Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Gaano Kaligtas ang mga Ospital?
Ang mga ospital ba at mga doktor ay maaaring maging panganib sa inyong kalusugan? Totoo naman na sila ay nakagagawa ng higit na kabutihan kaysa pinsala. Gayunman, nasumpungan ng isang pag-aaral ng Harvard University sa Estados Unidos na sa mahigit na 2,500,000 pasyente na pinalabas na sa mga ospital sa Estado ng New York sa isang taon, halos 100,000 ang dumanas ng “masamang mga pangyayari,” o mga pinsala na dala ng pangangasiwang pangmedisina na salungat sa karamdaman. Sa 27,179 ng mga kasong ito, ay kasangkot ang kapabayaan. Ang panganib sa gayong mga kapahamakan ay doble pa sa mga pasyenteng 65 taóng gulang o higit pa. Sa katulad na paraan, sinuri ng mga mananaliksik sa Alemanya ang 780 postmortem na isinagawa roon sa pagitan ng 1977 at 1990; nasumpungan nila na sa 25 porsiyento ng mga kaso, ang mga pasyente ay namatay sa mga kadahilanan na hindi narikonosi ng kanilang mga doktor. Ang dami ng gayong mga pagkakamali ay hindi bumaba sa nakalipas na 13 taon na pag-aaral, sa kabila ng siyentipikong pagsulong.
Mas Malaking Bahagi Para sa UN?
Iniuulat ng pahayagan sa Paris na Le Figaro na ang pitong pinakamakapangyarihang industriyal na mga bansa ay gumawa na ng isang opisyal na deklarasyon na nananawagan sa United Nations na gumanap ng mas makaling bahagi sa pagpapanatili ng kapayapaan sa internasyonal na pamayanan. Ang pahayag ay nagsasabi sa bahagi: “Aming itinatalaga ang aming sarili sa paggawa sa United Nations na mas malakas at mas mabisa taglay ang pangmalas na ipagsanggalang ang karapatang pantao, panatilihin ang kapayapaan at katiwasayan, at hadlangan ang pagsalakay.” Idiniin ng deklarasyon ang pangangailangan para sa pagbabago sa tradisyonal na ideya ng pambansang soberanya, at itinataguyod nito ang pakikialam ng UN sa mga bansa kung saan ang mga paglabag sa karapatan ng tao ay nagbabanta sa kapayapaang pandaigdig.
Nahahapis na Aprika
◻ “Tinataya ng World Health Organization [WHO] na ang mga babaing Aprikana ang bumubuo ng 1.2 milyon sa 1.7 milyong mga babae na nahawa ng Human Immunodeficiency Virus (HIV), ang virus na nagdadala ng AIDS,” sabi ng Sunday Concord ng Nigeria. Ang mga sanggol na ipinanganganak sa mga babaing ito ay 20 hanggang 45 porsiyento na maaaring mahawa sa virus, ito’y nagpapahiwatig na “ang mga pakinabang na nagawa sa kaligtasan ng bata at ang pag-unlad sa nakalipas na dalawang dekada ay maaaring baligtarin sa malapit na hinaharap.” Sa isang bansa sa Silangang Aprika, 14 na porsiyento ng lahat ng biktima ng AIDS ay wala pang apat na taóng gulang.
◻ Ang kolera ay kumakalat din sa maraming bansa sa Aprika “sa isang kapaha-pahamak na bilis,” ayon sa WHO. Bagaman mas kaunting kaso ang iniulat sa Aprika kaysa sa Timog Amerika, kung saan humampas ang epidemya maaga sa taóng ito, ang bilang ng mga kamatayan ay mas mataas. Hanggang noong Hulyo 18 ng taóng ito, may 3,488 kamatayan ang iniulat. Ang Zambia ay nagkaroon ng mahigit na 11,000 kaso ng kolera, na may 981 kamatayan; ang Nigeria ay may mahigit na 7,600 kaso, na may 990 kamatayan; at ang Ghana ay may 6,500 kaso, na may 181 kamatayan.
◻ Dahil sa tagtuyot at sa daan-daang libong taong tumatakas mula sa mga gera sibil sa Somalia, Ethiopia, at Sudan, “nakakaharap ng angaw-angaw na mga tao ang taggutom” sa Horn of Africa, sabi ni James C. Ingram, ehekutibong direktor ng World Food Program. Ikinatatakot na ang taggutom ay magiging kasintindi niyaong humampas sa rehiyon noong kalagitnaan ng 1980’s, nang mahigit na isang milyon katao ang namatay dahil sa gutom.
Pag-abuso sa Bata sa Hapón
“Ang bilang ng mga batang binugbog, pinabayaan o seksuwal na niligalig ng kanilang mga magulang at mga tagapag-alaga ay tumataas sa Hapón,” ayon sa Mainichi Daily News. Ang mga kasong iniuulat ay mahigit sa tatlong ulit sa nakalipas na yugto ng limang-taon. Sang-ayon sa The Daily Yomiuri, nang tanungin ng isang pangkat ng mga propesor sa kolehiyo ang 350 estudyanteng babae na kumukuha ng kurso tungkol sa seksuwal na karahasan, nasumpungan nila na 68 porsiyento niyaong tumugon ay seksuwal na inabuso noong kanilang kabataan. Gayunman, binabanggit ng Mainichi Daily News na sa kabila ng lawak at paglago ng problema, “hindi gaanong kinikilala ng lipunang Hapones ang isyu, dahilan sa bagay na ang pagpatay sa di-naiibigang mga sanggol na lalaki’t babae at ang pagbibili ng mga anak na babae sa mga bahay ng patutot ay karaniwang gawain hanggang maaga sa siglong ito.” Gayunman, ang mga dalubhasa ay nagbababala na ang pag-abuso sa bata ay maaaring hindi na masupil malibang gumawa ng angkop na mga hakbang upang masawata ito. Ang Hapón ngayon ay may ilang organisasyon at mga hotline sa telepono na itinatag upang tulungan ang gayong mga biktima.
Ang Takot sa AIDS ay Naglulumagi sa mga Hemophiliac
Pinapatay ng AIDS ang marami sa mga hemophiliac sa Espanya. Sang-ayon sa report ng pahayagan sa Madrid na El País, mahigit na 200 ang namatay na dahil sa AIDS; 300 pa ang mayroon nitong nakatatakot na sakit. Ang kalagayan ay malamang na lumala pa. May mga 2,730 nakarehistrong mga hemophiliac sa Espanya, at halos 90 porsiyento niyaong kulang ng factor VIII—ang pinakakaraniwang anyo ng hemophilia—ay lumabas na positibo sa pagsubok sa virus ng AIDS. Sinisisi ng mga dalubhasa sa medisina ang maruming mga produkto ng dugo sa trahedyang ito. Sa isang positibong puna, sa isang miting kamakailan ng mga hemophiliac, ipinahayag na maaari nang makuha sa malapit na hinaharap ang isang sintetikong factor VIII blood fraction sa Espanya.
Mag-ingat ang mga Nagbibilad sa Araw
Ang ozone layer sa Europa ay mabilis na numinipis. Sang-ayon sa magasing New Scientist, inilathala kamakailan ng Stratospheric Ozone Review Group ang isang report na nagpapakita na ang ozone layer sa ibabaw ng Europa ay numipis ng 8 porsiyento sa pagitan ng 1979 at 1990. Iyan ay dalawang ulit na mabilis sa bilis ng pagkaubos na inihula ng mga siyentipiko. Sa wari, ang Europa ay dumanas ng higit na pagkaubos ng ozone kaysa mga bansang gaya ng New Zealand, Australia, at Timog Aprika, na malapit sa “butas” ng ozone na nag-aanyo taun-taon sa Antarctica. Maraming tao sa mga bansang ito sa Timugang Hating-globo ay ugali nang gumamit ng sun-blocking na mga losyon, yamang mas maraming nakamamatay na ultraviolet-B rays ang nakakapasok sa manipis na ozone layer. Ayon sa Guardian Weekly ng Inglatera, inirerekomenda ng ilang siyentipikong Britano na ang mga Britano ay gumawa rin ng gayong pag-iingat kapag nagbibilad sa araw.
“Pinakapalaanaking Ina”
Si Leontina Judith Espinoza ay itinala bilang “ang pinakapalaanaking ina sa buong daigdig” sa Guinness Book of World Records. Sang-ayon sa pahayagan sa Brazil na O Estado de S. Paulo, siya ngayon ay nagdadalang-tao sa kaniyang ika-74 anak sa gulang na 60 anyos. Siya’y 35 ulit na nagdalang-tao at nagsilang ng 73 mga bata, na 39 ay mga triplet at 24 ay kambal. Ang pinakamatanda sa 61 mga anak na nabubuhay pa ay 44. “Isinilang sa Argentina at isang mamamayan ng Chile sapol noong 1963,” sabi ng pahayagan, “si Leontina ay may kainamang namumuhay na kasama ng kaniyang asawa at 32 anak sa isang nayon na malapit sa Rancagua, 90 km timog ng Santiago.”
Pidido-sa-Koreo na Karahasan
Binatikos kamakailan ng magasing Britano na The Economist ang isang Amerikanong katalogo na nag-aanunsiyo ng mga aklat kung papaano isasagawa ang iba’t ibang nakakikilabot na mga gawang kriminal. Iniulat na ang katalogo ay nag-aalok ng mga aklat tungkol sa mga paksang gaya ng: kung paano gagawa ng mga granada, bomba, mina, at mga ripleng kanyon; kung paano lalaban na gamit ang mga patalim o makikipagbakbakan sa mga bar; kung paano walang ingay na papatay ng tao; kung paano gagantsuhin ang mga tao ng kanilang mga pera; kung paano bubuksan ang mga kandado at kung paano lalagyan ng nakatagong mga mikropono ang mga silid sa elektronikong paraan; at kung paano itatago ang mga sandata at ipupuslit ang kontrabando sa mga checkpoint. Sinusulsulan pa nga ng katalogo ang sinuman na maaaring mahuli na gamitin ang impormasyon. May mga aklat ito sa kung paano gagawa ng isang bagong pagkatao, kung paano papasa sa isang lie-detector na pagsubok, at kung paano gagamitin ang batas upang maiwasan ang sistema ng hustisya.
Epidemya ng Panlilinlang sa Tseke
Nakakaharap ng Timog Aprika ang pinakagrabeng epidemya ng panlilinlang sa tseke sa buong kasaysayan nito, ayon sa pahayagang The Natal Witness. Tila ba ang bilang ng mga patawag sa mga indibiduwal o sa mga negosyo na humarap sa hukuman dahil sa pagpapasa ng mga tsekeng tumatalbog ay dumami ng 22 porsiyento, mula 4,600 tungo sa 5,600 sa bawat buwan noong nakaraang taon. Gayunman, ang mga bilang na ito ay kumakatawan sa bahagi lamang ng problema, yamang hindi nito ipinakikita kung sino ang nagnanakaw ng mga tseke; isa pa, tinataya ng mga dalubhasa sa pananalapi na 1 lamang negosyante sa 4 ang aktuwal na bumabaling sa batas upang papagbayarin ang tao kapag nabigyan ng teskeng tumatalbog. Ang iba naman ay basta tinatanggap na lamang ang pagkalugi.
Walang-Hanggang Suwelas
Sa lahat ng mga tao, sino ang may pinakamalaking pangangailangan para sa nagtatagal na mga suwelas ng sapatos? Ang tanong na iyan ay ibinangon sa isang pitak ng Daedalus kamakailan sa Britanong magasin sa siyensiya na Nature. Pinag-iisipan nito ang tungkol sa paggamit ng ilang monomer na maaari, ayon sa teoriya, umakay sa produksiyon ng “goma na bumabago-sa-sarili na hindi kailanman mapupudpod.” Binanggit ng magasin na ang gayong teknolohiya, kung magagawa, ay maaari pa ngang magsuplay ng mga sapatos na pantakbo na may mga suwelas na bumabago-sa-sarili! Gayunman, binanggit ng Nature na “karamihan ng mga sapatos na pantakbo ay pag-aari ng mga taong mahilig-sa-uso na wala namang ginagawa kundi maupo.” Kaya ang magasin ay naghinuha na ang gayong “walang-hanggang” suwelas ay higit na kapaki-pakinabang sa “sapatos ng mga taong talagang lakad nang lakad—mga maybahay, mga ahente at mga Saksi ni Jehova.”