Bahagi 1b—Bakit Dapat Suriin ang Daigdig ng Komersiyo?
Ang Pagbangon at Pagbagsak ng Pandaigdig na Komersiyo
Bahagi 1b—Bakit Dapat Suriin ang Daigdig ng Komersiyo?
MAHIRAP isipin ang isang daigdig na walang labanan sa pulitika, relihiyosong awayan, at kabalisahan sa ekonomiya. Araw-araw ang pulitika, relihiyon, at komersiyo ay nakaaapekto sa atin sa maraming paraan. Alisin mo ang tatlong haliging ito ng lipunan ng tao, at ang magiging resulta’y kaguluhan.
Kailanma’t ang pangkat ng mga tao ay namuhay na sama-sama, isang sistema ng ekonomiya—pamamahala sa sambahayan—ay mahalaga upang paglaanan sila ng pangangailangan at serbisyo na kailangan nila. (Tingnan ang kahon sa ibaba.) Kaya sinisikap ng bawat sambahayan na magkaroon ng magandang kabuhayan. Sa gayunding paraan, ang ekonomiya ng bawat gobyerno ay kinasasangkutan ng apat na pangunahing salik: (1) pagtatatag ng mga kalakal at serbisyong gagawin, (2) pagpapasiya kung paano gagawin ang mga kalakal at mga serbisyong iyon, (3) pagtiyak kung paano ipamamahagi ang nagawa, at saka ang (4) pamamahala sa mga bagay upang ang ekonomiya
ay lumago sa tamang bilis at maglaan ng trabaho para sa lahat.Hindi maikakailang ginawang mas komportable ng mga sistema ng ekonomiya ng tao ang buhay, pinaglalaanan tayo ng mga kalakal at mga serbisyo na hindi natin kayang ilaan sa ating sarili. Sa kabuuan ay kadalasang itinataas ng mga sistemang ito ang mga pamantayan ng pamumuhay. Ang pinagbuting komunikasyon ay nagpapangyari sa atin na marating ang mga tao sa alinmang bahagi ng daigdig sa pamamagitan ng telepono sa loob lamang ng mga segundo, magpadala ng fax sa kanila sa loob ng ilang minuto, at maglakbay pa nga sa loob lamang ng ilang oras upang makausap sila nang mukhaan.
Gayunman, hindi natin maaaring waling-bahala na apektado ng daigdig ng komersiyo ang mga tao sa isang paraan na mas malayo pa ang mararating. Kasama ng relihiyon at pulitika, maaari nitong maapektuhan ang atin mismong kahihinatnan. a Kaya angkop nga na ibaling natin ang ating pansin sa ikatlong pangunahing elemento sa lipunan ng tao, ang daigdig ng komersiyo. Paano ito naging totoong makapangyarihan? Saan ito patungo? Ano ang mga implikasyon nito sa atin?
[Talababa]
a Inilathala ng Gumising! ang dalawang serye ng mga artikulo na maliwanag na nagpapakita kung paanong totoo ito sa relihiyon at sa mga sistema ng pulitika. Ang “Kinabukasan ng Relihiyon sa Liwanag ng Kahapon Nito,” Enero 8 hanggang Disyembre 22, 1989; “Tinimbang ang Pamamahala ng Tao,” Agosto 8 hanggang Disyembre 22, 1990.
[Kahon sa pahina 5]
Pagpapakahulugan sa Daigdig ng Komersiyo
Maaaring nahihirapan kang bigyan ng kahulugan ang mga salitang gaya ng “komersiyo,” “pangangalakal,” “industriya,” “negosyo,” at “ekonomiks.” Ganito ang pakahulugan ng Collins Cobuild English Language Dictionary sa “komersiyo” bilang “ang mga gawain at pamamaraan na nagsasangkot ng pamimili at pagbibili ng mga bagay.” Ito’y nangangahulugan ng “pangangalakal,” na “pamimili, pagbibili, o pagpapalitan ng mga paninda o serbisyo sa pagitan ng mga tao, kompanya, o bansa.” Mangyari pa, ang mga paninda ay dapat gawin o iproseso bago ito maikakalakal, isang proseso na kilala bilang “industriya.” At ang gawaing nauugnay sa komersiyo at kalakal ay tinatawag na “negosyo.”
Kung tungkol naman sa “ekonomiks,” ito ay “ang pag-aaral tungkol sa produksiyon ng yaman at pagkonsumo ng mga paninda at serbisyo sa isang lipunan, at ang organisasyon ng pera, industriya, at pangangalakal nito.” Nakatutulong pa upang lalong maunawaan ang salitang ito ay ang bagay na ito ay galing sa Griegong salita na nagpapahiwatig ng pamamahala sa isang sambahayan o estado.