Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kasal o “Live-In”—Alin?

Kasal o “Live-In”—Alin?

Ang Pangmalas ng Bibliya

Kasal o “Live-In”​—Alin?

“KAILAN tayo magpapakasal?” Mga 35 taon na ang nakalipas, ang tanong na ito ay maaaring itinanong ng lalaki’t babaing nag-iibigan na nagkakasundo nang pakasal. Gayunman, sa ngayon ay malamang na ang tanong na iyan ay itatanong ng dalawang taong nagsasama na. Nagbago na ang panahon at gayundin ang mga saloobin tungkol sa pag-aasawa. Aling landasin ang mas mabuti: Magpakasal, o makisama sa taong napili mo?

Ipinakikita ng mga pag-aaral na sa Brazil, Pransiya, Sweden, Estados Unidos, at marami pang bansa, uso ang pagsasama nang hindi kasal. Maaaring ito ay kasuwato ng makabagong mga saloobing moral, subalit hindi ito bago. Ang bago ay ang mga saloobin tungkol sa gawaing ito. Kung ano ang dati-rati’y ipinalalagay na pamumuhay sa kasalanan ay kinukunsinti ngayon o sinasang-ayunan ng marami bilang tama.

“Live-In”​—May mga Bentaha Ba?

Ang ibang mga tao ay nangangatuwiran na ang kaayusang live-in ay makatuwiran, yamang hinahayaan nito ang lalaki’t babae na magkakilalahan nang husto bago pumasok sa mas permanenteng buklod ng pag-aasawa. Ang iba pang mga bentaha na binabanggit ng iba ay: Pinapangyari nito na bawasan ng dalawa ang kanilang mga gastos sa paghahati sa bayad sa upa; binibigyan sila nito ng kalayaan mula sa mga magulang; nagbibigay ito ng kinakailangang kasama, pati na ang seksuwal na kaugnayan. Sinasabi ng mas matandang mga lalaki’t babae na hindi kasal na hindi nila naiwawala ang social-security na nakukuha sa gobyerno at mas malaki pa ang nakukuha nila kung sila ay nagsasama lamang kaysa kung sila ay kasal.

Gayunman, ang isa sa pinakamalakas na argumento laban sa pagsasama nang hindi kasal ay ito: Maaaring wakasan ng sinuman ang kaayusan anumang oras sa pamamagitan ng basta pag-alis. Sa katunayan, iniulat ng pahayagang Pranses na Le Monde na sa Sweden at Norway, kalahati ng mga kaugnayang live-in ay hindi nagtatagal ng dalawang taon, at mula 60 hanggang 80 porsiyento ang naghihiwalay nang wala pang limang taon.

Pagpapakasal​—Ang Mas Mabuting Paraan

Maaaring banggitin niyaong nagtataguyod ng kaayusang live-in na ang sertipiko ng kasal ay isa lamang “piraso ng papel,” isang bagay na walang halaga. Ang saloobing ito ay ipinakikita rin sa mga de seryeng drama at mga pelikula sa TV, gayundin sa pribadong buhay ng mga kilalang tao. Kaya nga, ating isaalang-alang ngayon ang tunay na halaga ng isang “piraso ng papel” na iyon.

Kapag ikaw ay pumapasok sa pagka-kasosyo sa negosyo o bumibili ng isang piraso ng ari-arian o nagpapautang ng pera, bakit ang mga kondisyon ay nakasulat sa papel at ipinanonotaryo pa nga? Ang isang dahilan ay sapagkat iyan ay isang pangako o commitment na ginawa ng dalawang partido, kaya sa kapakinabangan nila kapuwa na ang mga kondisyon ay nasusulat. Halimbawa, kung ang isa ay mamatay, maglaho, o basta nawalan ng memorya, ang mga kondisyon ay legal na may bisa pa rin. Totoo rin ito sa pag-aasawa. Sakaling mamatay ang isang asawa o ang mag-asawa, ang batas ng bansa sa karamihan ng mga bansa ay nagbibigay ng probisyon sa nabubuhay na mga miyembro ng pamilya. Ito ay karaniwang wala sa kaayusang live-in. Ang pangakong ito ang siyang gumagawa ng pagkakaiba sa pagitan ng basta pagsasama at ng pagpapakasal. At ang sertipiko ng kasal ay isang paalaala sa mag-asawa ng pangakong ibigin, igalang, at pakamahalin ang isa’t isa at ang legal na mga implikasyon ng mga panata sa kasal.

Ganito ang pagkakasabi ng isang babaing may-asawa: “Marahil ako’y makaluma, subalit ang pangako sa pag-aasawa ay nagpapangyari sa akin na makadama ng higit na katiyakan.” Kaniyang inuulit kung ano ang sinabi ng Diyos nang pagsamahin niya sa pag-aasawa ang unang mag-asawa: “Kaya’t iiwan ng lalaki ang ama niya at ang ina niya at pipisan sa kaniyang asawa at sila’y magiging isang laman.” a (Genesis 2:24) Isang natatanging pag-iisa! Kaya, ang “isang laman” ay posible lamang sa isang kompleto, pantangi, legal, habang-buhay na kaugnayan​—wala nang iba.

Gayunman, may ilang tao na nangangatuwiran na may nakikilala silang mga mag-asawa na nagsasama lamang nang hindi kasal subalit mayroon silang matibay na kaugnayan.

“Bayaang Mag-asawa Sila”

Ang Bibliya ay nagbibigay ng pinakamabuting dahilan upang ang mga lalaki’t babae ay huwag basta magsama nang hindi kasal. “Hayaang ang pag-aasawa’y maging marangal sa lahat, at huwag nawang madungisan ang higaan ng mag-asawa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga mapakiapid at mga mangangalunya,” sabi ng Hebreo 13:4. Payak at maliwanag na sinasabi ng Bibliya na ang pagsasama ng lalaki’t babae nang hindi kasal ay pakikiapid. Ano ba ang ibig sabihin ng “pakikiapid”? Inilalarawan ito ng isang diksiyunaryo bilang “seksuwal na pagtatalik maliban sa pagitan ng isang lalaki at ng kaniyang asawa.” Upang tayo’y magkaroon ng isang mabuting budhi, dapat sundin ang payong ito ng Bibliya: ‘Kalooban ng Diyos na kayo’y lumayo sa pakikiapid.’​—1 Tesalonica 4:3.

Subalit ipagpalagay nang ang iba’y may problema kung tungkol sa pagpigil ng kanilang seksuwal na mga silakbo ng damdamin? Si apostol Pablo ay sumulat: “Ngunit kung sila’y hindi makapagpigil, bayaang mag-asawa sila, sapagkat mas mabuti ang mag-asawa kaysa magningas ang pita.” At muli: “Ngunit kung iniisip ng sinumang lalaki na hindi siya gumagawi nang marapat sa kaniyang pagkabinata, . . . bayaang mag-asawa sila.” (1 Corinto 7:9, 36) Pansinin na hindi sinabi ni Pablo na ‘gawin ang gusto nila at magsama’ kundi, “Bayaang mag-asawa sila.”

Hindi ibig sabihin nito na ang pag-aasawa ay dapat malasin lamang bilang isang paraan upang bigyan-kasiyahan ang seksuwal na mga nasa. Dapat makilala ng lalaki’t babae ang isa’t isa bago sila pakasal. Ngunit paano mo magagawa iyon malibang kayo’y magsama? Ang marangal na pagliligawan ay nagbibigay ng maraming pagkakataon para riyan. Dapat mong tiyakin kung ano ang inaasahan mo sa pag-aasawa at sa iyong kabiyak. Ano ba ang iyong pisikal, emosyonal, at espirituwal na mga pangangailangan? Ang tao bang nasa isip mo na mapapangasawa ay makatutulong sa iyo na tugunan ang mga ito?​—Mateo 5:3.

Pagkatapos isaalang-alang ang nabanggit, walang alinlangan na ikaw ay sasang-ayon na sa dalawang landasin​—ang pagsasama o pag-aasawa​—ang huling banggit ang mas mabuti. Ang mga mag-asawang nagsasama nang kasal ay nagsasama nang hindi nakokonsensiya o natatakot, at tinatamasa nila ang paggalang ng mga kaibigan at mga kamag-anak. Ang kanilang mga anak ay hindi magkakaroon ng mga pilat ng damdamin sa pagiging anak sa pagkadalaga. At mas mahalaga, ang mga mag-asawang iyon ay nakalulugod sa Diyos sa pamamagitan ng paggalang sa kaniyang kaayusan sa pag-aasawa.

[Talababa]

a Ang salitang Hebreo na da·vaqʹ (“dumikit”) “ay nagdadala ng diwa ng mapagmahal at matapat na pagkapit sa isa.” (Theological Wordbook of the Old Testament) Sa Griego, ito ay kaugnay ng salitang ang ibig sabihin ay “ikola,” “isemento,” “pagsamahing mahigpit.”

[Larawan sa pahina 26]

Ika-16 na siglong kasalan

[Credit Line]

Peasant Wedding, ni Pieter Bruegel the Elder, ika-16 na siglo

Sa kapahintulutan ng Kunsthistorisches Museum, Vienna