Sila’y Nagsasaya sa Silangang Europa
Sila’y Nagsasaya sa Silangang Europa
NITONG nakaraang tag-araw sampu-sampung libo katao ang nagdagsaan sa pangunahing mga lungsod sa Silangang Europa. Ang mga lansangan sa magandang Budapest, Prague, Zagreb, at mahigit na 20 iba pang lungsod ay napunô ng mga taong may asul at puting mga badge. Ipinakikilala sila nito bilang mga maibigin sa maka-Diyos na kalayaan na dumadalo sa mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova.
Sa kauna-unahang pagkakataon, ang mga kombensiyon ay malayang ginanap sa Europeong mga republika ng Unyong Sobyet, gayundin sa malayong Siberia at sa republika sa Asia ng Sobyet na Kazakhstan. Lahat-lahat, mahigit na 370,000 mga kombensiyunista ang nagtamasa ng mainit na pakikisama sa mga kapatid sa Czechoslovakia, Hungary, Yugoslavia, Poland, Romania, at Unyong Sobyet.
Para roon sa mga hindi nakadalo, baka mahirap gunigunihin ang pagsasaya nang 74,252 ay nagtipon sa Unyong Sobyet upang sumamba nang hayagan at walang takot sa Diyos na Jehova. Gayunman, hindi mahihigitan ng kanilang kagalakan ang kagalakan niyaong 74,587 sa Prague at 40,601 sa Budapest na nagkatipon sa pinakamalalaking istadyum sa Czechoslovakia at Hungary, o niyaong 14,684 na nagtipon sa Zagreb, Yugoslavia.
Ito’y kapansin-pansin sapagkat mga dalawang taon lamang na maaga, ang mga Saksi ni Jehova ay nasa ilalim ng pagbabawal sa karamihan ng mga bansa sa Silangang Europa. Sila’y napahiwalay sa Kanluran noong panahon ng Cold War. Kahit na ang pagtitipon sa maliliit na grupo upang sumamba sa Diyos ay bawal. Hindi kataka-taka na mayroong gayong pagsasaya sapagkat sila’y maaari nang malayang magtipon sa malalaking kombensiyon!
Isang 59-taóng-gulang na Saksing Czech, na gumugol ng walong buwan sa bartolina mga 40 taon na ang nakalipas dahil sa kaniyang pananampalataya sa Diyos, ay nagsabi: “Marami sa amin na nakatira sa Prague ay nangarap tungkol sa isang malaking kombensiyon na maaaring isaayos sa istadyum na ito, subalit kailanman ay hindi kami naniniwala na ang pangarap na ito ay magkakatotoo sa gayong kahanga-hangang paraan.”
Dalawang linggo bago ang kombensiyon sa Prague, Agosto 9 hanggang 11, isang pahayagan sa lungsod, ang Vec̆erník Praha, ay nagsabi: “Pinararatangan ng matinding kataksilan at ng pagbuwag sa sosyalismo, ang mga Saksi ni Jehova ay inilagay sa mga bilangguang Komunista sa loob ng maraming taon.” Pagkatapos ipaliwanag na ang lungsod ay malapit nang maging maypabisita sa sampu-sampung libong mga Saksi, ang artikulo ay nagwakas: “Malamang na hindi kayo makakikita ng napakaraming mababait at nakangiting mga tao sa Prague sa anumang panahon kaysa sa ikalawang dulo ng sanlinggo ng Agosto.”
Gayunman, maitatanong mo: ‘Ang mga Saksi ni Jehova ay dati bang pinag-usig sa matuwid na dahilan? Sila ba kailanman ay isang banta sa pulitikal na mga awtoridad ng mga bansa na kanilang pinamumuhayan? Saan nanggaling ang daan-daang libong mga delegado sa kombensiyon sa Silangang Europa? Nasusugpo at nabubukod sa loob ng 40 o higit pang mga taon mula sa pakikipag-ugnayan sa Kanluraning daigdig, paano sila lumago sa gayong bilang?’