Mga Panlilinlang sa mga Institusyon ng Pananaliksik sa Siyensiya
Mga Panlilinlang sa mga Institusyon ng Pananaliksik sa Siyensiya
HINDI ito dapat mangyari. Hindi sa pinapagingbanal na mga institusyon ng pananaliksik sa siyensiya. Hindi kung saan ang walang kinikilingan, makatuwirang mga tagapagtaguyod ng katotohanan ay walang pagkapagod na nagpapagal sa kanilang mga laboratoryo. Hindi kung saan ang masigasig na mga mananaliksik, na pinagkatiwalaang hanapin ang katotohanan saanman humantong ang pananaliksik, sikaping lutasin ang mga sekreto ng kalikasan. Hindi ito dapat mangyari sa isang nagkakaisang lupon ng mga lalaki’t babae na nakikipagbaka nang balikatan upang ihinto ang pamiminsala ng sakit sa pagpapala ng sangkatauhan.
Sinong maghihinala na dodoktorin ng masigasig na mga siyentipikong ito ang kanilang mga impormasyon upang itaguyod ang kanilang mga pangangatuwiran? O pipiliin ang impormasyon na sumusuporta sa kanilang teoriya at itatapon ang hindi sumusuporta? O itala ang mga eksperimento na kailanma’y hindi nila ginawa at palsipikahin ang impormasyon upang itaguyod ang mga konklusyon na hindi nila mapatunayan? O iulat ang mga pag-aaral na hindi nila kailanman ginawa at angkinin ang pagsulat ng mga artikulo na kailanma’y hindi nila ginawa o nakita man? Sino ang kailanma’y maghihinala ng gayong panlilinlang sa mga institusyon ng pananaliksik sa siyensiya?
Hindi ito dapat mangyari, ngunit nangyayari ito. a Noong nakaraang taon isang magasin sa siyensiya ang nag-ulat: “Ang mga kickback, pandaraya at tiwaling asal ay palasak sa gitna ng Amerikanong mga mananaliksik sa medisina, sang-ayon sa nakasasakit na pagpuna na inilathala ng isang Congressional committee ng E.U. nitong linggong ito. Ang ulat ay nagsasabi na ‘isinapanganib [ng National Institutes of Health] ang kalusugan ng bayan’ sa hindi pagbabantay sa mga siyentipikong sinusuportahan nito.”—New Scientist, Setyembre 15, 1990.
Karamihan ng mga kaso ay binubuo ng panlilinlang na tinatawag na tiwaling asal, subalit ang iba ay lantarang pandaraya. Gayon ang itinawag sa kaso ni Dr. Thereza Imanishi-Kari at sa kaniyang limang kasamang awtor ng isang artikulo na “inilarawan ang di-tuwirang pagpapasok ng isang banyagang gene sa mga selula sa imyunidad ng mga daga. Sinasabi ng mga awtor na tinularan ng natural na gene ng daga ang ipinasok na gene, gumagawa ng isang pantanging antibody.” (Science News, Mayo 11, 1991) Ito sana’y isang mahalagang hakbang
sa pananaliksik tungkol sa imyunidad, maliban sa bagay na ito ay hindi kailanman nangyari.Ang report ay inilathala noong Abril 1986 sa Cell, isang siyentipikong babasahin. Pagkaraan niyan, si Dr. Margot O’Toole, isang junior researcher sa molecular biology sa laboratoryo ni Imanishi-Kari, ay nagsabi na ang artikulo ay gumawa ng mga pag-aangkin na hindi pinatutunayan ng impormasyon. Nagtungo siya kay Dr. David A. Baltimore, isang tumanggap ng gantimpalang Nobel na kasamang may-akda ng artikulo sa pananaliksik, kasama ang 17 pahina ng impormasyon mula sa mga kuwaderno ni Imanishi-Kari. Ipinakikita ng mga pahinang ito na ang eksperimento ay hindi nagkabisa, samantalang ang inilathalang artikulo ay nagsabi na ito ay nagkabisa. Gayunman, walang nasumpungang dahilan si Dr. Baltimore na pag-alinlanganan ang impormasyon at pinawalang-saysay si O’Toole bilang isang “may hinanakit na postdoctoral na kapuwa mananaliksik.”—The New York Times, Marso 22, 1991.
Nang taon ding iyon nirepaso ng dalawang unibersidad ang artikulo sa Cell. Ang isa ay ang M.I.T. (Massachusetts Institute of Technology), kung saan ginawa ang eksperimento; ang isa pa ay ang Tufts University, kung saan si Imanishi-Kari ay pinag-iisipang ilagay sa isang mahalagang puwesto. Nasumpungan ng kanilang mga repaso ang ilang problema ngunit wala namang seryoso. Doon tumigil ang kaso sa loob ng dalawang taon.
Pagkatapos hinawakan ni Kinatawan John D. Dingell, chairman ng House Subcommittee on Oversight and Investigations, ang kaso. Itinataguyod ng gobyerno ang siyentipikong pananaliksik at, sa pamamagitan ng NIH (National Institutes of Health), ay nagkakaloob ng $8,000,000,000 isang taon sa indibiduwal na mga siyentipiko at sa kanilang mga institusyon para sa mga proyekto sa pananaliksik. Ang subcommittee ni Dingell ay interesado sa wastong paggamit sa salapi ng bayan, at sinisiyasat nito ang mga pag-abuso.
Si Dr. Baltimore ay totoong nalungkot. Pinaratangan niya na ang subcommittee, sa pagkuha sa kasong ito, “ay nagnanais alisin ang pamantayang panukatan at inihahalili ang isang bagong pamantayan sa paghatol sa siyensiya. Pinili nila ang istilong pagsasakdal. Ang mensahe ay na gawin mo ang iyong siyentipikong pananaliksik na isinasaisip ang posibilidad na makaharap mo ang pag-uusig. Kung ang paglilitis ngayon dito ay kumakatawan sa pangmalas ng Kongreso sa kung paano dapat isagawa ang pananaliksik sa siyensiya, nanganganib ang siyensiyang Amerikano gaya ng pagkakilala natin dito.”
Si Dr. Baltimore ay kumuha ng suporta buhat sa nakikiramay na mga kasamahan sa pamamagitan ng pagpapadala ng liham sa 400 siyentipiko na nagbababala na ang panghihimasok ng Kongreso ay maaaring “lumpuhin ang siyensiyang Amerikano.” Tinawag niya ang pagsisiyasat na isang tagapagbalita ng mga banta sa siyentipikong komunikasyon at siyentipikong kalayaan. Maraming siyentipiko ay sumuporta kay Baltimore, isa sa pinakakilalang miyembro nito, tinatawag ang mga paglilitis na isang “masugid na paghahanap at panliligalig” at si Dingell na isang “bagong McCarthy.”
“Ang mga tagasuporta ni Dr. Baltimore at ang kaniyang pagtatanggol sa artikulo ay tumugon sa pamamagitan ng mga pag-atake sa Kongreso,” ulat ng The New York Times, Marso 26, 1991. “Binatikos nila si Mr. Dingell sa pakikialam sa mga kuwaderno ng siyensiya, inilalarawan ang kaniyang pangkat ng mga pariralang gaya ng ‘pulisya ng siyensiya.’ Halos lahat ng sulat at ng artikulo ay nagsasabi na walang pandaraya, interpretasyon lamang. ‘Kami’y
tumanggap ng napakaraming sulat mula sa mga siyentipikong nagpapahayag ng malaking pagkabahala sa kung ano ang ginagawa namin,’ sabi ng isang miyembro ng subcommittee ni Dingell. ‘Subalit ang karamihan sa kanila, marahil kalahati o higit pa, ay nagkakaila na nagsasabing hindi nila nalalaman kung ano ang mga katotohanan tungkol sa kaso. Medyo kakatwa iyan.’ ”Kapag ang damdamin ng mga tao ang nasasangkot, ang mga katotohanan ay maaaring maging walang kaugnayan at naglalaho na lamang. Binatikos ng maraming sulat bilang pagsuporta kay Dr. Baltimore at kay Dr. Imanishi-Kari ang Kongreso sa mariin, emosyonal na wika. Si Dr. Stephen J. Gould ng Harvard University ay sumulat: “Sa liwanag ng mga pangyayari kamakailan sa Washington, hindi ko natitiyak kung si Galileo ay hindi magkaroon ng higit na problema ngayon.” Hinihimok ni Dr. Phillip A. Sharp ng M.I.T. ang mga siyentipiko na sulatan ang kanilang mga kinatawan sa Kongreso na tinututulan ang pagkilos ng subcommittee na ito. Iginiit niya na “paulit-ulit na tinanggihan nito ang hatol ng kuwalipikadong mga siyentipiko” na walang naganap na pandaraya. Isa pa, sinasabi niyang sinimulan nito ang “isang bendeta laban sa tapat na mga siyentipiko” na “magkakahalaga ng malaki sa ating lipunan.” Gaya ng nangyari, kung may kasangkot na isang bendeta, ito’y hindi laban sa tapat na mga siyentipiko kundi laban kay Dr. Margot O’Toole, na ang katapatan ay pinagbayaran niya nang malaki.
“Habang ang siyensiya ay nagpapatuloy na maayos, lumalabas na ito’y pinatatakbo ng pangangatuwiran at ng mga sagot na ibinigay ng kalikasan sa mga eksperimento. Subalit kapag nabigo ang mga eksperimento, hinuhubad ng mga siyentipiko ang kanilang pagiging propesyonal, at ang damdamin ang nangingibabaw.” (The New York Times, Marso 26, 1991) At kapag nangibabaw ito, ang mga puwersa sa labas ng siyensiya ay dapat ding mangibabaw upang bawasan ang mga panlilinlang at ituwid ang mga pagkakamaling nagawa sa mga tagapagbunyag ng katiwalian.
Iyan ang kailangan sa kasong ito. Maraming siyentipiko, na hindi kailanman sinuri ang katibayan, ay agad na pumanig kina Dr. Baltimore at Dr. Imanishi-Kari at laban kay Dr. O’ Toole. Bukod pa riyan, siniraan nila ang ahensiya ng gobyerno na nanghimasok upang ituwid ang mga pagkakamali. Kahawig ito ng kawikaan ng Bibliya na nagsasabing: “Ang sumasagot sa isang bagay bago niya marinig ito, ay kamangmangan at kahihiyan sa kaniya.”—Kawikaan 18:13.
Pagkatapos lamang ng mahabang pagsisiyasat ng subcommittee ni Dingell, ng Secret Service, at ng Office of Scientific Integrity sa NIH na ang mga paratang ni O’Toole ay napatunayan sa wakas. Ang New Scientist, Marso 30, 1991, ay nag-ulat: “Ang mga imbestigasyon sa National Institutes of Health ay naghinuha na inimbento ng isang kasamang awtor ng nagwagi ng gantimpalang Nobel na si David Baltimore ang buong set ng mga impormasyon mula 1986 hanggang 1988 upang suportahan ang isang artikulong inilathala sa babasahing Cell noong 1986. Hiniling ngayon ni Baltimore, na noong una’y binatikos ang pagsisiyasat ng Kongreso sa bagay na ito bilang isang banta sa siyentipikong kalayaan, sa Cell na bawiin ang artikulo.” Siya’y humingi ng paumanhin kay Dr. O’Toole sa hindi niya lubusang pagsisiyasat sa kaniyang mga pag-aalinlangan.
Isinisiwalat ng mga pagsisiyasat na ang mga impormasyon ay kinatha ni Dr. Imanishi-Kari at isang eksperimentong iniulat niya ay hindi kailanman ginawa, at na nang mahayag ang ganap na pagsisiwalat, sinikap niyang pagtakpan ito. “Nang si O’Toole at ang tagalabas na mga tagapagsiyasat ay magsimulang magtanong tungkol sa artikulo,” sabi ng New Scientist, si Imanishi-Kari “ay sistematikong nagsimulang mag-imbento ng impormasyon upang patunayan ito, sang-ayon sa report ng NIH. Ang ilan sa mga impormasyong ito na pinalsipika ay inilathala sa Cell noong 1988 bilang pagtutuwid sa orihinal na artikulo.” Noong Abril 6, 1991, ang New Scientist ay nagkomento: “Kailangan ding kilalanin ng mga siyentipiko na ang pag-uutos sa sarili ay nagkakabisa lamang kung ito ay nasasalig sa pagtitiwala ng madla. Ang pagwawalang-saysay sa mga tagapagbunyag ng katiwalian bilang mga manggugulo ay walang naitutulong.” Gayunman, pagkaraan ng mga ilang linggo matapos ipasok ang lahat ng katibayang ito, tinatawag
pa rin ni Dr. Imanishi-Kari ang lahat ng ito na isang “masugid na paghahanap at panliligalig.”Kinuwestiyon ito ng isang editoryal sa The New York Times, ng Marso 26, 1991, sa ilalim ng pamagat na “Isang Siyentipikong Watergate?” Sabi nito: “Ang kapaha-pahamak na pagsasakdal ay dapat na iharap laban sa mahihinang-tuhod na mga mekanismo ng mga siyentipiko sa pagsisiyasat sa pandaraya. Nakakaharap ang mga taktikang pang-antala ni Dr. Baltimore, isa sa pinakaprominenteng siyentipiko ng bansa, wari bang ang ilang miyembro ng hurado na nagsisiyasat ay mas layon na ayusin ang masamang publisidad kaysa alamin ang katotohanan.” Gayunman, ang mga siyentipiko ring ito ang nagsasabi na dapat nitong siyasatin ang sarili nito sa halip na siyasatin ito ng mga tagalabas.
Ang editoryal ay nagpapatuloy: “Ang panimulang mga pagsisiyasat sa mga reklamo ni Dr. O’Toole ay may bakas ng taong napipigilan ng malakas na buklod ng katapatan na gumagawa ng mga hakbang upang ingatan ang siyentipikong mga reputasyon. Ang mga pagsisiyasat sa Tufts University at sa M.I.T. ay walang nasumpungang pandaraya o malaking pagkakamali. Ang National Institute of Health ay humirang ng isang hurado na magsisiyasat na may malapit na kaugnayan kay Dr. Baltimore. Kahit na pagkatapos na muling hirangin ang mga miyembro ng hurado upang pahupain ang mga kritiko, ito’y gumawa ng napakaingat na report, walang masumpungang katibayan ng tiwaling asal sa kabila ng katotohanan na isang eksperimento ang iniulat na hindi kailanman isinagawa. Pagkatapos lamang na masangkot ang Kongreso saka nagpakita ng katatagan ang N.I.H. Ang bagong Office of Scientific [Integrity] nito ay gumawa ng nagngangalit at kapaha-pahamak na report na sa wakas ay tinawag ang isang katha-katha na isang katha-katha. Sa simula pa, si Dr. Baltimore ay waring may layon na patahimikin ang pagsisiyasat sa halip na tuklasin ang katotohanan tungkol sa mga paratang. Bagaman siya mismo ay hindi pinararatangan ng pandaraya, pumirma siya sa dalawang dokumento—ang orihinal na artikulo at ang kasunod na pagtutuwid—na naglalaman ng impormasyon na ngayo’y ipinalalagay na katha-katha ni Dr. Imanishi-Kari.”
Ang mga siyentipiko ay nalulungkot kung ang sinumang hindi siyentipiko ay humahatol sa kanilang mga gawain. Sila’y nagmamatigas na sila, hindi ang mga tagalabas at tiyak na hindi ang mga ahensiya ng gobyerno, ang dapat na humatol sa kanilang sariling mga kaso kung saan ang maling gawi o pandaraya ay ipinaparatang. Subalit ang sinumang siyentipiko na mangangahas na magbangon ng mga pag-aalinlangan laban sa prominenteng mga miyembro ay maaaring samain, gaya ni Margot O’Toole.
Pinatutunayan ito ng kinalabasan ng mga pangunahing tao na nasangkot sa kasong ito. Si Dr. Baltimore ay naging presidente ng Rockefeller University. Nakuha ni Dr. Imanishi-Kari ang prestihiyosong puwestong hinahangad niya sa Tufts University. Si Dr. O’ Toole ay nawalan ng trabaho sa laboratoryo sa Tufts, nawalan ng kaniyang tahanan, hindi siya makakuha ng trabaho may kaugnayan sa siyensiya sa loob ng ilang taon, at nagtrabaho na tagasagot ng mga tawag sa telepono sa kompaniya ng kaniyang kapatid na lalaki.
Iniulat na sinabi ni Dr. Baltimore sa chairman ng subcommittee na si Dingell na ang mga pagtatalong gaya niyaong kay Imanishi-Kari ay bahagi ng “isang proseso ng pagdalisay-sa-sarili na nagpapatuloy” sa siyensiya. Sa kasong ito ang “pagdalisay” ay binubuo ng pag-alis sa tapat na siyentipikong si Dr. Margot O’Toole mula sa pagtatrabaho pa nga sa larangan ng siyensiya. Gayunman, nakatutuwa naman na ang “pagdalisay” na ito sa kaniyang kaso ay hindi permanente. Pagkalipas ng apat na taon, noong 1990, pagkatapos ng pagbabangong-puri sa kaniya, nakakuha siya ng trabaho may kaugnayan sa siyensiya nang siya ay kunin ng Genetics Institute, isang kompaniyang itinatag ng isa sa ilan niyang tagapagtaguyod, si Mark Ptashne ng Harvard.
Karamihan ng mga tao ay sumasang-ayon na ang gayong panlilinlang ay hindi dapat mangyari sa mga institusyon ng pananaliksik sa siyensiya, gayunman gaya ng pagkakasabi rito ng isang magasin sa siyensiya na naglathala sa report na ang gayong panlilinlang “ay palasak sa gitna ng Amerikanong mga mananaliksik sa medisina.”
[Talababa]
a Tingnan ang Gumising! ng Enero 22, 1990, “Pandaraya sa Siyensiya,” pahina 2-15.
[Blurb sa pahina 13]
“Ang mga kickback, pandaraya at tiwaling asal ay palasak sa gitna ng Amerikanong mga mananaliksik sa medisina”
[Blurb sa pahina 13]
$8,000,000,000 ng salaping galing sa buwis ng mga tao ay nagtutungo sa mga siyentipiko at sa kanilang mga institusyon sa bawat taon para sa mga proyekto ng pananaliksik
[Blurb sa pahina 14]
Isang subcommitte ng Kongreso ay interesado sa kung paano ginugugol ang salapi ng bayan
[Blurb sa pahina 15]
Ang mga manunulat ay umasenso, ang tagapagbunyag ng katiwalian ay nawalan ng trabaho