Kung Bakit ang Pasko ay Hindi Para sa mga Kristiyano
Ang Pangmalas ng Bibliya
Kung Bakit ang Pasko ay Hindi Para sa mga Kristiyano
‘ANG Pasko ay ipinagbabawal! Ang sinumang nagdiriwang nito o maging yaong nasa bahay na hindi magtatrabaho sa araw ng Pasko ay parurusahan! ’
Tila kakatwâ nga, ito ay aktuwal na naging batas noong ika-17 siglo. Ipinagbawal ng mga Puritano ang pagdiriwang sa Inglatera. Ano ang dahilan ng mahigpit na paninindigang iyon laban sa Pasko? At bakit angaw-angaw sa ngayon ang nag-aakalang ang Pasko ay hindi para sa mga Kristiyano?
Saan Talaga Nagmula ang Pasko?
Ikaw ay maaaring mabigla na malamang ang Pasko ay hindi pinasimulan ni Jesu-Kristo ni ipinagdiwang man niya iyon o ng kaniyang mga alagad noong unang siglo. Ang totoo, walang ulat ng pagdiriwang ng Pasko hanggang noong 300 taon pagkamatay ni Kristo.
Marami sa mga taong nabubuhay noon ang sumamba sa araw, yamang sila’y lubusang umaasa sa taunang ikot nito. Ang masalimuot na pagdiriwang ay kasama sa pagsamba sa araw sa Europa, Ehipto, at Persia. Ang tampok na tema sa mga kapistahang ito ay ang pagbabalik ng liwanag. Ang araw, dahilan sa tila kahinaan nito sa panahon ng taglamig, ay sinasamong magbalik mula sa ‘malayong paglalakbay.’ Kasama sa mga kapistahan ang mga katuwaan, handaan, sayawan, ginagayakan ang mga tahanan ng mga ilaw at palamuti, at pagbibigayan ng mga regalo. Ang ganiyan bang mga gawain ay pangkaraniwan sa iyo?
Ang mga sumasamba sa araw ay naniniwala na ang di-sunog na kahoy na yule log ay may mahikong kapangyarihan, na ang mga sigâ ng apoy ay makapagbibigay ng kalakasan sa diyos-araw at bubuhayin siyang muli, na ang mga tahanang may palamuti ng mga evergreen ay upang takutin ang mga demonyo, na ang holly ay dapat sambahin bilang pangako sa pagbabalik ng araw, at ang mga maliliit na sanga ng mistletoe ay magdadala ng suwerte kung isusuot iyon bilang galíng. Anong pagdiriwang nauugnay ang mga bagay na ito sa ngayon?
Ang Disyembre ang pangunahing buwan ng kapistahan sa paganong Roma bago pa nakilala ang Pasko roon. Ang sanlinggong-haba ng Saturnalia (inalay kay Saturnalia, ang diyos ng agrikultura) at ang Dies Natalis Solis Invicti (Kaarawan ng Di-Magaping Araw) ay nagaganap sa panahong ito. Gayundin, ang Disyembre 25 ay ipinalalagay na kaarawan ni Mithras, ang Persianong diyos ng liwanag.
Ginagawang Kristiyano ang Pagano?
Sa pagsisikap na makomberte ang mga paganong ito, nagkaroon ng di-makakasulatang pagsasama ng Kristiyanong mga paniwala
sa mga pagano, kaya’t ang simbahan ay pumili ng petsa para sa Pasko na mapapatapat sa pinakamahalagang paganong kapistahan. At ano naman ang mga kaugalian kung Pasko? Ang Encyclopedia of Religions and Ethics ay nagsasabi na karamihan sa mga kaugalian sa Pasko “ay di-tunay na Kristiyanong kaugalian, kundi paganong kaugalian na tinanggap at pinahintulutan ng Simbahan.” Inaakala nila na ang basta pagbibigay sa mga kaugaliang ito ng Kristiyanong katangian ay gagawing Kristiyano ang sinumang makibahagi roon.Gayumpaman, sa halip na gawing Kristiyano ang paganismo, ginawang pagano ng mga kaugaliang ito ang Kristiyanismo. Noong mga taóng 1600, ang mga Puritano ay lubhang nagambala sa maliwanag na paganong katangian ng Pasko kung kaya’t ang gayong kapistahan ay ipinagbawal sa Inglatera at sa ilang bahagi ng nasasakupan ng Amerika. Ang mga kaparusahan ay ipinapataw sa nagdiriwang ng Pasko o maging sa pananatili sa tahanan at hindi pagtatrabaho kung Araw ng Pasko. Sa New England (E.U.), noon lamang 1856 naging legal ang Pasko.
Ngunit may isang salik hinggil sa Pasko na mas mahalaga pa kaysa kung paano ito minamalas ng simbahan, ng mga pagano, o ng mga Puritano noon. Mahalaga sa tunay na mga Kristiyano ay kung . . .
Papaano Minamalas ni Jesu-Kristo ang Pasko?
Kung ang pagdiriwang ay gagawin para sa iyong karangalan, hindi ba’t ang iyong pagsang-ayon sa katangian niyaon ay mahalaga? Samakatuwid, mabuting ating itanong: Ang Bibliya ba’y nagpapakita kung papaano minalas ni Jesus ang mga kaugaliang punô ng paganismo?
Kinundena ni Jesus ang mga relihiyosong lider na ikinompromiso ang tunay na pagsamba upang makakuha ng mga komberte. Sinabi niya sa gayong mga lider: “Inyong [nililibot] ang dagat at ang lupa upang makagawa ng isang komberte, at inyong ginawa siyang makaibayo pang mapupuksa kaysa inyong sarili.”—Mateo 23:15, Phillips.
Ang pangungomberte ay hindi dapat isagawa sa pamamagitan ng pagsasama ng pagano at Kristiyanong mga paniniwala. Si Pablo, isang apostol ni Jesus, ay sumulat sa mga Kristiyanong nakatira sa Corinto: “Hindi ninyo maiinuman ang saro ni Jehova at ang saro ng mga demonyo.” (1 Corinto 10:21) At sa kaniyang sumunod na sulat sa kanila, isinusog pa ni Pablo: “Huwag makipag-ugnayan sa mga hindi sumasampalataya at gumawang kasama nila. . . . Papaano nga magkakaroon ng pagkakasundo sa pagitan ni Kristo at ng mga demonyo?”—2 Corinto 6:14, 15, Phillips.
Kung makita ng isang maingat na ina ang kaniyang anak na pumulot ng isang kendi sa imburnal na punô ng dumi, igigiit niyang itapon ito agad ng bata. Ang isipin lamang ang pagkain niya nito—kahit na ang paghipo nito—ay nakasusuklam sa kaniya. Ang Pasko, bagaman matamis sa marami, ay napulot sa di-kanais-nais na lugar. Ang damdamin ni Jesus ay katugma niyaong kay propeta Isaias, na hinimok ang mga tunay na mananamba noong kaniyang kaarawan: “Kayo’y magsiyaon, kayo’y magsiyaon, magsialis doon, huwag kayong magsisihipo ng maruming bagay.”—Isaias 52:11.
Kung gayon, ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon ay hindi nagdiriwang ng Pasko. Bagaman ang kanilang katayuan ay kakatwa sa iba, minamalas nila ang tradisyon na gaya ng pangmalas ni Jesus. Nang tanungin: “Bakit ang iyong mga alagad ay nagsisilabag sa mga sali’t saling sabi ng matatanda?” siya’y sumagot: “Bakit naman kayo’y nagsisilabag sa utos ng Diyos dahil sa inyong sali’t saling sabi?” At kaniyang isinusog pa: “Niwalan ninyo ng kabuluhan ang salita ng Diyos dahil sa inyong sali’t saling sabi.”—Mateo 15:2, 3, 6.
Ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon ay nagpapamalas ng pagkakaisa kay Jesus sa pagsasagawa ng “uri ng pagsamba na malinis at walang dungis,” walang-bahid ng paganong mga tradisyon ng mga tao.—Santiago 1:27.
[Blurb sa pahina 13]
“Bakit naman kayo’y nagsisilabag sa utos ng Diyos dahil sa inyong sali’t saling sabi?”—Mateo 15:3