Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pagtuyâ Pinasasalamatan ko ang inyong artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Ano ang Masama sa Pagtuyâ?” (Setyembre 22, 1991) Kinokonsensiya ako ng bagay na ito sa loob ng maraming taon. Karaniwan nang ito’y sa tinatawag na mapagbirong paraan, ngunit sa paggunita nakikita ko na ito rin ay isang uri ng mekanismo ng pagtatanggol-sa-sarili, tinatakpan ang malaon nang mga damdamin ng pagkasilóng. Gayunman, yamang nabasa ko sa artikulo, balak kong alisin ang masama at kung minsa’y nakasasakit na ugaling ito.
C. T., Inglatera
Pagbibigay-Pansin sa mga Babala ng Katawan Noong nakaraang taon ako ay naospital sa loob ng tatlong buwan dahil sa sakit sa obaryo. Mayroon na akong mga palatandaan sa loob ng mga ilang taon, ngunit hindi ko ito pinapansin. Sa wakas ako’y nagtungo sa ospital at napag-alaman ko na kagyat na operasyon ang kinakailangan. Kung nabasa ko sana ang artikulong “Pagbibigay-Pansin sa mga Babala ng Katawan” (Oktubre 8, 1991) noon, maaaring nagkaroon ako ng lakas ng loob na magpatingin sa isang doktor na mas maaga.
M. U., Hapón
Air-Condition Ang artikulong “Kailangan Mo ba ng Air-Condition?” (Hunyo 22, 1991) ay nakaakit sa akin, yamang ako’y nakapagtrabaho ng mahigit na 35 taon sa pagseserbisyo sa mga air-conditioner. Noong 1950’s, nang una kong matutuhan ang trabaho, kailangan naming pag-aralan ang paksa tungkol sa mga Btu ng ilang araw. Ipinaliwanag ninyo ang bagay na ito sa napakasimple at mauunawaang paraan sa isang parapo lamang! Sana’y mayroon ako ng artikulong ito noon.
A. D., Estados Unidos
Pagtatalo sa Dugo Kababasa ko lamang ng artikulo tungkol kay Wyndham Cook, na pinamagatang “Mamamatay Ka Ngayong Gabi.” (Agosto 22, 1991) Kailanman ay hindi pa nababag ang aking damdamin ng isang artikulo na gaya nito. Idinadalangin kong sana’y ingatan ni Jehova ang kaniyang mga magulang at na matularan nating lahat ang halimbawa ng matibay na pananampalataya na ipinakita ng binatilyong ito.
J. T., Estados Unidos
Bilang isang 15-anyos mismo, nakapagpapasiglang malaman na ang mga kabataang Kristiyano ay nagpapakita ng gayong debosyon sa Diyos. Naluha ako nang mabasa ko ang tungkol sa mahusay na pakikipagbaka ni Wyndham Cook sa pananampalataya. Idinadalangin ko na sa katulad na kalagayan, ako sana’y maging tapat.
D. L., Estados Unidos
Abubot Salamat sa inyong artikulong “Kapag Labis Na ang Abubot.” (Agosto 8, 1991) Pinaglalabanan ko ito sa karamihan ng aking 44 na taon ng buhay, at magagamit ko ang anumang tulong na makukuha ko. Salamat sa inyong napakapraktikal na mga mungkahi.
C. R., Estados Unidos
Unang nabasa ng mister ko ang artikulo at ipinahiwatig na ang aming tahanan ay maabubot! Natapos na namin ang aming paglilinis sa tagsibol, at inaakala kong ang aming tahanan ay naging maayos. Pagkatapos ay dumating naman ang turno ko na basahin ang artikulo. Natawa ako nang matanto ko ang tunay na kalagayan ng aking tahanan! Tinulungan ako ng inyong artikulo na alisin ang mga tambak na abubot. Salamat.
S. C., Estados Unidos
Kawalan ng Trabaho Mula sa aking puso ay nais ko kayong pasalamatan para sa serye ng mga artikulo ukol sa “Kung Paano Mo Haharapin ang Pagkawala ng Trabaho.” (Agosto 8, 1991) Noong nakaraang taon ang mister ko ay biglang nawalan ng trabaho, at hindi pa siya nagtatagumpay na makasumpong ng ibang trabaho na gaya nito. Ito ay naging isang tunay na hamon para sa amin. Salamat sa laging pagbibigay sa amin ng nakaaaliw na salita.
R. S., Brazil
Internasyonal na Konstruksiyon Kami’y natutuwang matanggap ang artikulong “Basta Kailangang Gawin Mo Ito.” (Abril 22, 1991) Ito’y dumating isang linggo bago kami ng misis ko ay umalis upang maglingkod bilang mga boluntaryo sa isang proyekto ng pagtatayo ng Watch Tower sa Colombia, Timog Amerika. Ang artikulo ay nagbigay sa amin ng ‘rebista’ ng kung ano ang maaasahan. Nakapagpasakamay rin kami ng maraming kopya sa pamilya, mga amo, mga interesado, at sa mga estudyante ng Bibliya bago kami umalis. Nakatulong ito sa kanila na magkaroon ng mas mabuting pagkaunawa tungkol sa gawaing nagkapribilehiyo kaming makibahagi.
T. G., Estados Unidos