Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Nabighani ng Masarap Yapusing Koala

Nabighani ng Masarap Yapusing Koala

Nabighani ng Masarap Yapusing Koala

Ng kabalitaan ng Gumising! sa Australia

ISA sa kahali-halinang sorpresa sa naiiba, di-nagagalugad na mga lupain noon ay malamang na ang pagtuklas sa nakatutuwa at pambihirang mga hayop. Tiyak na ito ang kalagayan sa Australia pagkatapos ng taóng 1788.

Noon, ang mga kolonyang parusahan sa palibot ng Port Jackson (ngayo’y Sydney) ay pinanirahanan ng mga preso na dinala bilang mga bilanggo buhat sa Inglatera tungo sa Australia. Pagkalipas ng sampung taon, isang napalayang bilanggo na naging manggagalugad ay nagtungo sa mga paltok sa gawing timog, 130 kilometro malayo sa aplaya. Kalugud-lugod na sorpresa ang naranasan niya nang una niyang makita ang koala sa Australia. Ito ay, sulat niya, “isa pang hayop na tinatawag ng mga katutubo na ‘cullawine,’ na kahawig ng mga hayop na sloth sa Amerika.”

Nais mo bang suriin ang kahali-halinang mabalahibong hayop na ito na, dalawang daan taon pagkalipas, ay nakatatawag-pansin sa mga turista sa mainit na lupa ng Australia? Walang alinlangan na nanaisin mo, sapagkat susunod sa paghiling na makita ang isang kangaroo, isa sa pinakamalimit hilingin ng mga dumadalaw sa Australia ay: “Kailangan kong makita at mahipo ang inyong masarap yapusing teddy bear.”

Hindi Isang Oso

Walang alinlangan, ang koala ay isang munting hayop na masarap yapusin. Ito’y lumalaki ng hanggang 80 centimetro lamang ang haba at mukha ngang isang teddy bear, na may pangong ilong at may malambot, magandang balahibo. Subalit baka magulat kang malaman na ito ay hindi nga kasali sa pamilya ng oso.

Oo, ito’y kadalasang tinatawag na isang koala bear o katutubong oso ng Australia. Subalit ito’y pawang maling tawag. Sa halip na kabilang sa pamilya ng oso, ang koala ay mas kahawig ng isang wombat, isa pang marsupial ng Australia, na kahawig ng isang beaver.

Inilalarawan ng The Australian Encyclopaedia ang isang kahali-halinang larawan ng kabigha-bighani at masarap yapusing nilikhang ito: “Ang koala ay may matabang katawan, makapal na balahibo na kulay abo hanggang kulay kayumanggi sa gawing itaas at manilaw-nilaw na puti sa ibaba, malaki’t bilugang mabalahibong mga tainga, at parang katad, malapad, na ilong na halos parang nguso . . . Ang hayop ay napakahusay umakyat sa sanga subalit asiwa sa lupa.”

Kapag ganap-ang-laki, ang mga koala ay tumitimbang ng mga 14 na kilo. Ito ay maaaring mabuhay ng mga 20 taon sa ilang. Ang iba ay nabuhay ng mga 12 taon sa mga kulungan.

Katulad ng kangaroo ng Australia, ang koala ay isang marsupial (buhat sa salitang Latin na marsupium, ibig sabihin ay “bulsa” o “lukbutan”) at may proseso ng panganganak na natatangi sa mga marsupial. Napakaliit sa pagsilang, ang mga batang koala ay hindi pa ganap ang paglaki at walang tulong na nagtutungo sa lukbutan ng ina, kung saan sila’y kumakabit sa isa sa kaniyang dalawang utong.

Pagkalipas ng anim na buwan, ang munting kinapal ay ganap na ang paglaki bilang isang sanggol at kaya nang umalis sa lukbutan sa loob ng sandaling panahon. Subalit pagkalipas ng dalawa o higit pang mga buwan, napakalaki na niya upang pumasok sa lukbutan. Ano ngayon ang dapat gawin? Walang problema! Sumasakay siya sa likod ng nanay niya, nangungunyapit nang husto sa nanay niya habang ito ay umaakyat at bumababa sa mga punungkahoy.

Gayunman, ang mga libreng pagsakay na ito ay hindi nagtatagal magpakailanman, kaya’t pagkalipas ng lima o anim pang buwan, bahala na siyang tumingin sa kaniyang sarili. Subalit sa maikling panahong ito, isang kaakit-akit na tanawing makita na maligayang kinakarga ng nanay na koala ang kaniyang anak, na nakakunyapit nang husto sa kaniyang mabalahibong likod. Pagkatapos iwan ang kaniyang ina, ang batang koala ngayon ay namumuhay na mag-isa at nakikipagkita lamang sa iba sa panahon ng pag-aasawa.

Isang Madahong Pagkain

Ang pangalang koala ay galing sa katutubong salita na nagpapahiwatig na ang hayop ay hindi gaanong umiinom. Subalit paano sila maaaring mabuhay nang walang tubig? Sa pag-inom ng hamog at mula sa halumigmig sa kanilang pagkain ng mga dahon ng gum.

Dahon ng gum? Oo, ang mga koala ay nanginginain ng mga 50 iba’t ibang uri ng punong eucalyptus, subalit wala pang isang dosena nito ang paborito nila. Ang mga punong eucalyptus ay mas kilala sa pangalang gum, gaya ng red gum, gray gum, at Tasmanian blue gum.

Ang isang ganap-ang-laki na koala ay kumakain ng halos isang kilo o higit pang dahon isang araw, nginunguya nang dahan-dahan at lubusan. Ginugugol nila ang karamihan ng kanilang panahon sa itaas ng mga punong gum, bumababa lamang upang lumipat sa ibang puno. Sa lupa sila ay asiwa at kakatwa sa paglakad.

Yamang sila ay mga hayop na panggabi, karamihan ng kanilang araw ay ginugugol sa pagtulog, mabuway na nakahapon sa sanga ng puno sa itaas. Hindi komportable? Hindi gayon ang palagay nila, at ang dakong iyon ay isang mainam na proteksiyon mula sa anumang maninila.

Mapaaamo ba Ito?

Kung bata pang nakukuha, ang mga koala ay napaaamo, nagiging mapagmahal na mga alagang hayop. Isang mag-asawa sa Hilagang Queensland ay nag-alaga ng gayong hayop mula nang ito ay tatlong buwang gulang. Ang munting babaing “batang koala” na ito ay umiiyak gabi-gabi hanggang sa wakas ay naginhawahan siya sa isang piraso ng balahibo ng koala na itinali sa palibot ng isang unan at inilagay sa tabi niya sa isang basket bilang kahalili ng kaniyang ina. Tinawag nila itong Teddy, at nang ito’y may sapat nang gulang upang kumain ng mga dahon ng gum, lumakas ito sa pag-inom ng gatas ng baka, na hinihimod nito na parang kuting.

Ang problema nga lang ay na si Teddy ay nasanay na sa mga tao anupa’t ayaw niyang maiiwang mag-isa at gusto niyang kakargahin siya na parang bata. Siya’y talagang naging buwisit. Ang kaniyang kontentong buhay ay tumagal ng 12 taon. Oo, ang mga koala ay maaaring paamuin, subalit ngayon ay labag sa batas sa Australia na alagaan ang mga ito bilang mga alagang hayop.

Halos Malipol Subalit Ngayo’y Protektado

Noong pasimula ng dantaon, napakarami ng mga koala anupa’t angaw-angaw sa mga ito ay iniulat na nasa kontinente. Subalit ang mga ito ay madaling mga target, natutulog kung araw sa mga sanga ng punong eucalyptus, kaya’t libu-libo ang binaril dahil lamang sa isport.

Pagkatapos, nang bumangon ang pangangailangan para sa kanilang malambot, abuhing-pilak na balahibo, nagsimula ang masikap na pagpatay sa mga ito. Halimbawa, noong 1908, halos 60,000 balat ng koala ay ipinagbili sa Sydney lamang. At noong 1924 mahigit na dalawang milyong balahibo ang iniluwas sa silangang mga estado ng Australia.

Nakatutuwa naman, natanto ng pederal na pamahalaan ng Australia ang banta na nanganganib malipol ang nilikhang ito na masarap yapusin at noong 1933 ay nagpasa ng mga batas upang ipagbawal ang pagluluwas ng mga koala at mga produktong galing sa koala. Ang koala ngayon ay isang protektadong hayop.

Sinikap ng ibang bansa na panatilihin ang mga koala sa kanilang mga zoo subalit hindi matagumpay. Ang pantanging pagkain na sariwang dahon ng eucalyptus ay mahirap panatilihin. Gayunman, ang tagumpay ay nakamit sa estado ng California sa Amerika, pangunahin nang dahil sa ang klima ay angkop sa pagpapatubo ng mga punong eucalyptus. Ngayon, ang mga zoo sa San Diego at Los Angeles ay may malulusog, dumaraming populasyon ng mga koala. Kamakailan lamang, ang mga koala ay ipinadala sa Hapón, kung saan ang masusing pinag-aralang mga pamamaraan ay ginagamit upang tiyakin na ang mga ito ay napananatiling malusog.​—Tingnan ang Awake!, Agosto 22, 1986.

Manatili Kaya ang Masarap Yapusing Koala?

Wari bang ang sentido-kumon na paraan upang iwasan ang walang tarós na pagpatay ang maaaring makaragdag sa pag-asang ito’y manatili. Ang awtor na si Ellis Troughton ay naghinuha sa kaniyang aklat na Furred Animals of Australia taglay ang hangad na ito na punô ng pag-asa: “Ang kahali-halinang koala ay ganap na di-nakapipinsala saanman. Anong laking katuwaan nga para sa lahat kung ang mga ito ay marami upang dalawin ang mga homisted at ang mga labas ng bayan na gaya ng karaniwang ginagawa ng mga possum! Harinawang makahimalang dumami ang kanilang bilang upang tahimik na manginain sa protektadong mga kagubatan.”

Inuulit ng mga mahilig sa hayop saanman ang magandang pag-asang ito, hindi lamang para sa masarap yapusing koala kundi para sa lahat ng magagandang nilikha na nabubuhay na kasama natin sa planetang Lupa na inilagay rito para sa ating kasiyahan at katuwaan.

[Larawan sa pahina 16]

Ang isang ganap-ang-laki na koala ay kumakain ng isang kilo o higit pang dahon ng eucalyptus isang araw, nginunguya ito nang dahan-dahan at lubusan