Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Madulang Pag-unlad

Madulang Pag-unlad

Madulang Pag-unlad

ANG mga Saksi ni Jehova ay hindi kailanman naging isang banta sa pulitikal na mga awtoridad ng mga bansang kanilang pinamumuhayan, at ito ay kinikilala ngayon. Nang nagkokomento tungkol sa isa sa mga kombensiyon ng tag-araw na ito sa Unyong Sobyet, ang pahayagang Krasnoyarskiy Komsomolets ay nagsabi: “Sa wakas ay kinilala ng mga ideologo ng ating bansa na ang bayan ni Jehova ay hindi banta sa kautusan at kaayusan ng madla.”

Sa kahawig na paraan, ang pahayagang Sobyet na Vostochno-Sibirskaya Pravda ay nag-ulat: “Yamang ang organisasyon ng mga Saksi ni Jehova ay ganap na relihiyoso, hindi sila nakikibahagi sa pulitikal na mga alitan at hindi nila pinasisigla ang kanilang mga miyembro na sumuporta sa alinmang pulitikal na bloke, subalit itinataguyod nila ang awtoridad ng Bibliya at ng Awtor nito, ang Diyos na Jehova.”

Pag-unlad Noong Unang mga Taon

Sa loob ng maraming dekada ang mga Saksi ni Jehova ay aktibo sa Silangang Europa. Noong dakong huli ng 1930’s, ang Romania ay may mahigit na dalawang libong Saksi, ang Poland ay may isang libo, at ang Czechoslovakia at Hungary ay daan-daan, at may ilang dosena sa Yugoslavia. Bagaman ang malawak na Unyong Sobyet ay may kaunti lamang bilang, ito ay nagbago sa magdamag.

Isang espesyalista sa mga pangyayari sa Sobyet, si Walter Kolarz, ay nagsabi sa kaniyang aklat na Religion in the Soviet Union na ang ibang mga Saksi ay nakapasok sa Russia “sa pamamagitan ng mga teritoryong isinanib ng Unyong Sobyet noong 1939-40, kung saan may maliit subalit aktibong grupo ng mga Saksi ni Jehova.” Sa gayon, ang mga Saksing nakatira sa silangang mga bahagi ng Poland, Czechoslovakia, at Romania ay biglang nasumpungan ang kanilang mga sarili na nailipat, wari ba ay sa loob ng magdamag, sa Unyong Sobyet!

Ang isa pang paraan na ang mga Saksi ni Jehova ay naipakilala sa Unyong Sobyet ay sa pamamagitan ng mga piitang kampong Aleman. Paano? Bueno, noong Digmaang Pandaigdig II, nasumpungan ng mga bilanggong Ruso ang kanilang mga sarili sa mga kampong ito kasama ng libu-libong mga Saksing Aleman. Ang mga Alemang ito ay itinapon sa mga kampo sapagkat kanilang pinanatili ang matatag na paninindigan sa Kristiyanong neutralidad. (Juan 17:16; 18:36) Pinili pa nilang magdusa at mamatay sa halip na labagin ang kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng pagsali sa hukbo ni Hitler at sa gayo’y magkasala ng pagpatay sa kanilang kapuwa mga Kristiyano sa ibang bansa o sa pagpatay kaninuman sa bagay na iyan.​—1 Juan 3:10-12.

Kaya, gaya ng sulat ni Kolarz, “ang mga piitang kampong Aleman, hindi kapani-paniwala, ay isa sa mga alulod na sa pamamagitan nito ang mensahe ng mga Saksi ni Jehova ay nakarating sa Russia. Dinala ito roon ng mga bilanggong Ruso sa Alemanya na humanga sa tibay ng loob at katatagan ng ‘mga Saksi’ at marahil sa kadahilanang iyan nasumpungan nilang kaakit-akit ang kanilang teolohiya.” Sa piitan lamang ng mga babae sa Ravensbrück, maraming kabataang Ruso ang iniulat na tumanggap ng mensahe ng Bibliya na inihayag ng mga Saksi ni Jehova.

Pagkatapos ng digmaan, ang mga bilanggo buhat sa mga bansa sa Silangang Europa na naging mga Saksi ni Jehova ay nagbalik sa kani-kanilang sariling bayan. Doon sila’y masigasig na nagturo na ang pamamahala ng Kaharian ng Diyos ang tanging pag-asa para sa nagtatagal na kapayapaan. Kaya, ang bilang ng mga Saksi sa Silangang Europa ay biglang dumami. Noong Abril 1946, may mahigit lamang apat na libo ang nangangaral sa Unyong Sobyet, at ang bilang na ito ay mabilis na dumoble. Noong Setyembre 1946, ang mga Saksi sa Romania ay nagdaos ng isang kombensiyon sa Bucharest na dinaluhan ng halos 15,000 katao.

Sandaling panahon pagkatapos niyan, nagsimula ang Cold War, at sinarhan nito ang paglalakbay at komunikasyon sa pagitan ng Silangang Europa at ng Kanluran. Isa pa, sinimulang salansangin ng bagong namumunong mga kapangyarihan sa Silangang Europa ang mga Saksi ni Jehova. Nakalulungkot, minalas nila ang mga Saksi bilang isang banta, at marami ang nabilanggo. Sa kabila nito, noong 1951, ang Czechoslovakia ay may 3,705 aktibong mga Saksi; ang Hungary, 2,583; Yugoslavia, 617; at ang Poland ay mahigit na 15,000.

Sinalansang, Gayunman ang Pag-unlad ay Nagpatuloy

Noong 1967, si Maurice Hindus ay sumulat tungkol sa mga Saksi ni Jehova sa kaniyang aklat na The Kremlin’s Human Dilemma. Ang sinabi niya ay kapit sa mga Saksi sa Unyong Sobyet gayundin sa iba pang bahagi ng Silangang Europa. “Bagaman sila’y kumikilos na pailalim, sila’y pinaghahanap at binibigyan ng mabibigat na mga sentensiya sa pagkabilanggo. Subalit hindi sila mapahinto. Sinusugpo sa isang dako, sila’y lilitaw sa ibang dako . . . Sila’y waring di-magugupo na gaya ng pulis ng Sobyet.”

Noong tagsibol ng 1951, ang mga Saksi ni Jehova sa Unyong Sobyet ay tumanggap ng isang matinding dagok. Mahigit na pitong libo sa kanila sa Europeong mga republika ng Sobyet ang nadakip at dinala sa mga kampong piitan sa liblib na mga bahagi ng bansa, pati na sa Siberia at Vorkuta, sa malayong hilaga. Ano ang resulta?

“Hindi ito ang wakas ng ‘mga Saksi’ sa Russia,” sabi ni Kolarz, “kundi ang pasimula lamang ng isang bagong kabanata sa kanilang gawaing pangungumberte. Sinikap pa nga nilang ipalaganap ang kanilang pananampalataya kapag sila’y humihinto sa mga istasyon patungo sa pagtatapunan sa kanila. Sa pagtatapon sa kanila lalo lamang napalaganap ng Pamahalaang Sobyet ang kanilang pananampalataya. Mula sa kanilang pagiging nabubukod sa nayon ang ‘mga Saksi’ ay dinala sa mas malawak na daigdig, kahit na ito ay isang nakatatakot na daigdig ng pagkapiit at aliping pagtatrabaho sa mga kampo.”

Sa Loob at Labas ng mga Bilangguan

Kung paanong ang unang-siglong mga Kristiyano ay walang lubay na nangaral nang sila’y pinag-usig, gayundin ang ginawa ng mga Saksi ni Jehova sa Unyong Sobyet. (Gawa 5:42) Si Helene Celmina, isang taga-Latvia na nabilanggo dahil umano sa mga krimen, ay nagsasabi na sa bahagi ng piitang kampo ng Potma kung saan siya ay ibinilanggo mula 1962 hanggang 1966, may mga 350 bilanggo. “Halos kalahati sa kanila,” aniya, “ay mga Saksi ni Jehova.” Sa kaniyang aklat na Women in Soviet Prisons, isinulat ni Celmina ang tungkol sa kung ano ang nakita niya sa kampo:

“Ang literatura buhat sa Brooklyn ay regular na dumarating, na maayos at maramihan sa pamamagitan ng di-opisyal at organisadong mainam na mga alulod . . . Walang sinuman ang makaunawa kung paanong sa lupaing ito ng mga alambreng may tinik at limitadong pakikipagkita sa mga tao ay maaaring pumasok ang ipinagbabawal na literatura​—at mula pa nga sa Estados Unidos! Maraming Saksi ni Jehova ang tumanggap ng sampung taon ng mabigat na pagtatrabaho dahil lamang sa pagkakaroon ng ilang labas ng magasing Bantayan sa kanilang mga apartment. Yamang ang mga tao’y dinakip dahil sa pagtataglay ng mga lathalaing ito, ang pagkabalisa at pagkagalit ng administrasyon sa pagkanaroroon ng literatura sa kampo ay mauunawaan.”

Sa tulong ni Jehova, walang makapipigil sa pamamahagi ng espirituwal na pagkaing ito! Sabi ni Celmina: “Walang sinuman ang nakasumpong kung paanong [Ang Bantayan] ay nakapapasok sa kampo. Tutal, kasunod ng matibay na paniniwala, ang bawat bilanggo ay hinuhubaran ng lahat ng pananamit at ganap na kinakapkapan. Pagdating sa kampo ang bawat bilanggo ay muling kinakapkapan nang lubusan, hanggang sa kahuli-hulihang tahi. Ang mga maleta ay hinahalughog para sa dobleng mga ibaba. Walang estranghero ang pinahihintulutan sa loob ng kampo nang walang mabuting dahilan. Kapag ang mga bilanggo ay pinalalabas sa sona ng kampo upang magtrabaho sa mga bukid, sila ay pinalilibutan ng nasasandatahang mga guwardiya at walang sinuman ang pinahihintulutang lumapit sa kanila. Isang lubusang pagkapkap sa bawat bilanggo ay ginagawa kapag sila ay nagbabalik sa kampo sa gabi. Subalit sa kabila ng mahigpit na pagsubaybay na ito, ang literatura sa Brooklyn ay nakararating din sa mga mambabasa nito.”

Kasabay nito, ang matatag na mga Kristiyano sa labas ng mga kampong piitang Sobyet ay nagpatuloy sa kanilang gawaing pangangaral at pagtuturo sa madla. Ito’y pinatutunayan ng mga publikasyon at mga pelikula na ginawa sa isang pagsisikap na kontrahin ang kanilang ministeryo. Halimbawa, noong 1978, ang aklat na The Truths About Jehovah’s Witnesses ay inilathala, at gaya ng ipinaliliwanag sa pambungad nito, sa layuning “isagawa ang ateistikong edukasyon sa gitna ng mga tagasunod ng relihiyosong kilusang ito.”

Binanggit ng awtor, si V. V. Konik, na kabilang sa iba pang mga bagay ang mga Saksi ni Jehova ay madalas na nagdaraos ng mga pahayag pangmadla sa kanilang mga libing at mga kasalan. “Halimbawa,” sulat niya, “noong Agosto 1973, sa nayon ng Krasnaya Polyana, rehiyon ng Krasnodarskiy, may kasalan ng dalawang miyembro ng organisasyon, na dinaluhan ng halos 500 katao. Anim na mangangaral ang nagpahayag sa kanila, at ang kanilang mga pahayag ay napakinggan sa pamamagitan ng dalawang laudispiker. Pagkatapos isang drama ang ipinalabas upang ipakita kung paano isinasagawa ng mga Saksi ni Jehova ang pakikipag-usap sa mga tao na may ibang relihiyon at mga ateista.”

Oo, sa kabila ng pagbabawal sa kanilang gawain, ang mga Saksi ni Jehova sa buong Silangang Europa ay walang lubay na nagpapatuloy sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos bilang pagsunod sa makahulang utos ni Kristo. (Mateo 24:14) Sa wakas, noong Mayo at Hunyo 1989, ang mga Saksi ni Jehova ay legal na kinilala sa Poland at Hungary, sa Romania noong Abril 1990, at sa Unyong Sobyet noong Marso 1991, at sa Bulgaria ay noong Hulyo 1991. At ang kanilang gawain ay malayang isinasagawa rin sa Czechoslovakia.

Maliligayang Kombensiyunista

Sa ganitong pinagmulan, malamang na mas mauunawaan mo kung bakit sampu-sampung libong delegado sa mga kombensiyon sa Silangang Europa ang nagsasaya​—umiiyak, nagyayakapan, nagpapalakpakan, at nagkakawayan sa isa’t isa sa mga istadyum.

Ang Budapest, Prague, at Zagreb ay napili bilang “internasyonal na mga kombensiyon,” at isinagawa ang pantanging mga kaayusan upang mapatuloy ang sampu-sampung libong delegado mula sa ibang bansa. Sa Unyong Sobyet, ang mga kombensiyon ay idinaos sa pitong mga lungsod na 74,252 ang nagsidalo; ang Poland ay dinaluhan ng 131,554 sa kanilang 12 kombensiyon; at 34,808 ang dumalo sa 8 kombensiyon sa Romania. Bagaman ang mga Saksi ay hindi nakapagdaos ng isang kombensiyon sa Bulgaria, halos tatlong daan mula roon ang tumawid sa hanggahan ng Tesalonica, Gresya, kung saan tinamasa nila ang programa sa kanilang sariling wika.

Ang maghanda at maging maypabisita sa libu-libong delegado ay hindi naman madali para sa Saksi sa Silangang Europa. Isip-isipin ito: Sa Unyong Sobyet, hindi pa kailanman nagkaroon ng gayong mga kombensiyon! At ang pag-asikaso sa sampu-sampung libong bisita, gaya ng ginawa ng mga Saksi sa Budapest at Prague, ay hindi kapani-paniwalang napakalaking proyekto. Isa pa, isip-isipin ang pagdaraos ng isang kombensiyon sa Zagreb yamang ang banta ng gera sibil ay nanganganinag at ang mga pagputok ay naririnig sa kalayuan!

Tiyak, matutuwa kang mabasa ang sumusunod na report tungkol sa mga kombensiyong ito.

[Mga mapa sa pahina 7]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

ANG TATLONG PINAGDAUSAN NG INTERNASYONAL NA KOMBENSIYON AT ANG PITONG LUGAR NG KOMBENSIYON SA UNYONG SOBYET

SOVIET UNION

TALLINN

KIEV

LVOV

CHERNOVTSY

ODESSA

POLAND

GERMANY

CZECHOSLOVAKIA

PRAGUE

AUSTRIA

HUNGARY

BUDAPEST

ROMANIA

YUGOSLAVIA

ZAGREB

BULGARIA

ALBANIA

ITALY

GREECE

TURKEY

[Mapa]

SOVIET UNION

ALMA-ATA

USOLYE-SIBIRSKOYE