Ang Pangarap na Pagkakaisa sa Europa
Ang Pangarap na Pagkakaisa sa Europa
“SA BUNGAD ng Isang Pangarap.” Ganiyan ang ulong-balita ng pahayagang The European sa isang artikulo tungkol sa “mabilis na pagsasama-sama o pagkakaisa sa Europa.” Paano natupad ang pangarap? Nabigyan-matuwid ba ang matatayog na mga inaasahan na pinukaw nito?
Sandaling panahon pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, iminungkahi ni Winston Churchill ang pagtatatag ng isang “Estados Unidos ng Europa.” Mula noon ang mga bagay ay waring patungo sa direksiyong iyon. Ngayon, ang taóng 1992 ay ipinagbubunyi bilang isang mahalagang taon sa pagtupad ng pangarap na ito. Subalit bakit 1992?
Sa maikli, sa pagtatapos ng susunod na taon, ang 12 miyembro ng EC (European Community) ay nagbabalak na abutin ang ganap na pagkakaisa sa ekonomiya. Ito’y mangangahulugan ng wakas sa lahat ng mga hadlang na taripa. Papayagan nito ang mga mamamayan sa loob ng Pamayanan na kumilos nang walang mga pagbabawal mula sa isang bansa tungo sa isang bansa, taglay ang katulad na mga posibilidad sa trabaho at mga karapatan na gaya ng lokal na mga mamamayan. Sa wakas, isang panlahat na pera ang pagtitibayin, ang mga mamamayan ay bibigyan ng Europeong mga pasaporte at mga lisensiya sa pagmamaneho, at isang bangko sentral sa Europa ang itatatag. Itataguyod ang panlahat na mga patakaran may kaugnayan sa mga suliraning pangkapaligiran at ang paggamit ng enerhiyang nuklear. Ang mga batas sa trapiko at iba pang batas ay pagtutugmain.
Ang EC sa gayon ay magiging ang ikatlong pinakamalaking pamilihan sa daigdig. Ganap na sangkalima ng lahat ng kalakalan ng daigdig—kapuwa ang pag-aangkat at pagluluwas—ay magsasangkot ng isang miyembrong estado ng EC. Kaya ang mga patakaran nito sa ekonomiya ay makatuwiran na makaiimpluwensiya sa ekonomiya ng buong daigdig, kasali na ang ekonomiya ng nagpapaunlad na mga bansa.
Ipinakikita ng isang surbey kamakailan na halos 70 porsiyento ng lahat ng Europeo ay pabor sa isinaplanong mga pagbabago. Sa katunayan, higit pa ang gusto ng maraming mamamayan ng EC. Itinataguyod ng halos tatlong-kapat sa kanila ang pagsasama-sama sa siyentipikong pananaliksik at sa pagtitibay ng pantay-pantay na mga benepisyo ng social-security. Mahigit na kalahati sa kanila ang pabor pa nga sa pagsasama sa isang panlahat na patakarang panlabas.
Kaya nga, ang hilig ay hindi lamang tungo sa pagkakaisa sa ekonomiya kundi gayundin sa posibilidad na pagkakaisa sa pulitika. Ngayon, dahil sa di-inaasahang biglang mga pangyayari, ang di-sukat akalaing mga pangyayari ay nagbigay ng bagong pampasigla sa tunguhing ito.
“Kami’y Itinutulak”
Noong Nobyembre 9, 1989, gumuho ang Pader ng Berlin. Ang ideya ng muling pagkakaisa ng Alemanya, madalas na pinag-uusapan subalit itinuturing na di-makatotohanan, ay minsan pang naging paksa ng mainit na debate. Ang muling pagkakaisa ngayon ay waring di-maiiwasan, ngunit bihira lamang ang nangahas na humula kung gaano kabilis ito darating. Nang ang Alemang kansilyér na si Helmut Kohl ay paratangan ng napakabilis na pagtutulak sa mga balak na pagkakaisa, sabi niya: “Hindi ako ang nagsisikap na pabilisin ang mga bagay-bagay. Kami’y itinutulak.” Noong Oktubre 3, 1990,—wala pang 11 buwan pagkatapos gumuho ang Pader—ang mga Aleman ay nagdiriwang. Ang Alemanya ay minsan pang nagkaisa.
Ang daigdig ay nagalak na natapos na ang Cold War, gaya ng pinatutunayan ng pagkakaisa ng Alemanya. Samantala, isa pang di-inaasahang pangyayari ang umaagaw ng mga ulong-balita. Paano makaaapekto ang pagsalakay ng Iraq sa Kuwait sa mga plano para sa 1992? Ang peryudistang si John Palmer ay nagsabi: “Ang krisis sa Gulpo ay nagpapabilis sa halip na nagpapabagal sa pagkakaisa ng ekonomiya at pulitika ng European Community—
at maaaring minamadali ang araw kapag ang EC ay magpapatakbo ng isang panlahat ng patakarang panlabas at depensa.”Gayunman, noong panahon ng krisis na ito at ang nakatatakot na mga araw ng digmaan na kasunod nito, ang European Community ay hindi nakarating sa isang panlahat na patakaran. Ito ang umakay sa The European na isulat sa editoryal nito: “Ang kahinaan ng Community sa sandali ng malaking internasyonal na krisis ay nagpapakita kung gaano kahalaga para sa Europa na magtatag ng isang panlahat na depensa at patakarang panlabas na mangpapangyari rito na kumilos na may pagkakaisa at tiwala-sa-sarili.” Nagwawakas sa positibong tono, sabi nito: “Ang krisis sa Gulpo ay maaaring magbigay sa Europa ng isang pagkakataon na baguhin ang kaawa-awang pagtatanghal nito at kumuha ng malaking hakbang sa pagpapakita na ang pagkakaisa sa pulitika ay maaaring maging isang katotohanan.”
Ang mga Inaasahan ay Lalo Pang Tumaas
Parami nang paraming bansa ngayon ang gustong sumali sa EC. Ang Austria, Cyprus, Malta, at Turkey ay nag-aplay para sa pagiging miyembro nito. Ang iba pa na malamang sumali ay ang Finland, Iceland, Norway, Sweden, at Switzerland. Kahit na ang dating mga bansa sa Silangang Bloke ay nagpakita ng interes, kasali ang Czechoslovakia, Hungary, at Poland. Gayunman, ang aplikasyon ng mga bansang iyon ay hindi isasaalang-alang hanggang makalipas ang 1992, kapag ang ganap na pagkakaisa sa ekonomiya ng 12 miyembro ng EC ay naging katotohanan na.
Sabihin pa, maraming pagsulong ang nagawa sa pagkakaisa ng Europa—at ito ay sa bilis na dati’y inaakalang malamang na hindi mangyari at sa lawak na mas malaki kaysa dating napangarap ng tao. “Nakikita namin ang isang bagong kaayusan sa Europa kung saan ang mga hangganan ay hindi na magiging hadlang, kung saan ang mga bansa ay maaaring mamuhay nang walang takot sa isa’t isa, at kung saan ang mga tao ay malayang pumili ng kanilang sariling sistema sa pulitika at lipunan.” Gayon ang isinulat ni Hans-Dietrich Genscher, minister ng ugnayang panlabas ng Alemanya, sa pasimula ng 1990’s. Susog pa niya: “Ang pangitaing ito ay hindi na isang pangarap. Ito’y maaari nang abutin.”
Subalit ang pagkakaisa bang iyon ay makatotohanang asahan? Kung gayon, ito ba’y magbibigay ng pag-asa na ang pagkakaisa sa Europa ay isa lamang panimulang hakbang tungo sa isang bagay na mas malaki—tungo sa pagkakaisa ng daigdig?
Walang magkakaila na ang daigdig ay nangangailangan ng pagkakaisa, sapagkat ang pagkakaisa ay magiging isang malaking tulong sa paglutas ng ilan sa pinakamaselang mga suliranin ng tao. Isip-isipin kung ano ang maaaring makamit kung ang panahon at lakas na nasasayang sa di-pagkakasundo ay gamitin sa nagkakaisang pagsisikap upang lutasin ang panlahat na mga suliranin para sa kabutihan ng lahat!
Sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng kanilang mga sistema sa ekonomiya at pananalapi, parami nang paraming bansa ngayon ang waring
may tangkang subukin ang pagkukusa ng isa’t isa na magtulungan. Halimbawa, sa paghahangad ng isang panlahat na pamilihang pangkabuhayan sa Asia, ang mga bansang Australia, Brunei, Canada, Indonesia, Hapón, Malaysia, New Zealand, Pilipinas, Singapore, Republika ng Korea, Thailand, at ang Estados Unidos ay bumuo ng kaayusang pang-ekonomiya na tinatawag na Asia Pacific Economic Cooperation noong 1989.Kaya ang senaryo ay: isang bagong nagkaisang Alemanya, na nasa malapit nang magkaisang Europa, na patungo sa malapit nang magkaisang daigdig. Ang ideya ay tila man din mabuti, ngunit makatotohanan bang maniwala na ito ay maisasagawa?
Muling Pagkaisahin ang Alemanya—Mahirap!
Bagaman ang Alemanya ay napagkaisa sa pulitika at ekonomiya sa mahigit na isang taon, ang bansa ay nagpupunyagi. Umiiral pa rin ang litaw na mga pagkakaiba sa pagitan ng limang bagong estado (dating Silangang Alemanya) at ng iba pang bahagi ng bansa. Ang pagsasaya tungkol sa muling pagkakaisa ay nagbigay-daan sa kabatiran na ang pagkakaisa ay pinagbabayaran ng mahal. Sa anu’t anuman, ang lahat, pulitiko at mga mamamayan, ay sapilitang pinagbabayad.
Maaga sa taóng ito, ang The European ay bumanggit tungkol sa “krisis ng damdamin” na umiiral sa kung ano ang dati’y Silangang Alemanya. Dahil sa ganap na katotohanang pangkabuhayan ng muling pagkakaisa at sa pagbagsak ng Komunistang kaayusang panlipunan, ang mga doktor doon ay nag-uulat ng lubhang pagdami ng karamdaman sa isipan at mga sakit na nauugnay sa panggigipit.
Si Dr. Gisela Ehle, isang saykayatris, ay nagsasabi na “ang pagkadama ng kawalang-kaya ay parang epidemya” at na “ang lahat ng kausapin mo ay nanlulumo.” Sa katunayan, lahat ng malaking pagbabagong pinagmumulan ng panlulumo ay nararanasan ng mga tao: “kawalan ng trabaho, mga suliranin sa pag-aasawa, kawalang-katiyakan sa hinaharap, mga suliranin sa pananalapi, krisis sa pagkakakilanlan, kadalasa’y malubhang pagkawala ng katayuan sa lipunan at ang panlahat na kakulangan ng layunin sa buhay.”—The European.
Pagkaisahin ang Europa—Mas Madali?
Kung ang muling pagkaisahin ang mga Aleman, mga taong may iisang makasaysayang pinagmulan na nagsasalita ng iisang wika, ay mahirap, ano pa kaya ang paglikha ng “Europa na walang mga hangganan” na pinananawagan ng papa sa Roma? Ang pagkakamit ng pagkakaisa sa 1992 na pinagsusumikapan ng EC—ang pagkakaisa ng 12 ekonomiya sa iba’t ibang yugto ng pag-unlad at lakas, 12 bansa na may nagkakaibang antas ng mga walang trabaho at implasyon—ay magiging mahirap nga.
Maliwanag, ang 1992 ay lilikha ng mga talunan gayundin ng mga nagwagi. Sa pinalawak na pamilihan ng EC ng mga 320 milyong inaasahang mga mámimili, ang ilang negosyo ay higit na makakakompetensiya kaysa iba. Gayunman, sinasabi ng ilang negosyante na dalawa sa tatlong kompaniya sa EC ay negatibong maaapektuhan. Isa pa, bagaman maaaring tanggapin ng mga manlalakbay ang pag-aalis ng mga kontrol sa adwana, tinatayang 80,000 opisyal sa adwana sa buong Europa ang mangangailangan ng bagong trabaho.
Si Paul Wilkinson, isang propesor sa internasyonal na pag-aaral, ay nagpapaalaala sa atin na bagaman tayo’y pumapasok sa 1992, “ito ay Europa pa rin ng magkakahiwalay na mga soberanyang entidad,” bawat isa’y may “kani-kaniyang tradisyon ng pagpapatupad ng batas” at “kani-kaniyang legal na sistema.” Siya’y nagbabala: “Ang pagtutulungan ay mangyayari nang dahan-dahan at masakit.”
Bukod sa mga problema ng wika, nagkakaibang pinagmulan sa lipunan, at nagkakasalungatang mga paraan sa negosyo, marahil ang pinakamalaking problema sa lahat na dapat harapin ay ang pagtatagumpay sa matagal-mapawing pambansang mga di-matuwid na opinyon. Gaya ng minsa’y sinabi ng dating Alemang kansilyér na si Willy
Brandt: “Ang mga pader o hadlang sa isipan ay karaniwang nagtatagal kaysa yaong mga pader na yari sa kongkreto.”Gayunman, ang kalagayan ay punô ng pag-asa, ang mga inaasahan ay masigla. “Walang nag-aakala na ang 1992 ay magiging madali,” sulat ng isang peryudista sa negosyo, “subalit ang hinaharap ay waring maliwanag.”
Gaano Katotoo?
Kahit na kung makamit ang pagkakaisa kapuwa sa ekonomiya at pulitika, bubuo ba ito ng saligan para magkaroon ng tunay na kapayapaan at nagtatagal na katiwasayan? Bueno, isaalang-alang: Bagaman ang Estados Unidos ng Amerika ay binubuo ng 50 estado na may kani-kaniyang mga batas at pamahalaan na nagkakaisa sa ekonomiya sa ilalim ng isang pambansang pamahalaan, ang bansa ay mayroon pa ring angaw-angaw na mga walang trabaho; ang katatagan nito sa ekonomiya ay pinagbabantaan pa rin ng pana-panahong resesyon at depresyon, gayundin ng paulit-ulit na pakikipaglaban sa implasyon. At ang sukat ng pagkakaisa sa pulitika ay hindi humadlang sa bansa na dumanas ng matinding polusyon, krimen, pag-abuso sa droga, karalitaan, at pagtatangi dahil sa lahi.
Tungkol sa kaguluhan sa kaniyang bansa, ang mananalaysay na Sobyet na si Yuri Afanasyev ay nagsabi: “Ang pinakamalaking problema ng ating bansa ay galing sa di-inaasahang dako: sa ating sarisaring pamilya ng mga nasyonalidad. . . . Naniniwala tayo na ang ating imperyo ay protektado mula sa gayong mga suliranin; tutal, hindi ba’t tayo’y nagtatamasa ng isang imyunidad sa ating ‘walang-hanggang kapatiran ng mga tao’?”
Ang pagkakaisa sa ekonomiya at pulitika ay maliwanag na hindi sapat upang lumikha ng tunay na pagkakaisa. Upang lumikha ng isang “walang-hanggang kapatiran ng mga tao,” higit pa ang kinakailangan. Ano?
Matatag na mga Inaasahan
Kung saan umiiral ang tunay na pagkakaisa, ang digmaan ay di-kilalá. Subalit isang di-matututulang patotoo na ang mga tao ay lubhang di-magkasundo ay ang bagay na sila’y nagpapatayan sa isa’t isa sa loob ng mga milenyo. Magwakas pa kaya ang walang-saysay na pag-aaksayang ito ng buhay ng tao?
Oo, ito’y magwawakas. Ang ipinahayag na layunin ng Diyos ay ang pagdadala ng isang mapayapang daigdig. Papaano? Sa pamamagitan ng ganap na disarmamento. Sa ilalim ng pagkasi ang salmista ng Bibliya ay sumulat: “Halikayo, kayo bayan, tingnan ang mga gawa ni Jehova, kung paanong gumawa siya ng kamangha-manghang mga pangyayari sa lupa. Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.”—Awit 46:8, 9.
Galit na galit na sinasalansang ng Diyablo ang patakarang ito ng Diyos para makamit ang pagkakaisa sa daigdig. Mula noong Digmaang Pandaigdig I, ang mga salita sa Bibliya ay kumakapit: “Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo’y bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalamApocalipsis 12:12.
niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.”—Ang pagkakaisa ng daigdig, at ang kaakibat nitong tunay na kapayapaan at katiwasayan, ay salig sa nagkakaisang pagsamba sa Diyos na “pinatitigil ang mga digmaan”; hindi ito salig sa hiwa-hiwalay na pagsamba sa kaniyang karibal, na inilalarawan na “may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.” Upang matupad ang ating mga inaasahan para sa pagkakaisa ng daigdig, dapat na ito’y batay sa pagtanggap sa katotohanan na ang Kaharian ng Diyos ay totoo, na ito ay isang literal na pamahalaan na nagpupunò sa kalangitan. Ang pandaigdig na pamahalaang ito na binigyan-karapatan ng Diyos na Jehova mismo ang tanging paraan upang makamit ang pagkakaisa sa daigdig.
Ang Kaharian ng Diyos ay bumubuo na ng nukleo ng isang nagkakaisang makalupang lipunan na hahalili sa hiwa-hiwalay, nagdidigmang daigdig na ating nakikilala. Ang hula ng Bibliya ay nagsasabi: “At mangyayari sa huling bahagi ng mga araw . . . maraming bayan [mula sa lahat ng bansa] ang tiyak na paroroon at magsasabi: ‘Halikayo, kayong mga tao, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tayo’y kaniyang tuturuan sa kaniyang mga daan, at tayo’y lalakad sa kaniyang landas.’ . . . At papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mangag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”—Isaias 2:2-4.
Hindi inilalarawan ng hulang ito ng Bibliya ang isang bagong kaayusang pandaigdig na idinisenyo ng tao, kahit na ang magandang mga salitang ito ay nakasulat sa pader sa plasa ng United Nations sa Lungsod ng New York. Bagkus, ang hulang ito tungkol sa kapayapaan at pagkakaisa sa gitna ng maraming bayan ay natutupad ngayon sa gitna ng mga Saksi ni Jehova, na galing sa mahigit na 200 bansa sa daigdig. Sa gitna nila ay makikita ang di-nagkakamaling katibayan na binubuo na ang isang bagong sanlibutang lipunan.
Ang mga Saksi ni Jehova ay kusang napatuturo sa Salita ng Diyos. Ikinakapit nila ang mga bagay na natututuhan nila, pati na ang payo na mamuhay nang payapa sa pamamagitan ng pagtalikod sa paggamit ng mga sandatang pandigma. Kaya tinatamasa nila ang isang internasyonal na pagkakaisa na hindi nararanasan ng anumang ibang organisasyon sa lupa, ito man ay panrelihiyon, pang-ekonomiya, o pampulitika. Tiyak na ito’y ipinakita sa mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova nitong nakaraang tag-araw, nang sa Silangang Europa lamang, mahigit na 370,000 ang nagkatipun-tipon sa kapayapaan at pagkakaisa!
Oo, walang sinuman sa atin ang nakatitiyak kung hanggang saan lawak matutupad ang mga inaasahan sa ekonomiya at pulitika sa 1992. Subalit makatitiyak tayo sa iba pang mga inaasahan. Halimbawa, masasaksihan ng 1992 ang pagpapatuloy, ayon sa iskedyul, ng paghahanda ng Diyos na hahantong sa paggawad ng hatol ng Diyos sa sanlibutan ni Satanas. (Isaias 55:11; Habacuc 2:3) Kaya, ang 1992 ay magdadala sa tapat na mga Kristiyano na isang taóng mas malapit sa buhay sa ipinangakong bagong sanlibutan ng Diyos, na tinatahanan ng katuwiran.
Inaanyayahan ng mga Saksi ni Jehova ang mga umiibig sa pagkakaisa ng daigdig na maingat na suriin ang salig-Bibliyang mga inaasahang ito para sa hinaharap. Ito’y matatayog na mga inaasahan na matutupad!
[Kahon sa pahina 21]
Tungo sa Pagkakaisa sa Europa
1948: Ang Belgium, Netherlands, at Luxembourg (Benelux) ay lumikha ng samahan sa adwana, itinatatag ang saligan para sa samahang pangkabuhayan noong 1960 at ang pag-aalis ng mga kontrol sa hangganan noong 1970
1951: Ang kasunduang Franco-German Coal and Steel Community ay nilagdaan sa Paris
1957: Itinatag ng Treaty of Rome ang EC (European Community) na ang BELGIUM, ang PEDERAL NA REPUBLIKA NG ALEMANYA, PRANSIYA, ITALYA, LUXEMBOURG, at ang NETHERLANDS bilang mga miyembro ng karta
1959: Itinatag ng Austria, Britaniya, Denmark, Norway, Portugal, Sweden, at Switzerland ang European Free Trade Association
1973: Ang BRITANIYA, DENMARK, at IRELAND ay sumali sa EC
1979: Ang European Monetary System ay naitatag; ginanap ang unang tuwirang eleksiyon sa Parlamentong Europeo
1981: Ang GRESYA ay tinanggap sa pagiging miyembro ng EC
1986: Ang PORTUGAL at ESPANYA ay sumali sa EC
Pansinin: Ang 12 miyembrong estado ng EC ay ipinakikita sa malalaking titik.
[Larawan sa pahina 23]
Kapag nagwakas ang kontrol sa mga adwana, 80,000 tao ang mangangailangan ng bagong trabaho