Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bahagi 1c—Sa Pinaka-Ugat ng Problema sa Pera

Bahagi 1c—Sa Pinaka-Ugat ng Problema sa Pera

Ang Pagbangon at Pagbagsak ng Pandaigdig na Komersiyo

Bahagi 1c—Sa Pinaka-Ugat ng Problema sa Pera

ANG ilang relihiyoso at pulitikal na elemento sa lipunan ng tao ay matutunton sa mga kaarawan ni Nimrod, na nagtatag sa Babilonya libu-libong taon na ang nakalipas. Totoo rin ito, bagaman marahil ay hindi gaanong alam, kung tungkol sa ilang elemento sa daigdig ng negosyo at komersiyo.​—Genesis 10:8-12.

Ang Maylikha ng tao, ang Isa na may karapatang magtakda ng mga pamantayan ng mabuti at masama, ay madaling makagagawa ng isang sistema sa ekonomiya na may karampatang makapaglalaan ng mga pangangailangan ng malaking pamilya ng tao na kaniyang naiisip. Subalit nang tanggihan ng unang mag-asa ang patnubay ng Diyos at napalayas mula sa Paraiso, ang mga tao ay nagkaniyang lakad na. (Genesis 3:1-24) Walang patnubay ng Diyos, ang mga tao pagkaraan ay gumawa ng kanilang sariling uri ng relihiyon at ng kanilang sariling uri ng gobyerno. At nang lumitaw na ang sistema ng pamamahala sa sambahayan ay kinakailangan upang maglaan ng materyal na mga pangangailangan ng kanilang lumalaking pamilya, gumawa sila ng tinatawag nating isang sistema sa ekonomiya. Ito man ay ginawa nila nang walang patnubay ng Diyos.

Maliwanag na noong panahon ni Nimrod (c. 2270 B.C.E.), ang saligan sa gayong sistema ay malamang na ayos naman. Ipinaliliwanag ng The Collins Atlas of World History na “mula noong ikatlong milenyo patuloy ang Mesopotamia [Babilonya] ay nagkaroon ng malalakas na korporasyon ng mga negosyante. Sila’y nag-imbak ng mga paninda, nakipagsapalaran, gumamit ng iba’t ibang uri ng paninda bilang salapi, at gumamit sila ng mga ingot, lalo ng pilak, na hinugis sa partikular na timbang at laki at kung minsan ay nagtataglay ng nagpapatunay na mga tatak.” Ang The Encyclopedia Americana ay nagsasabi na ang sinaunang mga maninirahan sa Sinar​—ang dating pangalan na nang maglao’y tinawag na Babilonya—​ay may “nakapagtatakang masalimuot na sistema ng pagpapautang, panghihiram, pag-iingat ng pera bilang deposito, at pagbibigay ng mga sulat ng kredito (letter of credit).”

Ang gawain na waring katangi-tangi sa Mesopotamia ay ang paggamit sa kapital bilang isang kalakal at sumisingil ng interes sa paggamit nito. Kaya, ang pera ay naging isang paraan sa paggamit ng panggigipit sa ekonomiya. Ang mga rekord na nahukay sa mga kagibaan sa Babilonya ay nagsisiwalat ng mga transaksiyon sa negosyo na pinagsasamantalahan ang kapus-palad na mga kalagayan ng ilan sa mga mamamayan nito. Noon pa man, ang modernong gawain ng di-matuwid na pagpapatubo sa kapinsalaan ng iba ay uso na. Hindi kataka-taka na ang mga negosyante ng Babilonya at Ninive ay madalas na banggitin taglay ang poot at paghamak.

Ang komersiyal na mga gawain noong panahon ni Nimrod ay hindi tuwirang binabanggit sa Bibliya. Gayunman, ang mga salitang masusumpungan sa unang aklat nito, gaya ng “bumili,” “magbili,” at “magnegosyo,” ay nagpapahiwatig na mga ilang daang taon pagkaraan, ang komersiyal na mga gawain ay naging pangkaraniwan.​—Tingnan ang Genesis 25:31; 34:10, 21; 39:1; 41:56, 57.

Totoo rin na sa mahabang panahon, ang tekstong cuneiform ay wala ring sinasabi tungkol sa komersiyal na mga gawain sa lipunang Babiloniko. Inaaming ito ay mahirap ipaliwanag, ang aklat na Ancient Mesopotamia gayunman ay naghihinuha na “hindi masasabi ng isa na ang mga kaugnayan sa negosyo ay huminto sa milenyong iyon, lalo na yamang ito ay lubhang lumaganap sa kasunod na panahon.” Iminumungkahi ng akdang ito na noong panahong iyon ang kalakalan ay maaaring pangunahin nang nasa kontrol ng mga Aramaiko at na ang mga papiro at katad ang ginamit bilang sulatan.

Kapuwa ang Mesopotamia at Ehipto ay kilala sa kanilang caravan trade. Nang maglaon, sa malawakan, hinalinhan ng mga Fenicio ang kalakalan sa lupa ng komersiyo sa mga ruta ng dagat. Ang mga daungan ng Cartago, Tiro, at Sidon ay naging bantog na mga sentro ng komersiyo. Ang kalakalan ay ginagawa sa pamamagitan ng pagpapalitan ng mga paninda hanggang noong ikawalong siglo B.C.E., nang gamitin ng mga Griego ang mga perang metal bilang bayad. At ayon sa The Collins Atlas of World History, “ang sumunod na mga dantaon [500 B.C.E.] ay kakikitaan ng pag-unlad ng negosyo, pera, mga bangko, transporte, anupa’t inihambing ito ng ilang mananalaysay sa panahon ng kapitalista, isang nauunawaan bagaman may palabis na opinyon.”

Sa katunayan, mula noon, ang mga sistema sa ekonomiya ay salig sa pera. Samantalang ang wastong gamit nito ay ipinahihintulot ng Diyos, ang maling gamit nito ay hindi. (Eclesiastes 7:12; Lucas 16:1-9) Ang labis na paghahangad na magkaroon ng pera ay nagpangyari sa mga tao na pilipitin ang katarungan, ipagkanulo ang mga kaibigan, palsipikahin ang katotohanan, at pumatay pa nga. Gayunman, pansinin na ito ay hindi kasalanan ng pera mismo kundi ng masakim na pangmalas ng mga taong naghahangad nito. Sa paano man, hindi isang kalabisang sabihin na ang ‘pera ang nagpapaikot sa mundo,’ o na gayon ang ginagawa nito sa iba’t ibang anyo sa loob ng libu-libong taon.​—Tingnan ang kahon, pahina 7.

Kaya, noong mga dantaon bago ang panahong Kristiyano isang saligan ang nailagay para sa maraming tampok ng komersiyo at ekonomiya na pamilyar sa atin ngayon. Subalit sa kabila ng mahabang kasaysayan nito, ang daigdig ng komersiyo ay hindi nakagawa ng maaasahang mga sistema sa ekonomiya na may kayang hadlangang ang mga kabalisahan. Hindi pa rin tayo dapat mawalan ng pag-asa. Malapit na ang wakas ng mga problema sa pera. Sa aming susunod na limang labas, aming ipaliliwanag pa ito.

[Blurb sa pahina 8]

Ang labis na paghahangad sa pera ay nagpangyari sa mga tao na pilipitin ang katarungan, ipagkanulo ang mga kaibigan, palsipikahin ang katotohanan, at pumatay

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

Mula sa Asin Tungo sa Plastik

Asin:

Ang mga rasyon ng asin ay ibinabayad sa mga sundalong Romano, subalit ang mga rasyong ito nang maglaon ay pinalitan ng pera, o salarium. Ang mga baka (pecus) ang pambayad sa sinaunang Roma. Mula sa mga salitang Latin na ito, nanggaling ang mga katagang “salary” at “pecuniary.”

Mga metal:

Sa sinaunang Mesopotamia (ika-18 hanggang ika16 na siglo B.C.E.), ang pilak ay regular na ginagamit sa mga transaksiyon sa negosyo. Sa sinaunang Ehipto, ang tanso, pilak, at ginto ang ginamit. Noong dinastiya ni Ming ng Tsina (1368-1644 C.E.), ganito ang sulat ng propesor sa kasaysayang Intsik na si Hans Bielenstein, “ang tanso ay nanatiling pamantayan para sa mas mabababang mga halaga [ng pera], samantalang ang pilak ay lalo pang nakatulong sa mas mataas na halaga.”

Kuwaltang metal:

Mga bilog na pamantayan ng timbang at halaga, na yari sa likas na halo ng ginto at pilak na kilala bilang electrum, ay ginawa ng mga taga-Lydia ng Anatolia noong ikapitong siglo B.C.E. at malamang na siyang unang tunay na kuwaltang metal; pagkaraan ng halos isang siglo, ang paggawa ng kuwaltang metal ay umunlad sa Gresya.

Papel:

Ang unang perang papel ng daigdig ay lumitaw noong 1024 sa Tsina, nang ang walang katulad na paglawak ng negosyo ay humantong sa kakapusan ng kuwaltang metal. Sabi ni Propesor Bielenstein: “Ang mga eksperimento sa tinatawag na Lumilipad na Cash ay ginawa kasing-aga ng 811, noong panahon ni T’ang. Ang gobyerno noon ay naglabas ng hiro postal (money order) na maaaring gamitin sa mga transaksiyon at sa dakong huli ay ipinapalit ng cash.” Nagsimula sa Inglatera noong 1821, sinunod ng maraming bansa ang pamantayang ginto, ibig sabihin na ang mga mamamayan ay maaaring sa anumang panahon gawin ang perang papel na aktuwal na ginto na itinatago ng kanilang mga pamahalaan. Gayunman, simula nang talikdan ang pamantayang ginto, basta ipinahahayag ng mga pamahalaan ang kanilang pera na mahalaga, nang walang anumang nakikitang tagapagpatunay nito.

Tseke:

Ginawa ng mga may-ari ng bangko sa Inglatera noong ika-17 siglo, ang mga tseke ay nasusulat na mga utos para sa bayad na pera sa pamamagitan ng isang bangko; ang pamamaraang ito ng negosyo, na kapuwa ligtas at kumbinyente, ay naging napakapopular at malaganap.

Plastik:

Ang mga credit card, tinatawag na perang plastik ng ilan, ay ipinakilala sa Estados Unidos noong 1920’s at di-nagtagal ay nakuha nito ang interes ng mga tao sa buong daigdig. Gayunman, ang ginhawa at iba pang mga bentaha na iniaalok nito ay bahagyang kinokontra ng mga panganib ng mapusok na pagbili at ng pamumuhay nang higit sa kaya ng isa.