Pagtanaw sa Sansinukob
Pagtanaw sa Sansinukob
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Hawaii
KUNG nais mong lingunin ang nagdaang panahon, magagawa mo ba ito? Ang sagot ay oo!
Sa katunayan, tuwing titingin tayo sa mabituing langit, tayo’y tumatanaw sa nagdaang panahon. Subalit saan tayo maaaring magtungo upang maranasan ang gayong kahali-halinang pagtanaw sa nagdaang panahon? Bueno, tulad ng sinaunang mga taga-Polynesia na sinundan ang mga bituin upang matuklasan ang Hawaii, kaya marami ngayon ang naghahangad na sundan o pagmasdan ang mga bituin pagdating sa islang estado na ito. Gayunman, natuklasan nila ang pinakamataas na anyo ng astronomikal na teknolohiya—isang teknolohiya na nagpapangyari sa mga tao na tumingin sa dako pa roon ng nagdaang panahon.
Tayo nang maglakbay sa isla ng Hawaii, o sa Big Island. Doon ay aakyat tayo sa tuktok ng isang patay na bulkan na tinatawag na Mauna Kea. Sa
taas na 4,205 metro, dadalawin natin ang ilan sa pinakamagaling na mga obserbatoryong pangkalawakan sa daigdig, na nakatalaga sa pagtanaw sa sansinukob.Pag-akyat sa Mauna Kea
Nagsisimula sa madaling-araw, ang aming paglalakbay sa tuktok ng Mauna Kea ay mahaba at paliku-liko. Lumabas kami sa tropikal na klima ng mas mababang elebasyon, kung saan may mahigit na 500 centimetro ng ulan sa isang taon, at umakyat kami tungo sa ilang na mga dalisdis ng patay na bulkang ito, kung saan ang niyebe ay maaaring manatili ng ilang buwan. Habang kami’y mabilis na umaakyat sa kaitaasan, nakikita namin ang aming sarili sa isang matarik at mapanganib na daan. Ngayon ay naunawaan namin kung bakit isang four-wheel-drive na sasakyan ang kailangan.
Sa wakas, narating namin ang tuktok ay nakita namin na ito ay nakakalatan ng maraming obserbatoryo. Ang atmospera rito ay presko, maliwanag, at talagang malinaw. Ipinarada namin ang sasakyan at kami’y lumabas. Bigla kaming nangiki sa masigla, napakalamig na hangin. Gayunman, habang kami’y tumitingin sa paligid, kami’y tuwang-tuwa. Kami’y nakatayo sa isang ilang na bulkan, sa itaas ng tumatakip na alapaap, na para bang kami’y nahiwalay sa lahat ng iba pang mga tanawin ng lupa at karagatan!
Bakit Dito?
Maaga noong 1960’s, sinimulan ng mga astronomo na magtayo ng kanilang unang obserbatoryo sa Big Island upang tanawin ang kalawakan at ang nakaraan. Subalit bakit dito, sa tuktok ng isang islang bulkan, malayo sa Karagatan ng Pasipiko?
May apat na pangunahing dahilan kung bakit ang pantanging lugar na ito ay kapaki-pakinabang para sa pagsusuri sa mabituing langit: (1) ang mataas na persentahe ng maaliwalas na mga gabi sa bawat taon; (2) ang kalinawan at katatagan ng hangin, ipinahihintulot ang hindi gaanong magulong pagmamasid; (3) ang lubhang mababang antas ng liwanag sa gabi, protektado ng mga ordinansa ng lungsod tungkol sa liwanag sa Big Island; at (4) ang napakababang kahalumigmigan. Bakit mahalaga ang huling salik na iyon? Sapagkat ang kahalumigmigan ay nakasasagabal sa ilang uri ng instrumento.
Kahit na sa pamamagitan lamang ng ating mga mata, madali nating makita ang pambihirang mga katangian ng atmospera na gumagawa ritong isang mahusay na dako para sa pagtanaw sa kalawakan. Hindi kataka-taka na ang Mauna Kea ay itinuturing na isang halos-sakdal na dako para sa pagmamasid sa mga bituin.
Sa Loob ng mga Obserbatoryo
Nakilala namin ang aming giya at kasama niya ay nagtungo kami sa W. M. Keck Observatory. Ito ay naglalaman ng pinakamalaki at pinakamalakas na teleskopyo na nagawa hanggang sa ngayon.
Pagpasok namin, agad namin natalos na ang mga astronomo ay hindi na sumisilip sa mga teleskopyong ito sa pamamagitan ng kanilang mga mata. Hindi, lipas na ang mga panahong iyon! Ngayon, ang mga siyentipiko ay nakikipag-ugnayan sa teleskopyo sa pamamagitan ng malalakas na mga computer at iba pang modernong mga kagamitan. Ang kagamitang ito na tinutulungan-ng-computer ay may kakayahang makita ang bilyun-bilyong ulit ng nakikita ng mata.
Nakalilito sa isipan, hindi ba? Sa pamamagitan ng teknolohiyang ito ay makukuha ng mga astronomo ang sapat na impormasyon sa loob lamang ng ilang araw ng pagmamasid upang sila’y maging abala sa loob ng ilang buwan pagkatapos sa pagtatasa sa kung anong impormasyon ang kanilang natipon.
Itinatawag-pansin ngayon ng aming giya sa amin kung ano ang gumagawa sa W. M. Keck Obserbatory na nangunguna sa astronomikal na teknolohiya—ang pambihirang disenyo ng teleskopyo nito. Napansin namin ang 36 na piraso ng salamin na may anim na gilid, ang bawat isa’y halos uno punto otso metro ang lapad. Ang mga ito ay katumbas ng isang salamin na 10 metro sa diyametro.
Inilalarawan kung paano kumikilos ang teleskopyong ito, ganito ang sabi ng isang artikulo na inilabas ng California Association for Research in Astronomy: “Sa kanilang mga posisyon na kontrolado ng elektroniks sa kawastuan ng isang-ikamilyon ng isang pulgada—isang libong beses na manipis kaysa buhok ng tao,” at sangkapat
lamang ng mga salamin nito ang nasa puwesto, ito ay “katumbas ng lakas ng 5-metrong Teleskopyong Hale sa Palomar Observatory” sa California.Hindi lamang iyan. Ipinaaalam din sa amin ng aming giya na katatanggap lamang nila ng pondo para sa ikalawang teleskopyo na ilalagay katabi ng isang ito, na itinatayo pa. Ang dalawang teleskopyong ito ay kikilos bilang isang pares ng dambuhalang largabista sa kalawakan, na tatanaw sa dako pa roon ng kalawakan na kailanma’y naisip noon. Talagang nakatutuwang kami’y naririto!
Gayunman, sa mataas na altitud, ayaw naming matuwa nang labis dahil baka magkaroon kami ng hypoxia, kakulangan ng oksiheno sa mga himaymay ng katawan. Nadarama namin na ang talas ng aming isip ay hindi pinakamagaling habang nakikipagbaka kaming ipokus ang aming isipan at magsalita. Sa katunayan, ang pagkilos nang napakabilis o ang paggamit ng labis na enerhiya sa taas na ito ay maaaring pagmulan ng sakit ng ulo, pagsusuka, at pagkawala ng malay. Tiyak, hindi ito ang dako para sa sinuman na masakitin.
Kaya, pagkatapos gumugol ng limang oras sa tuktok, panahon na upang bumaba ng bundok sa taas na 2,800-metro. Ito’y isang makasaysayang umaga hanggang sa puntong ito.
Ano ang Sinasabi sa Atin ng mga Bituin?
Sa taas na 2,800-metro, may mga tuluyan at pasilidad para sa mga 50 astronomo at mga katulong na tauhan. Naririto rin sa antas na ito ang sentro para sa mga bisita, kung saan makaririnig ka ng mga lektyur tungkol sa mga obserbatoryo sa Mauna Kea.
Karagdagan pa, bilang handog sa mga nais magpaiwan, mayroong pagmamasid sa mga bituin sa gabi mula sa 28-centimetrong teleskopyo, na may komentaryo ng isa sa kuwalipikadong mga siyentipiko ng University of Hawaii. Kung mananatili ka, gaya ng ginawa namin, hindi ka mabibigo. Sabihin pa, isa itong ekselenteng paraan upang matuto kung anong patotoo ang maibibigay ng mga bituin at upang kompletuhin ang isang natatanging araw.
Maaaring magtaka ka kung bakit sinabi namin kanina na maaari nating lingunin ang nagdaang panahon. Ang isang halimbawa ay maaaring makatulong sa iyo upang maunawaan ang ideyang ito. Kunin halimbawa, ang Andromeda galaksi. Sa isang maaliwalas na gabi, ang liwanag nito ay maaaring makita ng mata. Ngayon, nalalaman kung gaano kalayo ang islang iyon ng mga bituin sa kalawakan mula sa lupa at na ang liwanag ay naglalakbay sa bilis na 299,792 kilometro sa isang segundo, natiyak ng mga siyentipiko na ang liwanag na nakikita mo mula sa Andromeda galaksi ay 1.5 milyong taóng gulang! Oo, ang pagtanaw sa liwanag ng bituin ay sa katunayan paglingon sa nagdaang panahon.
Sa pamamagitan ng bagong maunlad na mga teleskopyong ito sa Mauna Kea, ang tao ngayon ay may kakayahang lumingon sa nagdaang panahon at sa gawi pa roon ng kalawakan. Ito’y dahilan sa ang makabagong mga teleskopyo ay mas malakas kaysa mata ng tao. Oo, tinatayang sa kasalukuyang teknolohiya, nakikita ng mga astronomo ang liwanag ng bituin na walong bilyong taóng gulang! Sa pagtitipon ng gayong mga impormasyon, inaasahan nilang mauunawaan nila nang higit ang mga bituin at kung paano nagkaroon ng sansinukob.
Tunay na ang araw na ito ay naging isang araw na walang katulad para sa amin na mga bisita. Ang nakita namin ay mananatili sa aming alaala. Ang nakikita ng mga astronomo at makikita pa ay nagpapangyari sa atin na mamangha sa mga kababalaghan ng paglalang. Hindi na kami basta titingin sa mabituing langit sa gabi at tatalikod. Mula ngayon, aalalahanin namin ang pagkakataong ito at ang kagandahan ng bundok na ito kung saan naroon ang mga obserbatoryo.
Harinawang ang gayong mga karanasan ay magpakilos sa ating lahat na pahalagahan ang Isa na gumawa ng sansinukob na isang pinagmumulan ng paghanga natin.—Isaias 40:26; 42:5.
[Picture Credit Line sa pahina 25]
California Association for Research in Astronomy