, isaalang-alang ang simulaing binanggit ni Jesu-Kristo sa Mateo 7:17: “Ang bawat mabuting punungkahoy ay nagbubunga ng mabuti, datapuwat ang bawat masamang punungkahoy ay nagbubunga ng masama.”
Pag-isipan ito: Ano nga ba ang nagagawa ng pagsusugal sa buhay ng tao? Tinutulungan ba nito ang isa na magkaroon ng mga bunga ng espiritu ng Diyos, gaya ng kagalakan, kapayapaan, at pagpipigil-sa-sarili, o ito ba’y lumilikha ng alitan, mga silakbo ng galit, at kasakiman? (Galacia 5:19-23) Tandaan, ang kasakiman ay hinahatulan ng Diyos. Ang isang masakim na gawa ay maaaring gumawa sa iyo na may kasalanan sa kaniyang paningin. Tanungin mo ang iyong sarili kung ang mga sugarol ba ay angkop na maging kasama ng mga kabataang Kristiyano. (1 Corinto 15:33) Tandaan na “ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng masamang isa.” (1 Juan 5:19) Hindi ba’t ang pagsusugal ay nagsisilbi sa layunin ni Satanas na Diyablo? Kaya bakit ka pahihikayat na masangkot dito?
Nang unang ipakilala ang pambansang loterya ng Ireland, ito’y agad na binansagang isang buwis sa mga hangal! Ipinaliliwanag niyan ang pagsusugal. Sino ang nais mapagkamalang hangal at pagnakawan ng kinakailangang yaman sa pamamagitan na paghikayat sa kaniya sa daigdig ng pangarap ng sugarol? Mabuti na lamang, napag-unawa nina Andrew at Julian (binanggit kanina sa simula) na ang pagsusugal ay isang laro ng mangmang. Naunawaan nilang malinaw ang mga panganib nito at iniwasan ito. “Sa paano man,” sabi nila, “napakaraming kapaki-pakinabang na mga bagay na dapat gawin sa buhay kaysa aksayahin ang iyong pera sa pagsusugal.”
[Larawan sa pahina 20]
Ang pagsusugal kahit sa maliliit na halaga ng pera ay maaaring gumawa sa isa na gumón