Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Mga Anak ng Dalita
Sang-ayon sa magasing Olandes na Internationale Samenwerking, inilalarawan ng isang report kamakailan ng UNICEF (United Nations Children’s Fund) ang isang nakatatakot na pangglobong larawan ng angaw-angaw na walang tirahan, nasaktan, at gutom na mga batang pinabayaan ng pamilya at ng lipunan. Binabanggit ng Internationale Samenwerking na sa kabila ng isang kasunduan ng UN noong 1989 na bumabalangkas sa mga karapatan ng mga bata, mga 30 milyong batang walang tirahan ang ngayo’y gumagala sa mga lansangan ng daigdig. Mga pitong milyong bata ang isinisilang at pinalalaki sa mga refugee camp sa daigdig. At nito lamang nakalipas na mga taon, 200,000 bata na wala pang 15 anyos ay kinalap bilang mga sundalo at sa ilang kaso ay naglingkod bilang buháy na mga tagapag-alis ng mina upang gawing ligtas sa pagdaan ng mga sundalo. Karagdagan pa, araw-araw mga 80 milyong bata, na 10 hanggang 14 na taóng gulang, ay pinipilit na magtrabaho sa mabibigat, marurumi, at mababang sahod na mga trabaho.
“Pagpapahayag ng Kapayapaan” Buhat sa Hiroshima
“Tandang-tanda pa ang kakilabutan ng digmaang ito, na nagsimula sa pagsalakay sa Pearl Harbor at nagwakas sa pagbagsak ng mga bomba atomika sa Hiroshima at Nagasaki, kami’y minsan pang determinadong kumilos para sa kapayapaang pandaigdig,” sabi ni Mayor Takashi Hiraoka ng Hiroshima noong Agosto 6, 1991, noong serbisyo na nagtatanda sa ika-46 na anibersaryo ng pagbagsak ng bomba atomika. Sinabi niya sa kaniyang “Pagpapahayag ng Kapayapaan,” ayon sa Mainichi Daily News: “Ang Hapón ay nagdulot ng malaking pasakit at kawalan ng pag-asa sa mga bayan sa Asia at sa Pasipiko noong panahon ng kolonyal na pananakop nito at ng digmaan. Walang pagdadahilan sa mga kilos na ito.”
Alkohol at Sakit sa Puso
Ang katamtamang pag-inom ng mga inuming de alkohol ay nakababawas sa panganib ng sakit sa puso, sabi ng mga siyentipiko sa Harvard School of Public Health, gaya ng iniuulat sa babasahing Lancet. Naniniwala ang mga mananaliksik na pinararami ng alkohol ang dalawang uri ng HDL (high-density lipoprotein) sa daluyan ng dugo, ang tinatawag na mabuting kolesterol. Waring inaalis ng HDL ang taba na bumabara sa mga árteri, sa gayo’y binabawasan ang sakit sa puso. Ang alkohol ay maaaring tumutulong din upang bawasan ang pamumuo ng dugo sa pamamagitan ng pagpapababa sa mga antas ng LDL (low-density lipoprotein) sa dugo. Ang matataas na antas ng LDL ang pangunahing salik sa mga atake sa puso. Gayunman, kung ang isang tao’y umiinom ng mga inuming de alkohol, makabubuting uminom ‘lamang ng kaunting alak dahil sa kaniyang sikmura.’—1 Timoteo 5:23.
Haharapin ng mga Pedyatrisyan ang Pagmamalabis sa TV
“Mahalaga na ang mga pedyatrisyan ay magkaroon ng mas aktibong bahagi sa mga bagay na may kinalaman sa telebisyon,” mungkahi ng magasing Pediatrics, at ang susog pa na “dapat nilang turuan ang mga magulang tungkol sa nakapipinsalang mga epekto ng karahasan sa telebisyon at ng iba pang ipinalalabas na hindi angkop sa mga bata.” Isinisiwalat ng isang surbey kamakailan sa Canada tungkol sa panonood ng telebisyon ng 311 mga pamilya na lahat ay nagmamay-ari ng di-kukulanging isang telebisyon. Sa 16 na porsiyento ng mga sambahayan, ito ay naiiwang nakabukas sa maghapon. Binanggit ng mga mananaliksik na “maraming bata ang nanonood ng telebisyon nang hindi tinatakdaan ng kanilang mga magulang at napapanood nila ang mararahas na mga eksena sa gulang na sila’y madaling maapektuhan at mahina.” Ang mga pedyatrisyan ay hinimok na babalaan ang mga magulang tungkol sa mga panganib ng maling paggamit sa telebisyon.
Mga Klerigo at ang Prostitusyon
Inirekomenda kamakailan ng dalawang kilalang klerigong Australiano ang isang mas mapagparayang pangmalas tungkol sa prostitusyon. Ang isa, isang obispong Anglicano, ay nanawagan na ito’y gawing legal, bagaman isinusog niya na hindi niya sinasang-ayunan ang prostitusyon mismo. Gayumpaman, inaakala niyang ang paggawa ritong legal ang pinakamabuting paraan upang maiwasan ang pagkalat ng sakit at upang pangalagaan ang “mga manggagawa may kaugnayan sa sekso.” Gayunman, sinabi ng isa pang klerigo na siya’y naniniwala na pinupunan ng prostitusyon “ang isang napakapositibong papel” sa katatagan ng lipunan. Sinipi siya ng pahayagang The Canberra Times na nagsasabing: “Inaakala kong sila [mga patutot] ay naglalaan ng isang dako ng kaaliwan, isang dako ng pagpapayo at terapi para sa maraming lalaki na ang mga buhay ay magiging mas mahirap pa kung wala ito. Sa paano man makabubuting kilalanin iyan. Naniniwala akong kinilala ito ni Kristo.” Nang tanungin kung siya ba ay naniniwala na ang isang Kristiyano ay maaaring maging isang patutot, ang klerigong ito ay sumagot: “Oo, naniniwala ako. Wala akong problema sa bagay na iyan. Maaaring may ilang maygulang na mga taong mamalasin ang kanilang papel bilang isang patutot na lubhang nakaaaliw, nalaluan ng pagpapayo ang kanilang misyon sa buhay.”Kawikaan 6:26; 23:27; tingnan din ang Apocalipsis 22:15.
Gayunman, inilalarawan ng Bibliya ang patutot bilang “isang malalim na hukay” na “humuhuli ng mahalagang kaluluwa.”—Kawalang-Kaya ng Gobyerno
Sa isang report na inilathala kamakailan, tinuligsa ng UN Development Program ang kawalang-kaya ng mga gobyerno na labanan ang karalitaan. Sinisipi ang report na ito, ipinaliliwanag ng pahayagang Pranses na Le Monde na sa ilang nagpapaunlad na mga bansa, ang “gastos sa armamento ay hindi kukulanging dalawang ulit na mataas kaysa gastos sa kalusugan at sa edukasyon.” Binanggit nito na ang “gastos sa militar ay tumaas ng tatlong ulit sa nagpapaunlad na bansa na kasimbilis ng pagtaas sa industrialisadong mga bansa.” Binabanggit ng report na “ang perang ginugol sa sampung araw sa Digmaan sa Gulpo ay sapat upang mabakunahan ang bawat bata sa daigdig sa susunod na sampung taon laban sa mga sakit na tumutugong mahusay sa mga bakuna.”
Pagdaig sa Trapiko
Sinubok kamakailan ng Ministri ng Trapiko sa Netherlands ang isang kakaibang paraan upang malutas ang problema ng buhul-buhol na trapiko kung rush-hour, ulat ng pahayagang Aleman na Süddeutsche Zeitung. Sa yugto ng pagsubok na isang taon, 31 empleado sa ministri ay pinayagang manatili sa bahay at magtrabaho roon, na ginagamit ang mga computer at mga makinang fax. Sinasabi ng tagapag-ugnay ng proyekto na ang eksperimento ay matagumpay. Ang mga kalahok ay nakabawas ng 25 porsiyento ng kanilang panahon sa pagsakay sa kanilang sasakyan at mas produktibo. Ang pamamaraan ay nakapagtitipid din. Hinihimok ngayon ng Ministri ng Trapiko ang iba pang organisasyon na subukin ang pamamaraang ito, na kilala sa ibang lugar bilang telecommuting.
Sobrang Dami ng Usa
Nitong nakalipas na mga taon, ang populasyon ng puting-buntot na usa sa Estados Unidos ay umabot sa tinatayang 25 milyon. Sa ilang estado ang bilang ay tatlong ulit ang dami. Iniuulat ng The New York Times Magazine na “taun-taon ang mga aksidente sa haywey na nauugnay-sa-usa ay nagbunga ng libu-libong malubhang mga pinsala sa mga tao, gayundin ng milyun-milyong dolyar na mga pinsala sa mga kotse at trak.” Sa estado ng Pennsylvania, halimbawa, mahigit na 40,000 usa ang napapatay sa bawat taon sa mga pagkabunggo sa haywey. May ilang kaso ng mga eruplanong bumubunggo sa puting-buntot na usa sa patakbuhan ng eruplano sa Dulles International Airport sa Washington. “Ang malaking problema ay ang posibleng kaugnayan sa pagitan ng dumaraming populasyon ng usa at ng Lyme disease, ang pinakamabilis-lumaganap na nakahahawang sakit sa bansa kasunod ng AIDS,” susog ng The New York Times Magazine.
Pagkain na Kasaliw ng Musika
Pinag-aaralan ng mga mananaliksik ang epekto ng background na musika sa mga ugali sa pagkain. Sa isang pag-aaral, binilang nila ang mga subo ng pagkain ng mga taong kumakain samantalang nakikinig sa iba’t ibang uri ng musika. Iniuulat ng Tufts University Diet & Nutrition Letter na kapag walang ipinatugtog na background na musika, ang mga kalahok “ay kumakain sa katamtamang bilis na 3.9 subo sa bawat minuto,” na ang sangkatlo sa kanila ay humihingi pa ng dagdag na pagkain pagkatapos maubos ang laman ng kanilang pinggan. Nang ang “masiglang mga himig” ay pinatugtog, ang mga nagsisikain “ay bumilis ang subo hanggang sa 5.1 subo sa bawat minuto.” Sabi pa ng report na “sa kabilang dako, ang nakahihinahong instrumental na mga tunog ng plauta ay nakapagpabagal sa bilis ng subo na hanggang 3.2 sa bawat minuto—at ang mga subo ay mas maliit.” Sa huling banggit, walang sinuman ang humingi pa ng dagdag na pagkain. Sa katunayan, karamihan ay nag-iwan pa ng pagkain sa kanilang mga pinggan, nakadaramang sila’y busog, at sabi pa nilang ang pagkain ay mas masarap ang lasa. Iniuulat, sila rin ay nagkaroon ng “mas kaunting reklamo sa pagtunaw ng pagkain.”
Mas Maraming Aborsiyon
Ang bilang ng mga babaing nasa gulang ng panganganak na legal na nagpapalaglag ng bata sa buong daigdig ay mula sa 5 sa bawat 1,000 babae sa Netherlands hanggang sa 112 sa bawat 1,000 babae sa Unyong Sobyet. Sang-ayon sa Demos, isang buletin na inilalathala ng Dutch Demographic Institute, 40 porsiyento ng populasyon ng daigdig ay nabubuhay ngayon sa mga bansang walang legal na pagbabawal sa mga aborsiyon.
Mga Aksidente sa Bisikleta
Ang mga kabataang taga-Canada ay nasasangkot sa tinatayang 2,000 mga aksidente sa bisikleta sa isang taon. Ang mga pinsala sa ulo ang pinakamaselang at maaaring kasali rito ang pangmatagalang mga problema sa memorya, pagtutuon ng isip, at pagkakatimbang. “Kung minsan ang mga pagbabago ay pansamantala. Kung minsan ang personalidad at ang potensiyal ay nababago magpakailanman,” sabi ng The Toronto Star. Sa kadahilanang ito ang Canadian Medical Association at ang isang kompaniya ng mga gamot ay “naglunsad ng isang kampaniya sa buong Canada upang himukin ang mga batang nagbibisikleta na magsuot ng mga helmet,” ulat ng Star. Ang Medical Association ay nagsasabi na ang pagsusuot ng pananggalang sa ulo ay “nakababawas sa panganib na ang bata ay magkaroon ng maselang pinsala sa ulo ng 85 porsiyento.” Gayunman, binabanggit ng Star na 5 porsiyento lamang ng mga bata ang nagsusuot ng mga helmet samantalang nagbibisikleta.