Ang Katipunan ng mga Karapatan—Bakit Ito Kinailangan?
Ang Katipunan ng mga Karapatan—Bakit Ito Kinailangan?
ANG Katipunan ng mga Karapatan ng Estados Unidos ay lumikha ng gayon na lamang interes anupa’t sa loob ng 50 taon, mga 700 aklat ang naisulat tungkol dito—mahigit na 40 dito ang naisulat itong taon lamang. Yamang ang 1991 ang ika-200 anibersaryo ng pagtitibay sa Katipunan ng mga Karapatan, ang mga tao ay lalo pang naging interesado sa paksang ito. Gayunman, ipinakikita ng isang surbey na 59 na porsiyento ng mga Amerikano ang hindi nakaaalam kung ano ang Katipunan ng mga Karapatan.
Nang ang Konstitusyon ng Estados Unidos ay pinagtibay noong 1788, ipinahintulot nito ang mga susog na maglilinaw sa mga kalagayang hindi malinaw na ipinaliwanag sa Konstitusyon. Noong 1791 ang unang sampung susog ay idinagdag sa Konstitusyon. Ang sampung susog na ito ay may kinalaman sa kalayaan at nakilala bilang ang Katipunan ng mga Karapatan, sapagkat iginagarantiya nito sa mamamayan ng Estados Unidos ang ilang kalayaan ng indibiduwal.
Bakit Kailangan?
Bakit kailangan ng Estados Unidos ang isang Katipunan ng mga Karapatan? Mayroon na itong isang matatag na Konstitusyon na idinisenyo upang “magkaroon ng Pagpapala ng Kalayaan” para sa mga mamamayan nito. Ang mga susog ay kinailangan sapagkat ang Konstitusyon mismo ay may kapuna-punang nakaligtaan: Walang maliwanag na binabanggit na mga garantiya ng mga karapatan ng indibiduwal.
Ang panganib na kinatatakutan ng karamihan ng mga Amerikano ay ang paniniil ng isang mapakialam na pambansang pamahalaan na aagaw sa mga kalayaan ng indibiduwal, lalo na ang kalayaan tungkol sa relihiyon. Ang mananalaysay na si Charles Warren ay nagbibigay ng liwanag sa dahilan ng takot na ito. Sabi niya:
“Ang mga tao sa lahat ng panig ay nagsasabi na, bagaman ang unang layon ng isang Konstitusyon ay upang magtatag ng isang gobyerno, ang ikalawang layon nito, na gayundin kahalaga, ay dapat na upang pangalagaan ang mga mamamayan nito laban sa pamahalaan. Iyan ay isang bagay na itinuro ng lahat ng kasaysayan at ng karanasan ng tao. . . .
“Naranasan nila ang mahihirap na taon, nang makita nilang niyurakan ng mga pamahalaan, kapuwa maharlika at estado, ang mga karapatang pantao na puspusang ipinakipaglaban nila at ng kanilang mga ninuno sa mga kolonya at sa Inglatera. . . . Batid nila na kung ano ang ginawa ng pamahalaan noon, ay maaaring gawin ng pamahalaan sa hinaharap, ang pamamahala man nito ay maharlika, estado, o pambansa . . . At sila’y determinado na, sa Amerika, ang gayong pamamahala ay dapat na sugpuin sa simula.”
Totoo na ang iba’t ibang konstitusyon ng estado ay may limitadong katipunan ng mga karapatan. Subalit sa katunayan isinisiwalat ng kakila-kilabot na mga rekord na ang pag-aalis ng mga kalayaan ay karaniwan sa ilang estado.
Inilipat ng mga mananakop ang maraming kaugalian ng Matandang Daigdig sa kanilang Bagong Daigdig. Pinag-usig nila ang pangkat ng mga minoridad at pinaboran ang isang grupo ng relihiyon sa iba. Kaya nang kumalat ang balita na isang konstitusyon ang ginagawa, sinimulan ng mga taong maibigin-sa-kalayaan ang isang kilusan para sa isang pambansang katipunan ng mga karapatan na gagarantiya ng kanilang mga kalayaan at na maghihiwalay sa Simbahan sa Estado.
Kung ikinatatakot ng mga tao ang gayong sentralisadong pambansang pamahalaan, bakit nila lilikhain ito? Pagkatapos lagdaan ang Deklarasyon ng Kasarinlan noong 1776, isang bagong sistemang pampamahalaan ay kinakailangan. Nagwakas ang pamamahalang Britano sa bawat kolonya. Pinagtibay ng mga estado ang Mga Artikulo ng Konpederasyon, na nagbubuklod sa kanila tungo sa isang bansa—subalit sa pangalan lamang. Gaya ng pagkakasabi rito ng isang mananalaysay: ‘Bawat isa’y nagnanais kumilos bilang isang hiwalay na yunit, at nangibabaw ang pananaghili at paligsahan sa pakikitungo ng mga estado sa isa’t isa.’
Kaya, isang pambansang pamahalaan ang idinisenyo, na binubuo ng isang nakatataas na tagapagbatas, tagapagpaganap, at hukuman. Ang tatlong sangay na ito ay kumikilos sa loob ng isang sistema ng mga pagsusuri at pagbalanse upang pangalagaan ito laban sa diktatoryal na pamamahala. Ang sangay ng hukuman ang partikular na tagapangalaga at interpreté ng mga karapatang pangkonstitusyon. Ang Korte Suprema ang magiging pinakamataas na hukuman sa bansa, at ito ang naging interpreté ng batas.
Ang unang Kongreso, na nagtipun-tipon noong 1789, ay gumawang masikap sa ipinangakong Katipunan ng mga Karapatan. Ang pangwakas na resulta: sampung susog, o mga pagbabago, sa Konstitusyon. Ang mga susog na ito ay naging bahagi ng Konstitusyon 200 taon na ang nakalipas, noong Disyembre 15, 1791—mahigit lamang mga tatlong taon pagkatapos pagtibayin ang Konstitusyon mismo.
Kalayaan sa Pananampalataya
Sa lahat ng mga karapatan na ginagarantiyahan ng Katipunan ng mga Karapatan, isa sa pinakamahalaga ay ang kalayaan sa pananampalataya. Ang unang bahagi ng Unang Susog ay kababasahan ng ganito: “Ang Kongreso ay hindi gagawa ng batas tungkol sa pagtatatag ng relihiyon, o sa pagbabawal sa malayang pagsasagawa nito; o sa pagbabawas sa kalayaan sa pananalita.”
Pansinin na ang susog na ito ay pinatutungkol sa Kongreso, hindi sa mga batasan ng estado. Subalit sa pagpapatibay sa Ikalabing-apat na Susog noong 1868, ang Unang Susog ay ikinapit din sa mga estado. Ito’y nagbibigay ng pambansang proteksiyong pangkonstitusyon laban sa mga paglabag ng estado sa kalayaan ng indibiduwal.
Hinahadlagan ng Unang Susog ang Kongreso sa pagtatakda ng kalayaan sa pananampalataya. Pinagbabawalan din nito ang Kongreso sa pagtatatag ng isang relihiyon o sa paggawa ng mga batas tungkol sa isang relihiyon. Ang sugnay ‘laban sa pagtatatag ng relihiyon sa pamamagitan ng batas’ ay nilayon upang itayo, gaya ng sabi ni Thomas Jefferson, “ang isang pader na maghihiwalay sa Simbahan at sa Estado.”
Ang Unang Susog ay gumagarantiya ng kalayaan sa opinyon at pagpapahayag, kapuwa sa relihiyoso at sekular, at ang susog na ito ay magiging
isang malaking isyung pangkonstitusyon sa hinaharap. Nalalaman ng mga Tagapagtatag na Ama na ang kalayaan tungkol sa relihiyon ay lubhang nakaaapekto sa mga kalayaang sibil at gayundin naman ang kalayaang sibil ay nakaaapekto sa kalayaan tungkol sa relihiyon.Bakit Una ang Relihiyon?
Kapansin-pansin na pinili ng mga bumalangkas sa Katipunan ng mga Karapatan na talakayin muna ang paksa tungkol sa relihiyon. Dahil sa mga dantaon ng relihiyosong alitan sa kanilang mga lupang tinubuan, isang di-mapapawing sulat ang naiwan sa kanilang mga isipan at puso. Disidido silang magbantay laban sa pag-ulit ng mapapait ng mga labanang iyon.
Ang kalayaan sa pananampalataya ay pinakamahalaga sapagkat ang mga taong ito ay nagmula sa mga lupain kung saan may mga batas laban sa apostasya, erehiya, pagka-papa, at kalapastanganan at laban pa nga sa hindi pagsuporta sa Simbahan sa pinansiyal na paraan. Ang mga parusa sa hindi pagsunod sa mga batas na ito ay maaaring labis na pagpapahirap, pagbilanggo, o kamatayan. Kaya, masidhing ipinagtanggol nina Thomas Jefferson at James Madison ang paghihiwalay ng Simbahan at ng Estado. Wala nang pabor ng gobyerno sa mga herarkiya ng pari o ng pag-uusig sa mga tumututol!
Ang ilan sa mga kaisipan ni Madison sa pagpapanatili sa relihiyon na hiwalay sa Estado ay nakatala sa isang dokumentong pinamagatang “A Memorial and Remonstrance” (Isang Alaala at Pagtutol). Buong linaw na ikinakatuwiran niya na ang tunay na relihiyon ay hindi nangangailangan ng pagtaguyod ng batas, na walang sinuman ang dapat hingan ng buwis upang suportahan ang anumang relihiyon, at na ang pag-uusig ang di-maiiwasang resulta ng relihiyong tatag-ng-pamahalaan. Si Madison ay nagbabala rin na susugpuin ng gayong pagtatatag ang pag-eebanghelyong Kristiyano.
Si Jefferson ay sang-ayon kay Madison at nagsabi na pinahihina ng suporta ng Estado ang relihiyong Kristiyano: ‘Ang Kristiyanismo ay lumago sa loob ng tatlong daang taon nang walang pagtatatag. Kapagdakang natatag ito sa ilalim ni emperador Constantino, nabawasan na ang kadalisayan nito.’—Under God, ni Garry Wills.
Ang Korte Suprema at ang Kalayaan Tungkol sa Relihiyon
May 200 taon na sapol nang pagtibayin ang Katipunan ng mga Karapatan. Natugunan ng mga garantiya nito ang ika-17 at ika-18 siglong sosyal at pulitikal na mga pananagutan. Natugunan ba ng Katipunan ng mga Karapatan ding ito ang nagbabagong mga pangangailangan ng mga mamamayan noong sumunod na 200 taon? Oo, sapagkat sinasabing ito’y may “nagtatagal na mga simulain” na maaaring “ikapit sa iba’t ibang krisis sa pamumuhay ng tao.”
Sa Korte Suprema ng Estados Unidos na ang pinakamahalagang mga simulain ay ‘ikinapit sa iba’t ibang krisis sa pamumuhay ng tao,’ lalo na sa pagbibigay-kahulugan sa mga kalayaang sibil. Binigyan-kahulugan ng Hukuman ang mga kalayaan na doo’y hindi dapat manghimasok ang pamahalaan. Gaya ng ipinakita ng isang mananalaysay, nakakamit ng Hukuman ang pagkakatimbang sa pagitan ng organisadong lipunan at ng karapatan ng indibiduwal.
Sa nakalipas na 50 taon, dinala ng mga Saksi ni Jehova ang maraming kaso may kaugnayan sa kalayaan sa pananalita at kalayaan sa pagsamba sa Korte Suprema. Ang karamihan ng mga kasong ito ay nagsasangkot ng karapatang magpalaganap ng mga paniwala. a
Maaaring bigyan-kahulugan ng Katipunan ng mga Karapatan ang kalayaan, subalit ang aklat na The Supreme Court and Individual Rights, ni Elder Witt, ay may pamuhatan na kababasahan ng “Jehovah’s Witnesses: Definers of Freedom” (Mga Saksi ni Jehova: Tagapagpakahulugan sa Kalayaan). Binabanggit nito: “Ayon sa mananalaysay na pangkonstitusyon na si Robert F. Cushman, ang mga miyembro ng sekta ay nagdala ng mga tatlumpung malalaking kaso na sumusubok sa mga simulain ng kalayaan tungkol sa relihiyon sa Korte Suprema simula noong 1938. Sa karamihan ng mga kaso, ang Hukuman ay nagpasiya pabor sa kanila.”
Subalit noong 1940 ang bantog na pasiya sa Minersville School District v. Gobitis ay laban sa mga Saksi ni Jehova tungkol sa isyu ng pagsaludo b Pinagtibay nito ang sapilitang seremonya ng pagsaludo sa bandila. Ipinahayag ni Hukom Frankfurter ang opinyon ng nakararami at sinabi na bagaman ang ‘kalayaan at pagpaparaya at mabuting diwa’ ay pabor sa pamilyang Gobitas, naniniwala siya na dapat igalang ng mga hukom ang aksiyon ng mga kinatawan na hinalal ng bayan. Sa ibang salita, ang mga pulitiko ay dapat pahintulutang gumawa ng mga batas na nagtatakda sa kalayaan tungkol sa relihiyon. Subalit ito nga mismo ang ipinagbabawal ng Katipunan ng mga Karapatan.
sa bandila.Kinundena ng mahigit na 170 pahayagan ang disisyon. Iilan lamang ang sumuporta rito. Ang legal na komentaryo sa buong daigdig halos ay tumutol dito. Hindi kataka-taka ang pasiyang ito ay pinawalang-bisa sa loob ng tatlong taon. Pagkatapos, sa West Virginia State Board of Education v. Barnette, sinabi ni Hukom Jackson sa Hukuman: “Ang layunin ng Katipunan ng mga Karapatan ay upang alisin ang ilang paksa mula sa malalaking pagbabago sa pulitikal na alitan, upang ilagay ito sa dako na hindi maaabot ng nakararami at ng mga opisyal at upang itatag ang mga ito bilang legal na mga simulain na ikakapit ng mga hukuman. Ang karapatan sa buhay, kalayaan, at pag-aari, sa malayang pagsasalita, malayang paglilimbag, kalayaan sa pagsamba at pagtitipon, at iba pang mahalagang mga karapatan ay maaaring hindi isumite sa boto; ang mga ito’y hindi depende sa kalalabasan ng eleksiyon.” c
Ang mga eleksiyon ay tinitiyak ng nakararami. Subalit iniingatan ng mahalagang mga kalayaan na iginagarantiya ng Katipunan ng mga Karapatan ang minoridad mula sa paniniil ng nakararami at ng kapangyarihan ng Estado. Kamakailan, si Hukom Sandra Day O’Connor ay sumulat: “Sa palagay ko, ang Unang Susog ay talagang isinabatas upang pangalagaan ang mga karapatan niyaong ang mga relihiyosong gawain ay hindi sinasang-ayunan ng nakararami at maaaring malasin nang may pagkapoot.” Maliwanag na ito rin ang nasa isipan ng mga bumalangkas sa Konstitusyon at sa Katipunan ng mga Karapatan.
Pagtitibayin ba ng lahat ng bansa ang mga konstitusyon na may katipunan ng mga karapatan? Ang karamihan ay hindi, at kung ang kasaysayan ay magiging tagapagpahiwatig, marami ang hindi gagawa niyon. Kaya ang umasang lahat ng bansa ay gagawa ng mga dokumento upang alisin ang paniniil at ipaglalaban ang mga karapatan ng lahat ay aakay sa kabiguan.
Isang Pamahalaan na Hindi Magdadala ng Kabiguan
Kung gayon, magkaroon pa kaya katuparan ang pambuong-daigdig na paghahangad para sa kalayaan, katarungan, at pagkakapantay-pantay? Sa kabaligtaran, ngayon higit kailan mas malapit tayo sa katuparan ng mga mithiing iyon. Bakit gayon? Sapagkat tayo’y nabubuhay sa panahon, na malaon nang binabanggit ng hula sa Bibliya, kapag lahat ng mapaniil na mga pamahalaan ay aalisin at ang pangangasiwa sa pamumuhay ng tao ay pangangasiwaan ng pamahalaan na itinuro ni Jesu-Kristo na idalangin ng kaniyang mga tagasunod—ang Kaharian ng Diyos.—Mateo 6:9, 10.
Ang kapaha-pahamak na mga pangyayari na naganap sa ating ika-20 siglo ay nagpapatunay na tayo ay nasa mga huling araw ng kasalukuyang sistema ng mga bagay at na malapit nang kunin ng makalangit na Kaharian ng Diyos ang pamamahala sa lupa. (Mateo 24:3-13; 2 Timoteo 3:1-5) Gaya ng sinasabi ng hula sa Bibliya: “Sa kaarawan ng mga haring yaon [umiiral na mga pamahalaan ngayon] ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang [makalangit na] kaharian na . . . hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin at wawasakin niyon ang lahat ng mga kahariang ito [umiiral ngayon], at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.”—Daniel 2:44.
Ano ang ibig sabihin niyan sa tapat-pusong mga indibiduwal? Ang Salita ng Diyos ay nangangako: “Sandali na lamang, at ang balakyot ay mawawala na . . . Ngunit ang maaamo ay magmamana ng lupain, at sila’y lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:10, 11) Sa ilalim ng makalangit na Kaharian ng Diyos, ang tunay na kapayapaan at katiwasayan ay permanenteng darating sa lupang ito. Sa panahong iyon, at tanging sa panahong iyon, matutupad ang tunay na kalayaan, katarungan, pagkapantay-pantay, at internasyonal na kapatiran sa buong lupa.
[Mga talababa]
a Tingnan ang artikulong “Ang Konstitusyon ng Estados Unidos at ang mga Saksi ni Jehova,” na lumilitaw sa Oktubre 22, 1987, na labas ng Gumising!
b Sa mga rekord ng hukuman, mali ang pagkakabaybay sa “Gobitas.”
c Sa mga rekord ng hukuman, mali ang pagkakabaybay sa “Barnett.”