Isang Trahedya sa Chile ay Nag-uudyok ng Pag-ibig Kristiyano
Isang Trahedya sa Chile ay Nag-uudyok ng Pag-ibig Kristiyano
Ng kabalitaan ng Gumising! sa Chile
ANG Hilagang Chile ay kilala sa tigang nitong Disyerto ng Atacama, na may mahaba at walang taong kalaparan ng lupa na naglalaho sa kalayuan. Ang patak ng ulan ay bihirang-bihira anupa’t itinuturing ng karamihan ng mga tao ang hamog na ulan sa iláng na dakong ito sa pagitan ng Karagatang Pasipiko at mga Bundok ng Andes. Dahil sa mga kalagayan ng klima, karamihan ng mga tahanan ay hindi handa para sa ulan, at kahit na kung may manaka-nakang pag-ulan—marahil minsan sa bawat ikalimang taon—ang karamihan ay hindi man lamang tinitingnan kung may butas ba ang bubong hanggang sa pagdating ng ulan. Ang bagay na ito ay malamang na siyang nagligtas sa buhay ng marami sa Antofagasta, isang lungsod na may 250,000 mamamayan.
Noong Lunes ng gabi, Hunyo 17, 1991, maraming tao ang naghahanda nang matulog, nang biglang bumuhos ang malakas na ulan. Ang bubungan ng maraming bahay ay tumutulo, kaya sa halip na matulog, sinisikap ng mga tao na ayusin ang mga tulo o takdaan ang pinsala—hindi naghihinala na may masahol pang mangyayari sa loob ng ilang oras.
Maaga kinabukasan, tatlong pagkalaki-laking mud slide, na tangay-tangay ang milyun-milyong tonelada ng lupa sa bilis na 30 kilometro isang oras, ay sumawi ng tinatayang 85 katao, puminsala ng halos 700, at nagwasak o sumira ng mahigit na 30,000 bahay!
Dalamhati sa Isang Dagat ng Putik
Sa Antofagasta ay may sampung kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, na may halos 1,400 miyembro, kaya may tunay na pagkabahala sa kanilang kapakanan. Anong ligayang mabalitaan na wala ni isa man ang nasawi, bagaman isang kapatid na babae ang malubhang napinsala nang siya ay matangay ng putik sa layo na halos tatlong kilometro. Nang siya ay matagpuan ng mga tagasagip, akala nila siya ay patay na hanggang mapansin ng isang nars na siya ay humihinga at, lumalapit sa kaniya, narinig niya na ito ay tumatawag ng “Jehová, Jehová.” Marami siyang nalunok
na putik, kaya isinugod nila siya sa ospital upang gamutin ang kaniyang impeksiyon.Sa Kongregasyon ng Oriente, mga 70 porsiyento ng mga pamilya ang nawalan ng kanilang mga tahanan o lubha itong nasira. Ang iba pang mga pamilya sa Kongregasyon ng Costanera at Corvallis ay dumanas din ng malaking pinsala sa kanilang mga tahanan, yamang ang putik ay umabot hanggang sa bubong ng bahay sa ilang dako o umagos sa mga bahay, pinupuno ang mga silid ng hanggang isa’t kalahating metro ng putik. Sa isang tahanan isang ina at ang kaniyang dalawang maliliit na anak ay lumulutang sa kanilang kama sa isang dagat ng putik, ang putik ay marahang itinataas sila sa kisame; sila’y sinagip nang makapasok ang ama ng babae sa bubong. Inaakala ng iba sa ligtas na mga dako na malapit na ang wakas habang pinakikinggan nila ang ugong ng mud slides na sinisira ang lahat ng madaanan nito at naririnig ang mga sigaw ng dalamhati sa kalayuan sa malamig na kadiliman ng gabi.
Isang Bagay na Mas Mahalaga Kaysa Pag-aari
Bagaman nawalan ng marami nilang pag-aari, ang mga Saksi ay nagpamalas ng kahanga-hangang espiritu. Isang Saksi ang nagkomento kung paano nagulat ang mga kaibigan at kasama niya sa trabaho na makita siyang may masayang espiritu sa kabila ng malaking kawalan sa materyal. Sinabi niya sa kanila na kung ang mga materyal na bagay ay aayusin nang abakada ayon sa halaga, ito ay nasa letrang z. Maligaya siya na nakaligtas at buháy na kasama ng lahat niyang pamilya.
Isa pang ina, na napahiwalay sa kaniyang mga anak na babae at halos mamatay ang dalawa sa kaniyang mga anak gayundin ang kaniya mismong buhay, ay taimtim na nanalangin kay Jehova na kung siya ay bubuhayin-muli sa buhay maaga sa pagkabuhay-muli, nais niyang maglingkod bilang isang kusinera samantalang ang iba ay gumagawa sa pagsasauli sa lupa! Siya’y nakaligtas, at sa palagay ninyo saan siya hiniling na maglingkod noong mga araw pagkatapos ng mud slides? Oo, sa isang kusina na itinayo ng mga Saksi upang magsilbi ng daan-daang pagkain sa mga Saksi ni Jehova at sa mga pamilya ng kapitbahay na nawalan ng kanilang tahanan!
Kumikilos na Pag-ibig Kristiyano
Ang maibiging mga Saksi sa Calama at Iquique ay gumawa ng kaayusan na magpadala ng tinapay, tubig, pananamit, at iba pang mahalagang mga bagay sa Antofagasta. Ang tanggapang sangay ng Samahang Watch Tower ay nagsaayos din ng tulong, at di-nagtagal ay nagsidating ang pananamit, mga kumot, higaan, mga kasangkapan sa kusina, pagkain, at iba pang bagay. Anong makabagbag-damdaming makita na marami sa mga bagay na ipinagkaloob ay hindi mga gamít na o tira-tirahan kundi bagong bili! Hindi nagtagal dalawang trak ng Samahan at ang ikatlo na galing sa Rancagua ay patungo na sa Antofagasta, mga 1,400 kilometro sa hilaga, na may 14 na tonelada ng ari-arian. Bagaman nagpasabi nang hindi na kinakailangang magkaloob ng karagdagang mga bagay, ito’y patuloy na dumating. Bunga nito, isang ekstrang trak ang kinailangang upahan upang dalhin ang isa pang 16 na toneladang mga panustos! Ang mga suplay na ito ay bukas-palad na ibinahagi sa mga kapitbahay na hindi mga Saksi.
Bagaman nasa isa sa mga dakong lubhang sinalanta, ang tahanan ng isang pamilya ng mga Saksi ay maayos na nakaligtas. Agad nilang ipinakita ang kanilang pag-ibig sa kapuwa, pinatutuloy sa kanilang tahanan ang 9 na mga pamilyang Saksi gayundin ang 70 pa sa mga kapitbahay na hindi mga Saksi, na ang marami ay nagsidating na natatakpan ng putik at walang mga damit. Ibinigay ng mga Saksi ang lahat ng mga damit at kumot na mayroon sila.
Ibinigay ng marami ang kanilang panahon, yaman, at lakas upang makatulong. Bagaman ito ay isang napakalaking trahedya para sa Chile, minsan pang ipinakita ng bayan ni Jehova ang kaniyang pagkakaisa at pagkabahala sa kapatid, ipinadala pa nga ang donasyong salapi mula pa sa malayong Texas sa Estados Unidos. Binuod ng isang tao ang dalawang linggong pamamahagi ng tulong sa Antofagasta: “Kailanman ay hindi pa kami nagkaroon ng isang asamblea ng 13 araw, na may napakaraming tunay na mga drama, na may napakaraming kapahayagan ng pag-ibig, na may napakaraming pagbibigay ng kanilang sarili gaya ng nasaksihan nitong nakalipas na ilang araw.”