Bahagi 1a—Kontrolado ng mga Problema sa Pera
Ang Pagbangon at Pagbagsak ng Pandaigdig na Komersiyo
Bahagi 1a—Kontrolado ng mga Problema sa Pera
“Bagaman ang mga ina’t ama ang nagbibigay sa atin ng buhay, ang pera lamang ang nangangalaga rito.”—The Japanese Family Storehouse; o, The Millionaires’ Gospel, ni Ihara Saikaku.
IKAW ba kailanma’y lubhang nangailangan ng pera? O nasumpungan mo ba na wala kang sapat na pera upang ibayad sa isang bagay na mahalaga? O nakita mo ba ang iyong pamilya na nagugutom o walang gaanong pananamit? Angaw-angaw na mga tao ngayon ang makasasagot ng oo sa mga tanong na iyan. Alam nila kung ano ang ibig sabihin ng maproblema tungkol sa pera.
Gunigunihin ang pagkabalisa ng isang amang walang trabaho na may mga anak na pakakanin at mga utang na dapat bayaran. Isipin ang kalagayan ng isip ng pagód na inang pumipila para sa mahirap-kuning mga paninda upang masumpungan lamang na ang mga istante sa tindahan ay walang laman o ang mga presyo ay napakataas. Isaalang-alang ang kaigtingan sa mga ehekutibo ng negosyo na ang kompanya ay napapaharap sa nalalapit na pagkabangkarote o ang panggigipit sa isang gobyerno na nagpupunyaging mapalaya ang sarili nito sa bilyun-bilyong dolyar na pagkakautang.
Sa daigdig ngayon kahit na ang ilang salita ay nagpapangyari ng pagkabalisa. Ang ating kita (pera, paninda, o mga serbisyong tinatanggap kapalit ng trabaho o ang paggamit ng iba pang yaman) ay maaaring napakababa anupa’t ang pamantayan ng pamumuhay (ang antas ng kabuhayan na kinasanayan nating pamuhayan) ay lubhang nanganganib. Ito ay maaaring dahilan sa kawalan ng trabaho, sa mga resesyon o depresyon (panahon ng mahinang negosyo, ang nauna ay banayad, ang huling banggit ay mas grabe), o dahil sa implasyon (ang pagtaas ng mga presyo na nangyayari kapag nahihigitan ng demand ang suplay, anupa’t kakaunti ang nabibili ng ating pera). Dahil sa di-sapat na pera ay hindi na tayo makaagapay sa halaga ng pamumuhay (ang halaga ng pagbili ng mga paninda at mga paglilingkod na kailangan natin sa araw-araw).
Ang Lakas ng mga Panggigipit sa Ekonomiya
Ang Great Depression ng 1930’s, sabi ng isang awtoridad, ay isang trahedya sa ekonomiya na “nakaapekto sa lahat ng bansa at sa lahat ng panig ng buhay, panlipunan at pampulitika, lokal at internasyonal.” Sa pagpapalakas sa radikal na mga puwersang pampulitika sa Alemanya at Italya, nakatulong ito sa pagsiklab ng Digmaang Pandaigdig II, sa gayo’y inilalarawan ang lakas ng panggigipit sa ekonomiya. Ito’y gaya ng isinulat ni John K. Galbraith sa kaniyang aklat na Money: Whence It
Came, Where It Went: “Sa Alemanya maaga noong 1933, si Adolf Hitler ay naupo sa kapangyarihan. Karamihan ng kaniyang tagumpay ay masasabing dahil sa lansakang kawalang-trabaho at totoong napakasakit na pagbabawas ng sahod, suweldo, presyo at halaga ng ari-arian.” Nagkokomento tungkol sa implasyon sa Estados Unidos noong panahong iyon, ganito pa ang susog ni Galbraith: “Anuman ang halaga ng pera, walang sinuman ang maaaring mag-alinlangan sa kahalagahan ng takot na dulot nito.”Ang pulitikal na mga pagbabago na lumaganap sa Silangang Europa sa pagtatapos ng 1980’s ay pangunahin nang naimpluwensiyahan ng mga salik na pangkabuhayan. Ang mga ito ay madalas ding tiyak sa pagpapasiya sa mga eleksiyon sa Kanluraning demokrasya, kung saan ang mga tao, gaya ng sabi, ay bumoboto na nadadala ng mga isyung iyon na nakaaapekto sa kanilang kita.
Ang panggigipit sa ekonomiya ay kadalasang ginagawa sa pagsisikap na pilitin ang mga gobyerno na baguhin ang kanilang mga patakaran. Kaya, kung minsan, ang makabagong mga panggigipit sa ekonomiya (economic sanctions) ay naging katumbas ng sinaunang mga pagkubkob militar. Noong 1986, ipinataw ng Europa, Hapón, at Estados Unidos ang panggigipit sa ekonomiya laban sa Timog Aprika bilang protesta sa patakaran nito ng apartheid, na waring matagumpay naman. Noong 1990 ang pamayanang pandaigdig, na kinakatawan sa UN, ay gumamit ng panggigipit sa ekonomiya sa Iraq, na hindi gaanong matagumpay.
Gayumpaman, ang kausuhan ay waring malinaw. Si Jacques Attali, manunulat na Pranses at tagapayo ng pangulo, ay nagsasabi na ‘hinahalinhan ng mga negosyante ang mga mandirigma bilang mga pangunahing artista sa tanghalan ng daigdig.’ At isang magasin ang nagkomento: “[Sa maraming bansa] ang lakas ng ekonomiya ang humalili sa lakas militar bilang ang mahalagang hakbang.”
Lumuluwag ba ang Hawak?
Ang likas na malaking kapahamakan, sakit, at krimen ay sumisira sa ekonomiya. Gayundin ang pagkakautang at mga kakapusan sa badyet. Sang-ayon sa The Collins Atlas of World History, “ang internasyonal na pagkakautang [sa nagpapaunlad na mga bansa] ay napakalaki anupa’t ang daigdig, kung minsan, ay muntik-muntikan na sa isang malaking kapahamakan sa ekonomiya ng napakalaking kasukat, at ang pagtindi ng kahirapan, kasama ang lahat ng kawalang-pag-asa at mga banta ng pagsabog na ipinahihiwatig nito, ay totoong nakagagambala.”
Samantalang ang ibang gobyerno ay sinasalot ng di-mapigil na implasyon, ang iba ay magiting na nagpupungyagi upang mapawi ito. Ang kawalang-kasiguruhan ay lumilitaw sa anyo ng mabuway na mga bilihan ng sapi (stock market). Ang biglang pagkakasakit ng isang pulitikal na lider, o kahit na ang walang-batayang usap-usapan, ay maaaring sumira sa yaman sa loob lamang ng mga ilang oras. Ang pagbagsak ng Wall Street noong Oktubre 1987—mas masahol pa sa pagbagsak noong 1929—ay tinawag na pinakamasamang linggo sa kasaysayan ng pananalapi. Halos 385 bilyong dolyar ng E.U. sa asset values ang naglaho. Ang pamilihan ay nakabawi, subalit maraming eksperto ang nagsasabing ang tunay na pagbagsak ay darating pa. “Makabubuting asahan ng daigdig na hindi nito kailanman malaman kung ano ang magiging katulad ng pangwakas na pagkawasak ng pananalapi,” sulat ng peryodistang si George J. Church.
Malayo sa pagluwag, ang sunggab ng panggigipit sa ekonomiya at ang mga kabalisahan na dulot nito ay waring humihigpit. Kaya makatotohanan bang isaalang-alang ang posibilidad na malapit na ang wakas nito?